Chapter 4

1327 Words
Tahimik yung bahay nung umalis si JC para bumili ng pandesal. Sabi niya, "Love, bibili lang ako pandesal sa kanto, yung mainit, yung gusto ni Tita na may margarine. 5 minutes lang." Akala ko 5 minutes lang talaga. Pero pag alis ng Ranger niyang maingay, biglang tumahimik ang buong bahay. Yung tipong tahimik na nakakabingi. Naiwan kami ni Mama sa garden. Si Mama Teresa, nakaupo sa maliit na upuan na kahoy, nag-aayos ng kamatis. Nakangiti, bago duster, walang tungkod, nakatayo kanina nang mag-isa. Ako nakaupo sa kabilang upuan, hawak yung kape na hindi 3-in-1. Hindi ko mainom kasi nanginginig kamay ko. Kagabi hindi ako nakatulog. Kasi habang natutulog si JC sa tabi ko -- oo, sa tabi ko siya natutulog, pero may isang unan sa gitna na parang pader, hindi niya ako ginagalaw, magalang - tinitigan ko yung laptop sa lamesa. *28 DAYS LEFT.* 28 days na lang. Tapos ano? Babalik ba ako sa Project 8 na may tulo at 446 pesos at Celecoxib na 28 per piraso na hindi ko mabili? O dito na ako sa Antipolo na may garden at libre na gamot? "Anak." Napatingin ako kay Mama. Nakatingin siya sa akin, hindi sa kamatis. "Po?" "Alam kong hindi ka taga-dito." Nahulog yung kape ko. Buti plastic yung baso kaya hindi nabasag, pero tumapon sa damo. "Mama... anong..." Ngumiti si Mama, pero yung ngiti na may luha. "Akala mo hindi ko alam? Anak, nanay mo ako. Kahit saan mo dalhin ang mukha mo, kilala kita." Lumuhod ako sa damo, sa harap niya. "Mama, anong ibig mong sabihin?" Hinawakan ni Mama mukha ko, parang nung bata ako at nilalagnat ako. "Nanaginip din ako, anak. Kagabi, nanaginip ako na nasa maliit na apartment tayo. Maingay, may tulo. Tok tok tok daw sabi mo. Sabi mo sa panaginip ko, gumagapang ako papuntang CR kasi masakit yung tuhod ko at wala akong gamot na 28 pesos. Sabi mo sa panaginip, wala tayong pambili ng Losartan na 283.50. Totoo ba yun, anak?" Paano niya alam yung 28 pesos? Paano niya alam yung 283.50? Hindi ko pa kinukwento sa kanya dito sa perfect world na to. "Mama... paano mo..." "At sa panaginip ko," tuloy ni Mama, "may boses na nagsabi sa akin, may 30 days ka lang daw dito sa magandang panaginip na to. Pagkatapos, kailangan mo raw mamili. Dito o doon. Totoo ba yun, Eli?" Umiyak na ako. Hindi na tahimik na iyak. Hagulgol na, sa damo, sa harap ni Mama na nakatayo nang walang tungkod dito pero gumagapang sa panaginip niya. "Ma, hindi ko alam! Nagising na lang ako dito! Nagsulat lang ako ng WHAT h***:://IF.docx kasi pagod na ako! Sinulat ko si JC, sinulat ko yung bahay na hindi na sana tumutulo, sinulat ko na sana hindi na masakit yung tuhod mo! Tapos pag gising ko, nandito na ako! At may timer! 28 days na lang!" Niyakap ako ni Mama. Amoy niya, amoy araw at gugo na shampoo, hindi amoy pawis at gamot na tulad sa Project 8. "Anak, sa panaginip ko, ikaw yung umiiyak sa harap ng laptop na may crack. Sabi mo sa panaginip ko, gusto mo lang ng 30 days na hindi mo kailangang kwentahin kung Losartan ba o Celecoxib bibilhin mo. Natatandaan mo ba yun?" Tumango ako. Sinulat ko yun sa dulo ng WHAT h***:://IF.docx. "Anak, sa panaginip na yun, sino yung Mama na kasama mo? Ako ba yun o yung Mama mo dito?" Doon ako natahimik. Kasi dalawa si Mama. Yung Mama sa Project 8 na gumagapang sa CR, at yung Mama dito sa Antipolo na nagtatanim ng kamatis at nakakatayo nang mag-isa. "Ma... hindi ko alam..." "Anak, kung kailangan mong bumalik doon para alagaan yung Mama mo doon, maiintindihan kita. Kahit masakit sa akin na maiwan dito." "Pero Mama, paano kung ikaw yung Mama ko talaga? Paano kung pag bumalik ako doon, ikaw naman yung maiwan dito mag-isa? Paano kung pag bumalik ako, makalimutan ako ni JC?" Biglang may narinig kaming preno ng Ranger. Dumating na si JC, may dalang pandesal na mainit na nakabalot sa dyaryo at may maliit na paper bag. "Love, Ma, andito na pandesal! Mainit pa!" Pero pagpasok niya sa garden, nakita niya kaming dalawa ni Mama na umiiyak sa damo. "Anong nangyari?" Takbo siya, nilapag ang pandesal sa lamesa na naroon,at patakbong lumuhod sa damo kasama namin. Hindi siya nag-alala na madumihan ang polo niya. "JC..." sabi ni Mama, pinunasan luha niya. "Kinausap ko na si Eli." Tumingin si JC sa akin, tapos kay Mama. Alam niya agad. "So alam mo na?" "Alam ko na ang ano?" tanong ko. Huminga nang malalim si JC. Tumingin sa bahay, parang sinisigurado na walang makakarinig maliban sa kamatis. "Eli, hindi lang ikaw yung nagsulat." "What?" Tumayo si JC, pumasok sa bahay, at pagbalik may dala siyang lumang notebook na brown, yung parang journal na may tali. Luma, at may mantsa ng kape. "Sa akin 'to. Isang taon na." Binigay niya sa akin. Binuksan ko. Unang page, sulat-kamay ng lalaki, medyo pangit pero malinaw: *"Elija Reyes, 27, Project 8, freelance writer, pagod sa 446 pesos hanggang Friday, pagod sa 6 na oras na pila sa city hall na offline lang, pagod sa Losartan na 283.50 at Celecoxib na 28 per piraso na hindi niya mabili para sa Mama niya."* Lahat ng sinulat ko sa WHAT h***:://IF.docx kagabi, nakasulat na sa notebook ni JC isang taon na ang nakaraan. Pangalawang page: *"What if isang araw magising ako at may babae sa kwarto ko na hindi ako kilala pero ako kilala siya? What if siya yung babae na sinulat ko sa notebook na to? What if siya yung Elija na laging umiiyak sa harap ng laptop na may crack?"* Nanginginig kamay ko. "JC, paano mo... paano mong alam yung 446 pesos? Paanong alam mo yung 28 pesos? Hindi pa kita kilala kahapon!" naguguluhang sunud-sunod na tanong ko sa kanya. "Isang taon na kitang sinusulat, Eli," bulong niya. "Isang taon na kitang hinihintay. Tuwing gabi, sinusulat kita. Sabi ko sa notebook na to, sana isang araw dumating ka sa bahay na ginagawa ko na hindi tumutulo. Sana isang araw matawagan kitang love kahit hindi mo ako kilala. At kahapon, dumating ka." "So ikaw... ikaw ang nagsulat sa akin o ako ang nagsulat sayo?" Ngumiti siya, pero may luha na rin sa mata niya. "Hindi ko alam. Pero ang alam ko, pareho tayong pagod sa mundo natin at pareho tayong nagsulat ng what if. Ikaw, nagsulat ka ng JC na may dimple at marunong magluto ng adobo. Ako, nagsulat ako ng Elija na mahilig sa yellow at pagod pero lumalaban pa rin sa mundo." Tumingin si Mama sa aming dalawa. "So anong ibig mong sabihin, JC? Mauubos na ba ang 30 days ni Eli?" Tumango si JC. "Opo, Ma. 28 days na lang. At pag naubos yun, kailangan niyang mamili. At pag pinili niyang bumalik sa Project 8, makakalimutan ko siya. Mabubura lahat ng sinulat ko. Parang hindi siya dumating. At pag pinili niya dito..." "At pag dito?" tanong ko. "Pag dito, makakalimutan niya yung Mama niya sa Project 8. Yung Mama mo na gumagapang sa CR. Parang hindi siya nanggaling doon." Dalawang Mama. Dalawang mundo. Isang Elija. At sa gitna, si JC na isang taon na pala akong sinusulat bago pa ako mapunta dito. Tumayo si Mama, kinuha yung pandesal na mainit pa. "Kain muna tayo, mga anak. Kasi kahit saan man kayo galing - Project 8 man yan o Antipolo, what if man o totoo - kailangan niyo pa rin kumain." Naupo kami tatlo sa damo, sa garden, kumakain ng pandesal na mainit na may margarine. Tahimik. Walang nagsasalita. Pero sa isip ko, may isang tanong na paulit ulit. Kung pareho kaming nagsulat ni JC, sino ba talaga ang nagsulat at kanino? At sino magde-decide sa ending - ako, siya, o yung laptop na may timer na *28 DAYS LEFT* na lang ang natitira sa akin dito.? At kung kailangan ko mamili sa huli, paano ko pipiliin kung parehong Mama ko sila? ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD