Gabi na.
Tahimik na yung buong bahay sa Antipolo. Si Mama Teresa tulog na sa kwarto niya sa baba. Hindi ko naririnig yung dati niyang ungol tuwing gabi sa Project 8. Dati kasi, sa apartment namin na may tatlong timba pag umuulan, tuwing 2 AM nagigising ako kasi umuungol si Mama. Masakit daw yung tuhod niya, dahil wala kaming Celecoxib na gamit niya para sa tuhod niya. Gumagapang siya papuntang CR. Dito sa Antipolo, tahimik. Kasi hindi masakit tuhod niya. Kasi dito libre Ang LAHAT ng gamot. Kaya nakakatayo na si mama mag-isa at nakakapag tanim na ng kamatis.
Ako nasa kwarto namin ni JC. Nakaupo sa sahig, nakasandal sa kama, hawak yung lumang brown notebook na may tali. Yung notebook na isang taon na pala akong sinusulat ni JC bago pa ako dumating sa mundong to.
Binabasa ko ulit yung page 1. Sulat-kamay ni JC. Pangit ang sulat pero malinaw.
_"Elija Reyes, 27, Project 8, freelance writer, pagod sa 446 pesos hanggang Friday, pagod sa 6 na oras na pila sa city hall na offline lang pala, pagod sa Losartan na 283.50 at Celecoxib na 28 per piraso na hindi niya mabili para sa Mama niya na si Teresa."_
Paano niya ito nalaman? Hindi pa kami magkakilala nung sinulat niya to. 1year ago pa.
Pumasok si JC galing sa banyo. Naka-white shirt at gray shorts, basa pa ang buhok, amoy shampoo na hindi yung tag-15 pesos na sachet. May dalang dalawang baso ng gatas.
Gatas daw para makatulog ako kasi sabi ni Mama sa baba, hindi daw ako natutulog.
"Love, hindi ka pa matutulog? Kanina ka pa nakaupo dyan sa sahig, lalamigin ka. Naka-aircon tayo, 26 lang pero malamig pa rin."
Hindi ako sumagot. Tinitigan ko lang yung notebook.
"JC, isang taon mo na akong sinusulat?"
Naupo siya sa sahig sa harap ko. Yung amoy niya, amoy presko at sabon, hindi amoy pawis at yosi tulad ng mga lalaki sa Project 8 na tambay sa kanto. Binigay niya yung gatas. Mainit pa.
"Oo, love. Isang taon."
"Bakit? Bakit mo ako sinusulat?"
Huminga siya nang malalim. Hindi lumabas dimple niya sa kanan kasi hindi siya nakangiti. Seryoso siya. First time ko siya nakita na seryoso. Kasi kahit nung nakita niya kaming umiiyak ni Mama sa garden kanina habang may dala siyang pandesal na mainit na nakabalot sa dyaryo, nakangiti pa rin siya para hindi kami kabahan.
"Kasi isang taong lumipas, nanaginip ako, Eli. Nanaginip ako na may babae sa Project 8. Maliit na apartment, may tatlong timba pag umuulan. Tok tok tok daw sabi ng tulo. Tapos yung babae, umiiyak sa harap ng laptop na may crack sa screen. Sabi niya, paano pa ako mag-su-survive? 446 na lang pera ko hanggang Friday. Sabi niya, pagod na siya sa pila na 6 na oras para lang sa pirma tapos offline lang pala. Sabi niya gusto niya lang ng bahay na hindi tumutulo at gamot ni Mama na libre. At nung nagising ako, hindi ko siya makalimutan. Kaya sinulat ko siya. Araw-araw. Sa notebook na yan. Pangalan niya Elija. Hindi ko alam bakit Elija, basta Elija na lang."
"So ako yun?"
"Ikaw yun, love. Ikaw yung babae sa panaginip ko. At nung isang gabi, bago ka dumating, nanaginip ulit ako. Pero iba na. Sabi ng boses sa panaginip ko, darating ka na daw bukas. Sabi ng boses, handa ko na daw ang bahay ko, ayusin mo garden ni Tita, bumili ka ng pandesal na may margarine. At kinabukasan, paggising ko, nandito ka na sa kwarto natin. Hawak mo yung kumot na hindi sayo. Tinatawag mo akong hindi mo kilala. Pero ako, kilala kita. Isang taon na kitang kilala sa panaginip at sa notebook."
Nanginginig ang kamay ko na may hawak na gatas. Tumapon konti sa sahig.
"JC, kung totoo yung timer, 27 days na lang ako dito. Kanina 28, ngayon 27 days 23 hours na lang. Pag naubos yun, kailangan ko mamili."
"Alam ko."
"Pag pinili kong bumalik sa Project 8 para sa Mama ko doon, yung totoong Mama ko na gumagapang sa CR, makakalimutan mo ako? Mabubura ka?"
Tumango siya. Hindi na siya nagbibiro. Hindi na siya yung JC na naghuhugas ng plato at nagluluto ng adobo na maraming bawang para pasayahin ako.
"Oo. Yun yung sinabi ng boses sa panaginip ko kagabi, habang umiiyak ka sa garden kasama si Tita. Sabi ng boses, may kapalit lahat ng what if. Pag pinili mo doon, paggising ko bukas, wala ka na. Yung kwarto na to, magiging kwarto ko lang ulit mag-isa. Yung kama na to, kalahati lang ulit gagamitin ko. Yung notebook na to, magiging blanko ulit. Parang hindi kita isinulat. Parang hindi ka dumating. Parang nanaginip lang ako ulit ng isang taon."
"Paano... paano mo Naman nasiguro na totoo yung boses?"
"Kasi yung boses na yun, yun din yung boses na nagsabi sa akin na darating ka. At dumating ka nga. So kung totoo yung una, totoo rin yung pangalawa."
Tahimik kaming dalawa. Rinig lang namin yung kuliglig sa labas ng Antipolo at yung aircon na mahina. Hindi tulad sa Project 8 na ang maririnig mo agad ay mga tricycle, sigawan ng kapitbahay, at tulo na tok tok tok.
"JC, natatakot ako."
"Ako rin, love. Takot na takot ako."
First time niya sinabi yun. Si JC na laging matapang, na marunong mag-ayos ng pinto, na nagbubuhat ng sako ng semento sa pabahay niya na hindi tinipid sa bakal, ay takot pala.
"Paano kung dito na lang ako? Paano kung dito na lang ako mag-stay? Dito kay Mama na nakatayo, dito sayo na may dimple?"
Tumingin siya sa akin, tapos biglang ngumiti, pero yung ngiti na may luha na sa mata niya. Lalaki siya pero umiiyak siya sa harap ko. Hindi siya nahiya.
"Love, kung dito ka mag-stay, masaya ako. Sobrang saya. Kasi isang taon kitang hinintay. Isang taon kitang sinulat. Pero paano yung Mama mo sa Project 8? Yung Mama na gumagapang sa CR kasi walang walang gamot? Yung Mama mo na dati ay gumagawa ng bestida na 50 pesos per yarda para sa graduation mo? Kaya mo ba siyang kalimutan? Kaya mo ba siyang iwan na gumagapang pa rin?"
Hindi ako nakasagot. Kasi hindi ko kaya. Kahit masarap dito, kahit libre gamot dito, kahit 35 lang bigas dito at may resibo kung saan napunta yung tax na 3.75, hindi ko kayang kalimutan yung Mama ko na nagpalaki sa akin na ngayon ay gumagapang pa rin sa Project 8 habang ako kumakain ng pandesal na mainit dito.
"Eli, hindi kita pipilitin mamili," sabi ni JC, lumapit at hinawakan ang kamay ko. Magaspang kamay niya kasi nagtatrabaho siya sa construction, pero mainit at malinis. "Kahit 27 days na lang tayo, okay lang sa akin. Gagawin kong parang 27 years. Ipapakita ko sayo lahat ng sinulat ko para sayo. Dadalhin kita sa pabahay na sinulat ko, sa construction supply na isang click lang ang permit, sa garden na may kamatis at sili. Para pag bumalik ka doon, may maalala ka na maganda, kahit makalimutan kita."
Umiyak na ako. Hindi na tahimik na iyak. Hagulgol na sa sahig.
"JC, paano kung ayaw kitang makalimutan? Paano kung gusto kitang maalala kahit bumalik ako sa Project 8? Paano kung gusto kong maalala yung adobo mo na maraming bawang?"
Kumuha siya ng ballpen sa lamesa at binigay sa akin kasama ang notebook niya.
"Edi sulatan mo ako. Sulatan mo ako dito sa notebook ko. Sa blankong page. Isulat mo lahat ng gusto mong maalala ko pag nawala ka. Isulat mo lahat ng ayaw mong makalimutan ko. Para kahit mabura ako, pag binasa ko ulit itong notebook na to isang taon from now, maalala kita ulit. At baka isang araw, magising ulit ako at nandito ka na."
Kinuha ko yung ballpen. Nanginginig ang mga kamay ko. Umiiyak pa rin ako pero nagsusulat ako.
Sa unang blankong page ng notebook ni JC, nagsulat ako nang malaki:
_"JC Rivera, 30, may dimple sa kanan pag ngumiti, mabango kahit pawisan, may Ford Ranger na maingay pero tumatakbo, may bahay sa Antipolo na hindi tumutulo at may garden na may kamatis at sili at rosas, marunong magluto ng adobo na maraming bawang at patatas tulad ng gusto ko, naghuhugas ng plato, lumuluhod para pantayan ako hindi para tingalain ako, umuuwi ng 6PM para lang sabihing wag ka na magpuyat. Asawa ko sa what if world. Mahal ko, kahit 27 days pa lang kitang kilala. - Elija Reyes, Project 8"_
Pagkasulat ko, tinakpan ni JC sulat ko gamit kamay niya. Tapos tinitigan niya ako.
"Mahal mo na ako, love?"
Namula ako kahit umiiyak. "Sabi mo 27 days gawin nating 27 years, diba? Edi dapat may love na agad. Advanced tayo."
Tumawa siya, at lumabas dimple niya sa kanan. Sa unang pagkakataon ngayong gabi, ngumiti siya nang totoo. Yung ngiti na sinulat ko sa WHAT h***:://IF.docx.
"Mahal din kita, Eli. Kahit isang taon pa lang kita sinusulat, parang 27 years na kitang mahal. Parang panaginip ka na naging totoo."
At sa sahig ng kwarto na hindi tumutulo, sa bahay na may garden na hindi masakit tuhod ni Mama, sa mundong sinulat naming dalawa - ako sa Project 8 na umiiyak at siya dito sa Antipolo na nanaginip - nakaupo kami, hawak kamay, umiiyak at tumatawa.
Hindi pa kami nagha-halikan. Slow burn pa rin kami. Pero yung kamay niya, hindi bumitaw sa kamay ko. At yung ulo ko, sinandal ko sa balikat niya na mabango.
At sa laptop na nasa lamesa, na may crack pa rin pero hindi na lowbat, kumislap ulit timer na blue.
*27 DAYS 18 HOURS LEFT. DON'T FORGET TO WRITE.*
27 days na lang. Pero ngayong gabi, hindi ako natakot sa timer. Kasi may kasama na akong matakot. At may kasama na akong magsulat ng ending.
---