“Naalimpungatan ako dahil sa mabigat na nakadagân sa aking balakang, habang sa ibabang bahagi ng aking dibdib ay may malaking braso na nakapulupot dito. Gustuhin ko mang kumilos ngunit hindi ko magawa dahil sa higpit ng pagkakayakap nito sa aking katawan.
Halos manigas ang aking katawan ng mapagtanto ko na may lalaking nakayakap sa akin. Ilang sandali na hindi ako gumalaw, ni ang huminga ay hindi ko na rin yata ginawa habang pinakikiramdaman ang paligid ko. Nanatiling nakapikit ang aking mga mata habang sa aking isipan ay unti-unting nabubuo ang imahe ng posisyon namin ng taong katabi ko.
Malakas ang kabôg ng dibdib ko at halos pigil ko na ang aking hininga ng magdesisyon ako na imulat na ang aking mga mata. Sa pagmulat ng aking mga mata ay para akong naengkanto ng sumalubong sa aking paningin ang asul na mga mata ni Mr. Alistair habang matamang nakatitig ito ng husto sa aking mukha. Ni halos hindi kumukurap ang aming mga mata mula sa pagkakatitig sa mukha ng isa’t-isa.
Tila tumigil sa pag-ikot ang mundo para sa aming dalawa.
Wala ni anumang salita akong maapuhap, at maging ang aking puso ay tila tumigil sa pagtibok. “M-Mr. Alistair? Oh! You’re awake! Oh my God! thank you! Thank you!” Sa wakas ay nahanap ko rin ang sarili ko at nabalik ako sa reyalidad. Dala ng matinding katuwaan ay niyakap ko siya ng mahigpit. Walang pagsidlan ang kasiyahan na nararamdaman ko, dahil niisip ko na matatapos na rin ang lahat ng paghihirap ko at malilinis na rin ang aking pangalan. Ngunit, saglit akong natigilan ng maglapat ang aming mga katawan. Saka ko lang napagtanto na nakabukas pala ang mga butones ng suot kong pantulog at ngayon ay nakalapāt na ang maputi at malusog kong dibdib sa kanyang hubad na katawan. Ramdam ko ang mainit na singaw ng katawan nito na naghahatid sa akin ng ibayong kilabot sa bawat himaymay ng aking laman.
Nilukǒb ako ng matinding hiya dahil sa ayos naming dalawa. Ano na lang ang iisipin nito sa akin? Na sinamantala ko ang lahat habang wala siyang malay? Ngunit ang labis kong ipinagtaka ay kung bakit magkayakap kaming dalawa habang nakaunan pa ang ulo ko sa kaliwang braso nito. Ang mas malala pa ay wala na siyang pang-itaas na damit habang ako ay bukas ang suot kong damit pantulog. Maliwanag na ang buong silid kaya malinaw kong nakikita ang lahat.
Lumalim ang gatla sa noo ko ng mapansin ko na hindi siya gumagalaw at nanatiling nakatitig lang ito sa mukha ko. Ito ang tagpong bumulaga sa paningin ni Mrs. Thompson at nang fiancee ni Mr. Alistair ng bigla na lang pumasok ang mga ito sa silid na aming kinaroroonan.
“Mahabaging langit! Ano ang ginawa mo sa anak ko babae!?” Singhal ni Mrs. Thompson sa akin, natataranta na tumayo ako habang kapit ko ang aking damit. Gustuhin ko mang magpaliwanag ngunit hindi ko alam kung paano sisimulan.
Sa huli ay naisip ko rin na kahit anong paliwanag ang gawin ko sa kanila ay tila suntok sa buwan na pakikinggan pa nila ang lahat ng sasabihin ko kaya mas pinili ko na lang ang tumahimik.
“Malandi ka! Binabalak mo bang pikutin ang boyfriend ko!? Ha!” Nanggigigil na sigaw sa akin ng fiancee ni Mr. Alistair. Gustuhin ko mang lumaban o salagin ang mga kamay nito ay hindi ko magawa dahil hawak ko ang aking damit.
Naiyak na lang ako sa matinding sakit ng sabunutan niya ang buhok ko saka ito malakas na iwinasiwas. Pakiramdam ko ay mapupunit na ang anit ko at nag manhid na rin ang aking ulo na para bang gusto ko ng sumigaw ng patayin n’yo na lang ako!
“Sige turuan mo ng leksyon ang malanding babae na ‘yan!” Galit na sulsol pa ni Mrs.Thompson habang ang babae ay walang kapaguran sa pananakit sa akin. . “ENOUGH!” Malakulôg na wika ng isang boses lalaki na siyang nagpahinto sa malditang babae. Kulang na lang ay tumalon sa labis na pagkagulat ang dalawang babae sa aking harapan habang ako ay pilit na isinisiksik ang sarili sa isang sulok.
Hinawi ko ang magulo kong buhok at naluluha na tumitig sa mukha ni Mr. Alistair. Madilim, at nakakatakot ang ekspresyon ng mukha nito lalo na ang mga mata niya na kung makatingin ay tila inaarok ang kailaliman ng iyong pagkatao.
“Salamat sa Diyos at nagising ka na anak!” Naluluha na wika ni Mrs. Thompson hindi alintana ang matapang na awra ng kanyang anak. Ngunit hindi pinansin ni Mr. Alistair ang kanyang ina, bagkus ay nilampasan pa niya ito. Nagtakâ ako ng napansin ko ang malakas na panginginig ng katawan nang nobya nito habang sinusundan ang bawat paghakbang ng mga paa ni Mr. Alistair paikot sa kama, patungo sa aming direksiyon. Ilang sandali pa ay tumigil mismo ito sa harap ng babae nang hindi nagbabago ang ekspresyon ng kanyang mukha.
Dapat ay masaya sila dahil sa loob ng halos isang taon ay ngayon lang ito nagkamalay, ngunit bakit sa nakikita ko sa mukha ng babae ay mukha itong hindi masaya bagkus matinding takot pa ang masasalamin dito. Habang si Mr. Alistair ay parang gusto ng balatan ng buhay ang kanyang nobya dahil sa talim ng pagkakatitig nito.
“PAK!” “Alistair!” Isang malakas na sampal ang gumimbal sa aming lahat na sinundan ng malakas na pagtawag ni Mrs. Thompson sa pangalan ng kanyang anak. Paupong bumagsak ang nobya nito sa aking tabi at nakaramdam ako ng takot ng makita ko ang pagdaloy ng pulang dugo sa gilid ng bibig nito. Labis akong nasindak sa mga nangyayari at naguguluhan ako kung bakit sinaktan ng lalaking ito ang kanyang nobya.
Napalunok ako ng wala sa oras ng lumipat ang tingin ni Mr. Alistair sa aking mukha bago inilahad ang palad nito sa harapan ko.
Nang mga sandaling ito ay hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko dahil mula sa madilim niyang awra ay nababasa ko kung anong klase ng pagkatao meron ang lalaking ito.
Dapat ko bang ikatuwa ang paggising nito? Ngunit, bakit takot na may kasamang pangamba ang nararamdaman ng puso ko?”