CHAPTER 17
“Honey, bakit tulala ka d’yan?” nagulat ako nang bigla na lang sumulpot itong si Brenda sa tabi ko. Nandito kasi ako sa canteen nitong ospital.
“May sa aso ka ba Brenda?”
“Bakit naman?”
“Ang tindi ng pang-amoy mo eh. Kahit saan ako magpunta nasusundan mo ‘ko.”
“Hmp! ’Yan ang tinatawag na pag-ibig Honey. Magkadugtong kasi ang ating mga puso.” kinorteng puso pa niya ‘yung dalawang kamay niya. Pa-cute, ‘di naman bagay.
“Leche! Tigil-tigilan mo nga ako niyang ka-cornyhan mo. At kung wala ka namang matinong sasabihin, layu-layuan mo ‘ko, bago ko pa maitarak sa ‘yo ‘tong tinidor. Lalo na’t hindi masarap ‘tong pagkaing nabili ko.” Kasi naman ‘yung spaghetti dito sa ospital, walang kalasa-lasa. Parang pang may sakit eh. Kinulayan lang ata ng pula para masabing spaghetti.
“Cool ka lang honey, ito naman ang init-init agad ng ulo. Baka magka-wrinkles, sayang ang kagwapuhan mo,” saka niya pinisil ‘yung magkabilang pisngi ko, kaya tinampal ko naman ‘yung kamay niya.
“Itatarak ko talaga sa ‘yo ‘to,” banta ko sa kanya habang hawak ‘yung tinidor.
“Okay, stop na po,” hinarang naman niya ‘yung dalawang kamay niya sa pagitan namin, saka medyo lumayo ng pagkaka-upo sa ‘kin. “Ang suplado. Mas lalo tuloy akong naiin-love sa ‘yo.”
“Naku… Brenda ‘di ka ba talaga titigil?” napahilamos na ‘ko ng kamay sa mukha.
“Okay, stop na talaga ako, for real. Sasabihin ko na lang kung bakit kita hinanap. After you left kasi kanina, dumating ‘yung gwapong doctor ni Mommy. Ayun, face to face kami, eye to eye, sabay smile.” Sinamaan ko siya ng tingin. “Selos ka honey?” sabi niya sabay tawa.
“Tss! Asa ka.” ‘Tsaka hindi naman gwapo ‘yung doctor ni Nanay. Ang tanda na kaya, mga nasa early 50’s na siguro. Kaya paano ako magseselos? At hindi rin naman ako magseselos kahit pa may umaligid na maraming lalaki dito kay Brenda. Ikatutuwa ko pa ‘yun at may mapagbabalingan siya ng atensyon at ng kalandian niya sa katawan.
“Hmp! Ok, serious na. So, ‘yun nga, pumunta ‘yung doctor ni Mommy, and sabi niya by next week daw pwede na natin ilabas si Mommy ng ospital. Just wanna tell you na naka-ready na ‘yung house, kaya anytime pwede na kayo lumipat. If you want ngayon pa lang you can bring your stuff na sa house, para kapag inilabas na si Mommy dito sa hospital everyhting’s ready na talaga.”
Sa dami ng sinabi ni Brenda, wala akong ma-absorb, o ayaw lang talaga tanggapin ng utak ko na ito na talaga; mag-uumpisa na ‘yung kalbaryo ng buhay ko. Mas lalo akong malalapit sa kanya, mas madalas ko na siyang makikita at makakasama. Unti-unti, pilit na isinasaksak sa ‘kin na kontrolado na talaga niya ang buhay ko.
****
Habang sakay ng wheelchair, ipinasok ko si Nanay sa loob ng bahay ni Brenda. Sa bahay ni Brenda kung saan mula ngayon magiging tirahan na namin ni Nanay.
“Dito na ba talaga tayo titira anak?”
“Opo, Nay. May ibinigay po kasing trabaho sa ‘kin si Brenda, at para raw mas malapit ako sa trabaho, pinatira niya tayo rito ‘tsaka wala daw kasing nakatira rito, kaya parang tayo ‘yung magiging caretaker nitong bahay.” Palusot ko kay Nanay, kahit na ang katotohanan naman ay s*******n itong paglipat namin. Wala lang akong choice at hindi makatanggi sa lahat ng gustuhin ni Brenda, dahil may kontrata kami.
“Caretaker?”
“Opo Nay, bakit?”
Tinignan ni Nanay isa-isa ‘yung mga maids na sumalubong sa ‘min. Parang alam ko na ‘yung tanong na nasa isip ni Nanay. Bakit nga naman kailangan pa ng caretaker kung ang dami naman nilang maids. At para ‘di na magtanong pa si Nanay, iniba ko ‘yung usapan.
“Nay, ipapakita ko pala sa inyo ‘yung magiging kwarto niyo.”
“Sige, pero nasaan pala si Brenda anak?”
“Nasa tabi-tabi lang ‘yun Nay, ‘tsaka malaki na ‘yun, kaya na niya sarili niya kaya huwag niyo na hanapin.”
“Ikaw talaga Alex.” Marahang tinampal ni Nanay ‘yung kamay ko na nakahawak sa wheelchair.
“Nasa trabaho lang ‘yun Nay, sigurado ako mamaya nandito na ‘yun.”
“Ako ba ‘yung pinag-uusapan niyo?” bigla na lang sumulpot si Brenda sa likuran namin. “Hi Mommy!” sabay halik sa pisngi ni Nanay.
“Kita mo na Nay? Sabi sa inyo, nasa tabi-tabi lang ‘yang si Brenda eh.” Tinignan ko si Brenda, “May sa aso ka talaga ‘no? Hindi lang pang-amoy mo ang matalas pati pandinig mo. Nabanggit ka lang ni Nanay, nandyan ka na agad.”
“Hmp! Kagatin kita d’yan eh!” tapos umarte siya na parang aso na kakagatin ako, inilabas pa niya ‘yung ngipin niya.
Inirapan ko siya. “Ewan ko sa ‘yo.”
Si Nanay naman, nakangiti lang at nakatingin sa ‘min. “Tara na nga lang Nay. Doon na lang po tayo sa kwarto niyo.”
“Mommy! Ako nag-ayos ng kwarto mo!” sabat ni Brenda.
“Singit na naman. ‘Di naman tinatanong,” bulong ko. Inirapan niya ‘ko, pero ‘di ko siya pinansin, tuloy lang ako sa pagtulak sa wheelchair ni Nanay hanggang sa makarating kami sa magiging kwarto ni Nanay. Magkahiwalay kami ng kwarto ni Nanay, ‘yung kuwarto niya nasa first floor ako nasa second floor. Magkaiba kami ng kwarto dahil si Nanay ‘di sanay na matulog na walang ilaw, samantalang ako gusto ko ‘yung ubod nang dilim. Kapag may ilaw kasi, kahit na katititing na liwanag lang ‘yun, hindi na ako makatulog. ‘Tsaka gusto ko rin na makapagpahinga palagi si Nanay nang maaga at maayos. Kung sa iisang kwarto lang kasi kami baka hindi makapagpahinga agad si Nanay kapag late na ako uuwi galing school, at maiingayan siya tuwing magre-review ako. Maingay pa naman ako mag-review, gusto ko ‘yung habang nagre-review, sinasabi ko. Mas natatandaan ko kasi.
Nang nasa loob na kami ng kwarto ni Nanay, itong si Brenda masyadong pa-bida. Lahat na lang ng bagong gamit na inilagay niya sa kwarto inisa-isa.
“Tss! Kahit mamahalin ‘yang mga gamit na binili mo, walang tatalo dito sa dala ko.” Mula sa cabinet kinuha ko ‘yung pinakamamahal na gamit ni Nanay, na alam kong hindi ipagpapalit ni Nanay sa kahit na anong mamahaling gamit na ibigay ni Brenda.
“What is that?!” tanong ni Brenda pagkakita sa hawak ko. Nakakunot pa ‘yung noo niya, nakapamewang at malanding nakaturo ‘yung daliri.
“Ang tawag dito kulambo. Palibhasa anak mayaman, kulambo ‘di alam. Ginagamit ‘yan ‘pag matutulog na, para ‘di ka lamukin. Pero mukhang ‘di mo naman kailangan ng ganito kasi sa tingin ko ‘di ka naman lalapitan ng lamok, dahil ‘di nila trip ‘yung dugo mo.”
Naningkit ‘yung mga mata ni Brenda sa inis. Si Nanay naman sinasaway ako, pero tawa pa rin ako nang tawa, ‘di ko kasi mapigilan. “Ha-ha.. Hindi ko na kasi kailangan ng ganyan kasi wala namang mosquitoes dito, and ‘di mo ba alam na uso na insect repellant ngayon. Kaya ‘di na kailangan ni Mommy ng ganyan. Itago mo na lang ‘yan.” Balak niyang kunin ‘yung kulambo mula sa pagkakahawak ko pero inilayo ko sa kanya.
“Hep! ’Yun ang akala mo. Si Nanay ‘di nakakatulog ‘yan hangga’t walang kulambo. May lamok man o wala, ginagamit niya pa rin ‘tong kulambo.”
“At bakit?”
“Secret… Bleh!” pang-aasar ko pa lalo sa kanya. Masarap din palang pag-tripan ‘tong si Brenda.
“Mommy..” parang batang nagsusumbong, naghahanap ng kakampi.
“Nay, huwag niyong sasabihin sa kanya kung saan niyo ginagamit ‘yung kulambo ha.”
“Hay kayong mga bata kayo talaga,” natatawang napailing na lang si Nanay sa aming dalawa.
At dahil natalo sa kulambo si Brenda, sa pagkain naman siya magpapa-bida. Siya raw ang magluluto ng hapunan namin.
****
“Ano ‘yang niluluto mo?” nasa kusina ako at nakikiusyoso ako sa ginagawa niya. Si Nanay kasi nagpahinga muna sa kwarto niya, ako naman inikot ko ‘yung bawat sulok nitong bahay kanina at nang mapagod ako, nagpunta ako sa kusina para kumuha ng tubig. Kaya nadatnan ko si Brenda habang nagluluto.
Pakembot-kembot pa siya habang hinahalo ‘yung niluluto niya at ang lakas ng tugtog na nanggagaling sa CD player na sinasabayan pa niya ng pagkanta.
Show me how you want it to be.
Tell me baby ‘cause I need to know now, oh bec--
Pinatahimik ko muna si Britney Spears. Ang ingay kasi. Nagulat naman ako nang biglang sumigaw si Brenda. “Ahhh! Bakit namatay?!”
Hawak pa niya ‘yung sandok nang humarap siya sa ‘kin, habang ako nakatingin lang sa kanya at sumagot ng “Ang ingay kasi eh.”
“Nasa chorus na Honey! That’s my favourite part!” reklamo niya.
“Tss.. parang ‘yun lang.” Wala akong pakialam sa pag-iinarte niya, kinuha ko na lang 'yung saging na nakita ko sa lamesa.
“Buksan mo uli,” utos niya sa ‘kin. Tinignan ko lang siya saglit at ibinalik ko 'yung atensyon ko sa pagkain.
“Ayoko nga, ang ingay-ingay mo. Nakakahiya sa kapitbahay,” sagot ko habang binabalatan ko 'yung saging.
“Buksan mo..” utos niya uli.
“Ayoko nga!” pagmamatigas ko pa rin, hinawakan ko na rin ‘yung CD player para ‘di niya makuha.
“Ganon?! Ok, fine!” Tapos bigla niyang itinapat ‘yung sandok sa bibig niya saka ako tinignan ng malagkit at mapang-akit na halos masuka ako sa pandidiri. Kakagat pa lang sana ako doon sa saging eh, bigla tuloy akong nawalan ng gana.
“My loneliness is killing me.. And I”
“Magtigil ka. Kilabutan ka sa ginagawa mo Brenda,” nakatitig pa rin kasi siya sa ‘kin habang kumakanta at palapit sa ‘kin. Tuloy pa rin siya sa pagkanta.
“I must confess I still believe.. Still believe!”
Unti-unti na ‘kong napatayo sa kinauupuan ko. Hindi kinakaya ng mga mata ko ‘yung nakikita ko at hindi kinakaya nang tenga ko ‘yung sintunadong pagkanta niya. Makapanindig balahibo talaga.
“When I’m not with you I lose my mind…”
Bago pa niya matapos ‘yung kanta tinalikuran ko siya at nagtatakbo ako paalis bitbit 'yung saging, pero siya tuloy pa rin talaga sa pagkanta at lalo pa niyang nilakasan para kahit palayo ako dinig ko pa rin.
“Give me a sign… Hit me baby one more time!”