Unang araw ng pasok ngayon matapos ang maikling summer vacation noong March. Tanghali akong nagising dahil sa malamig na panahong dulot marahil ng malakas na ulan sa labas. Tamad na tamad pa ako habang pinipilit ang sariling tumayo na.
Para mawala kahit papaano ang antok, inuna ko ang pagligo at pag-aayos ng sarili, pati na rin ng mga gamit na ngayon ko pa lang ilalagay sa kumikintab kong trolley bag. Nakakatamad naman kasi. Bitin ang bakasyon.
Nang matapos ay bumaba na ako para kumain habang bitbit na ang lahat ng gamit. Hindi naman kalakihan ang aming bahay. Sakto lang para sa aming maliit na pamilya.
Ang hagdanan naming may mga nakasabit na kung ano-anong display ay bago lang dahil ipinagawa ito ni Kuya noong isang buwan. Kalilipat ko lang din sa sarili kong kwarto noong isang linggo. Dinatnan ko sa kusina sina Mama at Papa kasama si Kuya na kumakain na ng almusal. Nang malingunan ako ay nagtaas lang ng kilay si Mama.
Umupo ako sa tapat na upuan ni Kuya. "Si Kelly po?" Inabot ko ang fried rice at mabilis na sinalinan ang plato ko. Kumuha na rin ako ng isang hotdog at itlog na mukhang kaluluto lang dahil umuusok pa.
"Tulog pa. Sa isang lingo pa naman ang pasok ng batang 'yun." Ani Mama nang hindi ako nililingon.
Tumayo ako at lumapit sa electric kettle namin para magpainit ng tubig. Habang naghihintay ay hinanda ko na ang chocolate drink ko at mabilis iyon na isinalin sa maliit na tasang madalas kong gamitin sa tuwing umiinom ng gatas o 'di kaya ay tsokolate.
Napakagat ako sa labi ng kamuntikan ng mapasigaw dahil bahagyang napaso. Pasimple kong hinimas ang kamay ko habang dahan-dahang umuupo ulit sa pwesto ko. Sinabayan ko pa ng pagtikhim para hindi mahalata ang pagkagulat ko.
"Kailan ang alis mo?" Napalingon ako kay Papa nang bigla siyang magsalita. Nakatingin siya kay Kuya na ngayon ay nahinto sa pagkain dahil kinausap siya. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang huminto sa pagkain sa tuwing kinakausap kami lalo na kung si Papa ang nagsasalita. Pero kahit na nawi-weirdo-han ay sinusunod ko na lang. Ayoko ngang mahampas ng sinturon ang puwit ko. Masakit.
"Hindi ko pa po sigurado. Mamaya ay malalaman ko at sasabihin ko po kaagad sa inyo." Dalawang taon ang tanda sa akin ni Kuya Donald. Tatlo lang kaming magkakapatid at siya ang panganay. Ang bunso ay si Kelly, ang prinsesa ng lahat.
"Saan ka po pupunta, Kuya?" Tinaasan niya ako ng kilay. Imbes na siya ang sumagot ay si Papa ang nagsalita kaya naman mabilis kong binitiwan ang kubyertos at ibinigay sa kaniya ang buong atensyon.
"Natanggap ang Kuya mo sa Philippine Military Academy. Kung gagalingan niya, hindi malayong magka-sundalo tayo sa ating pamilya." Nilingon niya si Kuya habang nakataas ang kilay. Ngumisi si Kuya at bahagyang tumango.
"Opo, Pa. Makakaasa po kayo na babalik akong sundalo na."
Pasubo na sana ako nang maramdaman ang pagtitig ni Papa sa akin. Mabilis kong ibinaba ang kutsara at nilingon siya. "Narinig mo? Gusto ko ay gayahin mo, nag-aaral ng mabuti, ha?"
Tumango ako. "Yes po."
"At ang gusto ko, pumasok ka rin sa PMA pagkatapos na pagkatapos mo sa kolehiyo." Sumimangot ako. Grade six pa lang ako at ilang taon pa bago ako matapos ng kolehiyo pero ito na agad ang kanilang sinasabi. "Ayaw mo?" Mabilis akong umiling at sumang-ayon sa kaniya nang mahimagaan ang seryoso niyang boses.
Hindi ko na maalala kung gaano katagal natapos ang pagkain namin dahil sa dami nilang ibinilin sa akin. Kesyo mag-aral ng mabuti, pagdating ng highschool ay dapat pinapaganda ko na ang king katawan, pumasok sa PMA o 'di kaya ay kumuha ng kursong Criminology sa college. Sila na lang kaya mag-aral? Ngayon pa nga lang ay tinatamad na ako tapos gusto pa nilang mag PMA ako.
Nakasimangot ako habang naglalakad papasok sa school. "Gayahin mo ang Kuya mo mag PMA ka rin nyenye." bulong ko habang sinisipa-sipa ang mga maliit na batong nadadaanan ko.
Bukid ang daan patungo sa school namin at may shortcut sa gilid ang kaso ay maputik ngayon dahil marahil sa lakas ng ulan kanina kaya wala akong choice kundi ang sa gilid ng highway dumaan.
Pagdating ko sa school ay kasunod ko lang ang teacher namin. Syempre, nakinig ako sa unang part lang. Dinaldal kasi ako ni Jeremy, 'yung kaklase kong lalaki na kahit maaga pa eh amoy pawis na. Naaawa ako sa kaniya dahil madalas ay mag-isa lang siya ang kaso kasi, mayabang siya kaya ayaw ng mga kaklase ko sa kaniya.
"Ayoko nga! Salbahe!" Sigaw ko na siyang nakapagpahinto sa pagsasalita ng teacher namin.
"Excuse me, Mr. Guevarra?" Tumayo ako at yumuko. Narinig ko ang bawat hakbang ng teacher naming masungit. Ayoko sa kaniya at sa subject niyang nakakaantok pero wala akong choice kundi ang magtiis. Kung ibabagsak ko ito, malalagot ako kay Mama at Papa. "Bakit ka sumisigaw?"
"Sorry po, Ma'am. Si Jeremy po kasi, pinipilit akong batuhin si Asul." Si Asul ang pinakamayabang sa mga kaklase namin. May tatlo siyang kaibigan na puro mayayabang din. Pamilya kasi ni Asul ang may-ari ng isa sa mga kilalang grocery store rito sa amin kaya siguro mayabang.
"Hala, hindi po! Siya nga po itong nambato kanina, binawalan ko lang." Mabilis kong nilingon si Jeremy at sinamaan ng tingin. Sinungaling!
Kahit anong paliwanag ko sa teacher ay hindi nila ako pinakinggan. Nakasimangot tuloy ako buong umaga. Nang magtanghali na ay binalikan ako ng teacher namin sa room. Nagulat pa ako dahil palabas na sana ako para maghanap ng kakainan nang makasalubong ko siya.
"Ay, Ronaldo, sumama ka sa mga cleaners ngayon bilang sanction mo sa pag-iingay kanina." Halos mapairap ako. Hindi na ako nakaalma dahil agad rin naman siyang umalis at nakita kong nakipagkwentuhan na siya sa teacher ng mga grade three.
Pabugnot kong kinuha ang walis at tinulungan ang nga kaklase kong kanina pa ako tinatawanan. "Nakakainis. Kasalanan naman talaga ni Jeremy!"
"Oo nga. Nakita ko kaso ayokong madamay kaya nanahimik na lang ako." Hindi ko maintindihan ang kaisipang iyon. Kung ako iyon, kapag alam ko ang tama, wala na akong pakialam kung madamay pa ako. Basta magsasalita ako at hindi ko hahayaang may mapahamak na inosente.
Pagkatapos maglinis ay kumain na ako at nanood sa mga kaklase kong babae na naglalaro ng Chinese garter. Gusto ko sanang sumali ang kaso, hindi nila ako pinapayagan dahil natatalo lang daw sila. Nakakainis nga bakit porke natatalo sila, ayaw na nila akong isali?
"Hoy, sali raw si Liana!" Nakanguso kong nilingon si Jeremy nang bigla siyang sumigaw. Tinuturo niya 'yung kaklase naming babae na palaging tahimik at nag-iisa.
"Ayaw nga namin! Gustong laro niyan ay 'yung mga robots at ibang panlalaking laro." Ana namang Gina.
Ang sasalbahe ng mga kaklase ko, sa totoo lang. Ang sasama ng ugali nila. Palibhasa ayaw sa mga larong pambabae eh hindi na nila sinasama sa laro. At isa pa, ano ba ang masama kung ang isang tao ay naiiba sa hilig ng isa.
"Ronald, sali ka sa amin?" Nilingon ko ang kaklase naming si Rea na nasa stage. Nandoon nakapila sila kasama ang tatlo pa naming kaklase. "Model kunwari. Ako ang may ari ng company tapos kayo 'yung mag-audition." Mabilis akong tumango at tumakbo paakyat sa stage.
"Ano ba ang gagawin?" Nakinig akong mabuti habang ine-explain niya ang gagawin namin. Mabilis ko namang nakuha iyon at agad na sinimulan ang laro. Sa totoo lang, walang kwenta ang larong ito dahil purong lakad at pose lang ang gagawin kaso, hilig ko talaga ang rumampa kaya kahit boring silang kalaro, nagtiis ako.
"Candidate number four, Ronaldo Alberto Guevarra!" sigaw ni Rea. Mabilis akong lumakad ng diretso patungo sa gitna ng stage. Napalingon sa akin ang mga kaklase naming naglalaro sa ibaba ng stage at nagtawanan.
Nilambutan ko pa ang kembot ko at nang nasa dulo na, inilagay ko ang kanang kamay ko sa bewang ko at nag-pose. Pagkatapos ay lumakad naman ako papunta sa kaliwang banda at ganoon din ang ginawa maging sa kanang bahagi ng stage. Pagkatapos ay kumekembot akong bumalik sa gitna ng stage at kinindatan ang kaklase kong si Kyle na seryosong nakatingin sa amin. Nag flying kiss pa ako para mas dama niya ang pagmamahal ko.
"Ronalda Alberta galingan mo!" Inilingan ko si Gina nang sumigaw siya at pumalakpak.
Malantong akong umikot at naglakad pabalik sa pwesto ko kanina at muling nag-pose. Siguradong talbog ang mga kasama ko rito sa stage. Ako kaya ang tinaguriang reyna ng section namin pero ako lang ang may alam nu'n.
Sa ilang taon kong nilalaro ito, wala ni isa sa kanila ang nakatalo sa akin. Mayabang man pakinggan pero totoo iyon. Nakailang ulit pa kami sa paglalaro at mukha naman napasaya ko ang mga kaklase ko at ang mga ibang grade na nanonood sa amin kaya ayos lang. Balewala ang pagod.
"Ang galing mo talaga mag model!" Ani Gina habang sabay kaming naglalakad hapon nang araw ring iyon.
"Ano ka ba? Specialty ko kaya iyon. Basic."
Nagkahiwalay kami dahil siya ay may sundo habang ako naman ay maglalakad lang pauwi. Dati ay sinusundo ako ni Kuya gamit ang motor niya kaso ngayon ay mukhang busy siya kaya no choice ako kundi ang maglakad. Saka ayaw ko rin namang sumabay sa kaniya pauwi. Nakakatakot kaya minsan si Kuya. Masyadong seryoso.
Napatigil ako sa paglalakad nang nasa kalagitnaan na ng eskinita ay nandoon ang mga kaklase kong sina Kyle, Jeremy, Leonard, at Jenrik. Nagtataka pa ako dahil lahat sila ay nakatingin sa akin. Nagagandahan siguro.
"Hoy, bakla!" Kumunot ang noo ko kay Jenrik nang sigawan niya ako. Kinabahan ako nang sabay-sabay silang naglakad palapit sa akin, nangunguna si Kyle.
"Kung makasigaw. Ano bang problema ninyo?" Tinaasan ko sila ng kilay.
"May gusto ka ba sa akin? Bakit ka nag flying kiss kanina?" Anang seryosong si Kyle. Umatras ako nang nagpatuloy siya sa paglapit.
Kahit na natatakot na ay pinilit kong tapangan ang sarili. "Bakit big deal sa iyo?"
"Kadiri ka!" sigaw niya at mabilis na hinawakan ang kwelyo ko at itinaas ako. Napaubo ako.
"Ano ba? Bitiwan mo nga ako! Ang baho ng hininga mo, kadiri!"