Chapter 3

1381 Words
JAXON Hindi nagtagal ay bumalik si Kuya Jack dala ang gamot na binili niya para sa akin. "Heto, inumin mo na muna ito Jaxon. Maigi pa ay sa bahay ka na muna namin pumirmi habang masama ang pakiramdam mo. Baka lalo lamang lumala ang kondisyon mo kung mananatili sa dito sa kalsada. Doon pwede kang maligo ng maayos at makakain ng tama," mahabang sabi nito. Nahihiya man ay tumango ako bilang pagsang-ayon. Tama siya, kailangan ko nga ng pansamantalang matutuluyan. Nakakahiya man pero ramdam ko na mahina ako at hindi ko pwedeng ipagwalang-bahala ang bagay na iyon. Mas maigi ng lunukin ko ang pride ko at makituloy muna kina Kuya Jack kaysa mamatay ako dito sa kalsada. Alam ko na sa mga oras na ito ay tanging siya lamang ang pwede kung lapitan dahil tanging siya ang bukod tangi at nag-iisang nag-alok sa akin ng tulong. "Kuya, ayos lang po ba na makituloy ako sa inyo? Paano po ang pamilya mo?" nag-aalala na tanong ko. Mabait si Kuya Jack pero hindi ko rin pwedeng hindi isipin ang pamilya nitong kasama sa bahay. Imposible naman kasing gaya ko ay mag-isa lamang siya lalo na at may edad na rin siya kumpara sa akin. "Ayos lang iyon Jaxon, mabait ang asawa ko at wala naman kaming anak na kasama sa bahay. Doon ka muna para kahit paano ay bumuti ang pakiramdam. Saka mo na isipin ang mga susunod na araw basta gumaling ka muna," nakakaunawa na sabi nito. Kila ko siya, sa tagal ko dito sa kalsada ay isa siya sa mga matinong pulis na nakilala ko. Humahanga ako sa sipag at didikasyon niya sa trabaho pero mas humanga ako ngayon dahil napatunayan ko kung gaano siya kabuting tao na may busilak na pusong handang dumamay sa oras ng kagipitan. "P're, kayo muna ang bahala dito. Ihahatid ko muna sa bahay ang isang ito," bilin ni Kuya Jack sa kasama. "Sige pare," sagot ng kausap sabay tango. Hindi nagtagal ay sakay ako ng owner jep na minamaneho ni Kuya Jack. Nakakahiya man pero napilitan akong umupo sa harap. Alam ko kasi na bukod sa hindi malinis ang kasuotan ko ay posibleng may amoy katawan ko dahilan kaya pinagtabuyan ako ni Aleng Rema kanina. Isang lihim na sulyap ang ginawa ko kay Kuya Jack na nasa kalsada nakatutok ang paningin. Wala akong nakikita na kahit anong bahid ng pang-didiri mula sa kan'ya bagkus ay itinuturing niya akong parang isang normal na tao. Hindi nagtagal ay narating namin ang maliit na apartment na tinutuluyan ni Kuya Jack. Nalaman ko na nangungupahan lamang pala sila dito sa isang apartment sa Sta. Cruz, Manila. Taga Romblon daw sila at limang taon pa lang na nakatira dito matapos mailipat ng destino. Kahit nahihiya sa asawa niyang si Ate Janet ay nakituloy ako. Hindi ko tinanggihan ang mga bagay na inaalok nito lalo na ang makaligo ng maayos gamit ang maligamgam na tubig na hinanda ng asawa ni Kuya Jack matapos malaman nitong masama ang pakiramdam ko. Laking pasasalamat ko sa dalawa dahil dito ramdam ko na tao ako. May tahanang masisilungan at may mga mabuting taong nakapaligid sa akin. Alam ko na pansamantala lamang ito dahil kapag gumaling na ako ay babalik ulit ako sa kalsada para harapin ang hamon ng buhay. "Mabuti naman at kasya sa'yo ang damit ni Jack," nakangiting sabi ni Ate Janeth na nakatingin sa akin matapos kong maligo at lumabas ng banyo. "Heto kumain ka na, may kanin at ulam dito sa mesa. Makakabuti sa'yo ang sabaw ng sinigang," sabi nito saka iniwan ako sa kusina. Magkarugtong lamang kasi ang kusina at banyo kaya dito agad ang bungad ko. Kahit paano ay hindi na nakakahiya na amoy aso at kalsada ako dahil heto presko na ang pakiramdam ko at wala na ang masamang amoy na nakadikit sa katawan ko. Malaking bagay talaga ang makaligo ng maayos, lalo na ang may bahay ako na tinutuluyan ngayon. Isa itong maituturing na biyaya kaya habang kumakain ako ay nangako ako sa sarili ko na mag-hahanap ako ng trabaho kapag gumaling na ako. "Babalik muna ako sa posting ko Jaxon. Kapag may kailangan ka, sabihin mo kay Ate Janet mo. Siya na ang bahala sa'yo," sabi ni Kuya Jack ng bumungad sa pinto ng kusina kung saan ako kumakain. "Opo kuya, maraming salamat po. Kapag nakita mo si Ed, pakisabi po na narito ako sa inyo," pakiusap ko. "Sige ako ng bahala kay Ed. Magpahinga ka na kapag tapos ka ng kumain at matulog ka agad para makabawi ng lakas ang katawan mo. 'Wag mo ng isipin ang ang kaibigan mo, ako ng bahala," nakangiti na sagot ni Kuya Jack. Nakahinga ako ng maluwag at umaasa na makita agad ni Kuya Jack si Ed. Alam ko kasi na hahanapin niya ako oras na hindi masabi ni Kuya Jack ang mensahe ko. Palibhasa may maayos na silid tulugan kahit maliit lamang ay talagang komportable ako. Nakatulog ako ng maayos matapos kung makaligo at makakain. Hindi na nga ako ginising ng mag-asawa maghapon kahit dumating si Kuya Jack mula sa duty nito sa kalsada. Nakakatuwa na ngayon ay mukha akong tao. Hindi madungis at may maayos na suot na damit. Kahit pinaglumaan ito ni Kuya Jack ay mas maayos naman ito kumpara sa ilang pirasong damit na pinagpalit-palitan ko araw-araw. Wala rin kasi akong mapaglagyan kaya ang mga damit na dala ko ay pinaghatian namin ni Ed hanggang sa unti-unting na ubos. "Mabuti naman at gising ka na?" kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Ate Janet. "Mabuti na po kahit paano ate," magalang na sagot ko. "S'ya, kumain ka na. Hindi ka na namin ginising ng kuya mo dahil mahimbing ang tulog mo. Maigi at gumanda ang pakiramdam mo," mahinahon na sabi nito. Ramdam ko na kahit hindi ko sila ka pamilya ay itinuturing nila akong hindi iba sa kanila. Kahit lalaki ako ay may pagkakataon na lihim na nagiging emosyonal ako dahil itong mabuting trato na naranasan ko ngayon ay hindi ko maramdaman mula sa mga taong nakapaligid sa akin sa lansangan. Hindi nagtagal matapos kong kumain ay tinawag ako ni Ate Janet na pumunta sa sala. Naabutan ko ang mag-asawa na nanonood ng balita sa telebisyon. "Mabuti naman at nagkakulay na ang mukha mo Jaxon. Hindi ka na maputla ngayon," bungad agad ni Kuya Jack. "Sabi ko naman sa'yo Kuya, tamang pahinga at gamot lamang ay ayos na ako at hindi na kailangan na pumunta sa ospital," kumakamot sa batok na sabi ko. "Paano ba naman kasi ay walang maidudulot na maganda ang tumira ka sa kalsada. Hindi ka naman mukhang pulubing baldado, malakas ka at buo. Hindi mo kailangan namamalimos. Bakit hindi ka maghanap ng maayos at matinong trabaho?" tanong nito. Kulang na lang ay lumubog ako sa kinauupuan ko. Heto at may nagtatanong sa kakayahan at lakas ko. Alam ko na mabuti ang intesyon niya pero para itong masakit na katotohanan na sampal sa pagkatao ko. Tama siya, kumpleto at buo ang bahagi ng katawan ko pero hindi ko alam kung anong klase ng kamalasan ang tumama sa akin at hindi ako matanggap sa trabaho. "Marami na po akong sinubukan na pasukan kuya pero laging nauuwi sa wala hanggang sa pinalayas ako sa silid na inuupahan ko at sa kalsada napunta dahil wala po akong nakagisnang kapamilya," nahihiyang paliwanag ko. Alam ko na higit kanino man ay maintindihan ako ni Kuya Jack. Siya ang nag-iisang taong nakapansin sa akin sa kalsa at pinagkatiwalaan na dalhin sa loob ng kanilang pamamahay kahit pa isa akong estranghero. Alam ko na sa katayuan ko sa buhay ay katatakutan ako imbes na tulungan gaya ng ginawa ni Kuya Jack kaya naman, humanga ako ng husto sa kan'ya. Sa milyong taong narito sa mundo iilan lang ang tulad niya na walang pag-aalinlangan na tinulungan ako. "Kapag magaling ka na, titingnan ko kung kaya mo ng magtrabaho. Mag-tatanong-tanong ako kung may trabahong bakante para sayo sa mga ka kilala ko," sabi ni Kuya Jack. Sa narinig ay nagkaroon ako ng munting pag-asa. Sana nga ay ito na ang tsansa na hinihintay ko. Alam ko na hulog ng langit si Kuya Jack at ngayon heto ako nag-mukhang tao at may bahay na tinutuluyan malayo sa maingay, mausok at magulong kalsada na naging bahagi ng buhay ko sa nakalipas na anim na buwan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD