Likas na sa akin ang pagiging madiskarte sa buhay. Sa murang edad ay marunong na akong maghanap ng pagkakakitaan. Mahirap lang kami kaya nangarap akong makaluwag sa buhay dahil ayokong mamatay na mahirap pa sa daga. Mataas ang aking pangarap sa buhay at lagi na lang ay napagsabihan na akong ambisyosa at isa sa mga taong tumawag sa akin na ambisyosa ay ang aking ina.
Gusto ko sana siyang sagutin kung bakit ganun ang tingin niya sa akin ngunit nagtimpi ako ng husto. Wala akong ibang gusto kundi ang mapabuti ang sitwasyon naming mag-anak at salamat sa diyos ay nakuha ko naman ang aking gusto. Sa totoo lang ay tama naman ang sinabi ng isang senador na kailangan ang sipag at tiyaga upang umasenso sa buhay.
Nakapag-aral ako ng libre dahil sa isang scholarship na inoffer ng isang unibersidad. Libre ang tuition at miscellaneous fees. Tanging allowance lang at pangbayad sa boarding house ang kailangang ibigay nila sa akin ngunit mahirap pa rin ‘yon para sa aking mga magulang. Dahil sa sobrang kahirapan ay kinailangan kong magtrabaho sa isang internet café pagkatapos ng aking klase. Mahirap pero kinaya ko ‘yon. Wala akong pakialam kung nagmukha akong panda dahil sa nangingitim na mata. Kulang sa tulog palagi, eh!
“Kylie, balita ko ikaw daw ang ipapalit kay Levi sa import.”
Sa isang iglap lang ay nagbalik ako sa kasalukuyan at hinarap ang kasamahan sa trabaho na si Lorena. “Nabanggit din ng manager sa akin kaya lang ay wala pa namang appointment letter galing kay Mr. Chavez,” sagot ko. Dati akong documentation staff ni Levi at lilipat na kasi ang lalaki sa sales dahil mas malaki naman ang kita ng isang salesman. Bukod kasi sa sweldo ay mayroon pang commission na makukuha kapag sobra sa monthly quota ang total sales nito.
“Busy pa yata si Mr. Chavez sa kanyang lovelife, eh.”
“Hintayin na lang natin pero kung sakali man na magkatotoo ang sinabi ng Manager, naku ililibre talaga kita sa Burger King,” nangako ako sa aking kasamahan at kaibigan na rin. Tatlong taon na kaming magkasama ni Lorena sa EC Brokerage at ang babae ang kauna-unahan kong kaibigan sa loob ng opisina.
“Aasahan ko ‘yan, pero nasabi mo na ba kay Brent ang tungkol sa promotion mo?” Nagtanong si Lorena dahil alam naman nito ang sitwasyon naming mag-asawa.
“Saka na lang kapag totoo na talaga,” sabi ko at sinenyasan ko siya na tumahimik muna nang tumunog ang telepono sa aking mesa. “Kylie speaking,” at nang makilala ko ang boses sa kabilang linya ay hindi ko maipaliwanag ang kaba na naramdaman. Pakiramdam ko kasi ay nagdilang-anghel talaga si Lorena, at nang marinig ko ang magic word mula kay Mr. Chavez ay bigla kong kinurot si Lorena. “Papunta na po ako,” sabi ko bago ibinaba ang telepono.
“Si Boss ba kausap mo? Ano’ng sabi?” Nag-usisa si Lorena.
“Pinapapunta ako sa office niya,” muntik na akong mapatili sa sobrang excitement ngunit pinigilan ko lang ang aking sarili dahil may pangamba pa rin naman sa aking puso na baka masyado lang akong nag-expect. Masakit ang disappointment.
“Hmmm parang naaamoy ko na ang burger king dito sa office,” sabi ni Lorena.
“Abangan natin mamaya,” at kinindatan ko si Lorena bago dinampot ang aking phone at saka nagtungo sa opisina ni Mr. Chavez.
Nang makarating ako sa harap ng opisina ni Mr. Chavez, mas lalong lumakas ang kaba sa aking dibdib. Hindi ko alam kung kakatok ba ako o tumuloy na lang. Malalim ang aking pagbuntonghininga bago kumatok at nang marinig ko ang boses ng lalaki, lumingon ako sa kanyang sekretarya upang kumuha ng lakas ng loob pero wala yata sa mood ang babae at hindi man lang ngumiti.
“Good afternoon sir,” binati ko ang lalaking nakaupo sa kanyang oversized na swivel chair habang nakatalikod mula sa may pintuan.
“Maupo ka, Kylie. Hintayin natin si Rona,” sabi nito.
Ang binanggit nitong pangalan ay ang manager namin. Panay ang aking pagkagat-labi habang hinintay si Miss Rona at mas lalo lang akong kinabahan nang humarap sa akin ang lalaki. Sino ba naman kasi ang hindi kakabahan kapag ang katulad ni Mr. Chavez ang ngumiti sa harap ko. Kahit may asawa na ako ay nagkaroon pa rin ako ng crush sa kanya.
“Read it,” utos ng lalaki at ibinigay niya sa akin ang isang expandable folder na kulay asul.
Binuksan ko ang folder at saka nag-angat ng tingin upang kumpirmahin mula sa lalaki kung totoo ba ang aking nabasa sa first page ngunit hindi ito nagsalita at ngumit lang. Biglang pinagpawisan ang aking kamay kaya pasimple ko itong ibinaba at ipinasok sa bulsa ng aking palda. Pagkatapos ay saka ko pinagtuunan ng pansin ang mga sumunod na pahina.
Nagtaka ako kung magkano ba talaga ang kabuuhang kita ng kumpanya kada buwan at kaya nitong magpasweldo ng ganung kalaki. Bukod sa sahod ay mayroon pa akong matatanggap na allowances para sa cellphone at pagkain.
“Pipirma na ba ako?” tinanong ko ang lalaki.
“Sure,” sumagot ito at sakto namang dumating si Miss Rona.
Umupo ang manager namin sa harap ko at saka ngumiti. “Congrats Kylie,” nakangiting sabi nito. Likas na mabait si Miss Rona at isa sa pinakagusto ko sa kanya ay ang pagiging humble nito.
“Salamat po,” sabi ko.
“Rona, ikaw na ang bahalang magsabi sa taga frontdesk na magpareserve ng dinner sa paborito nating hangout,” utos ni Mr. Chavez.
“Ako na po ang bahala sir,” sumagot si Miss Rona. “Bukas ay itu-turnover na ni Levi ang lahat tungkol sa import,” dagdag nito.
Ngumiti lang ako kasi hindi naman madamot si Levi tungkol sa mga nalalaman nito at ibinahagi niya rin sa akin ‘yon. Sa sobrang excitement na nadama ko kanina, bahagya kong nakalimutan si Brent. Hindi ko kasi alam kung papaano ko sasabihin sa kanya ang tungkol sa promotion ko. Masyado kasi itong sensitive pagdating sa income naming dalawa at wala itong kaalam-alam na edited ang payslip na lagi kong ipinakita sa kanya upang hindi ito ma-offend.
Kasalanan ko ba na hindi madamot ang kumpanyang pinagtrabahuan ko? Hindi ko kasalanan kung bakit mas malaki ang buwanang kita ko kaysa sa kanya ngunit hindi ko p’wedeng ipagsigawan sa mga kaibigan namin na malaki rin ang sahod ko kasi masasaktan ang pride ng lalaki.
Pagbalik ko sa aking desk, nakaabang na si Lorena at mas masaya pa siya sa akin. Nang maupo ako at binuksan ang email, nagulat ako sa aking nakita. Inanunsyo na pala ni Miss Rona ang tungkol sa aking promotion at alam na ito ng lahat.
“You deserve it,” sabi ni Lorena.
“I know, right?” At nagtawanan kaming magkaibigan ngunit sa likod ng aming kasiyahan ay naroon ang pangamba at takot kung paano ko kakausapin si Brent. Sa totoo lang ay pagod na akong magsinungaling sa kanya. Minsan ay naisip ko kung bakit kailangan ko na mag-adjust upang hindi ma-hurt ang kanyang ego? Bakit kailangan ko na magsinungaling upang hindi siya ma-offend?
“Si Brent!”
Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang itinuro ni Lorena. Naka-silent mode kasi ang aking phone noong nagtungo ako sa opisina ni Mr. Chavez dahil mahigpit nitong ipinagbabawal sa lahat ng trabahante ang maingay na ringtone sa loob ng opisina.
“Yes Brent?” Sinagot ko ang tawag at sinenyasan ko si Lorena na bumalik na muna sa kanyang desk at mamaya nalang kami magkwentuhang muli.
“Guess what?”
Napansin ko na parang excited ang boses ng lalaki sa kabilang linya. Usually ay masaya lang naman ito tuwing may sahod na at sa susunod na araw pa naman ang payday. “Hmmm good news?” Baka kasi may pa bonus ang kanilang kumpanya kasi malapit na rin naman ang pasko.
“Yes! Pero mamaya ko na lang sasabihin ang lahat. Dinner tayo mamaya sa Casa Verde,” sabi nito sa kabilang linya.
Afford lang namin ang presyo sa naturang restaurant kaya naisip ko na baka hindi tungkol sa pera ang sasabihin ng lalaki. “May company dinner kami mamaya,” tumanggi ako kasi naka-commit na ako sa aking mga kasamahan.
“Sayang. Na-promote kasi ako sa trabaho kaya gusto ko sanang mag-celebrate tayong dalawa,” sumagot ang lalaki.
Na-promote rin ito? Aba, magaling! “Bukas na lang tayo magdinner sa labas upang makasama naman natin ang bata at si yaya,” mungkahi ko sa kanya.
“Hulaan mo muna kung magkano ang sahod ko sa aking bagong posisyon,” giit ni Brent.
“Singkwenta?” Tinanong ko siya ngunit tumanggi ang lalaki.
“One hundred,” sagot nito.