MASUYONG nginitian ni Xander si Gabriella nang makita niya ito sa library ng unibersidad na pinapasukan niya. Umupo siya sa tabi nito. “Hi,” nakangiting bati niya.
Nginitian din siya nito. “Hello,” ganting-bati nito. “Ang akala ko ay nakauwi ka na.” Ibinalik nito ang atensiyon sa pagsusulat sa notebook nito habang nakabukas sa harap nito ang isang makapal na libro.
“Puwede ba namang umuwi ako na hindi pa kita nakikita?” aniya habang inilalabas ang isang tangkay ng rosas na kanina pa niya itinatago rito. Nakangiting ibinigay niya iyon dito.
Buong araw niya itong hindi nakita dahil naging abala siya sa paggawa ng mga project at report niya. Hindi niya ito kaklase ngayong semestre dahil iilang units lang ang kinuha nito. Minsan, kada umaga lang ang klase nito. May mga araw naman na tuwing hapon ang pasok nito. Kailangan daw kasi nitong magtrabaho.
Itinigil nito ang pagsusulat at tumingin sa rosas na ibinibigay niya rito. Hindi na siya nagdamdam sa malamig na tingin nito sa rosas. Nasanay na marahil siya rito.
“Hindi ka na talaga natuto, ano?” natatawang sabi nito. Nasanay na rin siya sa ganoong reaksiyon nito. “Sinabi ko naman na sa `yo na tigilan mo na ang panliligaw sa `kin, Xander. Maging mabuting magkaibigan na lang tayo. Hindi ako ang nababagay na babae para sa `yo at hindi ikaw ang lalaking nararapat para sa `kin. Ilang ulit ko nang sinasabi ang mga iyan sa `yo, pero hindi ka naman nakikinig sa `kin.”
Hindi nabura ang ngiti sa kanyang mga labi. “Ilang ulit ko na ring sinabi sa `yo na hindi ganyan ang paniniwala ko? Ikaw, kailan mo ba matatanggap na mahal kita at ikaw ang gusto ko? Ikaw ang nararapat sa `kin. Kailan ka maniniwala sa `kin?”
“Hindi tayo uubra, Xander. Ibang babae na lang ang ligawan mo, ang pagtuunan mo ng pansin. Hindi tayo bagay.”
Hindi nawala ang kanyang ngiti kahit na tila may pumipiga sa kanyang puso sa mga narinig mula rito. Hindi iyon ang unang pagkakataon na sinabi nito sa kanya ang bagay na iyon. Tila matibay ang paniniwala nito na hindi sila nababagay sa isa’t isa.
Hindi ganoon ang nararamdaman niya. Mula nang una niya itong makita na papasok sa loob ng classroom ay nabighani na siya sa ganda nito. Mas napamahal ito sa kanya nang mas makilala niya ang pagkatao nito. Habang lumilipas ang mga araw ay lalong nahuhulog ang loob niya rito.
“Hindi lang ikaw ang magdedesisyon sa bagay na iyan,” aniya, saka inilapag ang rosas sa ibabaw ng notebook nito. “I love you and my heart says you’re the right woman for me. Hangga’t hindi mo natatanggap iyon at hangga’t hindi mo inaamin sa sarili mo na mahal mo na rin ako, hindi kita titigilan. Araw-araw kitang susuyuin. Araw-araw kitang bibigyan ng bulaklak.”
Napangiti ito nang malungkot. Kulang sabihin dismayado siya. Mas inasahan niya na kiligin o matuwa ito kahit paano. Madalas, pakiramdam niya ay hindi ito naniniwala sa mga sinasabi niya. Tila iniisip nito na susuko at bibitaw rin siya paglaon. He would show her.
“Pakiramdam ko ay napasuwerte ko dahil nakilala ko ang isang katulad mo, Xander Castañeda.” Bumuntong-hininga ito. “Napapasaya mo ako, hindi ko ikakaila ang bagay na iyan. Pero kahit na sino ay magsasabi na hindi tayo bagay sa isa’t isa. Magkaibang-magkaiba ang mundo natin. Isang prinsesa ang nararapat sa `yo. Isang babae na kalebel mo ng estado sa buhay.”
“Mahirap ka at galing naman ako sa isang mayamang angkan, iyon lang ba ang problema mo? Hindi ka man lang ba nakakapanood ng mga teleserye sa TV? Bentang-benta ang mga ganitong istorya, hindi ba?” Nilangkapan niya ng biro ang tinig niya.
Wala naman talagang kaso kung magkaiba sila ng estado sa buhay. Hindi naman matapobre ang pamilya ni Xander. Galing din sa hirap ang Lolo Andoy niya. Nang pakasalan nito ang Lola Ancia niya ay mahirap pa rin ito. Nagsumikap ito nang husto upang lumago ang kabuhayan nito, upang lumawak ang mga lupaing nasasakupan nito. Ginawa nito ang lahat upang umangat ang estado nito sa buhay, upang bumagay kay Lola Ancia.
Yumuko si Gabriella. “Wala akong panahong manood ng kahit na ano sa TV dahil kapag nasa bahay ako ay abala na ako sa mga gawaing-bahay. Alam mo rin na wala akong planong maging katulad ng mga bida sa mga teleserye. Hindi naman nangyayari sa totoong buhay ang mga iyon. Ang mayaman ay para sa mayaman. Ang mahirap ay para sa mahirap.”
He sighed in exasperation. Kailan ba ito matatauhan? Kailan ito maniniwala sa kanya? “Why can’t you just be a typical girl who still believes in fairy tales?”
Sinalubong nito ang kanyang paningin. “Dahil hindi ako tipikal. Maaga akong namulat sa kalupitan ng mundo. Maaga akong natuto sa buhay. Hindi ako kagaya mo, Xander, na sheltered buong buhay mo. Hindi ka pa nakakaranas ng kalupitan. Hindi mo pa naranasan kung paano ang magutom nang matindi. Hindi mo pa alam ang kayang gawin ng isang katulad ko para lamang mabuhay. Hindi ako ang nararapat na babae para sa `yo, maniwala ka sa `kin.”
“Maniwala ka rin sa `kin na hindi issue sa `kin ang pagiging mahirap mo. Hindi ka naman mananatiling mahirap. Ginagawa mo naman ang lahat upang makaahon sa kalagayan mo. Nag-aaral kang maigi para hindi habang-buhay ay mahirap ka. Hindi ipinanganak na mayaman ang lolo ko. Magsasaka lang siya sa isang malayong probinsiya. Dahil sa kagustuhan niyang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya niya, nagtrabaho siya nang husto. Nagbungkal siya ng lupa at nagtanim. Huwag mo sanang isipin na katulad ako ng ibang mayayaman. Iba ang pamilyang pinanggalingan ko. Maniwala ka sa `kin na mahal kita at patuloy na mamahalin sa kabila ng lahat.”
“Totoong nag-aaral ako nang husto para makaahon kami ng kapatid ko sa kahirapan. Habang hindi pa ako nakakaahon, wala pa akong karapatang umibig. Distraction lang `yon, eh. Masyado pa tayong mga bata para isipin masyado ang lintik na pag-ibig na `yan. Mas maraming importanteng bagay na dapat pagtuunan ng pansin.”
“Gabe—”
“At isipin mo rin kung in love ka na talaga sa `kin. Baka naman kasi naaawa ka lang sa kalagayan ko. Nasa nature mo kasi ang pagiging maawain.”
Bago pa man makapagsalita si Xander ay nakatayo na ito at iniwan siya. Napabuntong-hininga na napatingin siya sa rosas na iniwan nito. Hindi iyon ang unang pagkakataon na ginawa nito iyon, ngunit bahagya pa ring kumirot ang dibdib niya. Kailan nito tatanggapin ang pag-ibig na iniaalay niya?
Hindi rin totoo ang sinasabi nito na baka naaawa lang siya rito. Hindi siya kailanman naawa rito kahit na may alam siya sa kuwento ng buhay nito. Hinahangaan nga niya ang tapang at katatagan nito. Hindi nito sinusukuan ang lahat ng problema, ang lahat ng hirap ng buhay. Dahil marahil sa tapang at tibay ng loob nito kaya siya umibig dito.
Huminga siya nang malalim. Hindi siya basta-basta susuko. He would do everything to win her heart. Susuko rin ito sa kanya.