"Magnanakaw ka ano?"
Nawindang naman ako sa kanyang sinabi. Hindi kaagad ako nakapagsalita. Bakas sa aking mukha ang sobrang takot. Paano kung makalabit nito ang gatilyo ng hawak niyang baril e di tipok ako?
"H-hindi po ako magnanakaw. Napadaan lang po ako rito!" Nanginginig kong pagtatanggol sa sarili pero sa tingin ko hindi naman siya naniwala dahil hinablot niya ang isang kamay ko patungo sa aking likuran. Malakas iyon kaya napaaray ako.
"Huwag kang gumalaw kundi pasasabugin ko iyang bungo mo. Sige, lakad!"ang singhal niya sa akin.
Malakas ang boses niya dahilan upang magising ang mga tao sa loob ng bahay na isa-isang nagsilabasan upang maki-usyoso.
"Sino ba yan Emong?" Ang narinig kong tanong ng may edad ng babae na sa tingin ko asawa ng lalaking dumakip sa akin. Namilog pa ang mga mata nito tanda ng pagkabigla ng makita akong tinututukan ng baril.
"Isang magnanakaw. Nahuli ko diyan sa likod natin!"
Kaysarap lang dagukan ng bakulaw na 'to. Sinabi ng hindi ako magnanakaw e.
"Naku, Emong hinalughug mo bang mabuti ang likuran natin, baka mamaya may mga kasamahan pa iyan. Ano kaya kung tumawag ka pa ng ibang tanod para makasigurado tayo!"
Naku isa din itong bruhang ito. Sinabi na ngang hindi ako magnanakaw eh. Napadaan lang ako. Sa isip ko lang.
At wala na akong nagawa kundi ang maglakad patungo sa lugar na hindi ko pa alam. Nakayuko ako dahil nakaramdam ako ng hiya sa mga taong nakatingin sa akin na alam kong hinuhusguhan na nila ang pagkatao ko.
"Saan n'yo po ba ako dadalhin, Manong?!" Ang naitanong ko sa lalaki ngunit,
"Huwag ka nang matanong mamaya malalaman mo rin!" ang tanging sagot niya.
Pasigaw iyon. Kaya tumahimik na ako. Nakakatutok parin kasi ang baril niya sa aking ulo.
Maya-maya lang may nadadaanan na kaming mga kabahayan. Mas tumindi pa tuloy ang hiya ko dahil mas dumarami ng ang mga taong nakatingin sa akin. Mula ulo hanggang paa.
"Yan yata 'yong magnanakaw na sinsabi nilang nahuli sa likod- bahay nina ka-Emong!" ang narinig kong bulong-bulungan ng mga tsismosa sa paligid.
Aba, high-tech naman! Wala pa silang mga celphone niyan pero mas mabilis pa sa text message na kumalat ang balita ng pagkakahuli sa akin. At hindi pa nakuntento ang mga usyosero, talagang nakabuntot silang lahat sa amin ng tinahak namin ang daan patungo sa pagdalhan sa akin ng matanda. Mistulang nagkaroon bigla ng prusisyon sa dami ng taong nakasunod sa amin. Rebulto na lang ang kulang na pinapasan.
Hanggang sa marating namin ang isang maliit na barangay hall. Tiyak doon ako babatuhin ng mga katakot-takot na mga katanungan bago ako ikulong. Panibago ko na namang kalbaryo. Mas naging malabo na ang tsansang mahahanap ko pa sina Mommy at Daddy kung ikukulong nila ako at ang masaklap hindi naman totoo ang mga paratang sa akin. Idinadalangin ko na sana'y magawa nilang pakinggan ang aking panig kahit na bagong salta lamang ako sa lugar na iyon.
"Anong pangalan mo bata?" ang tanong sa akin ng may edad ng lalaki. Sa tingin ko siya iyong pinaka-lider ng mga tanod sa barangay. Sa kanya kasi ako tinurn-over ni Ka-Emong. Nakaupo ako sa isang silya sa sa gilid ng maliit na mesa at sa kabilang bahagi noon ay ang taong nagtatanong sa akin.
"J-Jeric po!" Ang sagot ko naman. Halata sa boses ko ang kaba.
"Jeric ano?...... Raval? Gonzales?
"Hi-hindi po?"
"E, ano?"
"Hindi ko po alam!" ang agaran kong sagot. Hindi ko naman talaga alam apelyido ko e. Alangan naman mag-iimbento ako. Sa isip ko lang.
Nakita kong nagkatinginan ang mga tanod sa loob. Napapailing. Pati narin ang mga usyosero sa labas na nakasilip sa bintana.
"Anong hindi mo alam? Kami ba'y pinagloloko mo? May tao bang hindi alam ang kanyang apelyido?"
Tumaas na ang boses ng punong-tanod.
"Gusto mo bang idederetso ka namin sa presinto sa bayan upang ikulong na lang nang wala ng maraming tanong?"
"Naku huwag po. Maawa po kayo sa akin. Hindi po ako isang magnanakaw!" sigaw ko naman sa takot na baka totohanin niya ang kanyang sinabi kahit na doon naman talaga ang bagsak ko. Sana magawi doon sina Jayson at Aling Bebeng. Sila na lang kasi ang tanging alam kong makakapagligtas sa akin.
"Iyon naman pala, e di sagutin mo ako ng maayos, bata para matapos na tayo!" At inulit niya muli ang tanong sa akin ngunit ganoon parin ang sagot ko.
"Hindi ko alam!"
Nainis man ngunit nakita ko sa kanya ang pagpasensiya. Pinakiusapan parin niya ako nang maayos na sagutin ko ang mga tanong niya pero hindi ko talaga masagot kasi nga tanging pangalan ko lang ang alam ko.
Tinitigan niya ako nang mariin bago muling nagsalita.
"Hindi ka taga- rito e 'no? Halos kabisado ko na ang pagmumukha ng mga kabataan rito at ngayon lang kita nakita!"
Iniba narin niya ang tanong. Napagod na marahil sa katatanong sa apelyido ko. Mamaya abutan na lang kami ng umaga na hindi ko man lang masagot ang una niyang tanong.
"Opo!" Ang sagot ko.
"Kung ganoon, taga-saan ka?"
"Kina Aling Bebeng po. Yong bahay na nasa gilid ng palayan" ang naisipang kong isagot sa kanya. Baka kasi mapuno na siya sa akin kapag sinabi ko namang hindi ko alam.
Nag-aatubili kasi akong sabihin sa kanya ang totoong nagka-amnesia ako na alam kong hindi rin siya maniniwala dahil alam ko pa naman ang pangalan ko. Baka mas lalo lang siyang magalit dahil sa pag-iimbento ko ng kwento. Saka naisip ko rin na baka kilala niya si Aling Bebeng nangsaganun ipatawag nila ito at kapag mangyari 'yon baka mapawalang-sala pa ako dahil sigurado akong hindi nila ako hahayaan na makulong.
"Iyong biyuda?"
"Opo!" ang sagot ko sabay angat ng tingin.
Salamat naman at mukhang kilala niya.
Sandali namang natigilan ang punong-tanod sa katatanong sa akin nang bahagyang nagkakagulo sa labas. Nang magawi ang tingin ko sa kanila, nakita ko si Makoy na kunot-noong nakatingin sa akin. Bakas sa kanyang mukha ang pagtataka kung bakit naroon ako sa loob at pinalibutan ng mga tanod na parang nakasalang sa hotseat.
"Makoy!" Tawag ko agad sa kanya.
Nagbabasakali akong tutulungan niya akong makaalis doon kahit na mabigat ang loob niya sa akin. Ngunit hindi man lang siya umimik bagkus nagbawi ito ng tingin at umaktong tatalikod na. Sa ikinikilos niya, wala talaga siyang balak na tulungan ako. Mukha yatang mas gusto niyang madidiin ako para makulong. Ganoon na ba talaga kalaki ang galit niya sa akin? Wala naman akong natatandaang atraso sa kanya. Maliban na lang sa pagkakasagip niya sa akin doon sa dalampasigan. Bakit parang isang napakalaking pagkakamaling ang sagipin nila ako? Doon nagsimulang tumulo ang aking luha sa galit ko sa kanya. Inisip ko na balang araw makakaganti din ako sa kanya.
"Makoy sandali. Kilala mo ba ang batang to?"
Napatigil din naman si Makoy nang tinawag siya ng punong-tanod. Lumingon siya akin. Saglit niya akong tinitigan. Iyong titig ba na parang iyon ang unang beses naming pagkikita at pilit niyang inaalala sa kanyang isip kung saan at kailan naman iyon.
"Namataan kasi siya ni Ka-Emong na umaaligid sa kanilang likod-bahay. Mukhang may binabalak na magnakaw ng kanilang mga alagang hayop. E, sabi niya sa inyo raw siya nakatira at tinawag karin niya kaya tinatanong kita kung totoo bang sa inyo siya nakatira!"
Halos kumawala na ang lahat ng laman-loob ko sa matinding kabang nararamdaman. Sa ipinapakitang kilos ni Makoy, alam kong idi-deny niya ako. Pagnagkaganun, tuluyan na akong makukulong. Sana pala si Jayson na lang ang nagawi roon dahil paniguradong hindi iyon mag-aatubiling tulungan ako at hindi ang walang puso na si Makoy na may plano yatang ilaglag ako.
Parang namang nasa isang eksena sa pelikula ang tagpong iyon. Lahat ng mga mata ay nakatutok kay Makoy at naghihintay sa kung ano ang sasabihin niya. Kikilalanin kaya niya ako o deadmahin?
"Kilala ko po siya Mang Pedring!"
Mistula namang natanggal ang lahat ng mga tinik na nakatusok sa aking dibdib. Nakahinga ako ng maluwag. Laking tuwa kong hindi ako itinaggi ni Makoy. May pakinabang din naman pala ang pagiging usyosero nito. Pero ganoon na lamang ang aking pagkagimbal ng biglang,
"....pero hindi ko naman po inasahan na magnanakaw pala siya. Kaya kayo na po ang bahala sa kanya!"
Nawindang ako doon ha! Pakiramdam ko hindi lang ako basta hinataw ng isang matigas na bagay kundi pinagtataga pa ako ng isang napakatalim na itak pagkatapos isinilid sa sako at pinaanod sa ilog. Akala ko magtuloy-tuloy na ang swerte ko ngunit panandalian lang pala ang lahat. Paasa din kasi itong si Makoy. Inakala ko na pabulaanan niyang hindi ako isang magnanakaw. Ngayon, alam ko na ang pakiramdam ni Miss Colombia ng Miss Universe 2015. Kaysarap lang bugbugin nitong si Makoy at paduguin ang nguso. Talagang diniinan pa niya ang pagbanggit ng salitang MAGNANAKAW.
"Paano ba yan bata, pasensiyahan na lang tayo. Ang mga nagkasala ay nararapat lang na panagutan ang kanilang nagawang mali!" ang pahayag ng punong-tanod.
Suminyas siya sa dalawa pang tanod. Lumapit ito sa akin upang ipasok na sa kulungan. Nagpupumiglas naman ako nang hawakan ng dalawang lalaki ang aking braso. Umangat pa ang maliit na mesa dahil nangunyapit ako rito nang hilain nila ako.
"Maniwala po kayo sa akin, hindi po ako magnanakaw napadaan lang po talaga ako roon upang sana ay makahingi ng maiinom na tubig!" Ang panggigiit ko pa.
"E bakit hindi ka man lang tumao. Sumuong ka pa nga sa barbwire na bakod sa likuran namin. Kung sana makiinom ka lang talaga, doon ka dapat sa harap ng bahay namin dumaan!" ang tugon naman ni Ka-Emong, ang may-ari ng bahay na napuntahan ko.
At doon na ako hindi nakaimik. May punto din naman kasi siya. Narealised ko na tresspassing ang ginawa ko. Doon pa lang may nalabag na akong batas. Kaya wala na akong nagawa kundi ang sumunod sa kanila. Dinala nila ako sa isang maliit na kulungan sa loob ng baranggay hall. Doon muna nila ako pansamantalang ikulong bago dalhin sa presinto ng bayan kinabukasan.
"Teka lang ho, Mang Pedring!" ang narinig kong sigaw mula sa may pintuan bago pa man ako tuluyang naipasok sa kulungan. Nang lumingon ako, si Jayson ang aking nakita.
"Huwag n'yo po siyang ikulong. Sa amin po siya nakatira. Hindi po siya magnanakaw!" Ang dagdag pa nito na siyang ikinabuhay ng loob ko. Patakbo akong nilapitan ni Jayson saka inakbayan.
"Kaano-ano n'yo ba ang batang ito, Jayson?" ang tanong ni Mang Pedring.
Mukhang hindi alam ni Jayson ang kanyang sasabihin. Napapakamot pa nga ito sa kanyang ulo na alam kong hindi naman nangangati.
"Ah, eh!" Ang tanging nasabi lang niya.
"Pinsan n'yo ba siya o ano? Wala din naman kasing sinabi sa amin kanina ang Kuya mong si Makoy!"
"Pamangkin ko siya Pedring!" ang pagsingit ng boses ng isang babae mula sa aming likuran.
Sabay kaming lahat na napalingon. Si Aling Bebeng iyon na humahangos na lumapit sa akin.
"Saan ka ba nagpupunta bata ka, kanina ka pa namin hinahanap ah?" Baling naman nito sa akin. Naaaninag ko sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala.
"Sa may ilog po. Nagpalipas ako sandali doon at hindi ko namalayang gumabi na pala. May narinig po akong mga kaluskos sa talahiban kaya sa takot ko, kumaripae po ako ng takbo hanggang sa makarating po ako sa isang likod-bahay at pumasok ako nang walang paalam kaya napagkamalan akong magnanakaw. Pero maniwala po kayong hindi ko gawain iyon!" Mahabang paliwanag ko kay Aling Bebeng na sinabayan ko ng paghikbi. Nay narin ang tawag ko sa kanya para mapanindigan ang sinabi niyang pamangkin niya ako.
Niyakap naman ako ng babae gawa nang labis kong paghikbi. E, kasi naman ayokong makulong. Nagsalitang muli sa Aling Bebeng at kinumbinse niya ang mga tanod na hindi ako masamang tao. Sinabi rin niyang nagkagalit kami ni Makoy kaya ako nagwalk-out ng bahay at iyon na nga ang dahilan nag pagkapadpad ko sa may ilog. Mukha namang naniwala sa kanya si Mang Pedring, ang lider ng mga tanod.
"Ganoon naman pala e, bakit hindi mo kaagad sinabi kanina ang tungkol diyan. Ayan tuloy muntik ka nang mapasok sa kulungan nang wala sa oras!" Sambit ni Mang Pedring.
"E paano, panay ang katatanong ninyo kung ano ang apilyedo ko!" ang isasagot ko sana pero sinarili ko na lang.
"O siya, Bebeng iuwi mo na iyang pamangkin mo dahil palalim na ang gabi. At ikaw naman bata..." Baling naman nito sa akin at tinapik niya pa ako sa balikat. "...pasensiyahan mo na ang nangyari ha. Sa susunod huwag ka ng gumala kapag ganitong gabi na. Talamak kasi ang nawakan dito sa lugar namin kaya ganoon na lamang ang aming paghihigpit!" Tumango lang ako bilang tugon sa kanyang sinabi. Bagama't labis ang takot ko kanina, hindi ko naman nagawang magalit dahil alam kong ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin.
Bago pa man kami umalis, pina-logbook muna sa akin ang aking pagkakakilanlan. Protocol daw nila iyon kapag ganoong may bagong salta sa kanilang lugar para narin sa seguridad. Matapos kong makapaglog-book, pinayagan na akong makauwi kasama si Jayson at Aling Bebeng.
Nang makarating na kami ng bahay ay pinagalitan naman ni Aling Bebeng si Makoy dahil hindi man lang daw nito nagawang protektahan ako sa mga paratang sa akin. Paano nalang daw kung hindi sila dumating sa baranggay hall e di makukulong ako nang wala sa oras. Samantalang siya, wala man lang ginawang hakbang para ako ay matulungan.
"E Nay, ano naman ang sasabihin ko kina Mang Pedring at sa ibang mga tanod? Talaga namang hindi ko pa iyan kilala ng lubusan. Malay ko ba kung talagang magna—!"
Hindi na naipagpatuloy pa ni Makoy ang katagang sasabihin dahil agad na kinurot ni Aling Bebeng ang kanyang tenga na para bang isang batang nahuling nangungupit ng barya.
"Aray!" reklamo ni Makoy. "Nay naman oh, pambihira" himas-himas ang namumula niyang tenga.
"E talagang pambihira kang bata ka dahil wala ka man lang ginawa para tulungan sa Jeric. Kung ikaw kaya ang nasa kalagayan niya?"
Doon na hindi nakapagsalita si Makoy. Yumuko ito na para bang tinanggap na lamang ang isang pagkakamali.
"Ano bang mga tinuro ko sa inyo pati ng Tatay ninyo noong nabubuhay pa?" Ang pagpapatuloy ni Aling Bebeng.
"Ang tulungan po ang mga taong nangagngailangan ng tulong sa abot ng ating makakaya" Si Jayson ang sumagot.
"O kita mo na? Buti pa 'tong kapatid mo naalala ang lahat!"
"S-sorry ho!" ang turan naman ni Makoy na nakayuko parin. Pinagsaklob ang dalawang palad.
"Hindi ka dapat sa akin magsabi niyan kundi kay Jeric!"
"Ho?" Ang pagkagulat ni Makoy na para bang may bombang sumabog sa kanyang harapan.
Nag-angat ito ng tingin sa akin. Maski ako man ay nagulat rin. Kahit galit ako sa kanya kanina gawa nang pagdeadma niya sa akin doon sa baranggay hall ay ayos na sa aking hindi siya humingi ng tawad. No big deal na kasi iyon sa akin. Ang mahalaga, heto ako nakauwi na at napawalang-sala.
Tumayo si Makoy at lumapit sa akin. Inabot niya ang isa kong kamay sabay sabi ng,
"Sorry"
Hindi ko man alam kong iyon ba ay bukal sa kanyang kalooban pero masaya narin ako na kahit papaano nagpakumbaba siya pero hindi iyon nangangahulugang nawala na ang inis ko sa kanya. Siya kaya ang dahilan sa muntikan ko ng pagkakakulong. Hindi rin kayang ibalik ng sorry niya ang kahihiyang natamo ko sa harapan ng maraming tao na kung makatitig kulang na lang bibitayin na ako.
Magkatabi kami sa pagtulog ni Jayson. Si Makoy naman ay sa kusina naglatag ng banig at si Aling Bebeng ay sa kwarto nila ng dating yumaong asawa. Siguro maghahating-gabi na noon pero hindi parin ako dalawin ng antok. Gawa marahil sa dami ng aking iniisip sa tunay kung pinagmulan at pagkakakilanlan. Bagamat may iilang detalye sa buhay ko na aking natatandaan pero hindi parin iyon sapat para matukoy ang tunay kong pagkatao.
Hindi ko rin lubos maisip kung ano ang magiging buhay ko doon sa kanila. Bagamat mabait naman sila sa akin at itinuring pa nila akong isang kamag-anak pero paano naman ang mga personal kong pangangailangan? Gaya ng kung ano ang ipambili ko sa mga bagay na gusto ko. Paano ako maliligo sa wala man lang takip na paliguan at ang tubig na gagamitin ay kinukuha lang sa balon na bagamat malinis pero tiyak nakakaitim iyon ng balat dahil sa wala iyong nilagay na chlorine.
At isa pa itong hinihigaan ko na sobrang tigas dahil tanging banig lang ang namamagitan sa aking likod at sa papag na yari sa kawayan. Isa pa, wala na ngang TV, wala pang kuryente. Mabuti na lang may radyo na de baterya, kahit papaano may pambasag ng katahimikan sa buong kabahayan. At ang isa pang nagpagulo sa akin ay ang masakit na ala-ala na iniwan sa akin ni Chad. Sa dami ba naman ng pwede kong matatandaang mga bagay ay bakit siya pa? Bakit hindi na lamang siya tuluyang nabura. Saklap naman oh! Pero aaminin kong hanggang ngayon nandoon parin siya sa puso ko. Dahil nasa kanya ang lahat ng katangian ng lalaking gusto ko.
"Diyos ko po, kung buhay man ang mga magulang ko sana ay matagpuan na nila ako. Pasensiya na po kung maarte ako pero talagang hindi ko kayang mabubay sa ganitong uri ng lugar!" ang biglang naiusal kong dasal. Talagang hindi ko kayang magtagal sa ganoong uri ng pamumuhay.
Nakaramdam naman ako ng pagkauhaw gawa nang kaiisip ko sa mga bagay-bagay kaya bumangon ako para uminom ng tubig sa kusina.
Dahan-dahan ang aking paghakbang para hindi maglikha ng ingay ang aking mga yapak sa papag na yari sa kawayan. Nang nasa kusina na ako, napansin kong wala doon si Makoy. Tanging unan lang at kumot ang nakalatag doon.
Nang magawi naman ang tingin ko sa bintana, nakita ko ang bulto ng isang lalaking nakaupo sa isang upuan sa ilalim ng punong manga. Maliwanag ang sinag ng buwan kaya napagsino ko agad ang taong iyon, si Makoy. Nakatingala ito sa kalangitan at mukhang may malalim na iniisip.
Maya-maya lang nakita kong may dinukot siya sa kanyang bulsa. Hindi man maabot ng aking mga paningin ang bagay na iyon pero natitiyak kong isa iyong litrato. Kitang-kita ko kasi kung paano niya iyon tinititigan at hinahalik-halikan.
Pagkatapos titingala na naman sa kalangitan na para bang may hinihiling ng kung ano sa mga nagkikislapang mga bituin. Naisip kong baka may napupusuan na siya at ang litratong hawak niya ay ang litrato ng babaeng iniibig niya. Subalit ang problema'y hirap siyang magtapat ng nararamdaman. O di naman kaya'y nakapagpahayag na siya ngunit bokya ang napala niya kaya sa akin niya naibunton ang galit niya.
Iyon ang tumatakbo sa aking isipan hanggang sa nakita kong isinuksuk niyang muli ang hawak na litrato sa kanyang bulsa sabay tayo at naglakad papasok ng bahay. Ako nama'y nagmamadaling bumalik sa kinahigaan at baka magpang-abot pa kami. Mahirap na baka magkakagulo na naman.
Nang mahiga akong muli, nakatulog din naman ako sa wakas hanggang sa magising ako kinabukasan sa ingay ng mga nag-uumpukan sa labas ng bahay. Nagtatawanan sila sa mga bagay na sa tingin ko hindi naman nakakatawa. Ang bababaw lang.
Nang sumilip ako sa bintana, mga grupo ng kalalakihan ang nakita ko. Apat silang lahat kabilang na si Makoy at Jayson. Nakaupo sila sa tambayan sa silong ng manga. Pinalibutan nila ang isang galon ng alak na kung tawagin ay lambanog at inihaw na isda na kanilang pulutan. Dahil sa hindi naman ako interesado sa kanila, bumalik ako sa aking hinigaan at sinikap na umidlip muli. Hating-gabi na kaya akong nakatulog kaya antok na antok pa rin ako. Tinakpan ko pa ang aking tenga ng unan para hindi ko marinig ang ingay ng kanilang bangkaan.
Nakatulog na sana akong muli kung hindi lang sa ingay ng gitarang tinitipa nila sa labas. Kaysarap lang nilang sabuyan ng arenola para tumahimik. At mas lalo pa akong nairita nang magsimula ng kumanta ang isa sa kanila na sinabayan pa ng masigabong palakpakan at hiyawan na para bang nagko-concert sa Araneta
HINDI KO NA SANA PINAGMASDAN
ANG IYONG GANDA
"Whoaaah! Grabe tol, mukhang inlove ka na ulit ah? Sino na naman ba 'yan ha?!"
Ang narinig kong sigaw sa isa nilang kasamahan na mukhang kilig na kilig. Hindi naman sumagot iyong kumanta sa halip nagpatuloy lang ito sa pag-awit. Ako nama'y nagtalukbong ng kumot dahil hindi na sapat ang unan na ginawa kong pantakip sa aking tainga para hindi marinig ang kanilang ingay sa labas.
AT HINDI NARIN PINANSIN PA
BAWAT NGITI MONG MAY GAYUMA
DAHIL SA AKALA KO HINDI AKO IIBIG SA'YO
IKAW PALA ANG AAKIT SA PUSO KO
Palakpakan ulit.
Nag-aalburuto na ako sa sobrang inis hindi lang sa kanilang ingay kundi pati narin sa kanta.
My Gosh ang baduy lang. Wala ba silang alam na ibang kanta na pwedeng kantahin? Mukha yatang hindi pa ako pinanganak ng sumikat yon ah?
Tumayo ako at sinilip ko ulit sila sa bintana at napag-alaman kong si Makoy iyong kumakanta at nagtitipa ng gitara. Maganda sana ang boses niya pero wrong choice of song. Bakit hindi na lang "All of Me" o kaya'y "Sorry" ni Justin Bieber o ibang sikat na makabagong kanta ngayon. Iyon pa talaga na para lang nanghaharana sa isang byuda o kaya ay sa isang matrona. Juice colored!
Ewan ko ba na sa kabila ng inis ko ay nagawa ko ring pakinggan ang pagkanta ni Makoy. Infairness naman, maganda ang boses niya at ang galing din niyang maggitara kaya biglang nawala ang antok ko.
KAYA NGAYO'Y WARING GULUNG-GULO
ANG PUSO KO AT ISIPAN
ARAW, GABI AY PANGARAP KA
AT SA TWINA'Y NABABALISA
DAHIL SA ANG PUSO KO'Y
LABIS NA UMIBIG SA'YO
HANGGANG KAILAN MAGTITIIS
ILIHIM ANG PAG-IBIG KO
ANO ANG GAGAWIN SA UTOS NG DAMDAMIN
PARA BANG HANGIN NA KAY HIRAP PIGILALIN
SANA'Y UNAWAIN ANG PUSONG SA'YOY BALIW
NAIS KONG MALAMAN MO NA INIIBIG KITA.
Sa narinig kong pag-e-emote ni Makoy doon sa kanta masasabi kong inlove nga ang kumag. Marahil para iyon sa babaeng may-ari noong litratong hinahalik-halikan niya. Bagamat makaluma pero aminado akong napakaganda ng lyrics nito na tumatagos hanggang sa aking buto. Pero dahil nga si Makoy ang kumanta at naiinis parin ako sa kanya well, ligwak parin sa akin. Kumbaga kung sa "Tawag Ng Tanghalan" pinagong ko na siya. Sa dami ba naman ng kanta, iyon pa talaga? Wala man lang taste itong si Makoy.
At dahil sa nawala na iyong anyok ko, padabog akong bumaba at nagtungo sa likod bahay para umihi. Sinipa ko pa ang lata na nakaharang sa aking dinaraanan dahil sa pambubulahaw nila aking sa pagtulog. Naglikha iyon ng ingay kaya nakuha ko ang kanilang atensiyon. Natahimik sila. Nadinig ko pang inutusan ni Makoy si Jayson na tingnan kung ano iyong ingay na kanilang narinig.
"Ikaw lang pala Jeric, akala ko kung ano na!" bulalas ni Jayson nang makalapit s a akin.
Kasalukuyan na akong umiihi noon sa puno ng saging. Mukhang hindi kasi uso sa kanilang gumamit ng palikuran ang mga lalaking naiihi kaya kahit nandidiri nakikiuso na lang din ako.
"Pasensiya na, mukhang naisturbo ka pa namin sa pagtulog mo!"
"Anong mukha, talagang naisturbo ako. At iyang Makoy na 'yan, sa dami ba naman ng pwedeng kantahin iyon pa talaga? Wala ba siyang ibang alam?" Naiinis kong tinuran. Hindi naman nakasagot si Jayson dahil biglang,
"E, ano naman ngayon? Sinabi ko bang makinig ka?" Si Makoy na sumunod pala kay Jayson sa likuran ng bahay at nakikinig sa aking pagmamaktol. Nakasimangot itong nakatingin sa akin.
"Hello? Paano ko naman hindi marinig iyang pagko-concert mong kay aga-aga, e ang lakas kaya ng boses mo. Isa pa nasa bakuran lang kaya kayo kaya kahit lagyan ko pa ng bulak ang butas ng tenga ko maririnig ko parin iyang boses mo na parang sinipa na lata!"
"Mag-aalas-diyes na maaga parin iyan sa'yo? Kung nagkataon pala na umulan ng maraming pera, e wala kang makukuha kahit ni isang kusing dahil tulog-mantika ka!"
"Balato ko na lang sa inyo kung umulan man ng limpak-limpak na pera dahil alam kong mas higit ninyo iyong kailangan!"
"Yabang talaga neto!"
"Mas mayabang ka!"
"Hindi na ba talaga kayo magkakasundo Kuya? Kay liit na bagay pinapalaki n'yo?!" awat ni Jayson nang magsimula na naman kaming magbanggaan ni Makoy.
"Pwede bang pagsabihan mo iyang kaibigan mo, Jayson at baka maubos na ang pasensiya ko diyan!" ang bulyaw ni Makoy na namimilipit na sa galit sa akin. Kinuyom na nito ang mga palad na para bang nakahanda na upang suntukin ako.
"At bakit anong gagawin mo?" sigaw ko sa kanya pero hindi na niya ako pinansin. Bagkus, tinapunan na lamang ako ng kumag ng isang napakatalim na tingin bago umalis. Inirapan ko rin siya.
Nang kami na lamang dalawa ni Jayson, "Pasensiya ka na Jeric ha, nakagawian na kasi namin na kapag ganitong araw ng Linggo nagtitipon-tipon kaming mga magbabarkada at nagkakaroon ng kaunting kasiyahan sa bahay. Kumbaga bonding na rin namin. Abala kasi ang mga iyan sa trabahong bukid kapag ibang araw at si Kuya Makoy naman sa palengke. Pangako, hindi na iyon mauulit sa susunod!" ang pahayag ni Jayson dahilan para makaramdam ako ng guilt.
Doon ako napapahanga sa kanya. Alam kong wala namang mali sa kanilang ginawa dahil nakasanayan na nilang gawin iyon at aminado naman akong ako lang iyong nag-iinarte pero si Jayson parin iyong nagpakumbaba at humingi ng paumanhin sa akin na kung tutuusin hindi naman niya dapat iyong gawin. Ako ang dapat na mag-adgust sa kanila at wala akong karapatan na baguhin kung anuman ang kanilang nakasanayang sistema.
"Hindi mo naman kailangang humingi ng paumanhin sa akin, Jayson eh dahil wala ka naman kayong ginawang mali. Ewan ko ba, sa tuwing makikita ko si Makoy ganoon na lamang ang pagkulo ng dugo ko sa kanya. Hindi ko lang kasi maalis sa aking isip ang mga ginawa niya sa akin!" paliwanag ko.
"Hindi nga naman naging maganda ang una ninyong pagtatagpo. First impression is lasting ika nga ng isa kong guro at dahil nga sa kagaspangang ipinakita ni Kuya sa'yo iyon na ang naikintal sa isipan mo. Pero mabait si Kuya Makoy Jeric. Subukan mo siyang kilalanin dahil alam kong ganoon din ang sinisimulan niyang gawin. Alam kong darating din ang panahon na tuluyan ng bumalik ang ala-ala mo at babalik ka na sa inyo at sana pag mangyari iyon, isang magandang ala-ala ng ating magandang samahan ang babauin mo sa iyong paglisan at ganoon din ag maiiwan sa amin dito ni Kuya!"
Sobrang touched ako sa sinabi ni Jayson. Tama nga naman kasing walang maibubungang maganda kung lagi na lamang kaming magbabangayan ni Makoy. Dapat may isa sa amin ang magpakumbaba para maiwasan na ang gulo at sa tingin ko naman ako dapat iyon. Dahil ako lang naman iyong saling-pusa sa kanilang pamilya. Dapat ko ng isantabi ang aking pride. Kung anoman ang mga sasabihin ni Makoy na hindi maganda sa aking pandinig ay dapat hindi ko na iyon bigyan ng pansin. Hayaan ko na lamang iyon na tumagos sa kabila kong tenga. Tutal, hindi din naman ako magtatagal sa kanila. Kapag tuluyan ng bumalik ang mga ala-ala ko uuwi din naman agad ako sa amin.
"Pasensiya na talaga. Hayaan mo gagawin ko ang lahat ng mga sinabi mo sa akin. Magmula ngayon hindi ko na papansinin ang mga pasaring sa akin ni Makoy!" ang nasabi ko na lang na siyang ikinangiti ni Jayson. Ngumiti din ako sa kanya. Sana nga lang huhupa na ang hidwaan namin ng kuya niya.
"Baka gusto mo nang maligo!?" ang pag-iiba ni Jayson.
Alanganin naman akong sumagot. Iisipin ko pa lang na sa balon ako maliligo ay parang nangangati na ang buo kong katawan. At isa pa walang takip iyong paliguan. Siyempre alam ko sa loob ko na ganoon ako kaya nako-conscious akong magbilad ng katawan kapag ganoong may mga tao. Kaya,
"Ha, e!" ang tanging naisagot ko.
"Huwag kang mag-alala pinag-igib ka na namin ng tubig kanina doon sa poso. At nilagyan na din namin ni Kuya ng tabing ang paliguan!" Buong pagmamalaking wika ni Jayson sa akin.
Nang tiningna ko ang paliguan, may tabing na nga ito na yari sa pinagtagpi-tagping mga sako. Puno na rin ng tubig ang dalawang malalaking dram nang tiningnan ko ito.
"Whoaaaa! Nakaya nyo?" ang bulalas ko. Hindi makapaniwala na sa igsi ng panahon nagawa nila iyong matapos agad. Sa pag-igib pa lamang ng tubig alam kong marami ng oras ang kanilang binuno para mapuno iyong dram.
"Oo pero siyempre dahil iyon sa tulong ng mga kaibigan namin ni Kuya Makoy. Alam mo bang siya mismo ang nanguna na gawin iyan Jeric?"
Napayuko naman ako sa aking narinig. Hiyang-hiya ako na isiping nakikitira lang ako sa kanila pero heto, ako pa iyong parang pinagsisilbihan nila. Napaka-selfish ko naman yata.
"Nakakahiya naman. Nag-abala pa kayo. Solve naman na ako diyan sa balon at saka ayos na ako kahit walang takip iyang paliguan hindi naman ako isang babae na takot mabosohan eh!" ang nasabi ko na lang kay Jayson.
Unang beses kong makaramdam ng hiya na bonggang-bongga. Inaaway ko si Makoy dahil sa nagsusumiksik sa isip ko ang hindi magandang karanasan ko sa kanya nang una kaming magtagpo. Kinaiinisan ko siya. Hinusgahan. Pero may pagmamalasakit din namanpala siya sa akin. Tama nga ang sinabi sa akin ni Jayson na mabait naman si Makoy kaya dapat kilalanin ko pa siya nang husto.
"Asus, kapamilya ka na namin Jeric kaya huwag ka nang mahiya. Bawal ang mahiyain dito sa bahay. Sige na ligo na. Nangangamoy ka na oh!" Biro niya pa sa akin.
Pero dahil hindi pa talaga nagsink-in sa akin ang lahat,
"Ano kaya kung sabay na tayong maligo..." Sabi ko. "...Diba may ilog dito sa malapit. Ano kaya kung doon na lang tayo Jayson?
"Oo nga. Bakit hindi ko iyon naisip agad? Maganda nga doon. Maari pa tayong makapamingwit para sa uulamin natin mamaya!" ang pagsang-ayon niya sa aking mungkahi. Kinuha na muna niya ang pamingwit at sabay na kaming nagtungo sa ilog.
Nang makarating kami, sabay na namilog ang mga mata ko at bibig sa sobrang paghanga sa ganda at linis ng ilog. Sino ba namang hindi? Mukhang daig pa nito ang isang purified drinking water dahil sa malakristal nitong tubig. Napakalinaw lang na maging ang mga bato sa kailaliman ay kitang-kitang mo pati na ang mga isdang nagsipaglanguyan dito. Marahil karugtong ito sa ilog na una kong napuntahan noong nagwalk-out ako. Ang kaibahan lang ay nasa masukal na bahagi iyon. Samantalang dito ang linis-linis. Kakaunti lang ang mga damong tumutubo dito. Ito na marahil ang perpektong lugar para sa mga gustong mag-unwind.
"Tititig ka na lang ba diyan hanggang dapit hapon?" untag niya sa akin nang mapansing nakatunganga lang ako sa may pampang. Nauna na palang lumusong ang loko na tanging brief lang ang naiwang saplot sa katawan.
"Maghububad lang ako!" sabi ko.
At iyon nga, hinubad ko na ang aking mga damit at tanging brief lang ang aking itinira. Napansin kong titig na titig sa aking makinis at maputing katawan si Jayson. Napalunok pa siya ha kaya hindi ko naiwasan ang magbiro ng,
"Uy, ano ka? Titig na titig ka sa katawan ko ah! Huwag mong sasabihing nababakla ka na sa'kin Jayson?"
"E anong masama doon? Kapag bakla ba, wala ng karapatang tumitig sa katawang iyan. Nakakalibog ka naman kasi!" ang sagot naman niya sabay hagalpak ng tawa.
Siyempre alam kong biro lang niya iyon kaya hindi ko na pinansin. At iyon ang simula ng aming mga harutan at biruan. Hindi ko naman maiwasang gumaan ang loob kay Jayson. Ang sarap kasi niyang kasama at ang bait niya pa sa akin. Siya lang iyong laging nasa tabi ko at minsay kinukunsinte ang mali kong mga nagawa gaya na lamang ng pagsusungit ko kay Makoy kahit na alam kong wala namang ginagawang masama iyong tao. Mas ako pa iyong kinakampihan niya kaysa doon sa kapatid niya. Naisip kong paano na lang kaya kung wala si Jayson? Siguro hindi na ako nagtagal pa sa lugar nilang iyon. Isa na siyang kapatid para sa akin.
Nagpaligsahan kami sa paglangoy. Kung sino ang matatalo ay papahiran ng putik sa mukha. Siyempre ayokong maputikan, sobrang kadiri kaya iyon kaya hindi ako magpapatalo. Ngunit sadyang kaybilis lang na lumangoy ni Jayson. Halatang sanay. Samantalang unang beses ko pa lang makalangoy sa umaagos na tubig. Dati kasi sa swimming pool lang ako lumalangoy kapag P.E class namin kaya ayun talo ako. Kabilang iyon sa mga natatandaan ko.
At ganoon na lamang ang kanyang paghalakhak nang mapuno na sa putik ang buo kong mukha. Dahil sa gusto kong makabawi, naghamon ulit ako. Ngunit hindi na sa pabilisan ng langoy kundi patagalan ng paghinga sa ilalim ng tubig. Ang siste, dapat sabay kami na pumailalim sa tubig. Kung sino ang unang umahon, talo.
"Bibilang ako ng tatlo!" Sabi ko
"Game!" Tugon naman niya.
"Isa...!" Pagsisimula ko.
"Dalawa!"
"Tatlo!"
Hayun sabay na kaming pumailalim. Ngunit wala pa yatang sampung segundo pakiramdam ko sasabog na ang dibdib ko kaya kahit matatalo umahon na agad ako.
Gaya ng aking inaasagan, mas may ibubuga nga si Jayson sa patagalan ng paghinga sa ilalim ng tubig kaya hindi na ako nagtaka kung bakit hindi parin ito umaahon na halos mag-iisang minuto na mula noong ito ay lumublob sa ilalim ng tubig. Hinintay ko pa siya hanggang sa tantiya ko magdadalawang minuto na siya sa ilalim ng tubig ay doon na ako umalma.
"Jayson!" Tawag ko sa kanya. Nagsimula na akong kabahan. Paano na lang kung pinulikat siya at nahirapan na siyang makaahon.
"J-Jayson....." tawag ko ulit.
"...talo na ako kaya umahon ka na. Hindi kana nakakatuwa!" dagdag ko pa sa nanginginig kong boses.
Ngunit wala namang Jayson na pumansin sa akin. Doon na naging buo ang aking hinala na baka tinangay ng agos si Jayson at nalunod ito.
"Huwag naman sana Diyos ko!" usal ko.
Sumisid muli ako sa ilalim ng tubig. Nagbabasakali akong makita siya ngunit ni anino niya ay hindi ko talaga makita.
Lumangoy pa ako sa dako pa roon ng ilog na kung saan may kalaliman na pero hindi ko na iyon alintana. Iniisip ko kasi si Jayson. Dala marahil ng guilt dahil ako iyong nagpasimuno sa paligsahang iyon. Kung sakali mang mangyaring masama sa kanya tiyak ako iyong masisisi.
"Saklolo! Tulungan po ninyo ako. Si Jayson nalulunod!" ang sigaw ko kahit na malabong may makarinig sa akin.
Hindi pa rin ako tumitigil kahit na pakiramdam ko'y bumibigat na ang aking katawan at humihingal na ako sa maya't mayang pagsisid. Halos mabibingi na ako sa lakas ng kabog ng aking dibdib. Ang tanging nasa isip ko ay kung paano mahahanap at maiuwi ng buhay ang kaibigan ko.
Sa kasagsagan ng aking paghahanap sa kanya, hindi ko namalayan na nasa pinakailalalim na pala ako ng bahagi ng ilog. Pakiramdam ko ay may isang malakas na pwersa ang humila sa akin pailalim. Pinilit kung manlaban at sinikap na lumangoy paibabaw ngunit bigla na lamang pinulikat ang aking binti at nahihirapan na akong umahon. Sa tingin ko, kagaya ni Jayson, malulunod din ako.
Gustuhin ko mang sumigaw ng tulong pero hindi ko magawa dahil napuno na sa tubig ang aking bibig. Nahihirapan na akong huminga. Kung magkataon, dalawa kami ni Jayson ang lalamunin ng ilog na iyon. Saklap naman.
Ilang sandali pa'y naramdaman kong nawalan na ako ng lakas para ikampay ang aking mga kamay at paa. Hirap na rin akong huminga dahil sa pumasok na tubig sa aking ilong at bibig. Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari dahil nilamon na ng kadiliman ang buo kong paligid.