BUHAY-SQUATTER

1172 Words
"Vanisa! Gumising ka na diyan at magtatanghali na! Bwisit na buhay naman to oh! Kagagaling ko nga lang ng trabaho ako pa ang magsasaing pagdating ko!" Malakas ng talak ng kanyang inang si Elsa na nagdadabog sa kusina at pati kalampag ng kaldero ay dinig pa niya dahil sa init ng ulo nito. Nang tingnan niya ang kanyang lumang relo, na tanging palamuti niya sa katawan at ilang beses na din ata niyang napalitan ng baterya dahil sa wala naman siyang ipangbibili ng bago, ay busangot ang mukhang bumangon na siya. Alas-sais palang naman ng umaga at paano naging tanghali na ang ganun kaaga? Ang inay niya talaga! Gutom lang siguro ito kaya mainit na naman ang ulo. Nang makalabas ng kanyang maliit na kwarto ay dumiretso na siya ng kusina na ilang dipa lang din naman ang layo mula sa maliit na sala at dalawang maliliit na silid nilang mag-ina. Ang kanilang bahay ay yari sa mga tagpi-tagping kahoy at yero na siyang tanging ari-ariang iniwan ng kanyang namatay na ama sanggol pa lamang siya. Sa madaling-salita ay nasa squatter area sila nakatira. Dahil sa hirap ng buhay sa lungsod ng Maynila ay hindi nila kayang umupa ng disenteng bahay lalo pa at ang tanging hanap-buhay ng kanyang ina ay isang waitress sa club kung saan kahit umagahin ito ng uwi ay sapat lang ang kinikita nito para sa pang araw-araw nilang gastusin at sa kanyang pag-aaral. Ganito kahirap ang kanilang tinatamasang buhay simula ng iwan sila ng kanyang ama. Ayon sa kwento ng kanyang ina, namatay sa isang engkwentro ng mga ka-trabaho sa construction noon ang kanyang ama. Hindi naman daw talaga ito kasali sa gulong kinasasangkutan ng mga kasama ngunit nadamay lang ito dahil sa pagtatanggol sa isang kaibigan. Nagalit ang isang kasamahan nito dahil diumano sa pangingialam nito kaya ito ang napagbuntunan ng galit. Dahil sa galit ng taong iyon ay walang awa nitong binugbog ang kanyang ama sampu ng mga kasamahan nito. Kritikal na isinugod ang kanyang ama sa hospital ngunit nalagutan din ito ng hininga dahil sa bugbog na natamo nito sa iba't-ibang bahagi ng katawan lalong-lalo na sa ulo nito. Hindi alam ng kanyang ina ang gagawin ng mawala ang haligi ng tahanan nila. Maliit pa siya noon kaya hindi nito magawang maghanap ng trabaho dahil wala namang mapag-iiwanan sa kanya. Mabuti na lamang ay may ibinigay na donasyon ang may-ari ng pinagtatrabahuan ng ama sa kanilang mag-ina na sapat lang din sa panahong wala pang lakas ang kanyang ina na magbanat ng buto para sa ikabubuhay nila. Noong kinailangan ng kumayod ng ina ay swerteng natanggap kaagad ito at nakapasok bilang dishwasher sa isang restaurant na nasa malapit lang din naman mula sa kanilang tinitirhan kaya hindi na kailangan pang gumastos ng pamasahe at nilalakad lang din ng kanyang ina habang siya ay tulak-tulak nito sakay ng nabiling mumurahing stroller. Mabuti nalang at mabait ang may-ari ng restaurant kaya hinayaan lang nitong isama siya sa trabaho at laking pasasalamat din ng kanyang ina dahil hindi naman siya iyakin kaya palaging nasa tabi lang siya nito sa loob ng kusina hanggang sa magkaisip na siya at hindi na kailangan pang ikulong sa stroller na maliit na din naman para sa kanya. Sa loob ng ilang taong paninilbihan nito bilang tagahugas ng mga pinagkainan ng mga kustomer ng nasabing restaurant ay nasanay narin siyang nakaupo lang sa isang tabi at masayang naglalarong mag-isa ng mga pinaglumaang laruan ng mga anak ng mga ka-trabaho ng kanyang ina. Hindi naman naglaon ay nakita din ng may-ari ang sipag at tiyaga ng ina kaya dinagdagan nito ang sahod at na promote pa ito bilang isang waitress. Isa pa sa mga binigay na pribilehiyo dito ay maaari itong mag-overtime bilang waitress dahil mas maraming kustomer sa restaurant tuwing gabi na nakakatulong naman upang mas madagdagan pa ang kinikita nito araw-araw. Nang magsimula siyang mag-aral ay natuto narin siyang maging independent at hindi na palaging nakasunod sa kanyang ina. Tinuruan siya nitong maging matibay at hindi lalampa-lampa dahil hindi sa lahat ng oras ay magkasama sila. Tuwing pumapasok ang ina sa gabi at minsan ay inuumaga na ito ng uwi, ay matutulog nalang siyang mag-isa sa kanyang kwarto pero sinisiguro niyang nakakandado ang nag-iisang pinto at sarado ang lahat ng bintana ayon narin sa mahigpit na bilin nito. "Hoy! Ang layo na naman ng tanaw mo Vanisa!" Pukaw sa natutulog pa niyang diwa na sigaw ng ina. Ganito na talaga ito palabulyaw dahil narin siguro nasanay na ito na laging mataas ang boses tuwing mag-uusap doon sa restaurant kung saan malakas palagi ang mga tugtog sa umaga lalo pa pag gabi. Gayunpaman alam niyang mahal na mahal siya nito kahit pa madalas ay mapagalitan siya nito dahil narin sa katigasan ng kanyang ulo. "Iniisip ko lang po nay kung kailan kaya tayo makakaalis sa lugar na ito. Pangarap ko po kasing maiahon ko kayo sa hirap at hindi mo na kailangang kumayod araw at gabi matustusan mo lamang lahat ng pangangailangan natin." Paglalambing niya dito. "Kuh! Alam ko na ang estilo mo na iyan Vanisa! May hihingin ka na naman noh? Dinadaan mo pa talaga sa mga papuri sa akin. Style mo bulok!" Parang hindi ito kumbinsido sa mga sinabi niya dahil nga naman hindi naman siya yung taong showy sa feelings lalong-lalo na sa kanyang ina. Nasanay lang ito na tuwing maglalambing siya ay tiyak na may hihilinging kapalit. "Panira naman kayo ng drama moment nay! Totoo po ang sinabi ko na magsisikap akong masuklian lahat ng hirap at pagod niyo sa pagpapalaki sa akin. Kaya mag-aaral akong mabuti at pag nakatapos ay hahanap ng magandang trabaho at pag iyon natupad lahat ay aalis na tayo sa lugar na ito." Sinsero niyang saad dito. "Oo na! Naniniwala na ako sa mga pangarap mo na iyan. Basta pag igihan mo lalo ang iyong pag-aaral at huwag muna magbo-boyfriend ha! Naku pag iyan pinasok mo tiyak wasak lahat ng pangarap mo!" Sermon na naman nito sa kanya. "Nay naman! Paano napasok sa usapan yang boyfriend boyfriend? Eh wala nga akong crush. At saka ang bata ko pa para sa bagay na iyan." Himutok niya dito. "Anong bata? Disi-syete kana Vanisa! Kaya ingatan mo palagi ang sarili mo diyan sa mgs nakapaligid sayo at hindi natin alam kung sino ang dapat pagkatiwalaan." Patuloy nitong sermon. "Opo nay. Paulit-ulit niyo na po iyang sinasabi sa akin. Naka save na po iyan dito sa memory storage ko." At itinuro pa niya ang kanyang sentido upang matahimik na ang ina. "Talaga lang na dapat isaksak mo lahat ng payo ko diyan sa kukote mo at ng hindi mo makalimutan." Dagdag pa uli nito. "Ang bango-bango ng niluto niyo nay. Hmmm...wow! Piniritong tuyo at sinangag na kanin. Nagising na naman po lahat ng alaga ko sa tiyan dahil sa luto niyo nay." Pag-iiba nalang niya ng usapan at dali-dali na siyang naglagay ng mga kubyertos sa mesa at nagtimpla narin ng kape para sa ina dahil alam niyang gutom na ito mula sa buong gabi na pagtatrabaho.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD