HINDI man niya alam kung gaano ito kagaling overall, at least, hindi siya pag-iinitan nito dahil may lamang na ito sa kanya. Kung saka-sakali kasi, wala siyang kakampi dahil mukhang wala ni isa man sa kanyang mga bagong kaibigan ang miyembro ng swim team o ng kahit anong sports team ng school.
"Kailangan mong mag-practice na mabuti before Friday. Iyon kasi ang try outs para sa team." Payo ni Serge sa kanya.
"Huwag kang mag-alala, iyon na ang lagi kong ginagawa simula nang lumipat ang family ko rito sa Montegracia since wala pa akong friends dito noon. Pero salamat sa information, ha? It really pays to have friends with connections." Biro niya.
"And don't you forget it." Pabirong sagot naman nito kaya nagkatawanan silang lahat.
"O, tara na sa room. Malapit nang mag-bell." Yaya ni Joy sa kanila.
Kanya-kanyang ligpit sila ng pinag-meriendahan. Palapit na siya sa basurahan para itapon ang balat ng kanyang sandwich nang mabangga siya ni Cleo. Muntik na siyang mawalan ng panimbang. Mabuti na lang at nahawakan siya nito sa kanyang braso.
"Sorry."
"Sorry din."
"Mukhang patas na tayo." Nakangiting wika nito. "Sana naman, last na ito. Mukhang palala nang palala, eh. Muntik ka nang matumba ngayon. Baka sa susunod, magka-injury ka na."
"Huwag naman sana. Kailangan ko ang body parts ko in good working condition." Nakangiting sagot niya.
"I'm sure." Ayon nito. "Sige, ingat ka." Bilin nito bago siya nito iniwang habol ng tingin.
"Sis, advice lang. Alam kong papable iyang si Cleo pero kung ako sa iyo, iba na lang ang pipiliin ko. May sabit iyan, eh. Papa yan ni Ira." Ani Abby nang naglalakad na sila pabalik sa room.
"Ow? Sila pala?" Disappointed na wika niya.
Nakaramdam siya ng panghihinayang. Kasi, sa mga kaklase nilang lalaki, ito ang pinakagwapo at appealing. Mukhang mabait at gentleman pa.
"Well, not exactly. Pero parang gano'n na rin." Magulong sagot nito.
Bagaman at nakakalito ang sagot nito hindi na niya pinansin iyon. Sapat na ang sinabi nitong off-limits na si Cleo. Wala sa kanyang bokabularyo ang manulot ng may boyfriend. Kahit pa nga sobrang papable ng lalaki.
Pero sobrang nanghihinayang talaga, lalo na kapag naaalala niya ang ngiti nito. At ang mga mata nito, smiling eyes, ang lalantik pa ng mga eyelashes. Pagkatapos, mapuputi pa ang mga ngipin nito, mapupula ang mga labi at matangos ang ilong. Maganda pa ang height nito. At higit sa lahat, mabango ito.
Iyon agad ang napansin niya nang magkabungguan sila. Pero observation lang naman niya ang mga iyon, walang ibig sabihin. Okay, na-attract siya rito pero hindi naman kasalanan ang ganoon. Attractive naman kasi talaga ang lalaki, sayang nga lang dahil nahuli siya ng dating.
———
"ANO'NG nangyari sa tryouts?" Tanong ni Abby nang tumawag ito sa kanya kinagabihan.
"Ako na ang bagong team captain ng Southfield." Masayang balita niya.
"Congratulations! Pero alam ko na iyon. Actually, iyon naman talaga ang ine-expect ko. Ang gusto kong malaman ay ang reaction ni Ira at ng kanyang mga alagad ng kadiliman nang i-announce na nasapawan mo na siya."
Natawa siya sa description nito sa mga kabarkada ng babae. "Well, I think nagalit siya, pero iyon talaga ang result, eh. Fair naman ang naging laban. Wala na siyang magagawa dahil kinausap siya ni Coach. Why? What do you expect they'll do? Beat me up?" Natatawang tanong niya.
"Hindi na ako magtataka. Like I've said before, evil yang sina Ira."
"Baka naman matatalim lang ang mga dila nila? Hindi naman siguro sila violent."
"Huwag kang pasisiguro."
"Kaya ba wala ka roon kanina, natatakot kang madamay sa gulo?" Biro niya.
"Hoy, hindi naman, no? Nagi-guilty nga ako na wala ako roon sa tryout mo, eh. Si Mr. Sevilla kasi, in-schedule ang interview ko sa kanya eksaktong oras din do'n sa tryouts."
"Masyado ka namang seryoso. Binibiro lang kita. Nag-explain ka na sa akin kahapon, di ba?"
"Eh, kasi, baka nagtatampo ka sa akin. Pinilit ko ngang humabol, kaso sina Serge na lang ang naabutan ko. Sila nga ang nagkwento sa aking umuwing talunan si Ira, eh." Natutuwang dugtong nito.
"Hindi naman ako narrow-minded, naiintindihan kong may iba kang responsibility. At saka pwede ba? Huwag kang masyadong nagtatawa riyan at baka mapagkamalan kang nababaliw." Pabirong saway niya rito dahil dinugtungan pa nito nang malutong na tawa ang huling sinabi nito.
"Sis, totoo ba yong nabalitaan ko?" Tanong nito pagkaraan ng ilang sandali. Halatang may plano itong maging reporter dahil magaling itong sumagap ng tsismis.
"Na ano?" Nangingiting tanong niya.
"Nagbubulungan daw kayo kanina ni Cleo?" Kinikilig na sagot nito.
"Bulungan?" Di-makapaniwalang ulit niya.
"Marami akong sources at iisa lang ang kanilang sinasabi. Nong i-congratulate ka raw ni Cleo, nag-usap kayo in hush-hush tones. Totoo ba?"
Naalala niya ang eksenang sinasabi nito. Katatapos lang noon ng tryouts at binabati siya ng mga kaibigan nang lumapit ang lalaki sa kanya, kasama ang bestfriend nitong si Marty. Nag-alangan ang kanyang ngiti nang makita niya ito.
"Galit ka ba sa akin dahil hindi na ang girlfriend mo ang captain ng team namin?" Mahinang tanong niya rito.
Bumakas sa mukha nito ang pagkalito."Girlfriend ko? You mean Ira?"
"Yes. May iba ka pa bang girlfriend?"
"No. I mean, hindi ko siya girlfriend." Natatawang sagot nito. "Who gave you the idea?"
Namula siya. "Well, may nagsabi kasi sa akin na kayo raw. I just presumed it's true."
"No, it's not."
"Ganoon ba? Well, sorry."
"Don't worry. Hindi naman ikaw ang kauna-unahang nag-presume ng ganoon, eh. You might even be the
last." Pambabale-wala nito.
"Congratulations nga pala."
"Thanks."
"You deserve it. You're really good." Puri nito.
"Well, thanks again." Nahihiyang tugon niya.
"Excuse me. Guys, mauuna na ako. I have to hit the showers." Hindi pa siya nakakalayo ng marinig niya ang pag-uusap nito at ng kaibigan nito.
"Mukhang mas bumaba ang popularity rating ng girlfriend mo, tol. Maraming nagdiriwang na hindi na siya ang team captain." Masaya ang tinig na wika ni Marty.
"Ikaw ba ang nagsabi niyan kay Zairah?"
"Na ano?"
"Na GF ko si Ira, ano pa?"
"Hindi, no? Hindi ko pa siya nakakausap before. Bakit, iyon ba yong pinagbubulungan n'yo kanina?"
"Shut up. Halika na nga, umuwi na tayo. The show's over." Yaya nito sa kaibigan.