1

2441 Words
Sa gitna ng nakasisilaw na liwanag, naramdaman ni Enso ang biglang pagsalpok ng kung anong bagay sa katawan niya. Kasunod ng inaasahan niyang pagbagsak ng katawan sa sementadong harapan ng higanteng billboard. Dahan-dahan niyang binuksan ang mga mata. Patay na ba siya? Kay San Pedro ba ang nakikita niyang mga mata na kulay gray. Pero bakit halos magdikit na ang kanilang mga labi? Langhap pa niya ang mabangong hininga nito sa pagkaawang ng bibig at ramdam niya ang magkasabay na mabilis na t***k ng mga puso sa magkalapat nilang mga dibdib.  Bakit nakadagan si San Pedro sa kaniya at ang kaliwang palad nito ay nakasangkalan sa likuran ng kaniyang ulo na parang iniunan sa kaniya habang ang kanang kamay hanggang siko ay nakatungkod sapat para hindi magkadikit ang kanilang mga labi? “Ikaw ba si San Pedro? Nasa langit na ba ako?” mahinang tanong niya. Ibinaling niya ng bahagya ang mukha. Tumama sa mata niya ang liwanag ng araw na singkad sa init. Pag-iwas pa niya nahagip naman niya ng tingin ang nagkumpol na mga tao sa paligid na nakatingin sa kanila ni San Pedro. Isa lang ibig sabihin nito. Hindi pa siya patay at malamang nakahiga na siya ngayon sa sariling dugo. Lalong nanikip ang dibdib niya sa naisip.  “Buhay pa ako,” sabi ulit niya na tinanguhan naman ni San Pedro. “Bakit buhay pa ako? Marami bang dugo?” “Buhay na buhay ka pa Sir at walang dugo.” Bumawi si San Pedro sa pagkakadagan sa kaniya. Hinapit siya sa ulunan at tinulungang makaupo sa matigas na sementadong daan. “Magpapakamatay ka ba talaga Sir?” may bahid ng pagkainis ang tinig ng lalaking inassume niyang si San Pedro. “Oo,” walang pakundangan niyang sagot. Hindi ba’t kaya nga siya tumalon sa— tumingala siya pero walang kaulap-ulap na langit lang ang nakita niya. Ilang daang metro mula sa kinauupuan niya saka pa naroroon ang billboard at ngayon lang niya napansing nasa tabi sila ng kalsada ng lalaki.  Imposibleng tumalon siya sa billboard na iyon at dito siya bumagsak. Hindi naman siya magaan para ilipad basta-basta ng hangin. Napailing ang lalaki at huminga ng malalim. Tuluyan itong tumayo saka iniabot nito ang kaliwang kamay sa kaniya. Kita niya ang pagdugo ng nagalusang kamay nito na dinaganan ng kaniyang ulo. Hindi nga si San Pedro ang lalaki dahil nakauniporme ito ng coverall na light brown, short sleeves, steel toe na itim na sapatos at may nakasabit na ID na nakataob mula sa kumpanyang pinapasukan. Umiling si Enso. “Patay na dapat ako.” Imbes na hintayin siya ng lalaki na kunin niya ang kamay nito, hinawakan siya nito sa magkabilang balikat saka itinayo.  “Fortunately, hindi pa Sir.” Humigpit ang kapit nito sa mga balikat niya na parang sa ganoong paraan ay malagyan ng katinuan ang isip niya. “At mawalang galang na Sir,” sabi ng lalaki saka siya iniharap sa nakatigil na delivery truck sa tabi nila, “kung magpapakamatay kayo na hindi naman dapat dahil mahalaga ang buhay, huwag naman kayong mandamay ng ibang tao.” Dinig ni Enso ang pag-sang-ayon ng mga nakakumpol ng mga tao sa paligid. Kita rin niya ang Truck driver ilang piye sa kinatatayuan nila na namumutla sa pag-aalala. Katabi nito ang isang babaeng buntis na nakakapit sa kanang braso nito na sa tingin niya ay asawa. Sa may passenger seat naman ng truck ay may dalawang batang lalaki na umiiyak marahil sa nasaksihang pangyayari.  “A-ayos lang ba kayo?” tanong ng driver na dumaloy na sa mukha ang butil-butil na pawis sa noo. Tumango si Enso sa driver saka umiling ng magtama ang mga mata nila ng lalaki. “Wala akong balak mandamay ng ibang tao kaya nga mag-isa akong umakyat sa billboard saka tumalon.” Alam niyang hindi siya paniniwalaan ng lalaki sa kaniyang sinabi dahil maging siya hindi rin makapaniwala sa nangyayari. “Anong sinasabi mo, Sir?” napakunot-noo ang lalaki saka tumingin sa paligid. “Wala namang billboard dito.” Napaantanda ang driver at tumingin sa langit. “Lord salamat at ayos lang sila. Napakabuti mo!” Tumango-tangong tumingin sa babaeng buntis na maluha-luha na rin saka bumaling ulit kina Enso. “Akala ko napuruhan ko kayo. Mabuti na lamang bagong maintenance ang truck ko at malakas ang break,” inilipat ang tingin nito sa mga mata niya, “kung hindi baka kung ano ng nangyari sa bigla mong paglitaw na nakataas pa ang dalawang kamay sa harapan ng truck ko.” Nakataas ang dalawang kamay? Ganoon ang position niya nang tumalon siya sa billboard. Biglang lumitaw sa harapan ng truck? Pero bakit dito siya sa harapan ng truck bumagsak? Sumang-ayon ang lalaki. “At mabuti talaga si Lord Sir, hindi niya pinahintulutang tuluyan kang mapahamak, gumawa siya ng paraan. Kaya pala nadelay ang pagreceive sa items na dineliver ko para umeksakto ako sa pangangailangan mo. Na hindi pa ako nakakasakay sa delivery van ko nang makita kita.” Tumingin si Enso sa lalaki. “Sinave mo ang buhay ko?” Tumango ito. “Salamat sa akin.” Hindi umimik si Enso. Kailangan ba talaga niyang magpasalamat sa pagkakaligtas sa kaniya ng lalaking ito? Sa lalaking pinigilan ang pagpapakamatay niya? “Talaga bang okay lang kayo—” sabad ng truck driver. “Cliff,” pakilala ng lalaki sa sarili. “Ayos lang ba talaga kayo Cliff?” patuloy ng driver saka napansin nito ang dugo sa kamay ni Cliff.  “Ako ayos lang. Konting galos lang ito,” tugon ni Cliff saka tumingin kay Enso. “Ikaw Sir, ayos ka lang?” Physically ayos lang siya pero mentally mukhang hindi. Napatingin siya sa mga bata sa may truck at nakaramdam siya ng pagkaawa. Siguradong nakita nila ang mga pangyayari. Pangyayaring nakita ng lahat maliban lang sa kaniya. “Ayos lang talaga ako Manong,” sabi niya na nagpaluwag ng paghinga sa driver. “Pwede ko kayong dalhin sa Ospital.” “Huwag na Manong,” mabilis niyang tugon. Hanggang dito na lang dapat ang nagawa niyang pang-aabala sa driver at buong pamilya nito. “Kung sakaling kailangan, ako na lang magdadala sa kaniya sa ospital,” pag-ako naman ni Cliff. Hinugot ng driver ang wallet nito sa bulsa saka kinuha ang dalawang limang daang piso na tanging laman saka iniabot kay Cliff. “Siguradong kakailanganin niyo ito.” Mukha ngang may kailangan ipagpasalamat si Enso kay Cliff dahil kahit sabihin pang hindi naman niya ginusto na sa harapn ng truck siya bumagsak mula sa pagtalon sa billboard, kung nasagasaan siya ng driver, malaking kaso ang kakaharapin nito. Kung nagkataon, kawawa ang buntis na asawa nito at dalawa pang anak. “Huwag na Manong. May pera rin naman ako rito kung kakailanganin.” Tumingin si Cliff sa mga anak ng driver na patuloy pa rin ang pag-iyak. “Mas kailangan ng pamilya nyo iyan.” Marahil naisip ng driver na tama ang sinabi ni Cliff kaya hindi na nagpumilit pa. “Kung gayon babalik na kami sa truck at humahaba na ang traffic sa likod ng truck ko.” Ibinulsa nito ang pera saka bumalik sa truck. Sa sunod-sunod na pagbusina ng mga sasakyang naaabala na rin gawa niya, dinig ni Enso ang bulungan ng mga tao sa paligid. May nagsabing, ‘Ang bait ng lalaki.’ Tapos sabi pa ng isa, ‘Sana may magligtas din sa akin ng kasing-gwapo niya.’ ‘Maginoo pa,’ sabi ng isa pa. May narinig pa si Enso na nag-comment, “Ano kayang pumasok sa isip noon at gustong magpakamatay tapos mandadamay pa?” Bakit nga ba siya magpapakamatay? Pumikit si Enso ng mariin at pilit na hinuhukay sa loob ng utak niya ang dahilan pero nakapagtatakang hindi niya maalala ang dahilan ng suicide attempt niya. Iginiya siya ni Cliff sa tabi ng kalsada at nakangiti na ang babaeng buntis na kumaway sa kanila nang magsimulang umandar ang truck. Bumusina naman si Manong driver at kumaway pagdaan sa harapan nila hanggang bumalik sa normal ang daloy ng trapiko. Hinawakan siya ni Cliff sa kamay. “Tara sa van, Sir. Mas maigi nga sigurong mapatingnan ka sa ospital.” Nilinaw na nga ni Enso kaninang okay siya pero heto pa rin ang lalaki ito na gusto siyang dalhin. Marinig nga lang niya ang salitang ospital at isiping pupunta siya ay parang hihimatayin na siya. Umiling si Enso, “Hindi na kailangan.” Hinatak niya ang kamay na hindi naman binitiwan ni Cliff. May kakaibang pakiramdam ang gumuhit sa palad niya mula sa pagkakalapat sa medyo magaspang na palad ng lalaki. Kapanatagan ng kalooban? “Ayos lang ako. Dapat nga ikaw ang pumunta ng ospital at may sugat ka sa kamay.” Kakatwang nakaramdam siya bigla ng pag-iisa nang bitiwan ni Cliff ang kamay niya para tingnan ang dumugong galos sa kamay nito. “Wala ito Sir. Galos lang. Sabi nga ng iba, malayo sa bituka. Mamaya pa ako naka-schedule pumunta ng ospital, papatingnan ko na lang doon sa nurse na kilala ko kung sakali.” At talaga ngang gagawin nito ang sinabi niya sa kaunting gasgas ng sementong iyon sa kamay nito. “Okay maiwan na kita,” sabi ni Enso sabay talikod at humakbang palayo. “Sandali lang Sir—” Bakit ba tinatawag siyang Sir ng lalaking ito? At parehas pa sila nung driver na parang mga banal kung masambit ng tungkol sa kabutihan daw ng Diyos ayon sa kanila. Huminto si Enso sa paghakbang hanggang nasa harapan na niya si Cliff. “Tagarito ka ba Sir? Pwede bang ihatid na kita sa inyo?” Hindi niya napigilang magtaas ng kilay. “Hindi na kailangan. Kaya kong umuwing mag-isa sa—,” saan nga ba siya uuwi? Napatutop siya sa noo nang wala siyang maalala kung saan siya nakatira. “Masakit ba ulo mo Sir?” may pag-aalalang tanong ni Cliff. “Baka gawa ng pagkakabagsak natin kanina sa semento. Mukhang hindi epektibo ang ang pag-shield nitong kamay ko sa ulo mo.” Umiling si Enso. Bakit wala siyang maalala kung saan siya nakatira? “Okay lang ako sabi,” napataas ang tinig niya dahil sa wala siyang maalala tungkol sa address niya, tungkol sa kung anong nangyari bago siya umakyat at tumalon ng billboard. Inakala naman ni Cliff na ito ang dahilan ng pagka-irita niya kaya biglang tumahimik. “Pasensiya ka na Sir sa kakulitan ko,” sabi ni Cliff pagkatapos ng mahabang patlang sa pagitan nila. “Maaaring ayos ka lang physically pero alam kong emotionally ay hindi pa. Gusto kong lubusin ko na ang pagtulong sa’yo kaya hayaan mo na akong ihatid ka sa inyo hanggang makasiguro akong okay na okay ka.” Ramdam ni Enso ang sinseridad sa sinasabi ni Cliff sa kaniya. Ganito lang ba talaga ang lalaki sa pagtulong sa mga nangangailangan? Kung sa iba lang malamang titingnan na lang siyang mabangga ng truck or baka nga kunan pa ng video ang pangyayari saka i-upload sa social media. O kaya naman iligtas nga siya saka pagagalitan tapos watak watak na.  Napailing si Enso. “Sige kung ayaw mo talaga Sir, hayaan mo na lang akong tanawin ka sa paglalakad mula sa malayo.” “Hindi sa ayaw ko,” mabilis niyang sagot. Ano bang nangyayari sa kaniya? Ngayon pati tungkol sa pamilya niya’y hindi rin niya maalala.  Tumingin siya sa mga mata ni Cliff. Kulay gray nga talaga imbes na itim ang mga mata nito na inakala niya kanina ay dahil sa liwanag lang ng araw. “Hindi ko maisip kung saan ako nakatira.” Tumango si Cliff. “Malamang dahil sa pagod lang ang isip mo Sir. Napressure masyado dahil sa pangyayari. Mas makabubuti kung ganoon na sumama ka na lang sa akin.” Napaisip si Enso. Bakit siya sasama sa lalaking ito? Ngayong wala siyang maalala tungkol sa sarili, hindi ba mas mainam kung mag-isa muna siya hanggang magliwanag ang isip niya? Mukhang nabasa ni Cliff ang tumatakbo sa isip niya. “Hindi ako masamang tao. Iniligtas kita kanina ng hindi nagdalawang-isip at gusto lang kitang tulungan hanggang maliwanagan ang isip mo.” Maliwanagan ang isip? Iniisip pa rin siguro ng lalaki na magsu-suicide siya sa oras na mapag-isa siya. Pero hindi niya masisisi ang lalaki kaya lang bakit niya ulit gagawin iyon ngayong ni hindi rin niya maalala ang dahilan kung bakit siya umakyat ng billboard at tumalon? “Okay,” mahinang sabi ni Enso na nagpaliwanag sa mukha ni Cliff. “Sa isang kundisyon—” “Ano iyon Sir?” “Huwag mo akong tawaging Sir. Naasiwa ako. Mukha namang hindi nalalayo ang edad natin.” “Twenty-one na ako Sir.” “Apat na taon lang pala ang tanda ko sa iyo.” Pero dahil baby face naman si Enso kaya parang magkaedad lang sila kung tingnan lalo na’t tantiya niya’y mag-sintakad lang sila ni Cliff sa height niyang 5’11”. “Pasensiya ka na Sir. Nasanay na kasi akong tumatawag ng Sir at Ma’am sa lahat ng mga tumatanggap sa mga items na dinedeliver ko.” “Kasasabi ko lang nag-Sir ka na ulit.” Napangiti ng bahagya si Cliff. “Anong itatawag ko sa iyo? Ako kilala mo na pero ikaw hindi ko pa alam ang pangalan mo.” “Enso.” Lumuwang ang pagkakangiti ni Cliff.“Okay Enso, tara na sa van. Samahan mo muna ako sa pagde-deliver ng mga natitirang items sa araw na ito. Ipagpalagay mo na lang na kunwari nagsa-sight seeing ka at pagkatapos ng araw na ito hopefully napahinga na ang isip mo at maalala mo na kung saan ka nakatira.” “Una ka na,” sabi ni Enso na kahit papaano’y gumaan ng bahagya ang kaniyang pakiramdam sa pagsama kay Cliff. Katanghaliang tapat nang bagtasin nila ang daan patungo sa address ng pagdedeliveran ni Cliff. Habang lumalakad ang oras, nadadagdagan lalo ang mga nagpapagulo sa isip ni Enso. Bukod kasi sa hindi maipaliwanag kung bakit tumalon siya sa billboard at bumagsak siya ng ilang daang metro ang layo ng nakatayo at eksaktong sa harapan ng rumaragasang truck at isama pa ang parang temporary partial amnesia na nararanasan niya, itong daang binabagtas nila ay kakaiba ang hitsura. Hindi niya maipaliwanag kung bakit, basta alam niyang may kakaiba. “Okay lang ba kung magte-take out na lang tayo ng lunch? Gutom na kasi ako at malamang ikaw rin,” sabi ni Cliff sa kaniya nang tumigil ang van sa may intersection ng kalsada sa pag-ilaw ng red traffic light. “Pasensiya na at may hinahabol lang akong oras.” Lunch time na nga ayon sa orasan sa dashboard ng van. Kung hindi siguro nag-abala si Cliff na tulungan siya baka hindi ganitong nagmamadali ang lalaki ngayon sa mga deliveries nito. “Okay lang,” tugon niya sa naghihintay ng sagot na mukha ng lalaki. Napatingin si Enso sa naipit na papel sa dashboard sa harapan niya. Binuksan niya ang glove compartment at napag-alamang diyaryo pala ang nakaipit. Kinuha niya ito saka binasa ang headline: Attempt to impeach President Arroyo Fails. Napailing si Enso. “Sobrang luma naman ng diyaryo mo Cliff at tungkol pa sa pagbasura ng kongreso ng second attempt para maimpeach si former President Arroyo over allegations of corruption, human rights abuses and election fraud.” Nakakunot ang noo ni Cliff nang tumingin sa kaniya. “Former President?” Tumango si Enso. “Itong dyaryo mo ten years and one month old na.” Pinaandar ni Cliff ang sasakyan nang mag-green ang traffic light. Nang bumagal ulit ang takbo nila sa paglapit sa susunod na intersection saka muling tumingin sa kaniya at nagsalita. “Last month lang iyan Enso. Nadismiss nga ang impeachment complaint attempt ni President Arroyo sa botong 173-32 ng Kongreso kaya siya pa rin ang President at hindi former President.” Nagulantang ang isip ni Enso sa sinabi ni Cliff. “Seryoso ka? 2016 na tayo ngayon.” Si Cliff naman ngayon ang parang naguluhan. “September 2006 pa lang tayo ngayon Sir.” Tiningnan ni Enso ang date ng diyaryo: August 24, 2006.   Napakaimposible ng nangyayaring ito sa kaniya. Unless nag-time travel siya ten years back… ganoon nga kaya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD