Kabanata 5

2290 Words
"Ina, may gamot pa po ba si Ama?" tanong niya sa ina niyang nasa kabilang linya. Narinig niya ang pagbuntong hininga nito. Alam na niya ang kasunod nitong sasabihin. Bad news na naman ito. Iyon ang hula niya. "Anak, tatawag sana ako sa'yo para manghingi ng pera. Ubos na kasi ang gamot ng Ama mo. Noong isang Linggo pa nga naubos ang gamot niya ngunit ngayon lang ako nakatawag sa'yo," pagbibigay alam ng kaniyang ina. Napasandal siya sa sandalan ng upuan at pagkatapos ay pumikit siya. Binilang niya sa isip ang kaniyang ipon na pera. Kakaunti na iyon ngunit kailangan niya ring ibigay sa kanila dahil mas mahalaga ang kalusugan ng Ama niya. Kung ibibigay niya ang lahat ng iyon ay kakapusin siya sa gastusin niya sa pang-araw-araw. Mas mahalaga ang pamilya niya. Magtitiis na lang siya. "Po? Dapat po ay itinawag mo na sa akin agad," sambit niya. Isang Linggong napatigil ang Ama niya sa pag-inom ng gamot. Napamulat siya at pagkatapos ay napaayos siya sa pagkakaupo. Mahigpit pa naman ang bilin ng doktor na huwag ipagpaliban ang pag-inom ng gamot ng Ama niya. Hindi niya maiwasang mag-alala. "Nag-aalinlangan kasi ako at baka wala ka pang sahod. Ayoko namang humingi at baka maubos ko ang panggastos mo d'yan. Mangungutang sana ako kay Mareng Susan kaso gipit din sila ngayon," paliwanag ng Ina niya kaya wala siyang nagawa kundi ang tumango na lang. Alam niyang nahihiya na ang magulang niya na humingi nang humingi sa kaniya ngunit lagi niyang sinasabi sa mga ito na tawagan lang siya kung may kailangan. Nais niyang tumulong. Kusang loob niyang ibibigay sa kaniyang pamilya ang lahat ng kaya niyang ibigay. "Ako na pong bahala, Ina." Tumayo siya at pagkatapos ay pumunta siya sa cabinet kung saan nakatago ang kaniyang pera. Kinuha niya ang wallet niya at binuksan niya ito. Binilang niya ang laman ng kaniyang pitaka. Isang mapait na ngiti ang kaniyang ginawa bago niya kinuhang muli ang kaniyang de-keypad na cellphone. Inalis niya ang loud speaker nito at itinapat niya ito sa kaniyang tainga. "May pera ka pa ba d'yan?" tanong ng kaniyang ina. "Mayroon pa naman po akong kaunting extrang pera," sambit niya. Gamit ang isang kamay, itinago niyang muli ang kaniyang pitaka sa cabinet. "Magpapadala po ako sa inyo bukas," pagpapatuloy niyang sabi. Sa totoo lang ay wala nang matitira sa kaniya. Kakabayad lang niya sa upa, at kakabigay niya lang din ng parte niya sa kuryente at tubig. Tatlong libo na lang ang pera niya. Magtitira na lang siya ng Limang daan para sa panggastos niya. Sa isang linggo pa ang kaniyang sahod. Magkakasya pa kaya ang limang daan sa isang linggo? "Baka naman wala ka ng pera d'yan? Huwag ka munang magpadala kung magigipit ka d'yan." Umiling siya kahit na hindi ito nakikita ng kaniyang ina. Magipit man siya, ang mahalaga sa kaniya ay maayos ang pamilya niya. "May pera pa po ako dito na pang gastos." Nagsinungaling siya sa bagay na iyon. "Sigurado ka ba, anak?" Paniniguro ng kaniyang ina. Lumunok siya at pagkatapos ay nanghihina siyang umupo sa kaniyang kama. Kaya niyang tiisin ang lahat para sa pamilya niya. "Opo. Ang mahalaga po ay makainom si Ama ng gamot niya." Humiga siya sa kama at pagkatapos ay pumikit. "Si Meli at Mela po ba? May kailangan po ba silang bayaran sa school?" Natahimik ang Ina niya sa kabilang linya. Muli niya itong tinawag upang kunin ang atensyon nito. "Meron silang kailangan na bayaran. Graduation fee ng kambal, pero ako na ang gagawa ng paraan," sagot nito. Matagal na noong nabanggit ng kaniyang ina ang tungkol sa graduation fee ng mga kapatid niya. Apat na daan ang bayad bawat estudyante. Hindi niya alam kung bakit ang mahal nito. Sabi ng kaniyang ina, marami daw nagreklamo na mga magulang sa principal ng school ngunit hindi naman binabaan ang singil. Ang dahilan ng mga ito ay mahal daw ang renta sa toga. "May konting ipon pa naman po ako dito. Pwede ko na din pong ipadala iyon sa inyo d'yan sa probinsya," sambit niya. Nagmulat siya ng mga mata at tiningnan niya ang alkansya niyang nakapatong sa durabox niya. Kailangan na yata niyang bulwasin ang ipon niya. Gagamitin niya sana iyon para sa birthday niya. Pamasahe sana pauwi sa kanila, pero kailangan niya munang ipadala iyon. "Anak, baka naman ubos na ang pera mo d'yan? Paano ka makakauwi sa birthday mo?" tanong nito sa kaniya. Mahinang buntong hininga ang ginawa niya. "Baka makaipon pa naman po ako." Narinig niya ang mahinang paghikbi ng kaniyang ina. "Maraming salamat, anak. Pasensya na kung kaunti lang ang naitutulong ko sa inyo," paghingi nito ng tawad sa kaniya. "Ako na pong bahala sa lahat," tanging sabi niya habang naluluha na pinagmamasdan ang kisame. Sa loob loob ni Myla ay hindi na din niya alam ang gagawin niya. Ilang beses niya nang nasabi ngunit kaya niyang tiisin ang lahat para lang matulungan ang pamilya niya. Pamilya niya ang mas importante sa lahat. * Noong pumatak ang alas-dose ng tanghali ay narinig niya ang pagsigaw ng lalaking nagtitinda ng mangga. Agad siyang tumakbo palabas upang makabili. "Manong, pabili po!" malakas niyang sigaw upang makuha ang atensyon nito. Hindi naman siya nabigo at lumingon ito sa kaniya. Lumapit ito habang hila-hila ang maliit na kariton nitong dala-dala. "Uy, suki! Ang tagal mong hindi bumili sa akin," bati nito sa kaniya noong makalapit ito sa pwesto niya. Maliit na ngiti ang ibinigay niya kay Manong Anton. "Nagtatrabaho po kasi ako. Ngayon naman po ay naiba ang oras ng shift ko." "Kaya pala! Akala ko nga ay lumipat ka na ng tinitirhan," nakangiti nitong sabi. "Hindi po." Hinawakan niya ang stick na may nakatuhog na mangga. "May tiglilimang piso po ba kayo?" "Ay, ubos na pala. Magbabalat at maghihiwa lang ako. Ayos lang ba na maghintay ka?" tanong nito sa kaniya. Tumango siya at muling ngumiti. "Ayos lang po," sagot niya. "Dalawang pisngi ng mangga lang po," wika niya habang pinagmamasdan ang garapon na pinaglalagyan ng mga mangga na hiwa na. Nakababad ang mga mangga sa tubig. Hindi niya maiwasang maglaway sa nakikita. Ilang araw na niyang gustong kumain ng hilaw na mangga, ngayon lang niya naabutan si Manong Anton. Ilang minuto lang at tapos na si Manong Anton sa paghihiwa ng mangga. Itinuhog nito ang mangga sa stick at pagkatapos ay inilagay sa garapon. Excited na ibinigay niya ang bayad niya. Sampung piso para sa dalawang mangga. Mabilis niyang kinuha ang isang stick ng mangga at pagkatapos ay nilagyan niya ng alamang at asin na may sili ang ibabaw nito. Napangiti siya bago niya kinagatan ang mangga. Kakatapos niya lang kumain kanina ng kanin at ang ulam niya ay sardinas. Ngayon naman ay mangga ang dessert niya. Mabilis niyang naubos ang mangga at kinuha niya agad ang pangalawang mangga na binili niya. Apat na segundo niyang tiniktikan ito upang maalis ang tubig. Matapos noon, nilagyan niya ulit ito ng alamang at asin na may sili. Habang siya ay busy sa pagkain ng mangga. Si Manong Anton naman ay napatigil sa pagbabalat ng mangga nang makita ang lalaking dumating. "What's that?" tanong nito sa kaniya. Nabigla siya sa lalaking sumulpot sa tabi niya kaya bahagya siyang napatalon. "Ay! Kabayo!" "Kay gwapong kabayo naman niyan," natatawang sabi ni Manong Anton kaya napangiwi na lang siya. Totoo naman kasing gwapo pero hindi na dapat pang sabihin. Naramdaman niya ang pamumula ng kaniyang pisngi. "Ano 'yan?" tanong ni R sa kaniya. Pansin na pansin niya ang nalilito nitong ekspresyon kaya napatitig siya sa mga mata nito. Mula sa mangga ay nalipat ang tingin ni R sa kaniyang mukha. Agad siyang umiwas ng tingin. Itinaas niya ang hawak niyang stick upang mas makita nang maigi ni R ang mangga. "Mangga. Hindi ka pa ba nakakakita nito? Imposible naman yata at nasa Pilipinas ka naman," sabi niya at pagkatapos ay lumabi siya. Narinig niya ang pagtawa ni Manong Anton. Tumaas naman ang kilay ni R kaya napangiwi siya. Naasar ba ito sa sinabi niya? Bakit nga ba hindi niya nagawang i-preno ang bibig niya? "Alam ko ang mangga. Ang itinatanong ko sa'yo, iyong nakalagay na brown sa mangga mo," sambit nito. Napakamot na lang siya sa kaniyang noo. Alam niya nga ang mangga pero hindi naman nito alam ang alamang? Hindi ba alam ng mga mayayaman ang alamang? "Alamang ito," sagot niya sa lalaki na lubos ang pagtataka. "Ah! Alamang? Gan'yan pala ang itsura niyan," wika nito at pansin niya ang pagkamangha nito. Para itong bata na ngayon lang nakakita ng alamang. Napatitig na lang siya sa lalaki. Imposible naman na ang lahat ng mayaman ay hindi alam ang alamang. Itinago kaya siya ng ina niya sa kwarto hanggang sa lumaki siya? Daig niya pa ang inosenteng bata. "Oo. Hindi mo ba alam 'yun?" Kunot noo na tanong niya. "Saan ba galing ang lalaking ito at hindi alam ang alamang? Sa ibang planeta ba?" Napatawa si Manong Anton. Pinigilan niya ang pagtawa niya para hindi mainis sa kaniya ang lalaki. "Taga-Maynila po siya, Manong," sagot niya. "Oh, wala bang alamang sa Maynila?" tanong ni Manong Anton kaya napailing na lang siya. Tumikhim lang si R habang seryosong nakatingin sa mangga na hawak niya. "Ayaw ni Mama ng alamang sa bahay kaya mula noong nagkaisip ako, hindi ko nakita ang bagay na iyan. Ngayon lang." Nakatingin lang ito sa kaniya. Isang kagat ang ginawa niya habang nakatitig sa kaniya si R. Pansin niya ang paglunok nito ng laway habang ngumunguya siya. "Does it taste good?" tanong nito sa kaniya. Tumango ako sa kaniya at pagkatapos ay itinuro ko ang paninda ni Manong Anton. "Oo naman. Gusto mo?" Sinundan nito nang tingin ang kamay niyang nakaturo sa mga mangga. "Yes. How much is that?" Itinuro ni Manong ang bawat garapon. "Mura lang, Iho. Limang piso lang ang isang pisngi. Syete pesos naman ang malaki na ito. Tapos pwede kang mamili kung anong gusto mong toppings. Kung gusto mong alamang o asin na may sili. Pwede din namang parehas," paliwanag nito kay R. "Pabili po," sabi nito at pagkatapos ay kinuha nito ang wallet sa bulsa. Pansin niya na naghanap ito ng barya ngunit noong wala itong makita ay inilabas na lang nito ang limang daan. "Bayad po," sabi nito at nagtaka naman si Manong Anton sa ibinigay nitong halaga. "Ha? Ilan ba ang bibilhin mo? May medyo maliit ka bang pera d'yan?" tanong ni Manong Anton. "I don't have small bills," wika nito kaya napakamot sa ulo si Manong Anton. "Nayari na! Wala kasi akong panukli" "Keep the change na lang," wika ni R kaya pati siya ay natulala. Si Manong Anton naman ay napasinghap nang malakas. "Ano?" Hindi makapaniwala na reaksyon ko. "Ha? Mura lang ang paninda ko, Iho." "Ilan ba ang bibilhin mo?" Pagpapatuloy na tanong niya sa lalaki. Hindi na siya makatiis pa at sumabat na siya sa usapan ng dalawa. "Humanap ka ng barya," suhestiyon niya ngunit hindi siya pinakinggan nito. "Isa lang," tipid nitong sagot. "Isa lang?" Napatulala na lang siya sa lalaki. "Sa limang daan na iyan ay kaya mo nang bilhin ang buong tinda ko," natatawang sabi ni Manong Anton. "Isa lang ang gusto ko," wika nito sa matanda. "Magpapalit ka muna, Iho. O kaya naman ay bumili ka sa tindahan para ma-baryahan ang pera mo," suhestiyon ni Manong Anton sa lalaki ngunit umiling lang ito. "Tinatamad ho akong maglakad papunta sa tindahan," sagot nito sa seryosong tinig. So, iyong tindero pa ang mag-a-adjust? Mabilis na napapikit siya at napamulat. Pagkatapos noon ay napangiwi na lang din siya. "Diyan lang 'yung tindahan, oh." Sabay turo niya sa may kabilang kanto. Sabay sabay silang napatingin sa pwesto ng tindahan ngunit napanganga na lang siya nang makita na sarado ang tindahan na itinuro niya. "Ah? Sarado?" Nakangiwi na sabi niya. "See? Nasa kabilang street pa ang tindahan. I'm too lazy to walk," sambit nito. "Pautangin mo muna siya," suhestiyon ni Manong sa kaniya. Kinapa niya ang kaniyang bulsa ngunit kahit na gaano pa kalalim ang kapain niya ay wala pa din siyang makuha. Napatigil na lang siya at pagkatapos ay nagkibit balikat. Wala rin siyang barya o pera. "Sorry, kapos din ako. Naubos ko na po pala 'yung pera ko sa pagbili ng mangga," sambit niya. Sampung piso lang naman talaga ang dala niyang pera. Tapos naka-budget na 'yung gastusin niya sa susunod na mga araw. "Gusto ko lang makatikim," wika ni R sa seryosong tinig. "Bibigya—" pinutol nito ang pagsasalita ni Manong Anton. "Pahingi." Napanganga na lang siya sa sinabi nito. Nakatingin ito sa kaniya na para bang nakikiusap. Napakagat siya sa dila niya dahil sa pagkabigla. Seryoso ba ito? "May laway ko na," wika ko. "Hindi naman ako maarte," sabi nito kaya hindi makapaniwala na napatingin na lang siya dito. Maya-maya ay nanlaki ang mga mata niya dahil sa gulat. Hindi pa man siya nakakapagsalita para tumanggi ngunit inilapit na agad nito ang mukha sa hawak niyang mangga. Nanlaki ang mga mata niya noong kumagat na lang ito ng basta basta. Narinig na lang niya ang tawa ni Manong Anton dahil sa ginawa ni R. Tulala lang siyang nakatingin sa mangga niyang kinagatan nito. "Masarap nga," Sabi nito habang ngumunguya at pagkatapos ay tumalikod na ito para umalis. Nahulog ang panga niya dahil sa ginawa nito. Hinabol niya na lang ito nang tingin. "Kinagatan ang mangga mo? Pwede ko naman siyang bigyan na lang," rinig niyang sabi ni Manong Anton. "Ang lalaking iyon...ang weird niya," mahinang naisatinig niya at naramdaman niya ang pag-init ng kaniyang mukha. "Suplado siya, diba? Bakit bigla siyang kumagat sa mangga ko?" sambit niya sa isip niya. Close na ba sila kaya ito nanghingi sa kaniya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD