NATHAN POV
"Anak, ilang beses na ba kitang sasabihan na ayusin mo ang pakikitungo mo sa Board? Hindi puwedeng lagi ka na lang ganyan katahimik sa meetings. Hindi lahat ng bagay, Nathan, mabibili mo ng katahimikan mo." Malamig ang tono ni Daddy habang nakaupo siya sa mahabang dining table. Nasa dulo ako, tinatapik ang baso ng wine na di ko man lang iniinom.
Sinapo ni Mommy ang noo niya, obvious na pagod na siya sa paulit-ulit na usapan. "Nathan, for the last time, magsalita ka naman kahit minsan. Hindi puwedeng puro ka lang ganyan tingin, tango, tahimik."
Dahan-dahan kong inangat ang tingin ko sa kanila. Mataman. Walang emosyon. Tipid ang sagot. "Tapos na ba kayo?"
Napatingin si Daddy sa akin, halata ang pagkainis. "What did you say?"
Pinaglaruan ko ang singsing sa daliri ko. Ginto. Mabigat. Katulad ng apelyido naming Yu. "Sabi ko... tapos na ba kayo?"
"See? Yan na naman oh! Yan na naman ang ugali mo!" sabat ni Mommy, nanginginig ang boses. "Wala kang respeto sa magulang mo. Hindi ka man lang magpaliwanag kung bakit ganon ka sa Board!"
Huminga ako nang malalim, pero wala akong balak magtaas ng boses. Wala akong balak magpaliwanag. Hindi ako ganon. "Ganon talaga ako."
Tumayo si Daddy. Dumagundong ang boses niya sa loob ng mansion. "You’re impossible, Nathan! Impossible!"
Tahimik lang akong tumayo. Hindi ko sila tiningnan. Tumalikod ako para umalis sa dining area.
"Nathan! Bumalik ka rito! Hindi pa tayo tapos magsalita!" sigaw ni Mommy. Pero hindi ko na sila pinansin. Pinagpatuloy ko ang lakad ko palabas ng dining area, diretso sa hallway kung saan sumasalubong ang malamig na tiles at mabibigat na kurtina.
Nasa likod ko na ang mga yapak ni Daddy. Mabigat. Mabilis. Naramdaman ko ang pagkakahawak niya sa balikat ko. "Nathan! Don’t you dare walk out on us! Hindi mo kayang patakbuhin ang kompanya kung ganyan ka!"
Bahagya akong lumingon. Saglit lang. Sapat na para makita niya ang malamig kong mata. "Ayokong patakbuhin."
"What did you just say?" halos pabulong na galit ni Daddy.
Binitiwan ko ang balikat ko mula sa pagkakahawak niya. "Wala akong sinabing gusto kong patakbuhin ang kompanya. Hindi ko ‘yan gusto. Sa inyo ‘yan."
Sumingit si Mommy sa pagitan namin, humawak sa braso ko. "Anak, hindi ganito ang Nathan na kilala ko. Hindi ganito ang pinangarap ko para sa’yo—"
"Stop." Madiin kong binitawan ang braso niya. "Tama na. Hindi ko ‘yan pinangarap. Kayo lang."
Napaatras si Mommy. Tumulo ang luha niya pero walang epekto sa akin. Nanatili akong walang imik habang pinagmamasdan siyang bumigay sa harap ko.
"Nathan, anak, bakit ka ganyan?" bulong niya.
Hindi ako sumagot. Tinalikuran ko sila ulit. Tumuloy ako paakyat sa hagdan. Mabigat ang hakbang pero diretso. Walang pakialam kung marinig man nila ang mga yabag ko sa marble stairs.
Pagkapasok ko sa silid, sinarado ko agad ang pinto. Binuksan ko ang balcony, malamig ang hangin, sumalubong ang ingay ng mga kuliglig sa labas ng malawak na garden. Sinindi ko ang isang yosi, tinikman ang usok na parang lason na nakagagaan ng dibdib.
May kumatok sa pinto. Isang katok. Dalawa. Sunod-sunod. "Nathan, anak, please. Buksan mo ‘tong pinto." Si Mommy.
Hindi ako kumibo. Pinagmasdan ko lang ang buga ng usok na nilalaro ng hangin.
"Nathan, please. Hindi tayo puwedeng ganito. Bumaba ka, anak. Kausapin mo kami nang maayos. Magpaliwanag ka."
Pinatay ko ang yosi sa marble na railing ng balcony. Pinikit ko ang mata ko sandali. Sapat para kalmahin ang sarili kong galit na ayaw lumabas. Binuksan ko ang pinto, hindi para lumabas, kundi para harapin siya.
Nanlaki ang mata ni Mommy nang makita niya akong nakatayo sa pintuan. "Nathan, please, bumaba ka na. Daddy mo, galit na galit na."
Tinitigan ko siya. Diretso. Walang takas. "Wala akong dapat ipaliwanag."
"Pero anak"
Pinutol ko. "I said, wala."
Napaatras siya. Wala na siyang nasabi. Isinara ko ulit ang pinto. Hindi ko na narinig kung umiyak siya sa hallway. Basta ako, bumalik sa kama, humiga ng patagilid, pinikit ang mga mata pero hindi natulog.
Kinabukasan. 6 AM. Maaga akong bumangon. Tahimik ang buong mansion. Masyadong tahimik para sa isang bahay na puno ng kayamanan pero kulang sa init.
Pagbaba ko, bumungad si Yaya Loring, dala ang tray na may kape. "Nathan, kumain ka muna. Magkakape ka ba?"
Dumaan ako sa tabi niya, hindi ko man lang tinignan ang tray. "No."
"Anak, baka magutom ka. Wala ka na namang kinain kagabi."
Huminto ako sa pintuan ng veranda. Sumagot ako nang hindi lumilingon. "Hindi ko kailangan."
Lumabas ako. Sinalubong ako ng tanawin ng garden na walang kaluluwa. Mga halamang mamahalin, mga bulaklak na imported, pero walang amoy ng tahanan. Lahat design lang.
Binuksan ko ang phone ko. Maraming notifications. Board emails. Meetings. Reports. Tinignan ko pero walang nagtagal sa screen ko. Ibinulsa ko ulit.
Biglang lumapit si Louie, ang assistant ko, bitbit ang laptop at mga papel. "Sir Nathan, good morning po. Ito po ‘yung pinadala ni Sir Anthony from Legal. May kailangan po kayong i-review."
Hindi ko siya tinignan. Umupo ako sa veranda chair. "Basahin mo."
"Sir?"
Tiningnan ko siya, malamig ang mata. "Basahin. Ikaw."
Nag-aalangan siyang bumuka ang bibig niya. Binasa niya isa-isa ang clauses ng kontrata. Corporate merger. Expansion sa Visayas. Sobrang daming zero. Wala akong narinig ni isa. Ang narinig ko lang, ang ihip ng hangin at ang t***k ng pulso ko na parang awtomatikong may sariling mundo.
Natapos si Louie. "Sir, sign niyo na po ba ito?"
Tiningnan ko ang laptop. Tinitigan ko lang. Umabot ng tatlong segundo. "No."
Napakamot si Louie. "Sir, eh... urgent na raw po kasi ito. Need na raw pong ma—"
"Sinabi kong no."
Natigilan siya. "Sige po, Sir."
Tumalikod siya. Naiwan akong mag-isa sa veranda, kasama ang mga file na walang silbi sa akin. Pinagmasdan ko ang langit na unti-unti nang umiinit, pero nanatiling malamig ang dibdib ko.
Ilang oras ang lumipas, bumalik ako sa loob ng mansion. Sa hallway, sinalubong ako ni Daddy. Suot niya ang paborito niyang navy blue suit, hawak ang briefcase na may logo ng kompanya. "Nathan."
Huminto ako. Tumingala ako sa kanya.
"Ayos lang ba ang ulo mo? Kanina pa tumatawag ang Board. Hindi ka sumasagot."
Hindi ako kumibo.
"Sumagot ka, Nathan."
"May meeting kayo. Kayo na lang pumunta."
"Nathan! Anak, for God’s sake. Ikaw ang CEO!"
Tumaas ang isang kilay ko. "Kailan pa?"
"Nathan"
Lumapit ako sa kanya, isang dangkal na lang ang pagitan. Ramdam ko ang init ng hininga niya na puno ng galit at pagkabigo. "Kung gusto mo, ikaw na lang. Kayo na lang."
"Nathan! You’re disrespecting me."
"Hindi kita nirespeto? O hindi niyo ko narinig?"
Saglit siyang natigilan. Huminga siya nang malalim. "Anak, ayusin mo ‘to. Hindi ganito ang Yu Family."
"Oo nga. Hindi ganito dapat ang Yu Family. Kaya ayusin niyo."
Tinalikuran ko siya. Tuloy-tuloy sa library na ako lang ang madalas magkulong. Binuksan ko ang pinto. Amoy lumang papel, amoy kahoy, amoy alaala ng lolo ko na siya talagang may gusto ng lahat ng ito.
Umupo ako sa leather chair. Binuksan ang libro na walang kinalaman sa negosyo. Philosophy. Nietzsche. Sobrang ironic. Pero sa katahimikan ng mga pahina nito, doon ako mas nakakahinga.
Tumunog ang phone ko. Isang message mula kay Louie. “Sir, Board is waiting. Shall I cancel or resched?”
Tipid lang ang reply ko. “Cancel.”
Hindi ko na hinintay ang reply niya. Binaba ko ang phone sa mesa. Humugot ng hangin at pinikit ang mga mata.
Sa mansion na ito, lahat galit sa katahimikan ko. Pero sa akin, ito lang ang meron ako.
Ang katahimikan ko, yun ang sandata ko. At wala ni isa sa kanila ang kayang baliin ito.