Bad mood pa rin si Chayce hanggang sa makabalik na siya sa barko. Dalawampung minuto na lamang at babyahe na sila patungong Calapan. Inaayos lamang ng mga crew niya ang mga trucking na sasakay sa kanila. Nasa car deck siya ng mga oras na ‘yon at pinagmamasdan ang mga nangyayari sa paligid ngunit hindi pa rin naaalis sa isip ang nakita niya kanina sa parking area. “Nakakasama talaga ng loob!” Napapabuntong-hininga na lamang siya para mabawasan ang pamimigat ng dibdib niya. Hindi niya namalayan na nakalapit na sa kanya si Rad. Nagulat pa siya ng tapikin siya nito.
“Pare, ang lalim ‘ata ng iniisip mo?”
“Don’t mind me, Rad. Bumalik ka na sa puwesto mo.”
“S’yanga pala, nakapunta ka na ba sa opisina? Nai-submit mo ba ‘yung mga report natin?” Umiling lamang siya at bumuntong-hininga uli. “Bakit? Wala pa bang tao doon?”
“Meron na. May nakita kasi akong nakaka-bad trip.”
“Di ba, excited ka pa kanina na pumunta sa opisina? Ang tagal-tagal mo ngang maligo at magbihis. Para kang lumalakad na air freshener dahil sa pabango mo. Mukhang ‘yun ang ipinanligo mo eh. Ano bang nakita mo?”
“Basta.” Itinaboy na uli niya ito dahil wala siyang balak na ipalam dito ang nakita niya. Natitiyak niyang walang katapusang pangangantiyaw na naman ang matatamo niya kina Rad at Axe. “Bumalik ka na sa puwesto mo.”
“Pare, kung anuman ang ikinasama ng araw mo eh may kapalit ‘yang maganda. Tandaan mo ‘yan.” Sabi pa nito bago bumalik sa puwesto nito. Nilingon pa nito ang isang magandang pasahero at nagpa-cute pa. Napailing na lamang siya sa ginawi ng kaibigan. Umiral na naman kasi ang pagiging pabling nito. Tumingin siya sa kanyang relo at nagpasya na siyang umakyat papuntang pilot house.
Araw ng Linggo noon. Day off ni Xianne kaya nagpasya siya ng umagang iyon na maagang gumising. Naabutan niyang nagluluto ng almusal ang Yaya Loring niya katulong ang isa pa nilang maid na si Dea. Ito na lamang ang kasama niya sa bahay nila sapagkat ang mga magulang niya at ang dalawang nakatatandang kapatid ay pawang nasa Australia na lahat. Naandoon din ang mga asa-asawa nito pati mga pamangkin niya. Siya lang ang naiwan sa bahay nila na nakatayo sa isang exclusive village sa Batangas. Noong una ay ayaw pumayag ng mga ito na maiwan siya na kasama lang ay isang yaya, katulong at driver. Ngunit sa bandang huli ay napapayag na rin niya ang mga ito. Nangako naman siya sa mga ito na oras na siya na ang magsawa sa kanyang trabaho ay hindi siya magdadalawang isip na sumunod sa mga ito. Ayaw rin naman niyang iwan agad si Jeffrey ng mga panahong iyon. Nangako rin ang kasintahan sa kanya na kapag nakaipon na itong sapat na pera ay sasama ito sa kanya sa Australia. Ayaw din daw kasi nitong maging pabigat sa pamilya niya pagdating doon. Kaya heto siya, hawak-hawak pa rin ang pangako sa kanya ni Jeffrey. Nilapitan niya ang Yaya Loring niya at yumapos siya sa matabang katawan ng matanda.
“Yaya, good morning!” Nilingon naman siya ng matanda at ngumiti sa kanya.
“Maupo ka na para makapag-almusal ka na.”
“Yaya, mamaya na lang. Ipapasyal ko muna si Maximus sa buong village.” Ang tinutukoy niya ay ang alaga niyang asong Golden Retriever.
“Uminom ka na muna ng gatas para mainitan ang tiyan mo.” Iniwan nito ang niluluto kay Dea upang iabot sa kanya ang naka-ready ng timplang gatas. Agad naman niyang iniabot iyon at dali-daling inubos ang laman. Sumipol siya at tinawag naman agad ang alaga niyang aso. “Max!” Agad namang lumabas ito mula kung saan at umikot-ikot sa sa harap niya. Nilambing naman niya ito at iginiya na palabas ng bahay. Palabas na sila ng gate ni Maximus ng humabol sa kanila si Yaya Loring.
“Iha, mag-iingat kayo. Bumalik din kayo kaagad.”
Kumaway siya kay Yaya Loring. “Yes, Yaya.” At unti-unti na niyang kinondisyon ang katawan niya sa nakasanayang pagdya-jogging tuwing umaga.
Chayce woke up early. Doon sila natulog ni Axe sa bahay nina Rad sa isang exclusive village na ‘yon. Humingi silang tatlo ng day off ng Linggong iyon. Nagpapasalamat sila sa may-ari sapagkat pinayagan silang tatlo na sabay-sabay na mag-off ng araw na iyon. Sinigurado lamang sa kanila na babalik sila bago maghapon at iiwan nila ang barko nila sa pinagkakatiwalaan nilang tauhan. Nangako naman sila na susundin ang mga bilin nito. Bumangon na siya mula sa kama at nagtungo siya sa banyong kanugnog ng kuwartong inilaan sa kanila ni Axe. Pagkatapos niyang mag-banyo ay nagbihis na siya ng itim na shorts at puting cut-off hooded shirt. Isinuot din niya ang kanyang baong medyas at Nike running shoes. Balak kasi niyang mag-jogging sa paligid ng village nina Rad. Pagkatapos niyang humugot ng towel mula sa duffel bag niya ay nilingon muna niya si Axe na himbing na himbing pa sa pagtulog bago niya nilisan ang kuwarto.
Naka-lotus sit si Xianne sa isang bench malapit sa basketball court ng village nila. Isa iyon sa mga paborito niyang tambayan sapagkat nasa sa pagitan iyon ng dalawang puno ng acacia. Napakalilim at napakahangin doon kahit sa tanghaling tapat. Nagpasya na siyang magpahinga sandali bago bumalik sa kanilang bahay. Halos treinta minutos din siyang nag-jogging. Alas-syete pa lang ng umaga subalit napakarami ng mga taga-village ang nagkalat doon. May mga batang naglalaro na sa park kasama ang kani-kanilang mga yaya. May mga naglalaro ring mga kabataan at mga nagbabata-bataan ng basketball sa bandang likuran niya. At ang natitira pang iba ay katulad din niyang nakatambay din lamang at nagmamasid sa paligid. Binalingan naman niya si Maximus na nakadapa sa tabi niya na mukhang napagod din sa pagtakbo. Tatayo na lamang siya mula sa kinauupuan nang marinig niya ang sabay-sabay na pagsinghap ng mga kadalagahang malapit sa kimauupuan niya. Nilingon niya ang mga ito at napansin niyang may tinatanaw ang mga ito sa ‘di kalayuan. Tumingin din siya sa paligid na animo’y biglang nag-freeze ang lahat ng tao lalo na ang mga babae doon at nakatingin din sa direksyong tinitingnan kanina ng mga katabi niya. Na-curious siya kung sino o anong nilalang ang naging dahilan ng pagtigil ng mundo ng mga kapitbahay niya at pati na rin si Maximus ay mukhang nahawa na rin. Nakita niyang napahinto sa pagtakbo ang lalaki. Napansin siguro nito na nagmukhang ewan ang mga tao roon. Nang tingnan niya ng mabuti ang lalaki ay napagtanto agad niya kung sino ito. “Captain Chayce Mijares? Ano ang ginagawa nito sa abang village nila? ” Pumalakpak siya upang kuhanin ang atensyon ng lahat. Mukhang nagulat pa ang mga ito at awtomatikong bumalik sa mga dating ginagawa. Ngunit ang mga kababaihan doon ay tila natutulala pa rin sa kapitan.
Nagsimula na naman siyang mailang sa oras na iyon. Pinagtitinginan kasi siya ng mga tao na pawang residente ng village na ‘yon. Natitiyak niyang bago siya sa paningin ng mga ito. Inignora na lamang niya ang mga ito at sinimulan na uli ang naudlot niyang pagtakbo. Nakasunod pa rin sa kanya ang tingin ng lahat. Liliko na sana siya pabalik sa daan patungo sa bahay nina Rad ng biglang naramdaman niya ang kakaibang pintig ng puso niya. Kinakabahan siyang ‘di mawari. Ganoon ang nangyayari sa kanya kapag nasa sa paligid lamang ang babaeng mahal niya. Dahan-dahan siyang lumingon at nakita niya ang nag-iisang babaeng nagpatibok ng pihikan niyang puso. Nakatayo ito at nakatingin din sa direksyon niya. “My sweet Xianne…” Usal niya. Nabahala agad siya ng makitang paalis na ang dalaga sa kinatatayuan nito. Hindi na siya nagdalawang-isip at hinabol niya ang dalagang itinatangi. “Xianne!”
Papaalis na si Xianne sa lugar na iyon ng marinig niya ang pagtawag ni Chayce sa kanyang pangalan. Lumingon siya sa direksyon nito at nakita niyang tumatakbo ito papalapit sa kanya. Bumagal ang takbo nito ng konti na lang ang distansya nito mula sa kanya. Mukhang nag-aalinlangan pa itong lumapit sa kanya. Nagpasya na siya ang unang bumati sa binata.
“Good morning, Capt. Mijares.” Bati niya sabay ngiti dito. Maya-maya pa’y nasa sa harap na niya ito. Napagtanto niyang may taas itong lagpas anim na talampakan, well-built na pangangatawan, chiseled nose, mga matang animo’y laging nakangiti, medyo may kakapalang kilay at maamong mukha. Bumagay din ang cleft chin sa hugis ng mukha nito. Napansin din niyang may kahabaan ang buhok nito na mabining inililipad ng hangin. Tama nga ang sabi nina Miley, napaka-guwapo talaga nito.
“Magandang umaga din sa’yo, Miss Xianne!” Nakita niyang pantay-pantay ang mapuputing ngipin nito ng ngumiti ito sa kanya. “Dito ka pala nakatira.”
Tumango siya. “Naligaw yata kayo sa village namin.”
“Doon kami natulog sa bahay nina Rad. Magkakasama kami nina Axe.” Matamang nakatitig sa kanya ang batang kapitan at nagsisimula na rin siyang mailang.
Napatango naman siya. “I see. Taga-rito nga pala si Sir Rad. So Capt., mauna na ako sa inyo. Regards na lang po kina Sir Rad at Sir Axe.” Tinawag na niya ang kanyang aso. “Let’s go, Max!” Bumaling na uli siya kay Chayce. “Bye, Sir. Ingat sa pagdya-jogging!” Tumalikod na siya bago pa man ito nakapagsalita. Nakatalikod na siya pero ramdam na ramdam pa rin niya ang nakakapasong tingin nito. Parang tumatagos sa katawan niya ang tingin nito. Hindi pa siya nakakalayo ng biglang humarang ito sa harapan niya. Nagulat siya sapagkat hindi niya namalayan na naabutan siya nito.
“May kailangan pa kayo, Sir?” Naiilang niyang tanong kay Chayce.
“If you don’t mind, let me walk you home, Xianne.”
“Ahmmm…”
“Please?”
“O-okay.” At magkaagapay na silang umalis pauwi sa bahay nila.
Chayce still couldn’t believe that he was with the girl of his dreams. Naandoon na siya sa bahay nina Xianne. Naglakas-loob lamang siyang maghatid dito pero deep inside ay mamamatay na siya sa kaba. Habang papauwi sila patungo sa bahay ng dalaga ay marami siyang nalaman tungkol sa buhay nito. Nag-iisa na lamang pala ito sapagkat ang mga magulang at kapatid nito ay pawang nasa Australia na. Nalungkot siya ng sabihin ni Xianne sa kanya na balak na rin nitong sumunod sa pamilya. Nanibugho siya ng malaman din niya na kasama na rin patungong Australia ang boyfriend nito. “Aargh! Wala na talaga akong pag-asa!” Natigil lang siya sa pagsisentimyento ng lumabas mula sa dining area si Xianne kasunod ang isang may-edad ng babae. Agad naman siyang tumayo mula sa sofa na kinauupuan niya. Agad niyang nginitian ang dalaga. Ipinakilala agad siya nito sa matanda.
“Yaya Loring, si Capt. Chayce Mijares po. Kasamahan ko sa Monte Cristo.”
Kinamayan agad niya ang matanda. “Nice to meet you po, Ma’am.” Nakipagkamay naman agad si Yaya Loring sa kanya.
“Iho, napaka-guwapo mo naman. Bagay na bagay kayo ng alaga ko.” Napatawa naman siya sa sinabi ng matanda at namula naman si Xianne.
“Yaya!”
“Pasensya ka na, iho. Magaan na agad ang loob ko sa’yo.”
“Okay lang po, ma’am.”
“Yaya Loring na lang ang itawag mo sa akin kasi lahat ng kaibigan nitong si Xianne ay ‘yun ang tawag sa akin.”
“Okay po, Yaya Loring.” Napansin niya si Xianne na naiilang na sa kanilang dalawa ni Yaya Loring. Binalingan uli niya si Xianne na magpasahanggang ngayon ay nagbablush pa rin, which he finds it very cute. “Miss Xianne?” Tumingin naman ito sa kanya.
“Xianne na lang, Sir. Wala naman tayo sa office.”
“I see.” Napatango siya at biglang may pumasok na ideya sa kanyang utak. “Ahmm, Xianne, let’s drop the formality. Tulad ng sinabi mo, wala naman tayo sa opisina.”
“And?”
“Just call me Chayce, okay?”
“O-okay, Chayce.”
“That’s better.” Nginitian niya ito. “So, nakakaabala na ako sa inyo. I have to go…” Hindi pa niya natatapos ang sasabihin ng sumabat si Yaya Loring.
“Iho, dito ka na mag-almusal. Para naman may makasabay si Xianne sa pagkain.”
“Yaya, sobra ka na. Baka may ibang lakad si Chayce. Nakakahiya sa kanya.” Hindi naman ito pinansin ng matanda at patuloy pa rin ang pangungumbinsi nito sa kanya.
“Iho, pag tinanggihan mo alok ko, magtatampo ako sa’yo.”
Hindi na siya tumutol sapagkat pabor din sa kanya iyon. “Kung hindi naman ho mamasamain ni Xianne, pumapayag po ako na paunlakan ang imbitasyon n’yo.”
“I don’t mind, Chayce. Magtatampo si Yaya, mahirap na.” Nakangiti ito nang akbayan ang matanda. Halata namang natuwa ang matanda sa naging sagot ni Xianne.
“O s’ya, tayo na at baka lumamig ang mga pagkain.” Nauna na itong pumunta sa dining area at halatang masayang-masaya ito. Nagkatinginan naman sila ni Xianne.
“Xianne, thank you.” Madamdamin niyang sabi sa dalaga.
“Walang anuman, Chayce.” Ngumiti ito sa kanya. “Pagpasensyahan mo lang si Yaya kasi napakakulit nun minsan.”
“Don’t worry, sanay na ako. Pareho kasi sila ng ugali ng lola ko.”
Napatango na lamang ito. “Tayo na.” Yaya na nito at sabay na silang pumunta sa komedor.
Perpekto na sana ang moment nila ni Xianne ng biglang sumulpot sa kalagitnaan ng pag-aalmusal nila sina Rad at Axe. Hinanap daw siya ng mga ito at may nakapag-ulit na naandoon nga daw siya sa bahay ng dalaga. Obvious na aliw na aliw naman sa dalawa si Yaya Loring. Magaling kasing mambola ang mga ito. Siya ang nahihiya kay Xianne sapagkat at-home na at-home na agad ang feeling ng dalawa. Palihim naman siyang inaasar ng mga ito. Hanggang sa matapos ang pag-aalmusal nila na inabot yata ng halos dalawang oras ay patuloy pa rin sa pambobola ang dalawa sa matanda. Kaya ang nangyari ay ipinagbalot pa ni Yaya Loring ang mga ito ng pagkain. Nagpaalam na sila kina Xianne. Hinayang na hinayang siya sapagkat hindi sila nakapag-usap ng maayos ng dalaga dahil sa asungot na mga kaibigan niya. Habang daan ay inaasar pa rin siya ng mga ito.
“Chayce pare, ano’ng feeling mo ngayon?” Tanong ni Axe sa kanya. “Happy?”
Napailing na lamang siya. “Bitin pa rin dahil sa pagsulpot ninyong dalawa.” Napasinghap ang dalawa sa tinuran niya. Umiral na naman ang pagka-green minded ng mga ito. “It’s not what you think, guys. Iginagalang ko si Xianne.” Napa-“ah” na lamang ang mga ito. Hinarap niya ang mga ito at pinamaywangan. “Rad pare, may kasalanan ka sa akin!”
Napataas-kilay lamang ito. “Anong kasalanan ko sa’yo?”
“Ba’t hindi mo sinabi sa akin na ka-village mo si Xianne?”
“Nagtanong ka ba?” Pilosopong sagot nito. “Ligawan mo na kasi. Balita ko, hindi na nagpupupunta d’yan ang boyfriend ni Xianne.”
“O pare, may pag-asa ka na!” Sabi naman ni Axe.
Napabuntong-hininga na lamang siya at nagsimula na uli silang maglakad pauwi. “Wala na akong pag-asa, guys. May plano na sina Xianne pati ang boyfriend nito na sumunod sa Australia.” Inakbayan naman siya ng dalawa.
“Chayce, don’t lose hope. Tulad ng sinabi ko, hindi pa naman sila kasal.” Payo ni Rad sa kanya. “Kami ang bahala ni Axe. Ilalakad ka namin.”
“Hind na, ‘no!” Tanggi niya sa alok nito. “Kaya ko na.” Tinawanan lamang siya ng dalawa. “Ano’ng nakakatawa?”
“Alam mo, pare, ilang taon na naming naririnig mula sa’yo ang linyang ‘yan. Hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari.” Kantyaw naman ni Axe sa kanya. Hindi niya maiwasang mapahiya sa sinabi ng mga ito.
“What will I do now?” Nauubusan na siya ng pasensya. “Tinamaan na talaga ako kay Xianne. In-love na talaga ako!”
“Tanggapin mo na kasi alok namin sa’yo. Ilalakad ka nga namin kay Miss Xianne!”
Wala na siyang magawa kundi ang pumayag sa alok ng mga ito. “Sige, pumapayag na ako.”
“That’s our guy!” Sabay pang sambit ng dalawa sa kanya.