II.

2751 Words
LUNES ng umaga, naging magulo ang klase nila Krisler dahil wala pa silang guro ng mga oras na `yon. Nagkaroon naman ng iba't ibang grupo sa kanilang silid. May grupo ng mga kalalakihan na naglalaro ng Tom Sawyer sa harapan ng pisara, may grupo rin ng mga kababaihan na nag-e-ensayo sa pagsasayaw para sa kanilang practical test sa P.E. Hati ang klase nila sa mga estudyanteng naka-upo sa kanilang silid at doon nagku-kuwentuhan at sa mga estudyanteng nagpapagala-gala sa silid at kung ano ano ang ginagawa. Kabilang naman si Krisler sa grupo ng mga estudyanteng naglalaro sa harapan at hindi iniinda ang pawis at kung mahuli man sila ng kanilang susunod na guro. Ilang oras pa ang lumipas at sinabihan sila ng isang kaklase nila na parating na daw ang kanilang guro sa Biology kasama ang student teacher nito. iginugunita nila ng mga panahong `yon ang Araw ng mga Guro kaya tradisyon na sa kanilang paaralan ang pagkakaroon ng mga student teacher sa mga panahong iyon. Ang mga piling estudyante ang magtuturo sa mga klase ng kanilang guro habang ang mga ito ay posibleng nagpapahinga o ginagawa ang mga mahahalagang bagay na p'wede nilang gawin. Nagsimula ng maglinis ang buong klase habang ang iba ay naupo na sa mga upuan nito. Naupo na si Krisler sa ikatlong hanay at sinuklay ang buhok nito gamit ang kanyang mga daliri. Nagawa pa nitong tanungin ang katabi niya kung may takdang-aralin ba sila sa asignaturang ito dahil kung nagkataon ay wala siyang gawa. Mabuti nalang at wala kaya napanatag si Krisler. Pumasok na sa loob ng klase nila ang kanilang guro at kaagad rin naman nila itong binati. Pinagti-tinginan na rin ng iba ang estudyanteng kasama nito labas. Sinubukang dungawin ni Krisler ang nasabing estudyante pero hindi niya magawa. Nakaharang ang kurtina sa parte kung saan naroroon ang nasabing estudyante. Wala na rin siyang ibang nagawa kundi makinig at itunuon nalang ang atensyon sa pakikinig sa kanilang guro. Nagsimulang magpaliwanag ang kanilang guro at sinabing isang buong linggo rin siyang mawawala dahil may mga importante itong gagawin sa departamento nila. Pero nasabi rin nito na bibisitahin niya rin ang mga klase niya kapag may pagkakataon. Nasabi na rin nito papalit muna pansamantala sa kanya ang napiling estudyante mula sa isang klase niya. Hindi na pinatagal ng kanilang guro at pinapasok na niya ang estudyanteng naghihintay sa labas ng silid aralan. Naglakad papasok ang nasabing estudyante at tumabi sa kanilang guro. Inilapag nito ang ilang libro at visual aids na dala niya sa mesa at itinuon ang atensyon sa mga estudyanteng nasa harapan niya, "Class, this is Roselle Alarcon from II-Chico. Napili ko siya dahil isa siya sa may pinaka-mataas na grade sa `kin sa Biology. `Yong isang estudyante ko sana ang kukunin ko kaso may nauna na palang teacher ang kumuha para maging student teacher rin kaya si Roselle nalang ang napili ko. Class, sinabihan ko si Roselle na maging mahigpit pagdating sa pagtuturo kaya huwag kayong maiinis sa kanya dahil ginagawa niya lamang ang inutos ko sa kanya. Nagkaka-intindihan ba tayo?" tanong ng kanilang guro. Sabay-sabay naan silang sumagot at umayos ng pagkaka-upo ayon na rin sa utos ng kanilang guro. "Good, then. Roselle, take charge. Babalik nalang ako kapag nag-time na. Class, behave." Lumabas na ng kanilang silid ang kanilang guro at naiwan ang student teacher nito. Isa-isang kinuha ni Roselle ang mga visual aids nito at idinikit sa pasira. Hindi makapaniwala si Krisler ng makitang si Roselle pala ang inatasang magturo sa kanila ng Biology. Hindi niya inaasahang magkikita muli sila. Hindi niya inaakalang sa pagkakataong ito, makikilala niya si Roselle bilang student teacher niya sa Biology. Namamangha siya sa katalinuhang taglay ng dalaga. Sa dami ng estudyanteng mayroon ang kanilang guro, si Roselle ang napili nitong humalili sa posisyon niya. Malaking aspeto na iyon kung maituturing para masabing isang mabuting mag-aaral si Roselle. Doon pa nga lang sa kagandahang taglay nito, namamangha na siya. Paano pa ngayong siya ang magiging guro nila sa Biology ng isang linggo, mas lalong nakakamangha. Matapos isabit ang mga visual aids sa pisara, hinarap ni Roselle ang mga kapwang estudyante niyang naghihintay sa kanyang magturo. "Good Morning, class. Kagaya ng sinabi ni Ms. Navarez, ako ang magiging student teacher niyo for the entire week since we are celebrating the World Teachers Day. For today, we are going to talk about human circulation. As we all know, the circulatory system is our body system responsible for the transportation of needed materials to the cells and waste materials from the cells." litanya nito. Nakatuon naman ang buong atensyon ng klase sa pagtuturo ni Roselle. Napapatango ito ng kanilang mga ulo bilang pagsang-ayon nila sa mga itinuturo ni Roselle. Kinokopya rin nila ang mga leksyon nakasulat sa mga manila paper na nakapaskil sa pisara habang nakikinig sa dalaga. Ginaganahan naman si Roselle sa pagtuturo dahil alam nitong nakikinig at mukhang interesado ang mga kapwa niya mag-aaral sa tinatalakay nilang aralin. Nagagawa niyang isalaysay ng maayos sa mga kamag-aral niya ang mga binasa niya at maging ang mga sinaliksik niya. Namamangha naman lalo ang mga estudyante sa paraan ng pagtuturo ni Roselle. Nagagawang magtanong ng mga estudyante kay Roselle ukol sa aralin nila at sinisikap naman ng dalaga na masagot ito ng tama. Naging mas nakakapanabik ang talakayan nila sa mga nagdaang oras at hindi nila namamalayang malapit na pala matapos ang oras ng klase nila. Ayaw pa nilang tumigil ang talakayan nila. Gusto pa nilang manatili sa kanilang klase si Roselle at lumiban na lamang sa susunod nilang klase. Ang lahat ng mga nangyayaring ito, pumapabor kay Krisler. Sa lahat ng estudyante sa klaseng iyon, si Krisler lang ang namumukod tanging seryoso sa kanila. Seryoso sa paraan na hindi na niya nagawang kumopya ng mga leksyong pinapakopya sa kanila at mas ibinaling ang buong atensyon sa pakikinig at panunuod kay Roselle magturo. "Heartbeat," saad ni Roselle. Tumayo siya sa harapan ng mesa at nilibot ang paningin. "Kung nakikinig talaga kayo sa discussion, sabihin niyo nga sa `kin `yong mga nasabi ko kanina. Kahit hindi `yong exact words basta nandoon ang thought." Itinaas kaagad ni Krisler ang kanyang kamay. Siya lang ang nakataas ang kamay sa kanila kaya pinatayo na siya ni Roselle at hinayaang magsagot. "Heartbeat, this refers to the rythmic contraction of the heart muscles. The average rate of heartbeat is about 70 times per minute." aniya. Napatango naman si Roselle at nginitian si Krisler. "Very good, Krisler. May katanungan ka ba?" tanong nito. Tumango naman ng kanyang ulo si Krisler. "If the average rate of a heartbeat per minute is 70 times, how about the person having irregular heartbeat per minute? Let's say, a person is experiencing more than a hundred beats per minute, how would you explain his or her condition?" "Nice question," saad nito. Akmang kukuha ito ng pambura at magbubura ng ilang parte sa pisara para sulatan ng biglang tumunog ng malakas ang bell. Hudyat na tapos na ang isang asignatura. Nagkatinginan naman sila Krisler at Roselle. Nagkibit balikat na lamang si Roselle at isa-isang tinanggal ang mga nakasabit sa pisara. "We'll talk about it later, Kris. Bukas nalang natin ituloy ang discussion. Goodbye, class." Nagsi-tayuan ang mga estudyante at nagpaalam na kay Roselle. Lumipat naman sila ng kani-kanilang mga upuan upang sundi ang kanilang sitting arrangement sa susunod nilang klase. Lumapit ang ilang kamag-aral ni Krisler sa kanya at puwersahan siyang pinaa-upo sa kanyang upuan. Ipinagtaka naman ito ng binata at tinignan ng masama ang mga ito. "Ano na namang trip `to? Anong mayroon?" tanong nito. "Kilala mo pala `yong ST natin. At nakanaks ka naman, Krisler. May pa 'We'll talk about it later' ka pang nalalaman. Syota mo `yon `no?" tanong ng isa nilang kamag-aral sa kanya. Napaismid naman si Krisler at tumayo sa kinauupuan niya. "Mga gago! Kakakilala ko lang sa kanya no'ng isang araw. Nagkataon na siya pala `yong ST natin sa Bio tapos kilala namin ang isa't isa. Ayon lang." depensa nito. "Maniwala kami sa `yo. Talaga lang, huh?" sarkastikong saad pa ng isa nilang kamag-aral. "Tamang hinala naman kayo masyado. Kahit tanungin niyo pa siya. Tara, bili muna tayo tokwa habang wala pa si Ma'am." hinawi niya ang isa sa kanila at nagsimulang maglakad palabas ng kanilang silid. Wala namang nagawa ang mga kaibigan ni Krisler at sumunod nalang sa kanya palabas ng kanilang silid. Napakamot na lamang ng kanyang ulo si Krisler dahil sa hinala ng mga kaibigan niya. Ano naman ang naisip nila at ganoon ang pumasok sa mga isip nila? Nagkataon lang naman na kilala siya ni Roselle, na nagkataong student teacher nila sa Biology at tinawag lang siya sa pangalan nito no'ng sumasagot siya sa katanungan nito. Hindi na lamang pinansin ni Krisler ang mga `yon at nagpatuloy na sila sa paglalakad. ILANG oras matapos ang klase nila sa Biology, mag-isa ngayong naglalakad si Krisler papunta sa canteen ng kanilang eskwelahan upang kumain. Naiwan siyang mag-isa dahil ang mga kaibigan niya ay may kailangan lang daw tapusing proyekto sa T.L.E. nila at kailangang isumite ngayong araw. Hinihintay ni Krisler maluto ang burger na binili niya ng may biglang bumunggo sa kanya dahilan para mapa-usog siya sa kabilang parte. Tinignan niya ang taong bumunggo sa kanya at nakilala niya kung sino ito. Si Roselle. Napansin nitong naiba ang ayos ng buhok nito kumpara sa ayos nito kanina ng magturo ito sa kanila. Mula sa bagsak nitong buhok ay ngayong naka-tirintas na. Suot-suot nito ang headphones na parehas nitong nakita no'ng una niya itong nasilayang nakadungaw sa bintana at nakatingin sa kalangitan. Mukhang hindi siya nito napansin. Tinawag niya ito sa kanyang pangalan pero hindi siya nito narinig. Kinalabit na lamang niya ang balikat nito at doon lang siya napansin nito. Tinanggal nito ang suot na headphones at hinarap si Krisler. "Ikaw pala, Krisler. Hindi ko alam na dito ka rin pala nag-aaral. Hindi ko malalaman kung hindi pa ako ang naging student teacher niyo sa Bio. Hindi kita madalas makita dito sa school." "Ngayon ko nga lang rin nalaman na dito ka rin nag-aaral. At saka, hindi rin naman ako gala dito sa school. Iisa lang naman pinupuntahan ng tropa dito. Naks naman! Ang talino mo pala." "Bakit? Mukha ba akong bobo?" "Hindi. Hindi sa ganoon. Ang ibig kong sabihin, matalino ka. Kailan lang naman tayo nagkakilala kaya wala rin akong ideya tungkol sa `yo." pagpapaliwanag ni Krisler. Napatango nalang si Roselle at inabot ang bayad sa tindero. Inabot na rin kay Krisler ang binili niyang burger at hinintay na i-abot kay Roselle ang binili nitong burger. Napag-usapan lang nila ang tungkol sa pagiging estudyante nilang dalawa sa iisang paaralan. Pinag-usapan nila kung saang pangkat sila nabibilang no'ng unang taon nila roon, ang mga naging guro nila sa bawat asignatura, maging ang mga patimpalak na sinasalihan nila, nagawa nilang pag-usapan. Doon nila napagtanto na posibleng matagal na sana sila nagka-kilala. May mga pagkakataong magkaka-tugma ang mga kuwento nila sa isa't isa. Tulad nalang ng sinalihan nilang quiz bee noong buwan ng wika. Napag-alaman nilang naglaban na pala sila ng mga panahong iyon pero hindi lang nila natandaan ang mukha ng isa't isa. Ipinagpatuloy nila ang pag-uusap tungkol sa kaganapan sa paaralan nila. Naging walang katapusan ang pagku-kuwento dahil pareho silang hindi nauubusan ng iku-kuwento. Naupo silang dalawa sa waiting shed dala-dala ang mga binili nilang pagkain. "`Yong tanong ko pala kanina sa Biology. `Yong tungkol sa heartbeat. Hindi mo nasagot kasi nag-time na." panimula ni Krisler. Kinuha na muna ni Roselle ang gulaman na dala nila at uminom muna bago harapin si Krisler. "`Yon ba? Maraming posibleng dahilan kung bakit irregular ang heartbeat ng isang tao. Posibleng tachycardia `yon o `yong heartbeat over 100 beats per minute nga. Posibleng mababa ang potassium at electrolytes. Posibleng nasa dugo rin ng pamilya nila `yon. Posibleng hindi sapat ang ibinibigay na oxygen-rich blood ng puso o may hypertension. Posibleng emotional stressed ang isang tao o masyadong maraming intake ng alcohol or caffeine. Posible ring---" "In love ang isang tao?" pagpuputol ni Krisler sa sinasabi ni Roselle. Napataas ng isang kilay si Roselle at natawa ng bahagya sa sinabi ni Krisler. Pinalo nito ng mahina ang braso ng binata at kumagat sa burger nito. "Nakakatawa ka, Kris. Hindi ka naman fictional character sa isang romance novel kaya arrhytmia tawag do'n. Alam mo bang ay scientific explanation rin ang love? Dahil daw `yon sa mga chemicals na pino-produce ng katawan natin." "Ang seryoso mo naman masyado. Pati ba naman love, may scientific explanation? Hindi ba puwedeng naramdaman mo nalang basta `yon? Sabi pa nga nila, kapag naramdaman mo na `yon, mahirap ipaliwanag." "Sabi lang nila `yan. Lahat ng bagay, may explanation. Hindi mangyayari `yon ng walang dahilan. Isa pa, if ever ma-in love ang isang tao, for sure, may rason `yon. Hindi naman puwedeng sabihin nalang niyang 'In love ako sa `yo.' Teka nga," napahinto si Krisler sa pag-nguya ng kinakain niya ng biglang mapatingin sa kanya si Roselle. Dahan-dahan niyang nilunok ang burger na nasa bibig niya at ibinaling ang paningin sa harapan niya, maka-iwas lang sa titig ng dalaga. "Bakit nga ba natin ito pinag-uusapan? Ikaw, huh? Alam kong kaka-kilala lang natin at hindi tamang mangi-alam ako. Pero, magkaibigan na rin naman tayo `di ba? Puwede kang mag-kuwento sa `kin. In love ka `no kaya ganitoang usapan natin. Tapos torpe ka at `di mo alam ang gagawin. Ano?" pagpapatuloy ni Roselle. Nanlalaki naman ang mga mata ni Krisler na lumingon kay Roselle. Hindi nito alam kung ano ang pinang-gagalingan ng sinasabi at ibinibintang nito sa kanya. Ang pinatutungkulan lang naman niya ay `yong naudlot na pagsagot ni Roselle sa Biology class nila at hindi niya intensyong mapunta sa usapang pag-ibig ang talakayan nilang dalawa. Bigla na lamang niya `yong naisingit at bigla nalang rin `yon ang sumagi sa kanyang isipan. Na posibleng hindi tama ang bilang ng t***k ng isang tao ay dahil umiibig ito. Uminom muna si Krisler sa gulaman niya at saka pa lamang nito hinarap ng maayos si Roselle. "Ang OA mo naman. Naisingit lang sa usapan `yon dahil posible naman talagang in love ang isang tao kaya ganoon. Psychologically. Masyado mo namang nilalaliman. May pa-arrhytmia arrhytmia ka pa. At saka, hindi ako torpe." depensa ng binata. "Talaga lang, huh? Bakit wala kang girlfriend ngayon kung hindi ka torpe?" Halos masamid naman si Krisler matapos marinig ang sinabi ni Roselle. Naguguluhan na siya sa mga iniisip nito. Iniisip na nga lang niya na sa sobrang talino ni Roselle, pati mga maliliit na bagay, naiisipan niya ng kung ano-ano. "Hindi pa kasi ito ang tamang panahon para doon. Hanggang crush lang muna." "Sabagay. Bata pa naman tayo. Pero kung alam mong `yon na `yon, na siya na talaga, grab the opportunity, dude. Mahirap na. Pero sa ngayon, crush nga lang muna." naka-ngiting tugon ni Roselle. Sa isa na namang pagkakataon, natulala si Krisler. Nasisilayan niyang ngumiti si Roselle na nagiging dahilan upang mangyari ito. Hindi pa rin talaga nagbabago ang unang impresyon niya sa dalaga. Kung paano niya ito nakita no'ng unang beses niya itong nasilayan, ganoon pa rin at walang ipinagbago. Nadagdagan pa nga kung tutuusin. Hindi niya alam kung hanggang kailan pa magpapatuloy ito at kung may plano bang mawala ito. Sa ngayon, gusto na muna niyang nararamdaman ito. Ilang minuto ang lumipas, biglang napatakip ng kanilang mga tainga sila Krisler at Roselle ng tumunog ng malakas ang bell malapit sa kinaroroonan nilang dalawa. Hudyat na tapos na ang oras ng break, kailangan na nilang bumalik at maghanda sa susunod nilang klase. Nagtawanan silang dalawa matapos ang insidenteng `yon. Tinutukso ang bawat isa dahil sa mga nakakatawang reaksyon ng mga ito sa pagtunog ng bell. Nagpaalam na si Roselle kay Krisler at kaagad naglakad patungo sa departamento ng Science upang puntahan ang kaniyang guro at pumunta na sa susunod nitong klase. Nagsimula na ring maglakad si Krisler pabalik sa kanyang silid at nilingon pa muli si Roselle. Napapangiti siya sa tuwing naaalala niya ang mga naging usapan nila kahit sa sandaling oras na iyon. Mas lalong hindi niya inaasahan na magkakaroon siya ng pagkakataon na maka-usap ng ganoon si Roselle. Sa tingin niya, dito na magsisimula ang pagkakaibigan nilang dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD