“Anong ginagawa mo rito?” pag-iwas ko ng tingin. Nagsisimula na namang kumabog ang dibdib ko sa hindi ko alam na dahilan.
Simula nang makilala ko siya, ganito na lagi ang nararamdaman ko. Palagi akong kabado sa tuwing nasa malapit lang siya, sa tuwing nagtatagpo ang mga tingin namin, at sa tuwing may lumalabas na salita sa bibig niya. Nakakamanghang pakiramdam pero may parte sa ’kin na natatakot na sa nararamdaman sa kaniya.
“Binisita ko si Mang Kanor and he told me to check on you,” sagot niya at umupo sa tabi ko. Dahan-dahan akong lumayo sa kaniya. Ramdam ko ang tingin niya sa ginawa kong paglayo.
“Ayos lang ako. Hindi na ulit ako mahuhulog huwag kang mag-alala”
“That’s good. You should try to learn how to swim”
Mahina akong umiling. “Gusto ko rin matuto pero masyadong maraming ginagawa si papa. Ganoon din naman si Dani. Paminsan-minsan nga lang iyon pumupuntang dagat para maligo,” paliwanag ko. Tanging si mama lang noon ang nakakasundo ko kapag dagat na pinag-uusapan. Siguro nga nagmana talaga ako sa kaniya sa pagiging mahilig sa tubig.
“May dala ka bang damit?”
Nagtataka ko siyang binalingan.
“Oo?”
Dahan-dahan siyang tumayo. Napaamang ako nang mabilis niyang hinubad ang suot na damit. Kagat-labi akong umiwas ng tingin. Kuhang-kuha niya ang katawan ng mga modelo at artistang nakikita ko sa magazine at tv.
“I’ll teach you how to swim”
Gulat ko siyang tiningnan ulit.
“H-Ha?” Hindi makapaniwala kong usal.
Ako? Tuturuan niya lumangoy? Ngayon?
Sumulyap ako sa naglalakihang mga alon.
“Ayaw mo ba?”
Nag a-alinlangan akong tumayo. Ngayon lang may nag-ayang magturo sa ’kin kung papaano lumangoy. Kahit na bago pa lang kami magkakilala, wala naman sigurong masama kung pagkakatiwalaan ko siya hindi ba? Mukha naman siyang mabuting tao. Hindi niya naman siguro ako ipapahamak.
“T-Tumalikod ka muna,” kabado ko pa ring sabi. Tumaas ang isa niyang kilay pero nang mapagtanto ang gagawin ko ay agad din siyang tumalikod. Hinawakan ko ang magkabilang dulo ng damit ko itinaas iyon para mahubad. Itinira ko ang pang-itaas kong saplot at shorts. Nanginginig akong tumabi sa kaniya at dumungaw sa tubig kung saan ako bumagsak noong isang araw.
“Tatalon ba tayo?” sabay lingon ko sa kaniya. Kinapos ako ng hininga nang makita kong madilim siyang nakatingin sa ’kin. Bumaba ang mga mata niya sa suot kong pang-itaas bago umiwas ng tingin.
“Ganiyan ba lagi ang suot mo kapag naliligo ka rito?” malamig niyang tanong.
“Oo, pero sa mabababaw na parte lang ako naliligo,” sagot ko na lamang. Hindi ko tuloy alam kung isusuot ko ba ulit ‘yung hinubad kong t-shirt. Ayaw niya ba sa suot ko? Sa mga nakikita ko sa tv, mas malala pa ang suot ng mga babae sa Maynila ah? Bahagya kong iniling ang ulo para maiwaksi ang nasa isip.
“Tatalon ba tayo?” pag-uulit ko sa tanong ko kanina. “Ipapaalala ko lang na hindi ako marunong lumangoy,” natatakot kong dagdag.
“Don’t worry about it. Basta kumapit ka lang sa ’kin”
Napatingin ako sa nakalahad niyang kamay. Dahan-dahan ko iyong inabot at mariin na hinawakan. Ramdam kong uminit ang magkabila kong pisngi. Malaki ang kamay niya pero malambot.
“We’ll jump in 3...”
Huminga ako nang malalim at tahimik na nagdasal.
“2...”
Hinanda ko na ang sarili sa pagtalon. Nanginginig pa rin ang katawan ko sa kaba pero may parte saakin ang excited sa gagawin namin.
“1!”
Sabay kaming tumalon sa tubig. Ramdam ko mariin niyang paghawak sa kamay ko bago pa man kami lumubog. Nabitiwan ko ang kamay ni Fourth dahil pinilit kong i-ahon ang sarili dahil nawawalan na ako ng hininga. Nagsisimula na akong mag-panic dahil palagi akong lumulubog nang may dalawang brasong yumakap sa bewang ko at tinulungan akong umahon. Naghahabol ako ng hangin at pinunasan ang mukha gamit ang kamay para makakita ulit.
Bumungad sa ’kin si Fourth na seryoso ang mga matang nakatitig sa ’kin pero bahagyang nakataas ang gilid ng labi.
“Sinabi kong kumapit ka lang,” aniya at dinilaan ang pang-ibabang labi. Napatingin tuloy ako roon ngunit agad ring umiwas dahil nakatitig pa rin siya.
“Pasensiya na. Nag-panic lang ako. Sinabi ko naman sa ‘yong hindi ako marunong lumangoy”
“It’s okay. Start moving your hands and your feet like this para lumutang ka,” dahan-dahan siyang pumunta sa likuran ko at iginaya ang isa kong kamay sa pagkilos. Ganoon na lang rin ang ginawa ko sa isa.
“Now move your feet. Slowly.”
Ginawa ko ang sinabi niya. Dumaan ulit ang kaba sa dibdib ko nang unti-unti niya akong binitawan.
“Tuloy mo lang,” mahina niyang sabi.
Hindi naman siya umalis sa tabi ko kaya napanatag na rin ako. Napangiti ako dahil nagagawa ko na. Masaya ko siyang nilingon.
“Marunong na ako!”
Kita ko ang muling pagdaan ng ngiti sa labi niya. “You’re a fast learner, huh? Can we move to our next lesson now?”
Excited akong tumango. Lumangoy siya sa ilalim pero mabilis ding umahon. Ngunit kinabahan ulit ako dahil malayo-layo na siya sa ’kin.
“Calm down. Nandito lang ako,” saad niya nang makita ang kaba sa mukha ko. Tumango ako nang dahan-dahan at huminga nang malalim.
“Good, girl. Now, can you do what I did?”
“S-Susubukan ko!” Inalala ko ang ginawa niya at huminga nang malalim bago lumangoy. Agad rin akong umahon dahil sa kaba.
“You’re doing great. Subukan mo ulit”
Paulit-ulit ko iyon ginawa hanggang sa maging komportable na ako sa tubig at sa paglangoy. Dumaan sa isip ko ang napapanuod ko sa tv. ‘Yung kung papaano lumangoy ang mga sirena. Kagat-labi kong tiningnan ang tubig. Gagawin ko ba? Wala namang masama kung susubukan ko hindi ba?
“Anong problema?”
Napatingin ako sa kaniya nang dahan-dahan siyang lumangoy palapit sa ’kin. Ginawa niya ‘yung ginagawa ng mga tao sa swimming pool. Gusto ko rin magpaturo kung papaano gawin ‘yun pero mas gusto kong gawin ang una kong naisip.
Bago pa man niya ako malapitan, lumangoy ako sa ilalim at ginaya ang paglangoy ng mga sirena sa pelikula. Nawiwili na ako sa ilalim pero biglang may humawak sa bewang ko at hinila ako para makaahon. Gulat akong naghabol ng hininga habang nakatingin sa kaniya. Madilim ang kaniyang mukha habang pinapanuod akong humihinga nang mabilis.
“B-Bakit?” kinakabahan kong tanong. Hindi ko alam kung bakit siya galit. Lumangoy lang naman ako?
“G-Ginaya ko lang ‘yung napapanuod ko sa tv. Pasensiya na,” paghingi ko ng tawad dahil sa tingin ko ay galit siya dahil pinag-alala ko siya. Umigting ang kaniyang panga at umiwas ng tingin.
“Sabihin mo kung may gagawin ka. Ilang minuto kang nasa ilalim. I thought...” ni hindi niya matapos ang sinasabi niya. Nahihiya akong lumapit sa kaniya. Agad ko namang nakuha ulit ang atensiyon niya. Itinaas ko ang isa kong kamay para kunin ang maliit na dahon na sumabit sa buhok niya saka iyon itinapon sa malayo.
“Sorry. Magpapaalam na ako sa susunod,” mahina kong saad. “Nawili lang kasi ako sa ilalim. Aahon naman agad ako kapag nauubosan na ng hangin,” paliwanag ko pa.
Nawala ang dilim sa mukha niya at tumango. Napagdesisyunan naming umahon muna para makakain. Nagugutom na rin kasi ako. Nang hilahin ko ang naiwan na pamingwit, may nahuli pa akong isda na agad ko ring isinilid sa balde.
Habang kumakain, hindi ko mapigilan ang mapatingin sa kaniya. Tahimik niyang kinakain ang bigay ko habang nasa malayo ang tingin.
“Uh, puwedeng magtanong?” pagbasag ko sa katahimikan. Sumulyap siya sa ’kin at tumango.
“Ang tawag kasi sa ‘yo ni papa ay Jacques. Ang tawag naman sa ‘yo nila Mang Kanor at Aling Matilda ay Fourth. Nagtataka kasi ako. Alin ba sa dalawa ang totoo mong pangalan?”
“My real name is Jacques,” sagot niya at kumagat sa hawak na sandwich.
“Jacques Wennrich Villamor,” dagdag niya pa kaya mas lalong kumunot ang noo ko.
“E, saan galing ang Fourth?”
“My Papa. He’s the first one who called me Fourth”
Papa? Dad niya?
Kahit naguguluhan pa rin ay tumango na lamang ako. “Kung ganoon, puwede rin ba kitang tawaging Fourth? O Jacques na lang?”
Nilingon niya ako at tinitigan.
“Fourth...,” parang nanghihina niyang sambit. “Call me Fourth”