CHAPTER 1

2172 คำ
Chapter 1: Jam's introduction JAM KIRSTEN CELESTIAL's POV "YES! Tapos na po iyong parte ko, 'Tay!" masayang sabi ko habang ipinapakita ko sa aking ama ang natapos kong laruan na gawa sa kahoy. Ito ang hanapbuhay namin ni Tatay sa nakalipas na taon, o tamang sabihin din na hindi pa man ako ipinapanganak sa mundo ay ito na ang trabahong pinagkakaabalahan ni Tatay Jasper. Isang manglililok ang aking ama at iyong structure na gawa sa kahoy ang nilililok niya. Iyong mga table at iba pang mga kagamitan. Isang talento rin ni Tatay ang gumawa ng mga laruan na pambata at iyong kayang-kaya sa bulsa ng kanilang mga magulang. Kahit gawa ito sa kahoy ay maganda naman ang pagkakagawa, dahil napakahusay ng Tatay ko sa bagay na iyon. Isa iyon sa hinahangaan ko. Maliban sa panglililok niya kasi ay magandang ideya rin ang naiisip ni Tatay para sa mga bago niyang object at mahusay siyang gumuhit ng iba't ibang karakter ng cartoon o mga laruan. Isa ako sa nagmana sa angking talento ng aking ama. Ang sabi nga niya sa akin ay puwede na akong maging Architect o kaya naman Interior Designer pero mas gusto ko pa rin ang maglilok ng mga laruan na kahoy ang aming gamit. Pero ibang kurso naman ang nakuha ko. Graduating na ako sa kurso kong Business Management. Kung magkakaroon man ako ng sapat na ipon ay puwede akong magpatayo ng shop ko na puro mga laruan na pambata ang lilikhain ko. Baka kung maging big time ako in the near future ay hindi na lang ang kahoy ang magagamit namin. Baka mag-evolve na rin. Char! "Naku! Ang husay na nga ng anak ko! Proud na proud sa 'yo si Tatay, Jam!" masayang sabi naman sa akin ni Tatay at mahigpit na niyakap pa niya ako. Yumakap naman ako sa kanya pabalik at kinuha niya mula sa akin ang gawa kong laruan. Isang maliit na tao pero malaki ang tiyan. Actually, duwende talaga siya. Iyon ang naisip ko. Tapos ang kulay na lamang nito ang kulang. Ako rin naman ang gumuhit ng mga ito sa papel. "Ang ganda! Wala pa ring kupas!" manghang-mangha sambit niya at humalakahak pa si Tatay. Saka niya ako inakbayan. Nasa munting bahay kami ni Tatay at nakasalampak sa sahig habang malapad ang mga ngiti namin na pinagmamasdan ang mga laruan na siyang bumubuhay sa amin. Pawis, dugo, pagod, puyat at tsaga ang foundation namin kung kaya't nailikha namin ang mga ito sa loob lamang ng mga ilang araw. Oo, lahat ng emosyon na mararamdaman namin ay kasama talaga siya. Pero masaya naman kami habang nanglililok kami ni Tatay. Naging katuwaan namin iyong magsasabi na kung sino ang mahuhuli ay manlilibre ng pancit canton ni Aling Sahara sa kanyang pansitirea. Tila isang inspirasyon namin iyon ng aking ama kaya mas nabibigyan kami ng motivation para simulan at tapusin ang object na idea ni Tatay. "Pancit cantoon, 'Tay!" sigaw ko. Malakas na napatawa na lamang si Tatay at ginulo niya ang aking buhok na hanggang balikat lang ang haba nito. Natural na kulay tsokolate ang buhok ko at may bangs pa. Nakasanayan ko na rin naman. "Oh, sige na! Tara na!" sigaw rin niya at napapalakpak pa ako dahil sa sobrang kasiyahan. Kumbaga ay iyon ang rewards ko. Ang makakain ng pancit canton. Tumayo ako at kinuha ko ang itim na hoodie ko sa maliit na silya namin saka ko ito isinuot. Inabot ko rin ang wallet ni Tatay sa kanya. Nagtaas-baba ang aking kilay at ngumisi pa ako. Umiiling-iling na lamang si Tatay. Naging paborito na kasi namin iyon, eh. "Oo na! May kasamang itlog at softdrink!" sabi ni Tatay at magkasabay na lumabas kami mula sa bahay namin. Maliit lang ang tahanan namin ni Tatay Jasper pero dalawa ang silid nito. Kaunting kagamitan lang ang mayroon kami sa loob. Maliban sa mga nilililok naming laruan na nasa sala lahat. Kaming dalawa na lamang kasi ang magkasama na nabubuhay, samantalang si Nanay Fei ay namatay siya noong sampung taong gulang pa lamang ako. May sakit kasi sa puso si Nanay at dahil kapos kami sa pera ay hindi namin siya nagawang ipagamot sa hospital. Ang trabaho ni Tatay ay sapat lang para sa gastusin namin sa araw-araw na pangkabuhayan. Saka mas pinili na rin ni Nanay ang mamahinga at ayaw na niyang mahirapan pa ang Tatay ko kung paano nga ba siya kukuha ng malaking pera upang ipagamot siya. Ayaw na raw niya ang maging pabigat pa at kung may pera man daw kami ay mas mabuti na lamang daw ang itago na iyon para sa pag-aaral ko. Ayos naman sa akin ang huminto sa pag-aaral noon. Kasi mas importante ang kalusugan ng Nanay ko. Pero wala rin. Alam kong labis-labis na nasaktan noon si Tatay sa pagkawala ng aking ina pero ang sabi niya, wala na kaming magagawa sapagkat iyon na ang nakatakda para kay Nanay. Kagustuhan iyon ng maykapal at hanggang doon na lamang daw ang buhay nito. Lahat naman tayo ay ganoon din, may mauuna nga lang... Kahit papaano ay naka-move on naman ang aking Itay lalo pa na may anak pa raw siya, na ako iyon. Kaya mabubuhay naman daw siya para sa akin. Sa loob ng maraming taon ay si Tatay Jasper ang tumayong ina at ama ko. Lumaki man ako ng walang ina ang nag-aruga sa akin ay hindi naman nagkulang si Tatay sa pagmamahal niya sa akin bilang anak niya. Kontento na ako kay Tatay at masaya akong siya ang naging tatay ko. Kaya ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya para sa magandang kinabukasan ko raw pero kasama ko na roon ang mga magulang ko...kahit wala na si Nanay Fei. Alam ko naman na masaya at ayos na ang kalagayan niya ngayon. Payapa kami ng Tatay ko dahil alam namin pareho na hindi na nakararamdam ng kahit na ano'ng sakit ang aking ina. Sunday ngayon, day off ni Tatay Jasper sa kanyang trabaho kaya ngayong araw lang talaga kami nagkakasama na dalawa. Masyado rin abala si Tatay sa trabaho niya. Kung dati ay isang karpinteryo lang siya noong nasa probinsya pa kami pero ngayon ay isang shop na siya nagtatrabaho. Lumuwas lang kami sa Manila, nang nakapasa ako sa exam para magkaroon ng scholarship. Sa totoo lang ay kalahati ang ibabayad ko sa tuition kapag nagkolehiyo na ako dahil sa mga grades kong matataas at ngayong taon na rin ako magtatapos. At masuwerteng napasama pa sa dean's lister, kaya sobrang proud talaga ni Tatay sa akin. Ginawa ko rin kasi ang best ko. Ang pansiteria ni Aling Sahara ay ilang distansya lamang ang layo nito mula sa bahay namin at katulad nga ng inaasahan ko ay maraming customer ang kumakain sa loob. Alas tres pa lamang nang hapon at natural na kumakain ng snack sa mga oras na ito ang mga tao. Malapit din naman sa lugar na ito ang paaralan kaya madalas ay ang mga estudyante ang customer nila. Iyong may kaya lang sa budget nila ang nagpupunta rito. Affordable naman kasi ang mga pagkain nila rito. Matagal na rin namang ipinatayo itong negosyo ni Aling Sahara kaya kilalang-kilala na ng karamihan. Saka isa pa masarap ang niluluto nilang pancit canton. "Kahit ganitong oras ay marami pa ring dumadayo na kustomer," komento ni Tatay at saglit na sinulyapan pa ako. "Oo nga po, 'Tay, eh. Masarap kasi ang pancit canton ni Aling Sahara," komento ko rin. "Oh siya nga, hahanap-hanapin mo talaga. Kaya palagi mo akong tinatalo, eh," sabi niya sa akin at muling ginulo ang buhok ko. "Hindi naman po ganoon, 'Tay, eh. Kahit na manalo ka po ay nakakakain pa rin naman ako ng paborito nating pansit," pagdadahilan ko. Humalakhak lang siya. Isa sa kaligayahan ko ang makita kong masaya naman si Tatay. Kaya kung nakikita kong malungkot siya at nahihirapan ay tila pati ako ay ganoon din. Nang makalapit na kami sa pansiteria ni Aling Sahara ay nakita namin ang sobrang abala niya sa may counter na halos nakayuko na lamang pero nang mag-angat ito ng ulo ay hindi sinasadyang napatingin siya sa amin. Malapad na ngiti agad ang sinalubong niya sa amin ni Tatay Jasper bago niya kinulbit ang isang babae na malapit lang din sa kanya. May sinabi siya rito na hindi ko narinig. Tanging pagtango lang ang ginawa ng babae. "Magandang hapon, Sahara," marahan na bati ni Tatay sa kanya at mas lumaki ang ngiti nito, pati ang pisngi niya ay pumula rin. Ayoko sanang bigyan ng ibang kahulugan ang ipinakita niyang emosyon sa Tatay ko pero hindi ko mapigilan, eh. Hindi ko maiwasan ang mag-isip ng mga bagay-bagay na posibleng mangyari. Hindi naman ako tanga para hindi ko malaman ang tunay na nararamdaman ni Aling Sahara para sa aking ama. Pero alam kong...masasaktan lamang siya. Kung ipagpapatuloy pa rin niya ang nararamdaman na 'yan. Hindi ko naman sinasabi na hindi ko gusto si Aling Sahara para sa aking Tatay. Wala namang masama kung magiging sila man, kasi parehong wala na silang mga asawa pero ang mas inaalala ko ay ang mararamdaman naman niya. Dahil alam ko, kahit ilang taon na ang nakalipas nang mawala sa amin si Nanay ay sa kanya pa rin tumitibok ang puso ni Tatay Jasper. Sobrang mahal ng aking ama si Nanay Fei. Biyuda na si Aling Sahara at dalawa lang ang kanyang anak, lalaki at babae rin. Limang taon na ang nakararaan nang namatay naman ang asawa niya. Dahil sunog ang baga, marami kasing bisyo ang dati niyang asawa. Isa na roon ang alak. "Magandang hapon din sa 'yo, Jasper," pagbati rin niya kay Tatay at binalingan niya ako nang tingin, "at ganoon din sa 'yo, Jam." Tumango na lamang ako bilang tugon. "Bigyan mo nga kami ng aking anak ng dalawang pancit canton na may itlog, Sahara. Samahan mo na rin ng malamig na softdrink," ani Tatay at inalalayan pa niya akong makaupo. Mabuti na lamang ay mayroon pang bakanteng table. Malaki naman ito pero halos hindi pa kami magkasya sa loob. Saka hindi naman siya mainit dahil may ceiling fan ito at nilagyan pa ng malaking TV. Kaya mas nakaka-relax sa loob na ito at magaan ang atmosphere. "Huhulaan ko... Siguro natalo ka na naman ng iyong anak, Jasper..." Hindi ko na napigilan pa ang matawa nang malakas dahil sa palaging tama sa hula si Aling Sahara. Kapag kasi nakikita niya kaming dalawa na lumalabas at diretso sa pansiteria niya ay nahuhulaan na niya na palaging natatalo si Tatay. May paminsan-minsan din naman kasi na bumibili kami ng ulam sa kanila. Kung hindi ako ang bumibili ay si Tatay mismo ang nagbobuluntaryo o kaya naman bago siya uuwi sa bahay namin ay dadaan muna siya rito. "Sapagkat nagti-take advantage ang aking anak sa kabagalan ng kanyang Tatay. Alam mo naman na kapag tumatanda na ay masyado na ring mabagal kumilos," pagbibiro ng Tatay ko. Napangisi ako at si Aling Sahara ay nahawa na rin sa tawa namin. "Oh, sige kukuha na muna ako. Palibhasa itong anak mo ay napakatalino," komento pa niya. Hindi ako sanay na pinupuri ako ng karamihan kaya alam kong kulay kamatis na ang aking magkabilang pisngi. "Oh, lumalaki na naman ang ulo ng anak ko. Isang papuri lang," pang-aasar sa akin ni Tatay. Humaba ang nguso ko. "'Tay naman, eh. Ang hilig niyo ring mang-asar sa akin," nakasimangot na sabi ko. "Tama naman ako. Tingnan mo nga 'yang magkabilang pisngi mo. Mas mapula pa sa kamatis, aba," wika pa niya kaya mas lalong sumimangot ang mukha ko. Hindi rin naman ako inasar nang inasar ni Tatay at maya-maya lang ay nanahimik siya saka bumuntonghininga. Tila malungkot na naman siya... "Oo nga pala, anak... Malapit na ang death anniversary ng iyong Nanay Fei," usal niya. Ako naman ang napabuntonghininga. "Eleven years na palang nawala sa atin si Nanay, 'no, 'Tay? Pero alam naman natin pareho na masaya na siya sa kung nasaan mang lugar siya sa mga oras na ito," nakangiting sabi ko at nakita ko ang pagkislap ng mga mata ni Tatay. "At palaging gumagabay sa atin at nagbabantay lang," nakangiting sabi niya. "Labing isang taon na pero nandito pa rin sa puso ko ang iyong Inay, Jam. Hindi siya mawawala rito," saad niya at mahinang hinampas pa niya ang dibdib niya. Tila itinuturo niya ang kanyang puso. Kaya isa rin 'yan sa dahilan kung bakit mas nag-aalala ako sa mararamdaman ni Aling Sahara. Hindi naman bawal ang magmahal sa isang tao... "Mahal na mahal ko pa rin ang Nanay Fei mo..." sincere na sambit niya. "Baka po may anghel ng minamahal si Nanay ngayon, 'Tay!" biro ko na ikinalaki ng kanyang mga mata. "'Yan ang ayaw ko!" Malakas na natawa ako at kasabay nang pagdating ni Aling Sahara na dala ang aming in-order. Masayang kumain kami ni Tatay ng pancit canton na may nilagang itlog at saka malamig na softdrinks. Jam Kirsten Celestial ang pangalan ko, malapit na akong mag-21 year old at kasama ko sa buhay ang aking dakilang Tatay na si Jasper Celestial. Dito magsisimula ang unang kabanata ng aking buhay...kasama ang Tatay ko.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม