Chapter 2: Her best friend
KINABUKASAN ay pareho na kaming may pasok ni Tatay. Siya sa trabaho niya at ako naman ay sa school namin.
Mas maaga akong nagising kaysa kay Tatay Jasper kung kaya ay ako na rin ang nagluto ng agahan namin. Minsan ay si Tatay naman ang nauunang gumising at siya naman ang naghahanda ng almusal namin. Handa na agad sa hapag.
Ganito palagi ang daily routine namin ng aking ama. Sabay kaming kakain ng almusal namin at magkukuwentuhan pa.
Nang matapos na ako sa pag-aayos ng sarili ko at maghahanda para sa pagpasok ay inayos ko na muna ang lunch pack namin.
Gulay at corn beef lang ang ulam na niluluto ko para sa amin ni Tatay. Madalas ay nilagang itlog naman.
Mas malayo ang working place ng Tatay ko at sabay lang kaming lalabas mula sa bahay namin at lalakarin hanggang sa paradahan ng mga sasakyan. Sa terminal naman ng mga jeep ay same din pero magkaibang jeep nga lang kami sasakay.
Sinukbit ko ang bag ko sa balikat ko at inilagay ko na ang baon ni Tatay sa bagpack niya. Naabutan ko siya sa may sala na nag-aayos na ng tirintas ng sapatos niya.
Napalingon siya sa gawi ko at ngumiti, "Handa ka na ba, anak?" tanong niya sa akin.
"Opo, 'Tay. Tara na!" masayang sabi ko. Umagang-umaga ay napaka-hyper ko na. Mabuti na lamang ay hindi ako nauubusan ng energy.
Nakalingkis ang kamay ko sa maugat at malaking braso ni Tatay habang naglalakad kami at napadaan pa kami sa pansiteria ni Aling Sahara at katulad ng inaasahan ay mag-aabot na naman siya sa amin ng ulam.
Nahihiya na nga si Tatay na tumanggap ng mga ibinibigay sa amin ni Aling Sahara pero ika niya ay masamang tumanggi sa grasya kaya kakamot-kamot ulong tatanggapin na lamang ito ni Tatay para hindi na humaba pa ang usapan nila.
Hindi naman ako nababahala sa halos araw-araw na pamimigay niya sa amin ng ulam. Kasi may negosyo naman ang ginang at alam kong si Aling Sahara ang nagluluto ng mga ito, may katulong naman siya sa paghahanda.
Saka ayos na rin naman...
"Salamat dito, Sahara. Hindi ka na sana nag-abala pa," nahihiyang sabi ni Tatay.
"Naku! Ayos lang naman! Hindi naman kayo iba sa akin, saka tutor ng panganay ko itong anak mo, Jasper," pagdadahilan ni Aling Sahara.
Oo, tama siya. Naging tutor ako ng panganay niyang anak na babae. Nasa Senior High School pa lamang ito at nasa elementarya pa ang bunso niya.
"Salamat po, Aling Sahara! Masarap po talaga kayong magluto, eh!" nakangiting papuri ko sa ginang.
"O siya, sige na. Tumulak na kayong mag-ama dahil baka ma-late pa kayong dalawa sa pasok niyo."
"Salamat ulit, Sahara. Hayaan mo at sa susunod na araw naman ay kami ng anak ko ang manlilibre sa 'yo," marahan na sabi ni Tatay.
"Naku kahit hindi na! Masaya akong nakatutulong ako sa inyong mag-ama at natutuwa lang talaga ako sa anak mo dahil sa kanya ay hindi na matigas ang ulo ng panganay ko at natuturuan niya ang batang iyon. Salamat ulit, Jam ah?" aniya at hinawakan pa ako sa kamay ko, marahan na pinisil niya ito.
"Wala po iyon, Aling Sahara. Masaya po akong nakatutulong sa kanila," sambit ko.
***
"MAG-IINGAT ka, anak," habilin sa akin ni Tatay at hinagkan ako sa noo bago siya sumakay sa kabilang jeep.
"Mag-ingat ka rin po, 'Tay," sabi ko na tinanguan niya lamang.
Mabilis napuno ang jeep dahil sa dami rin ng mga estudyante na sumakay.
Ilang minuto ang nakalipas ay nakarating na ako sa University na pinapasukan ko. Pagkatapos magbayad ng pamasahe ko ay nagmamadali na akong bumaba at may kasabay rin ako pero hindi ako nahirapan dahil malapit lang sa pintuan ng jeep ang puwesto ko.
"Hay sa wakas," mahinang bulong ko sa aking sarili at inayos ko ang nalukot kong uniporme.
Ang suot kong uniporme ay white blouse na may dark blue ribbon sa leeg at same color din nito ang skirts ko. Maging ang maikling buhok ko ay inayos ko rin dahil nilipad ng hangin kanina.
Maaga pa kaya bahagya lang nakasilip si haring araw mula sa kalangitan. Maaliwalas naman ang panahon at hindi madilim kahit wala pang araw na nagpapakita. Hindi pa mainit dahil sa fresh na hangin.
Sa may guard house ng gate 2 ng University namin ay dalawang security guard pa lang ang nakatuka ngayong umaga. As usual ay mahigpit na naman sila sa mga estudyante.
May mga schoolmates ko kasi na nakalilimutan ang mga ID nila o baka hindi rin nila hilig na suotin iyon. Kaya ang iba rin ay saka pa lang nila kukunin mula sa bagpack nila.
Ako naman ay kanina ko pa iyon isinabit sa leeg ko para makita nila agad nang walang tanong-tanong na ID mo? at diretso na akong makapapasok sa loob.
Ang kamalian lang ng mga security ay ang pagsuri nila sa ID ng bawat estudyante. Kung makikita na nila ito sa leeg namin ay ikukumpas agad ang mga kamay na nagsasabing maaari nang pumasok.
Kaya madalas din hinihiram nila ang mga ID ng iba para lamang makapasok ang kaibigan nila sa labas ng gate.
Katulad na lamang nito...
"Ay, salamat naman! Akala ko ay babalik pa ako sa amin para lamang makuha ang pesteng ID na 'yan!" gigil na usal ng isang babae na sobrang ikli ng kanyang palda. Hinagod pa niya ang buhok niyang rebond.
Kailan pa naging peste ang identification card, Ate? Baka ikaw lang yata ang peste dahil nakalilimutan mo ang mahalagang bagay.
"At pagagalitan ka na naman ng Mama mo. Next time ay ugaliin mo na kasi na magsuot ng ID. Hindi iyong manghihiram pa tayo sa kaklase natin, sobrang nakahihiya na iyon!" pangangaral sa kanya ng isa na masyadong abala sa cellphone niyang touch screen. Mabuti at nakapaglalakad siya nang hindi nadadapa.
"Oo na! Huwag mo na akong sermunan!" sagot ng kaibigan niya na mukhang nainis sa kanya.
Napapailing na lamang ako saka ko ipinapagpatuloy ang paglalakad ko at tinungo ang department namin. Hindi naman ito kalayuan sa gate 2 kahit gaano pa kalaki ng ground ang University namin.
6:31 AM na, masyado pang maaga para sa normal na mga estudyante. 8AM ang time ng first subject ko, ewan ko lang sa buong department kung ganoon din ang oras nila.
Kung nasa 8 kasi ay 7AM pa lang ay nandito na sila para maghanda sa first subject nila pero ang kinagawian ng iba ay ang tumambay sa iba't ibang department. Makipagkuwentuhan sa mga kaibigan.
Ako, tahimik lang sa classroom namin at mag-a-advance reading.
Pagkapasok ko ay tinungo ko ang permanent seat ko, sa second row. Hindi rin naman permanent ang room dahil sa subject namin. Minsan pa ay umaakyat kami sa fourth floor para lang sa susunod na klase. Iyong mga instructors lang ang may permanenteng classroom. Kaming mga estudyante ang nag-a-adjust.
Hindi katulad noong elementary ka pa o high school, may permanent seat at may permanent classroom din. Kung sabagay ay college na kami. Ayos na rin para may exercise.
May iilan na kaklase ko ang nasa loob at nakatutok sa mga cellphone nila habang nakasalpak ang headset sa kanilang tainga.
Umupo na ako sa chair ko at ipinatong sa desk ang bag ko. Inilabas ko naman ang notebook ko. Fourth year college na kami kaya lahat ang klase namin ay major subject. Kaya dapat mag-aral talaga ng mabuti para hindi ka bumagsak at kasali ka pa rin sa listing ng mga ga-graduate ngayong taon.
Sa second sem ay ang OJT namin. Sa ngayon ay pinag-iisipan ko pa kung saang kompanya ako mag-o-OJT.
Habang abala ako sa pagbabasa ay may kumulbit naman sa braso ko at nang tiningnan ko iyon ay si Astralley lang pala.
Ang nag-iisa kong best friend na si Astralley Villegas. Magandang babae si Astralley, Alley for short. Mabait din siya pero sa mabait nga lang. May pagkamaldita rin naman kasi siya, eh. Lalo na sa mga estudyanteng naiinggit sa kanya dahil sa mga magulang niya na kilalang pinakamayaman sa buong bansa.
May family business sila at nag-iisang anak na babae lang siya sa pamilya nila. May mga Kuya siya at isang nakababatang kapatid na lalaki. Nasa elementarya pa si Austin. Parehong businessman ang Kuya Asher at Kuya Archer niya.
May iba naman na nilalapitan lang siya dahil sa mga nakatatanda niyang kapatid kaya banas na banas siya mga ito.
As usual ay mukhang puyat na naman si Alley nang suriin ko ang mukha niya. Nangingitim ang pang-ibabang mata niya at namamaga rin iyon. Parang umiyak siya.
"Mukha kang stress sa lagay na 'yan," komento ko. Padabog na ibinaba niya ang bagpack niya sa desk niya at humilig sa headrest ng chair niya saka siya humugot nang malalim na hininga.
"'Anyare sa 'yo?" tanong ko pa.
"Brokenhearted ako kahit wala naman akong boyfriend," malungkot na sabi niya.
"Huhulaan ko," sabi ko at umayos sa pagkauupo, "Dahil sa pagbabasa mo na naman ng w*****d, 'no?" nakataas na kilay na tanong ko sa kanya na mabilis na ikinatango niya.
Kaya siya palaging napupuyat dahil sa kawa-w*****d niya. Minsan ko nang nakita ang application na iyon. Pero ni minsan ay hindi ko binalak na magbasa ng mga storya na oo alam kong magaganda iyon pero sadyang wala lang talaga akong interest. Mas binibigyan ko ng pansin ang aking pag-aaral.
Eh, si Alley, walang araw na hindi mo siya makikita na hawak ang phone niya at nagbabasa.
Madalas ay nahuhuli ko siyang tumatawa, kinikilig at mayamaya pa ay maririnig mo na ang mahihinang paghikbi niya at ang pasimple niyang pagpunas ng mga luha sa kanyang pisngi.
"Natatapos ko lang mabasa ang The Silence Waves," sabi niya at agad ng namula ang mga mata niya.
Hayon, nakatapos na naman ng isang nobela ang isang ito pero bakit nga ba siya malungkot?
"Eh, 'di another nobela na naman ang babasahin mo kung ganoon," saad ko pero umiling siya.
"Hindi pa rin kasi ako maka-get over sa babae, eh. Lalo na ang pain ng bidang lalake," sabi naman niya.
"Akala ko ba sa ending?" tanong ko.
Dahil mukha siyang stress ay hindi na niya yata naayos pa ang buhok niya kaya inabot ko iyon para suklayin gamit lang ang mga daliri ko.
"Sa ending nga! Namatay kasi ang bidang babae!" sigaw niya na ikinabigla ko pa.
Napatingin sa kanya tuloy ang iba naming kaklase na kapapasok lang sa loob. Ang mga abala sa phone ay napatingin din sa gawi namin kahit alam kong hindi naman nila narinig ang boses ni Alley.
"Ano naman kung namatay ang bidang babae?" tanong ko pa.
"Eh, kasi...dapat buhay siya. Nangako siya sa kapatid niya na pupunta sa graduation day nito! Marami pa siyang pangarap at isa na roon ang pakasalan ang lalaking mahal niya na nakatakdang ikasal sa ibang babae pero ipinaglaban siya mula sa mga magulang nito kung kailan ay wala na siya!" mahabang litanya niya at kumunot ang aking noo.
Napakamot ako sa tungki ng ilong ko dahil sa pag-burstout niya bigla, "Alley, hindi naman kasi lahat ng kuwento ay nauuwi sa masayang wakas. May sakuna talaga ang dumarating sa mga bida at nakatakda siyang mamatay pero Alley... Isang kuwento lang naman 'yan, eh. Kathang isip lamang ng mga manunulat at masayadong kang OA. Bakit ba nagpapaapekto ka riyan?" may pagkasungit na tanong ko at ibinalik ko na lang ang atensyon ko sa pagbabasa.
"Ramdam na ramdam ko ang pain, eh. Grabe naman kasi ang emosyon ng bidang lalake at nadadala ako," sagot niya, "Bakit ba kasi ganoon ang ending? May iba naman siyang akda na puro happy ending naman pero bakit ang The Silence Waves niya?! Napaka-tragic! Puwede naman na happy-happy lang at wala nang iyakan pa!" hysterical na saad niya.
"Pag-iisip 'yan ng author at desisyon niya, Alley. Hindi mo puwedeng diktahan ang gusto niyang ending para sa nobela niya. Isa lamang ang ibig sabihin no'n. Hindi lahat ng mga kuwento ay may happy ending, marami rin na hindi nagkakatuluyan ang mga bida dahil sa iba silang nakatakda. Katulad ng bidang babae na nabasa mo, siya naman ay nakatakdang mamatay," paliwanag ko na ikinabigla ko na ang sunod niyang ginawa.
Ang humikbi kaya nang pumasok ang instructor namin ay naguguluhan na napatingin siya sa kaibigan ko. Kung bakit nakasubsob ang mukha niya sa desk at umaalog ang balikat.
"What happened, Ms. Villegas?" naguguluhan pa ring tanong ni Ma'am Nikihara.
Ang sagot niya ay, "Gutom lang po ako, Ma'am."
May dalang baon ang gaga kaya hinayaan siyang kumain sa loob ng classroom namin habang nagtuturo si Ma'am Nikihara. Masama raw kasi ang mag-aral na walang laman ang sikmura.
Food lovers si Alley kaya hindi ko na siya nakitang umiyak pa. Ang lapad nga ng ngiti niya at bibigyan pa sana ako ng sandwich na tinanggihan ko dahil ayokong mag-aral habang kumakain. Na-comfort siya sa foods niya.
Natapos ang discussion at pinitik ko ang noo niya. Mahinang daing lang ang lumabas sa bibig niya.
"Napakasinungaling mo talaga, eh 'no?" ani ko.
"Half true naman kasi iyon, Jam. Totoong gutom ako! Hindi ako nakakain nang maayos dahil sumabay ako kay Kuya Asher," she reasoned out.
Tumango na lang ako dahil papasok pa kami sa next subject namin.
Hindi na nagdrama pa si Alley pero bukambibig niya talaga ang hindi pa raw siya naka-get over. Nakinig lang siya buong klase. Matalino naman siya pero tamad lang talaga siya mag-aral. Mas gusto niya ang kumain na lang.