Chapter 3: Snatcher (first meeting)
NATAPOS ang klase namin ni Alley at sabay kaming naglalakad palabas ng university namin. Inuunat niya ang magkabila braso niya. Sinasayaw ng hangin ang kanyang mahabang buhok. Napangiti ako dahil ang ganda niya, eh.
"Ayos ka na ba?" tanong ko sa kanya. Yakap-yakap ko ang bagong hiram ko na libro sa library kanina at sinamahan pa niya ako. Ang akala ko ay manghihiram din siya pero hindi pala.
"Ayos na," sagot naman niya sa akin at ngumiti.
"Susunduin ka ba ngayon?"
"Si Kuya Archer ang susundo sa akin. Sumabay ka na sa amin, ha?" Kapag sinabi niyang sasabay ako sa kanila ay literal na ihahatid nila ako hanggang sa bahay namin. Mas mapapalayo lang sila kung gagawing nila iyon.
"Huwag na. Pupunta rin naman ako sa shop na pinagtatrabahuhan ni Tatay ngayon. Sabay na lamang kaming uuwi," ani ko.
"Eh, 'di ihahatid ka na namin doon kung kay Tito Jasper ka lang naman pala tutungo," pangungulit pa niya sa akin. Napakamot ako sa batok ko at sunud-sunod na umiling sa kanya.
Ayoko pa rin. Mas mabuting umuwi na rin sila ng diretso sa bahay nila. Kaya ko naman ang sarili ko.
"Mas mapapalayo lamang kayo, Alley. Kaya ko naman na pumunta ro'n ng mag-isa. Sige na, mauna na kayong umalis," seryosong sabi ko. Ngumuso lang siya sa akin at umirap pero tumawa lang siya sa huli.
"Hay, sige na nga! Sa susunod ay hindi ka na makakatanggi pa sa akin," saad niya. Ngumiti na lang din ako.
Nang maghiwalay ang landas namin ay nagbeso-beso pa kami saka siya tuluyang sumakay sa kotse ng Kuya niya. Nangamusta lang ako sa nakatatanda niyang kapatid at maging ito ay namilit sa akin na ihatid na ako. Ang bait ng Kuya niya.
Pero dumiretso ako sa bahay. Hindi ko ugali ang magsinungaling. Kaya sa halip na pumunta ako sa shop at bisitahin doon si Tatay Jasper ay dumeretso na ako nang uwi.
Ginawa ko rin ang lahat para hindi ako makita ni Aling Sahara kaya nang makita ko rin na marami silang customer sa pansiteria nila at mukhang abala sila masyado ay roon lang ako nakahinga ng maluwag. Hindi niya ako mapapansin na pauwi na. Baka kasi bibigyan na naman ako no'n ng meryenda. Tatanggihan ko na muna siya sa ngayon.
Pagdating ko sa bahay ay agad akong nagpalit ng uniporme ko. Puting plain shirt ang pang-itaas ko at itim na kulay asul naman ang pants ko. Pinusod ko lang ang maikli kong buhok na hindi nasakop ang iilan niyo dahil sa maikli nga siya.
Pumunta ako sa kusina para sana magtimpla ng kape nang makita ko na wala na pala kaming asukal.
Naisipan ko na lumabas at mag-grocery. May pera pa naman ako sa maliit na pitaka ko. Pumanhik uli ako sa kuwarto ko at kinuha ang itim na jacket ko saka ako lumabas.
Walking distance lang ang layo sa grocery sa barangay namin kaya nilakad ko lang siya.
5:12 pa lang nang hapon. Safe rin naman ito na lakarin dahil maraming tao ang nakatira sa lugar namin at may iilan na mga tao sa gilid ng daan.
Pero hindi pa naman ako nakalalapit sa pupuntahan ko nang makarinig ako ng putok ng baril. Sa gulat ko ay napayuko pa ako at napahawak sa ulo ko. Bumilis ang t***k ng puso ko.
"Tigil!" narinig kong sigaw ng lalaki. Sobrang lamig at nakatatakot ang boses niya.
Napatingin ako sa harapan ko at may nakita akong isang lalaki na tumatakbo palapit sa akin. Napatutop ako sa aking dibdib at aalis na sana roon nang mabilis siyang nakalapit sa direksyon ko.
Nanlaki ang mga mata ko dahil nanlilisik ang mga mata niya. Para siyang isang tigre na handa na akong kainin ng buo.
"Tumabi ka!" sigaw niya sa akin pero hindi ko na nagawa dahil bumunggo na siya sa katawan ko at nagawa pa niya akong itulak. Sa lakas no'n ay hindi ko na napigilan pa ang bumagsak ako sa sahig. Nabitawan ko ang wallet ko.
Napangiwi ako dahil nanakit agad ang pang-upo ko at ang palad ko. Para akong maiiyak sa sakit. Ni minsan talaga ay hindi ako nadapa nang ganito. Hindi ako clumsy.
"Pvtangna! Paharang-harang kasi!" pagmumura ng lalaki at halos gumapang na siya para lang makatayo pero pinulot pa niya ang nahulog na itim na pitaka sa sahig at tumakbo na rin siya palayo. Doon lang ako nakahinga ng maayos, baka kasi sa galit niya sa akin ay saktan pa niya ako o kaya tadyakan.
Itinukod ko ang magkabilang palad ko para sana makatayo pero may humila na sa kamay ko at inalalayan--hindi, marahas na initayo niya ako.
Napaigtad pa ako dahil parang may tumulay na kuryente sa kamay nito at nailipat iyon sa aking katawan. Sa hindi ko malaman na dahilan. Bigla akong kinabahan at bumilis ang t***k ng puso ko.
Kasunod ng paglagay sa akin ng isang malamig na bagay sa magkabilang palapulsuhan ko. Bumaba ang tingin ko roon at umawang ang bibig ko sa gulat.
Posas!
"T-Teka lang po... Bakit n-niyo ako n-nilagyan nito?" hysterical na tanong ko at mabilis na nanubig ang mga mata ko. Hindi ako nito sinagot at mabilis na kinuha ang wallet ko mula sa aking kamay.
"A-Akin po 'yan!" sigaw ko pero napasunod na lamang ang tingin ko nang ibulsa niya iyon sa pants niya.
Nag-angat ako ng ulo para sana matingnan ang nangahas na humuli sa akin, eh wala akong ginawang masama para gawin niya sa akin ito!
Mas lumakas ang pintig ng aking puso mang masilayan ko ang guwapong mukha ng isang lalaki na MASYADO malapit sa akin.
Sobrang guwapo niya... Ang mga mata niya...parang ang lamig, tila may hipnotismo rin doon kaya natitigilan ako para lamang pagmasdan iyon ng matagal. Ang kilay niya na may kakapalan at para lang itong ginuhit. Mula sa mga mata niya ay bumaba ang tingin ko sa matangos niyang ilong at pababa pa sa namumula niyang mga labi... Sa panga niya na panay ang pag-igting nito. Mas bumaba pa ang aking tingin sa adams apple niya na bayolente ang pagtaas baba nito, paulit-ulit na gumagalaw.
Pababa pa--
"Eyes on me," malamig na sabi niya pero sa marahan at kalmado ang boses niya.
Malinis ang haircut niya na itim na itim ang kulay. Ang puti niya rin... Ang kinis ng pisngi. Sobrang tangkad niya na hindi yata ako umabot sa balikat niya... Hanggang dibdib lang niya ako.
Bayolente akong napalunok at napangiwi rin ako dahil hinila niya ang kamay ko. May posas na iyon. Ni hindi ko naisip na makukulong ang palapulsuhan ko sa bagay na ito. Ni sa panaginip ay hindi ko nakita ang sarili ko na pamunuan sa sitwasyon ko ngayon!
"C-Chief Alked. N-Nahuli niyo n-na po ang m-magnanakaw?" tanong ng isang pulis na kararating lang at humahangos pa dahil siguro sa pagtakbo niya nang mabilis. Makarating din sa direksyon namin.
Doon ko lang napagtanto ang lahat. Isang pulis din ang lalaki na ito, na basta-basta na lang niya akong hinuli nang makita niya ako.
"No. Pero nahuli ko ang kasabwat niya," malamig pa ring sabi niya. Wala talaga siyang emosyon at titig na titig sa akin. Dahil sa paulit-ulit na pagtiim bagang niya ay may nakikita akong nakamamanghang bagay sa kaliwang pisngi niya. May butas siya...ang ibig kong sabihin ay may dimple siya roon.
Pero naalala ko ang sitwasyon ko. Nanlaki ang aking mga mata.
"Sir, h-hindi po ako kasabwat!" pagtatanggol ko sa sarili ko. Dahil paano naman ako naging kasabwat ng lalaking iyon? Nabangga lang ako at hindi ako kasabwat ng magnanakaw kanina!
Sa buong buhay ko ay hindi ko naisip ang bagay na iyon, ang magnakaw. Hindi iyon ang itinuro sa akin ng aking ama kahit wala rin akong ina na gumagabay sa akin. Hindi nagkulang sa pagpapaalala sa akin si Tatay Jasper. Masama ang magnakaw at hinding-hindi ko iyon magagawa kahit kailan!
"Here. She told me that she's the owner of this wallet. Ito ang ninakaw ng kasama mo kanina, Miss," usal niya at itinaas pa niya ang pitaka. Bumigat ang dibdib ko nang makita ko na hindi nga sa akin iyon.
Naalala ko naman ang lalaki kanina. Ang lalaking hinahabol nila at malamang ay ang magnanakaw. Bago siya umalis ay may pinulot pa siyang itim na pitaka saka siya tumakbo papalayo at hindi na siya naabutan pa ng lalaking humuli sa akin.
Tapos...ako? Pagbibintangan nito na isa akong kasabwat at magnanakaw?
"P-Pero hindi naman po ako magnanakaw! Hindi ko kasama ang lalaking iyon... W-Wala po akong kasalanan," umiiling na sabi ko at nag-uunahan sa pagpatak ang mga luha ko. Natatakot na ako...
"Alam mo, Miss. Hindi mo na kami mabibili sa mga linya mo dahil bulok na 'yan. Sayang ka, ang ganda po naman," nakangising sabi ng isang pulis at napaatras ako nang humakbang siya palapit sa akin.
Kinilabutan ako sa paraan nang pagtitig niya. Akala ko ay tuluyan na siyang makalalapit sa akin nang agad na akong hinila sa siko ng pulis na hanggang ngayon ay hindi pa niya ako binibitawan.
"S-Sir... Wala po--" hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil agad siyang sumabat.
"Shut up. Sa prisinto ka na lang magpaliwanag," mariin na utas niya. Bagsak ang aking balikat at wala na akong nagawa pa. Hindi na ako nakapagprotesta pa nang tuluyan niya akong isinakay sa police car at tahimik na lumuha na lang ako.
Maggo-grocery lang sana ako kanina pero sa presinto agad ang bagsak ko! Kung hindi ako makakakaalis ngayon ay baka mag-alala pa ang Tatay ko. Mag-aalala iyon kapag nakita niya na wala pa ako sa bahay pero nandoon na ang nga gamit ko at nakapagpalit na rin ako ng uniporme ko.
Dinala nga nila ako sa presinto at dalawang babaeng pulis na ang humawak sa akin na ipinagpasalamat ko pa dahil naiilang ako kapag lalaki ang humahawak sa akin. Mabilis akong kabahan at natatakot. Naninindig pa ang balihibo ko sa katawan. Kahit nga ang lalaking pulis kanina ay para na akong kakapusin ng hinga. Sobrang bigat ng kanyang presensiya.
Sa loob ng presinto ay ilang beses nila akong tinanong at ginigiit ako sa bagay na hindi ko naman ginawa.
"Alam mo, Miss. Umamin ka na lang kasi. Aminin mo na lang na kasabwat ka ng mga magnanakaw na matagal nang hinuhuli ng batas! Sabihin mo na lang sa amin kung saang lungga kayong nagtatago! Huwag mo nang patagalin pa at puwede ba, tumigil ka na sa pag-iyak mo! Para matapos na tayo!" sigaw sa akin ng babaeng pulis at hinampas ng dalawang palad niya ang table niya. Mas lalo lang akong natakot dahil nanlilisik ang mga mata niya.
"Ilang beses ko bang sabihin sa inyo na hindi ko siya kasabwat! Wala po akong alam sa mga pinagsasabi niyo! Biktima lang po ako rito at wala kayong karapatan na pagbintangan ako ng walang sapat na ebidensya!" sigaw ko at dahil sa pagtaas ng boses ko ay hinabol ko pa ang hininga ko.
Nag-iinit na ang ulo ko dahil sa paulit-ulit na tanong nila ay pareho lang ang isinasagot ko pero bakit ang tigas din ng ulo nila at hindi nila intindihin ang mga paliwanag ko? Bakit hindi nila iyon makuha?!
"Ganyan ba kayong mga pulis? Basta-basta na lamang ba kayong mangbibintang sa mga inosenteng tao sa kasalanan na hindi naman nila ginawa? Basta-basta na lang kayo nanghuhuli ayon din sa nakita niyo at hindi niyo pa naiintindihan ang sitwasyon! Hindi pa ba sapat ang magpaliwanag ang isang tao? Wala ba kaming karapatan na magsalita? At puro kayo lang mga tagabatas? Dahil kung ganito kayo...hindi na ako magtataka pa marami na kayong nahuhuli na mga inosenteng tao..." makahulugang sabi ko. Naglaho ang takot ko sa nangyayari sa akin ngayon. Dahil napangunahan na ako ng inis sa kanila.
"Pulis kayo, alam niyo ang sitwasyon. Alam niyo kung kailan nagsisinungaling ang mga kriminal. Magaling kayong mangilatis ng isang tao, tama?"