Chapter 4: Rights & Crush
"PULIS kayo, alam niyo ang sitwasyon. Alam niyo kung kailan nagsisinungaling ang mga kriminal. Magaling kayong mangilatis ng isang tao, tama? At hindi niyo kami makakausap hangga't wala kaming abogado ang maihaharap sa inyo. May karapatan kaming manahimik, hindi ba?" mahabang saad ko at para siyang kandila na nauupos sa kinatatayuan niya kaya dumausdos siya paupo.
Doon ay parang natauhan na siya sa pagkakamali nila. Kitang-kitang ko ang pagputla ng mukha niya at nawala ang tapang na kanyang aura. Mukhang nahiya rin siya sa akin dahil hindi na siya nakaimik pa. Nanatiling tiklop na rin ang kanyang bibig.
Dapat lang talaga na mahiya siya sa akin. Kanina pa niya ako ginigiit sa bagay na hindi ko naman ginawa. Bakit ba naman kasi ang sarado ang isip niya para sa mga paliwanag ko.
Saang banda na ako naging magnanakaw? Dahil lang sa nahuli ako kanina na 'saktong may naghahabulan? Seriously?
"Let me talk to her." Napatuwid ako nang upo dahil narinig ko na naman ang pamilyar na boses na iyon. Na kanina ko lang din na narinig.
Tumango lang ang babaeng pulis at ang akala ko ay rito lang kami mag-uusap ng lalaking ito pero nagulat ako nang bigla niyang hilahin ang siko ko.
Agad akong nagprotesta dahil ayokong hinahawakan nila ako. Napansin iyon ng lalaki kaya narinig ko ang pagbuntonghininga niya.
"Come with me," utos niya sa marahan na boses. Sumunod na lang ako sa kanya.
Pumasok kami sa isang silid, na malamang ay opisina niya. Ang ganda sa loob at parang kakaiba rin ang amoy nito. Mukhang...nanggagaling sa kanya. Napaka-manly ng opisina niya. May iilan din akong nakita na certificate na naka-display sa mga pader. Ang laki ng opisina niya na may sofa at center table pa. Parang kompleto...
Pinauna niya akong pumasok at tinungo ko naman ang silya at doon umupo, hinintay ko rin na makapasok siya. Narinig ko ang pagsara ng pintuan sa likod ko at ang papalapit na yabag niya. Ang bigat masyado ng presensiya niya. Bakit kaya?
Natingnan ko lang siya nang maayos nang umupo siya sa tapat ko. Siyempre may mesa ang nakaharang sa pagitan namin. Tumikhim pa siya at may binuklat na notebook. Hawak na niya ang ballpen niya at alam kong magsisimula na siyang magtanong.
Bago pa niya ako tanungin ay agad na akong nagpakilala. Bagay na hindi ko ginawa sa babaeng pulis kanina at kahit naiilang ako sa presensiya niya, na may kaunting kaba rin sa aking dibdib ay pinatapang ko na lang ang mukha ko. Pinipilit na huwag din akong mauutal.
"Jam Kirsten Celestial ang pangalan ko, 21 years old. Nakatira ako sa Tondo Saint. Estudyante pa lamang ako, nag-aaral ako sa Albison University," pagpapakilala ko at natigilan pa siya. Hindi ko alam kung nagkakamali lang ba ako sa nakita kong pagkabigla niya o sadyang imahinasyon ko lamang iyon?
"Sapat na ba ang impormasyon na iyon para sa inyo?" matabang na tanong ko sa kanya at napatitig siya sa akin. Matapang na sinalubong ko ang malamig niyang mga mata.
"Tatanungin pa lamang kita at hindi ko sinabing magpakilala ka," supladong sabi niya.
"Ano naman po ang pinagkaiba sa pagtanong niyo at sa pagpapakilala ko sa inyo?" Hindi ko alam kung saan ko ba talaga nakuha ang lakas ng loob ko na magtanong ng hindi talaga ako natakot at nauutal.
Basta ang isipin ko ay ang ginawa nila sa akin kanina. Dapat lang ako magalit sa kanila kahit na pulis pa sila!
Pabagsak na binitawan niya ang hawak niyang ballpen at napaigtad pa ako sa gulat. Mariin na tiniklop ko na lang ang bibig ko dahil sa mariin na pagtitig niya sa akin.
"Tumahimik ka. Dahil hindi ako magdadalawang isip na ikulong ka nang hindi ko pinapakinggan ang hinaing mo, katulad ng kanina," malamig na utas niya.
"Wala naman po talaga ako rito kung hindi mo ako hinuli, eh... Nakita mo lang po ako sa daan kanina at 'sakto na naghahabulan pa kayo ng magnanakaw na iyon. Tapos huhulihin mo ako dahil inakala mo po na kasabwat niya ako?" tanong ko at kahit mukhang nagagalit na ako ay hindi ko man lang nakalimutan na gamitin ang salitang po.
Kaya kitang-kita ko ang pagsalubong ng mga kilay niya at pinagtaasan na lang ako ng kilay sa huli.
Napatingin ako sa digital clock na nakadikit sa wall ng opisina niya. Malapit na iyong mag-6PM. Ilang minuto na lang ay pauwi na si Tatay o baka on the way na.
"K-Kailangan ko pong...umuwi nang maaga, Sir. H-Hahanapin po ako ng Tatay ko. M-Mag-aalala po iyon sa akin," sabi ko at mas tumaas lang yata ang kilay niya sa akin.
"That's it. Call your father for your release," aniya at namilog ang mga mata ko. Umiling ako dahil ayokong malaman ito ni Tatay Jasper. Mas mag-aalala iyon kapag nalaman niya na nasa presinto ako.
"H-Hindi po puwede, Sir..." sambit ko. Mariin na napapisil ako sa aking kamay. Nagsisimula na naman ito sa panginginig. Ang lamig na nga ng palad ko. Tapos ay hindi pa nila tinanggal ang posas sa palapulsuhan ko.
"Oh? Paano mo mapapaniwala ang sarili mo na inosente ka? Eh, hindi mo matawagan ang Tatay mo at nang makausap ko na siya ngayon. Pinapatunayan mo lang sa akin na isa ka sa mga magnanakaw na iyon," giit pa rin niya sa akin.
"Call him." Mariin na napapikit ako at bumuntonghininga.
"P-Paano ko po siya matatawagan?" tanong ko.
"Stupid. Use your phone." Nag-iwas ako nang tingin at bayolenteng napalunok.
"W-Wala po akong cellphone," nahihiyang wika ko.
"Seriously?" hindi makapaniwalang tanong niya sa akin. Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko at nakita ko na sinundan niya iyon nang tingin. Umayos ako sa pagkakaupo at umigting na naman ang panga niya. Halatang naiinis na siya sa akin.
"Hindi ka makakalabas dito nang wala kaming nakakausap na guardian mo," malamig na utas niya. Napasapo ako sa aking noo dahil parang pinawisan ako kasi pakiramdam ko ang init-init ng paligid. Kahit malamig naman sa loob dahil sa aircon nito.
Matagal pa bago siya nagsalita ulit at inilahad na niya sa akin ang cellphone niya. Napatitig ako roon at parang natatakot akong hawakan iyon. Halatang mamahalin dahil sa laki at ganda no'n. Hindi ko lang alam kung ano'ng model ang phone niya.
"Tawagan mo ang puwede mong tawagan," walang emosyon na wika niya.
Ayoko talagang ipaalam ito kay Tatay pero hindi ko naman siya matawagan dahil wala naman siyang cellphone. Hindi naman kasi iyon mahalaga. Madalas din akong pahiramin ni Alley ng phone niya kapag may research kami sa isang subject namin pero madalas din na sa library ako kumukuha ng information.
Ah, si Alley... Itinaas ko ang kamay ko at hindi na ako nahiya pa na abutin iyon pero nang malapit ko na itong mahawakan nang iniwas niya ang kamay niya.
Bahagyang umawang ang bibig ko at salubong din ang kilay ko na tiningnan siya. Ibinaba niya sa mesa niya ang phone niya at tumayo.
Walang salitang namutawi sa bibig niya nang hinawakan niya ang kamay ko. Hindi ako nakaimik dahil parang tatanggalin na niya ang posas ko.
Dahil sa pagdikit ng kamay niya sa balat ko ay parang hinihipan ng hangin ang batok ko. Nararamdaman ko ang pamamanhid nito at may kung ano talaga sa kanya. Tila nakukuryente ako.
"Uhm..." sambit ko nang marahan na hinaplos niya ang palapulsuhan ko dahil sa pamumula no'n.
"Damn it," rinig kong mura niya at parang galit na naman siya na bumalik sa pagkakaupo.
Kinuha ko na lang din ang phone niya para tawagan si Alley para makauwi na ako at makaalis na sa lugar na ito. Kailangan ko na talagang makauwi, eh.
Kumunot ang noo ko dahilan naramdaman ko ang pagtitig niya sa akin at nagawa pa niyang itukod ang magkabilang siko niya sa mesa niya para lang... Pinilig ko ang ulo ko.
Hindi nasakop ng mga kamay ko ang mamahalin niyang cellphone. Walang password ang nakalagay at diretso agad sa wallpaper niya. Napasapo ako sa noo ko dahil close up ang mukha niya rito. Kitang-kita ng dalawang mata ko. Oo na, guwapo siya at bagay sa kanya ang suot niyang uniporme.
Bumuntonghininga ako at tumipa sa keyboard. Mabuti na lamang ay hindi ko nakalimutan ang phone number ni Alley.
Dahan-dahan kong itinapat ito sa aking tainga at hindi ko sinasadyang mapasulyap sa kanya. Sa akin talaga siya nakatingin, eh.
Ilang ring lang ang narinig ko mula sa kabilang linya at narinig ko na ang boses ng kaibigan ko.
"Who's this?" Kahit over the phone pa ay mahahalatang nagsusungit siya.
"A-Alley, si... Si Jam ito..." nauutal na sambit ko sa pangalan ko. Mauutal talaga ako kapag may harap-harapan na nagmamasid sa akin at hindi man lang nahiya...
Nakakailang lang siya...
"Alley? Wait... Kaninong phone ito? Bumili ka ba?" sunud-sunod na tanong niya.
"Hindi... H-Hiniram ko lang... P-Puwede mo ba akong puntahan dito, Alley? W-Wala ka ba'ng ginagawa ngayon?"
"Of course, wala! Saan ka? Nakauwi ka na ba? O nasa shop ka pa ngayon ni Tito Jasper?"
"Hindi, wala... Nasa...presinto ako," sagot ko.
"Ah, nasa presinto lang pa--what?! What are you doing there, Jam Kirsten?!" gulat na tanong niya at narinig ko sa background niya ang malakas na ingay. Hindi ko mawari kung ano iyon.
"P-Pumunta ka na lang, please," sabi ko.
"What happened, Jam? M-May nangyari ba sa 'yo? Bad ba? Paano ka napunta riyan?! Hindi ba nagpaalam ka sa akin kanina na pupunta sa shop ng Tatay mo?! Ano'ng ginagawa mo sa lugar na 'yan?! Sana kasi ay sumabay ka na sa amin kanina, eh!" Nailayo ko ang cellphone ko dahil nanakit ang tainga ko sa lakas ng boses niya mula sa kabilang linya.
"Dito na lang ako magpapaliwanag," sabi ko.
"Oh, okay! Kuya Asher, samahan mo po ako! Susunduin natin ang best friend kong nasa presinto!"
"W-What? Ano'ng nangyari kay Jam?" narinig kong nag-aalalang tanong ni Kuya Asher.
"Basta po, Kuya! I-text mo sa akin ang address ng presinto." Ginawa ko nga iyon at ibinalik ko na rin ang cellphone ng lalaking pulis.
Inabot naman niya iyon at nahigit ko ang sarili kong hininga nang maramdaman ko ang pagdampi ng daliri niya sa kamay ko.
Parang sa mga oras na iyon ay ang bagal-bagal ng oras dahil ang tagal dumating ni Alley. Nakakailang talaga sa loob at kahit hindi na nakatingin sa akin ang pulis ay hindi ko pa rin talaga maiwasan ang mailang.
Parang isang taon ang hinintay ko nang dumating si Alley kasama ang Kuya niya. Pagbukas ng pintuan ay sila agad ang iniluwa roon at pumasok si Allley na sa akin agad tumutok ang mga mata niya.
"Jam, what happened?!" nag-aalalang tanong niya sa akin. Napatayo ako dahil bigla niya akong sinalubong nang yakap.
"Alley..."
"Wait, Alked?"
"Asher."
"Kuya Alked?"
Teka lang, kilala ba nila ang pulis na ito? O tamang sabihin na magkakakilala silang tatlo?
SA HULI ay nakapag-usap din kami nang hindi na ako pinipilit pa at katabi ko na si Alley.
"Kuya Alked naman. Hindi po ganoong tao itong best friend ko. Dean's Lister po ito at hindi niya future ang maging magnanakaw, baka puwede pang maging future mo, mababang tonong sabi ni Alley. Siniko ko siya sa huling sinambit niya.
Hindi lang sila magkakilala dahil magpinsan pala sila. Magkapatid pareho ang nanay nila kaya iba rin pala ang apelyidong gamit ng lalaki.
Siya si Alked Herran Fortalejo.
Nag-iwas ng tingin sa kanya ang pulis at tumawa lang din si Kuya Asher.
"Release her, pinsan. She's innocent. Ganyan na ba ang mga kriminal ngayon? Magaganda at mukhang inosente?" Hindi ko alam kung bakit parang inaasar ni Kuya Asher ang pinsan niya.
"Shut up, Asher."
"O baka, crush mo lang siya kaya mo siya hinuli? Pinsan, bata pa 'yan." Nag-init ang pisngi ko dahil nagbibiro na talaga siya.
Nabigla pa ako nang magtama ang mga mata namin. Bakit namumula ang tainga at pisngi niya?