Chapter 8: Love by Someone Else.
SA PANGHIHINA ng mga tuhod ko at sa pagbigat ng aking paghinga. Sa iniinda kong sakit ay nagawa kong tumayo, nang dahan-dahan. Mabibigat ang bawat paghakbang ko, tila may nakabalot na isang bakal na nakapulot pataas sa aking binti at wala nang tigil sa pagtulo ang mga luha ko. Basang-basa na rin ang pisngi ko.
Parang ano mang oras ay mawawalan ako nang balanse, hindi maayos ang paglalakad ko at tila walang direksyon.
“Bythesea!” sabay-sabay na sambit nila sa pangalan ko at nagmamadali pa silang lumapit sa akin.
“Bythesea...”
“What happened?”
“I told you na hindi mo makakausap nang maayos si Lucas,” pagalit na saad niya.
“Are you okay, Bythesea?” tanong sa akin ni Poirier. Humakbang ako palapit sa kanya at yumakap sa baywang niya. I buried my face on his chest at doon ako umiyak nang malakas. Naramdaman ko naman ang pagyakap niya sa akin pabalik.
“Tang-ina, ano’ng ginawa ng gagong iyon sa ‘yo?!”
“Huminahon ka, Ori.”
Naramdaman ko ang paghagod ng kamay niya sa likod ko. Tila naging bata ako sa mga oras na ito, ngumangawa at umiiyak nang sobrang lakas. Mahigpit kong hinawakan ang dibdib ko at parang mapupunit din ang suot kong shirt. Pati ang puso ko ay umiiyak din.
“S-Sabi n-niya... S-Sa...bi n-niya... U-Uhm... Sabi n-niya... Hindi... h-hindi siya... i-interesadong m-makilala... ang anak... n-namin... A-Ayaw n-niya... Ayaw niyang m-makilala s-sina... Daphne at L-LZ...” nahihirapang sambit ko. Umaalon ang dibdib ko dahil sa paghangos ko. Pinukpok ko ang dibdib ko dahil nahihirapan na talaga akong huminga.
“Huwag ka nang magsalita pa, Bythesea,” saad ni Poirier.
“Malakas ang kutob ko. Malakas ang kutob ko na may itinatago sa atin ang babaeng iyon,” sabi ni Oriphyn.
“Tatawagan ko si Cleneghan at Recinos. Para ipa-background check ang babaeng iyon.”
“Huwag ka nang umiyak, Bythesea. Gagantihan ka namin,” saad ni Jaydel.
“A-Ang sakit... S-Sobrang sakit ng ginawa n-niya sa akin... A-Ayaw n-na niya talaga sa a-amin... A-Ang sama niya... N-Napakasama na niya sa akin...”
“Ilayo na muna natin siya rito.”
Wala na akong lakas para magprotesta pa na bumalik sa bahay na iyon at muling kausapin ang asawa ko. Na muli siyang pilitin at pakiusapan na umuwi na kami sa Manila. Dahil may dalawang bata ang excited na makita siya at muling makapiling.
Inalalayan na nila akong maglakad at mahihinang paghikbi lang ang ginawa ko. Hindi nawala sa isip ko ang mga sinabi niya sa akin.
“Ang alam ko lang ay mas gusto ko rito, kasama ko ang babaeng mahal ko.”
“Uuwi rin ako kung gusto ko, Bythesea. Sinabi ko na sa ‘yo kanina. Hindi mo ako mapipilit na sumama ngayon sa inyo pauwi. Marami pang mahahalagang bagay ang gagawin ko rito bago ako babalik sa Manila.”
“Hindi. Hindi ko naman kilala ang mga taong tinutukoy mo at wala akong pakialam sa kanila. Hindi ko sila gustong makilala pa at hindi ako interesado.”
“Hindi ko sila gustong makilala pa at hindi ako interesado.”
Natulala lang ako sa loob ng sasakyan ko. Hindi na ako umiiyak hindi dahil pagod na ang mga mata ko sa pagbuhos ng mga luha. Dahil ibang parte na naman ng katawan ko ang lumuhuha. Ang puso ko... Ang puso ko na sobrang hapdi pa rin niya.
Bumili kanina ng bottled water si Oriphyn at pinainom ako nito. Wala nga akong balak na inumin iyon dahil hinawakan ko lang at ngayon ay hawak-hawak ko pa rin. Nangangalahati pa ang tubig.
“Nasaan si Bythesea? Ayos lang ba siya?” Bumukas ang pintuan sa passenger seat. “Bythesea, ayos ka lang ba?” Kahit hindi ko ‘yon lingunin ay alam ko na kung sino. Kilala ko ang boses niya. “Bythesea...”
“Hayaan mo muna siya, Snider.” Boses ‘yon ni Zuresh.
“Jaydel, dapat kami ang una niyong tinawagan para puntahan si Lucas. Magiging aware si Bythesea sa kalagayan ng asawa niya.”
“Malalim na ang gabi, Hesperos at sa tingin mo ba ay may oras pa kami para tawagan kayo?” saad ni Jaydel.
“Kusang pumunta rito si Bythesea. Hinabol lamang siya rito,” wika naman ni Poirier.
“Saka wala na tayong magagawa pa. Isa pa, wala pa rin namang magbabago. Magkikita pa rin sila ni Lucas at ganito rin naman ang mangyayari. Kaya para saan pa ang awareness na ‘yon?” tanong ni Gaspar. May punto ang kanyang sinabi.
“Wait, sina Cleneghan at Recinos lang ang tinawagan namin. Bakit nandito kayong lahat?” nagtatakang tanong naman ni Oriphyn sa kanila.
Wala sa sariling napatingin ako sa kanila. Nasa pintuan sila ng sasakyan. Nandoon sina Zuresh, Recinos, Snider, Hesperos, Wooben, Ladonio, Gaspar, Joavani, Bunker, Azymeir at Hajiwei. Kompleto nga silang lahat. Nandito sila.
“Alam mo naman kung pagdating sa kaibigang natin ay one call away kami,” saad ni Ladonio.
“Bythesea, you okay?” nag-aalalang tanong ni Gaspar.
“Lumayo muna kayo.”
“Pero nang malaman namin ang totoong nangyari ay parang gusto ko na ring pàtayin si Lucas,” malamig na saad ni Recinos at bigla siyang umalis. Hinabol siya ng mga kaibigan niya.
“Reci, sandali lamang!”
“Parang gusto ko na rin siyang lunurin sa dagat.”
“Isa ka pa, Ladonio!”
“Umalis muna kayo. Susuriin ko muna si Bythesea,” ani Joavani. Kung pagdating naman sa mga lalaki ay siya rin ang nag-iisang doctor na kaibigan nila.
Iyon nga ang ginawa ni Joavani at pagkatapos niya akong suriin ay hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.
Nang magising ako ay nasa sasakyan pa rin ako at nasa tapat pa rin kami ng bahay na tinutuluyan ni Lucas at ang kasama niyang babae. Nang maalala ko na naman ang kaganapan ay hindi ko talaga maiwasan ang masaktan. Napabuntonghininga ako. Pakiramdam ko ay ang daming nangyari sa araw na ito. Nakakapagod.
Napaigtad naman ako sa gulat nang may kumatok sa bintana ng kotse ko at binuksan iyon. Si Bunker ang nagbukas no’n at ipinakita naman niya sa akin ang lunch pack sa akin. Katabi niya ang seryosong si Recinos na may hawak na bottled water.
“Kumain ka muna, Bythesea. Simula pa kaninang umaga ay walang laman ang sikmura mo,” ani Bunker at inabot niya ang kamay ko para ilipat doon ang hawak niya.
“Kumain ka. Kami na ang bahala sa asawa mo,” sabi naman ni Recinos. Tipid akong ngumiti sa kanila.
“Ang kulit mo naman. Nasa malayong probinsya ako. Oo, kasama ko sina... Recinos at Bunker dito,” narinig kong sabi ni Gaspar at sinambit niya lang ang mga pangalan ng dalawang kaibigan niya dahil nakita niya ito. “Ha? Bakit mo pa kauusapin? Wala ka bang tiwala sa akin, love? Okay, sige! Magsalita ka, Recinos. Nasa kabilang linya ang asawa ko at nandoon din ang love of your life!”
“What the hell happened?” naguguluhan na tanong ni Recinos at hinila siya nito palayo.
Tiningnan ko naman si Bunker na binuksan pa ang lunch pack at inilagay sa kamay ko ang kutsara.
“Kailangan mong ubusin ito lahat, Bythesea. Kumain ka at ayon kay Joavani ay nanghihina ka raw at kailangan damihan mo ang pag-inom ng tubig. Kaya heto... Dalawa ang dinala namin para sa ‘yo. Sige na, kumain ka na.”
“S-Salamat, Bunker,” sambit ko sa namamaos na boses.
“Hindi mo naman kami kailangang pasalamatan pa. Pamilya tayo rito at dapat kami pa ang humingi ng sorry sa ‘yo dahil sa ginawa ng kaibigan namin,” sabi niya at tumango-tango.
“Pero salamat pa rin,” ani ko at tipid na ngumiti lamang.
“Hindi namin pinaalam sa mga babae ang lahat. Baka susugod din sila rito ng wala sa oras. Kilala mo silang lahat. Wala naman kaming pakialam kung si Lucas ang sasaktan nila. Pero ang babaeng kasama mismo ng asawa... Nevermind. By the way, Bythy. Kinuha na muna namin ang phone mo at in-off para hindi tayo ma-locate gamit ang GPS na naka-install sa cellphone mo,” paliwanagan niya na tinanguan ko.
“Sige...”
Hindi ko namalayan na naubos ko na pala ang kinakain ko. Siguro ay nagutom nga talaga ako dahil sa pag-iyak ko kanina at sa sakit na nararamdaman. Itinapon ko lang sa trashbin na nasa loob ng kotse ko ang lunch pack at bottled water.
Bumaba ako at agad na dumampi sa balat ko ang malamig na simoy ng hangin. Madilim kanina nang dumating ako. Kaya hindi ko masyadong nakita ang magandang tanawin dito.
Matataas ang mga punong kahoy at kahit masakit sa balat ang sikat ng araw ay may espasyo ka naman na puwedeng pahingahan. Sa ilalim mismo ng mga matatayog na puno. May mga bahay pero malayo naman sa isa’t isa.
Napatingin ako sa limang sasakyan na nakaparada lamang sa gilid ng daan, hindi naman iyon sementado dahil lupa lang siya.
Sina Zuresh, Wooben, Hajiwei at Azymeir lang ang nakita kong nakaupo sa hood ng sasakyan nila, nanatili namang nakatayo ang dalawa. Hindi ko alam kung saan nagpunta ang iba. Baka umuwi ka rin sila?
Hindi nila napansin ang pag-alis ko. Naglakad lang ako at sinunod ang batong daan.
Hanggang sa makarating ako sa isang magandang garden na punong-puno ng iba’t ibang bulaklak. May palayan sa tapat nito.
May upuan at mesa na gawa sa kahoy kaya lumapit ako para makapagpahinga roon.
Sa nakikita kong magandang tanawin ay kahit papaano ay gumaan ang bigat sa dibdib ko. Hindi man malulunasan agad ang sakit sa puso ko ay alam kong kaya ko pa rin itong pahupain kahit saglit lang.
“Ikaw si Bythesea, tama?” Napalingon ako sa ibang direksyon nang marinig ko ang boses na iyon. Pamilyar sa akin ang boses niya.
Parang narinig ko na talaga ito pero hindi ko lang maalala. Hindi ko siya matandaan pero malakas pa rin naman ang kutob ko na nagkita na kaming dalawa. Ang boses niya lang, ang boses niya lang ang pamilyar sa akin at hindi sa mukha.
Hindi ako sumagot sa babae. May galit, inis at selos akong nararamdaman sa kanya. Galit sapagkat itinago niya mula sa amin ang asawa ko at hindi niya hinanap ang pamilya nito.
Inis dahil sa pagtawag niya kay Lucas na Franco kahit hindi naman iyon ang pangalan nito. Selos dahil ipinagtatanggol siya ni Lucas, ipinapakita pa sa akin na kung gaano nga siya kaimportante rito at kung gaano rin siya kamahal ng aking asawa? Hindi ako naniniwala.
“Pasensiya ka na,” sabi niya at hindi ko mawari kung sinseridad ba ang pagkakasabi niyang iyon o baka umaakto lamang siya. Na bukal nga talaga sa kalooban niya ang humingi ng pasensiya sa akin. Pero hindi pa rin ako magtitiwala sa kanya.
Iba ang nararamdaman ko ngayon kahit hindi ko siya tingnan. Parang natural na ang pagkainis ko sa kanya, sa presensiya pa lamang niya.
“Sabihin mo sa akin kung saan mo unang nakita ang asawa ko?” walang emosyon na tanong ko sa kanya.
Sandali lamang siya hindi umimik at narinig ko na ang paghinga niya nang malalim.
“Ang totoo niyan. Ang yumao kong ama ang nakakita sa kanya. Sa... Pangasinan iyon. Palutang-lutang daw ang katawan noon ni Franco--”
“Lucas. Lucas ang pangalan niya. Huwag na huwag mong papalitan ang pangalan ng asawa ko!” asik ko sa kanya at bigla siyang napaatras. Napayuko at narinig ko ang mahinang paghikbi niya. Ang bilis naman niyang umiyak, ha.
“Sorry... N-Nasanay na kasi ako na tawagin siyang ganoon. Lalo na noong wala pa siyang naaalala. Kaya iyon na rin ang tawag ko sa kanya,” sabi niya sa mahinang boses.
Tumayo ako mula sa kinauupuan ko at nilapitan ko siya. Tatlong hakbang lang ang nagawa niyang pag-atras ay hindi na niya ‘yon sinubukan pa nang nasa tapat na niya ako.
“Dalawang taon mong itinago sa amin si Lucas. Sa loob ng maraming taon na iyon ay hindi mo pinaalam sa mga pulisya na may lalaking natagpuan ang iyong ama. Itinago mo siya sa amin kaya lumalabas na kasalanan niyo ‘yon at isang pandurukot lamang,” malamig na sabi ko.
Bumaba ang mga mata ko sa mga kamay niya. May suot siyang singsing. Ang wedding ring ba nila ni Lucas? Ikinasal ba talaga silang dalawa?
“Subalit ay natatakot lang kaming mag-ama at hindi na namin sinabi pa sa nakatataas ang tungkol sa kanya dahil na rin sa kaligtasan niya...”
“Tumahimik ka! Hindi iyon puwedeng maging dahilan! Hindi niyo ba naisip na mag-ama na baka may pamilya ang lalaking sinagip ninyo? Hindi niyo ba naisip na baka nag-aalala na sa kanya ang pamilya niya at sa kung saan-saan na siyang hinahanap? Kaya huwag mong sasabihin sa akin na natakot lang kayo dahil para sa akin... Kayo...kayong mag-ama ang nagtago kay Lucas at sabi mo... Wala siyang naaalala. Nag-take advantage ka sa kanya at ginawa mo pa siyang asawa mo?” nanunuyang tanong ko sa kanya.
Parang gusto ko siyang kalmutin sa mukha at sabunutan ang kanyang buhok. Pero nagpipigil lang ako sa sarili ko. Ayokong pangunahan ako ng galit ko sa kanya.
“Patawad. M-Mahal namin ang isa’t isa kaya nagpakasal kami. ‘Yon ang totoo at kagustuhan niya ang hindi na bumalik sa inyo dahil ayaw niya akong iwan dito na mag-isa...” umiiyak na paliwanag niya sa akin.
“Sa tingin mo ba ay maniniwala ako sa ‘yo? Mahal niyo ang isa’t isa? Baka...baka nga ay inakit mo lang ang asawa ko...”
“Hindi totoo ‘yan, Bythesea.” Boses iyon ni Lucas.