Chapter 9: Plastic Surgery
“HINDI totoo ‘yan, Bythesea.” Boses ‘yon ni Lucas and his voice, malamig na naman.
“Franco.” Naikuyom ko ang kamao ko nang maingat na hinila na naman niya ang babae palapit sa kanya. Pumulupot sa baywang nito ang kanyang braso. Sobrang lapit nila sa isa’t isa.
“Mahal ko siya at hindi niya ako inakit lang,” walang emosyon na sabi niya. He seems mad at me, dahil lang sa ginawa ko sa babae niya? Ganoon ba iyon?
Alam kong mugtong-mugto ang mga mata ko pero hindi ako nahiya na ipakita iyon sa kanya. Matapang na tinitigan ko rin siya sa mga mata niya nang diretso.
“Lucas...”
“Walang pamimilit at walang pag-aalilangan na minahal ko siya dahil may busilak siyang puso,” paliwanag pa niya sa akin. Ganoon lang iyon? Minahal niya ito dahil mabait talaga at may busilak na puso?
“Sa t-tingin mo ba... Maniniwala ako riyan, Lucas?” mahinang tanong ko at tinitigan ko ang babae.
Maganda nga siya. Walang halong biro. Mukha siyang anghel at napakainosente niyang tingnan. Matangkad siya pero ilang pulgada naman ang taas ko sa kanya. Maganda ang built ng katawan niya at kahit iyon, pamilyar din sa akin.
“Ako ang mahal mo... b-bago ka pa lamang napunta rito... Kaya paano...paano mo naman nasabi sa akin na ang babaeng ‘yan na ang mahal mo? Imposible ‘yon, Lucas,” tanong ko at ipinakilala ko talaga sa kanya na hindi ako naniniwala sa mga sinasabi niya ngayon sa akin.
Kilala ko si Lucas. Kilalang-kilala ko ang pag-uugali niya. Mahirap kunin ang loob niya. Mahirap din kunin ang tiwala niya at hindi siya basta-basta lumalapit lang sa mga taong hindi niya kilala. I have this strong guts... Na may kinalaman talaga siya sa nangyari sa asawa ko. Baka siya pa ang mastermind nito.
“That was two years ago, Bythesea. Hindi na ngayon. Iba na ang tinitibok ng puso ko,” sabi niya at tinalikuran na nila ako pero hindi pa rin ako tumigil.
Oo, makulit ako pero paninindigan ako. Hindi ako ang klaseng tao na basta na lamang magpaparaya at susuko ng hindi pa ako nagsisimulang lumaban. Hindi ako sumusuko agad ayon sa mga sinasabi rin ng mga tao sa akin.
“Kilala kita, Lucas... Kilalang-kilala kita. Nawala man ang alaala mo ay alam kong hindi ka basta-bastang nagtitiwala sa kahit sinong tao na nasa paligid mo. Alam ko... Alam ko nahirapan pa rin ang mga taong iyon na kausapin ka,” walang emosyon na sabi ko at naramdaman ko na tila natigilan siya. Kitang-kitang ko ang kamay niyang bumababa mula sa baywang ng babae. “Pinakaayaw mo sa lahat ay ang mga babaeng umaaligid-ligid sa ‘yo,” sabi ko.
“T-Tara na, Franco--”
“At pinakaayaw mo ang tinatawag ka sa hindi mo naman pangalan. Naalala mo ba na nagkamali ako sa pagtawag ko sa ‘yo noon? Nagalit ka sa akin. Kaya bakit wala lang sa ‘yo ang tinatawag kang Franco?”
“Noon iyon. Kung dati ay ganoon ako pero hindi na ngayon. Nagbabago pa rin ang isang tao, Bythesea,” he reasoned out. Tumaas ang sulok ng mga labi ko.
“Pero hindi ang nararamdaman mo.”
“Nagkakamali ka. Wala na talaga akong nararamdaman para sa ‘yo. Para sa akin, Bythesea. Tapos na sa atin ang lahat at matagal na iyong atin,” sabi niya at parang final na ang sinabi niya. Nasaktan man ako pero hindi ko na iyon pinansin pa.
Paninindigan ko pa rin ang sinabi ko sa kanya na hindi ako susuko. Na hindi ko siya susukuan agad at wala akong pakialam kahit may masaktan man ako. Gusto ko lang bawiin ang sa akin.
“Hindi pa rin kita susukuan, Lucas. Hinding-hindi. Magdusa man ang babaeng tinatawag mong asawa ngayon. Mananagot siya sa ginawa niya sa ‘yo,” nananakot na saad ko pa.
“Franco...”
“Bythesea!” sigaw nito sa pangalan ko at napatingin naman ako sa pinanggalingan na iyon. Nagsalubong ang kilay ko sa nakita, nagmamadaling lumapit sa akin si Dewanna. “'Tong babaeng ito, eh! D-Dito ka l-lang pala nagpunta... H-Hinahanap ka na ng mga lalaki ro’n... A-Akala siguro ng mga ‘yon ay umalis ka,” humahangos na saad pa ni Dewanna. Bakit naman siya nandito at paano niya nalaman na narito kaming lahat?
“What are you doing here, Dewy?” I asked her.
“Tinawagan ako kanina ni Cleneghan. Kailangan mo raw ako-- wait! Totoong buhay ka nga, Lucas!”
Hindi ko napigilan si Dewanna nang nilapitan niya si Lucas at nagawa pa niyang dumaan sa pagitan ng dalawa. Nakita ko pa ang pasimpleng pagtulak niya rito. Hindi ko alam kung sinadya ba niya iyon o ano.
“Dewanna.”
“Oh, goodness! Walang halong biro nga na ikaw ang kaibigan naming si Lucas!” Hinawakan ni Dewanna ang mukha niya at pabaling-baling ito dahil sa kakulitan ng kaibigan ko. “Nagka-tan man ang skin mo ay puwede rin namang bumalik sa dati ang skin color mo. Ang guwapo mo pa rin,” tuwang-tuwang sabi pa niya at lumipat naman ang tingin niya sa babae. “At sino ka naman?” nakataas ang kilay na tanong niya rito.
“Dewanna. Don’t look at her like that,” pagpigil naman ni Lucas kay Dewanna.
Binitawan na siya nito at pumuwesto siya sa tapat ni Nenina. “Sino... Sino ang magandang babae na kasama mo, Lucas? Napakaperpekto ng mga hugis... nang lahat ng ito,” sabi niya at parang nagde-describe lamang siya. “Tell me your name, dear.”
“Uhm... Nenina po,” sagot nito sa kanya at napatango si Dewanna. Bumaba pa ang tingin niya mula ulo hanggang paa at matagal naman niyang tititigan ang mukha nito.
“Nenina... Napakahusay naman ng taong...pero mas mahusay pa rin naman ako. Kasi may nakikita ako na hindi--ah nevermind... Para sabihin ko sa ‘yo, na ang ganda-ganda mo at gamit ang mukhang ‘yan... Nakuha mo ang puso ng aming kaibigan na may nagmamay-ari na sana,” sabi pa niya. Hindi halata na may iritasyon ang kanyang tinig dahil may ngiti iyon sa labi niya.
“Dewanna. What do you mean by that?” Lucas asked her.
“Nothing, Lucas. Na-appreciate ko lang naman ang nililikha ng mga doctor--ay what I mean is ang ganda ng isang tao. Ang suwerte mo, Nenina,” sabi pa ni Dewanna and to be honest ay hindi ko na talaga siya naiintindihan pa. Ano ba kasi ang pinagsasabi niya ngayon?
“What?” Maski si Lucas ay nagtataka na rin sa inasal siya. Samantalang si Nenina ay kanina pa siyang nakayuko at nakita ko na naman ang kamay niya.
“Ano ba ang work mo rito, Lucas? Ang alam ko lang ay hindi buo ang araw mo na wala kang nahahawakan at nababasang papel. Nakaupo sa swivel chair mo at abala masyado tapos may umuusok na kape pa sa table mo habang nagtatrabaho ka. Isang mayaman ba ang babaeng ipinagpalit mo kay Bythesea, Lucas?” Saan naman patutungo ang mga sinasabi niya?
“Come on, Dewanna. Huwag mo na muna akong pangaralan. Punong-puno na ako kanina pa,” may iritasyon na sabi ni Lucas.
“Lucas, hindi maganda ang ginawa mo sa amin. Naka-di-disappointed ka, honestly speaking.”
“I’m sorry...”
“Ayon naman kay Cleg, dalawang taon na hindi mo nagagamit ang cards mo. Hindi namin ‘yon pina-black, kasi naisip namin na puwede mong gamitin iyon. Kung sakali man na nakipagtanan ka sa ibang babae pero ngayon nasagot na ang mga tanong ko kung bakit gusto akong papuntahin dito ng asawa ko. Naniniwala pa rin ako na babalik ka sa amin at...isama mo na lang si Nenina sa pagbalik mo. Welcome na welcome siya,” mahabang sabi ni Dewanna at umalis na.
Hinila niya ang kamay ko at bumalik kami sa pinanggalingan ko kanina. Pagbalik nga namin ay natataranta ang lahat. Nag-aaway pa ang iba pero nang makita kami ay nagmamadali naman silang lumapit sa amin.
“Bythesea, gusto mo yata kaming patayin sa sobrang pag-aalala sa ‘yo! Huwag mo nang gagawin pa ‘yon,” ani Azymeir. Ngumiti ako sa kanya.
“Naglakad-lakad lang naman ako,” sabi ko.
“What did you notice, wife?” Cleneghan asked her wife.
Sa halip na sagutin siya agad ng asawa niyang si Dewanna ay sinipa niya ang tuhod nito dahilan na napaigik sa sakit si Cleneghan.
“Damuho ka! Hindi mo sinabi sa akin na kailangan pala ni Bythesea ng karamay pero nilihim mo sa akin!” sigaw ni Dewanna. Isang sipa lang naman ang ginawa niya at hindi na niya pa ito inulit. Walang nagawa si Cleneghan kundi ang himas-himasin ang kanyang nasaktan na binti.
“Kapag sinabi naman sa inyo ay alam namin na susugod kayo rito. Kawawa ang babae kapag nagkataon,” pagdadahilan ni Bunker.
“Oh... Speaking of that wicked girl. Kung ginagamit sana ni Lucas ang cards niya, sorry sa sabihin ko, Bythesea, ah? Pero walang kahit ni isang piso ang nabawas sa pera niya. You know that, right? I was confused, saan nakakuha ng malaking halaga ang babaeng iyon para mag-under plastic surgery?” tanong niya na ikinatahimik naming lahat.
Nanlaki ang mga mata ko na tiningnan ko si Dewanna. “Dewy, ano naman ang ibig mong sabihin doon?” Sasagot pa sana siya nang bigla siyang hinila ng asawa niya at tinakpan ang kanyang bibig.
“Mabuti pa ay bumalik na lang tayo sa Manila. Babalik tayo rito kapag nakakuha na kami ng sapat na impormasyon tungkol kay Lucas. Bago pa man siya mapunta sa ganitong klaseng lugar,” ani Cleneghan at hindi niya binitawan ang asawa niya kahit maglilikha na ito mula sa pagkakahawak niya. Kaya tuluyan na nga niya itong hinila palayo sa amin.
“That’s good.”
“Let’s go home, Bythesea,” pag-aaya sa akin ni Wooben.
“Sumabay ka na kay Dewy, Bythesea,” ani Jaydel.
“Ako na ang magmamaneho ng kotse ni Bythesea,” pag-volunteer naman ni Poirier.
I took a deep breath at pinasadahan ko pa nang tingin ang bahay kung saan ang asawa ko na nakatira ng ilang taon. Masakit sa parte ko ang isipin na may kasama siyang Ibanag babae at may ginagawa sila na... Pinilig ko ang ulo ko.
Babalik ako, Lucas. Babalikan pa rin kita... Hindi kita susukuan, mahal ko. Babawiin kita sa babaeng ‘yan.
***
“Saan ulit kayo nagpunta, Bythe?” tanong sa akin ni Ate Civana.
Sumunod sila sa akin ni Ate Marylyn nang makita ako na papasok na sa loob ng aming silid.
“Bythesea, ayos ka lamang ba? Bakit namumula ang mga mata mo? Umiyak ka ba?” tanong naman sa akin ni Ate Marylyn at sunod-sunod pa talaga.
Ibinagsak ko ang katawan ko sa kama at humugot ng malalim na hininga. “Bythesea...”
“May pinuntahan lang po kami, Ate Civana. Ayos lang po ako,” sagot ko.
“Mukhang hindi, eh. Ang tamlay mo ngayon,” sabi naman ni Ate Marylyn.
“Pagod lang po ako, ate...”
Ipinikit ko ang mga mata ko at naalala ko ang sinabi sa akin ng mga kaibigan ko nang paalis na kami sa lugar na iyon.
“Itago na muna natin ang tungkol kay Lucas. Huwag na muna nating ipagsabi sa iba na nahanap na natin siya, buhay at ligtas,” suhestiyon ni Recinos at umapila ako agad. Dahil para saan naman ang pagtatagong iyon?
“No... Bakit... Bakit natin gagawin ‘yon, Recinos? Alam niyo naman na hinahanap din siya ng parents niya,” sabi ko.
Baka matutuwa pa sina Mommy at Daddy kapag nalaman nila ang totoo. Na buhay nga talaga ang anak nila. Kaya bakit itatago namin ang tungkol kay Lucas? Si Ate Civana, alam kong miss na miss na rin niya ang kapatid niya.
“Oo nga, bakit Reci?” tanong naman ni Dewanna.
“Agree kaming lahat. Kung totoo man ang napansin mo sa kanya na nagpa-plastic surgery nga ang babaeng iyon ay alam natin pareho na baka may iba pang involved dito,” saad ni Zuresh. Hindi ko masyadong naintindihan iyon.
“What? Ano iyon? Ano’ng plastic surgery?” I asked them.
“Ako iyon, Bythesea. Plastic surgeon ako, ‘di ba?”
“Ha?” gulat na tugon ko kay Dewanna.
Nilingon ko naman ang iba at tumango sila na parang sang-ayon din sila sa suggestion ng kaibigan nila.
“Pero...”
“Sa ngayon, ngayon lang naman ‘to, Bythesea. Trust us,” Jaydel said at tumango na lamang ako bilang tugon.
“Ano na, Bythesea? Wala ba talagang nangyaring masama sa ‘yo?”
“At saka lumabas ka talaga ng nakaganyan? Ang suot mo...”
“Puwede po bang maiwan niyo muna ako, mga ate?” nakikiusap na saad ko.
“O-Okay...”