“KUMUSTA na ang baby?” tanong ni Rafy kay Abby nang puntahan niya ito sa silid. Karga nito ang anak. Ang private nurse na kinuha ni Lolo Ed ay nakangiting nakamasid sa kanila.
“Malusog at maganda ring tulad ng mommy at tita ninang niya.” Bakas ang kasiyahan sa mukha ni Abby nang sumagot.
“Regalo ko sa inyong mag-ina.” Iniabot niya rito ang cross-stitch design na matagal din niyang ginawa. Nakarolyo lamang iyon dahil nang matapos iyon ay hindi na siya makapaghintay na mai-frame iyon.
“Wow!” buong paghangang sambit nito nang iladlad nito ang Aida cloth. It was a classic picture of a mother and child. “Thank you, Rafy,” sinserong wika nito sa kanya. “Ipapa-frame ko ito.”
“Welcome. Pakarga naman kay Baby,” hiling niya. Maingat niyang kinuha ang sanggol mula rito. “Ano na nga ang pangalan ni Baby?” tanong niya at isinayaw-sayaw ito.
“Timmy Anne,” kagyat namang tugon ni Abby.
“Timmy Anne,” ulit niya. “You know what? Napansin kong puro Biblical names ang mga pangalan ng pamilya ninyo. Let’s hope na lumaking mabait si Timmy Anne,” nakangiting sabi niya at yumuko para halikan sa noo ang sanggol.
“Mag-asawa ka na rin kasi. Nandiyan naman si Julius,” biro sa kanya ni Abby.
Nagkunwari siyang walang narinig. Kunwari ay abala siya kay Timmy Anne at pinupog pa ito ng halik.
Nag-angat siya ng mukha nang marinig ang pag-ingit ng pinto. Si Timothy ang dumating.
Tila nagulat pa ito nang makita siya roon, ngunit kagyat din iyong napalitan ng sa wari niya ay katuwaan. Humakbang ito palapit sa kanila. Huling-huli niya nang kintalan nito ng halik sa noo si Abby.
“Honey, naiinggit na sa atin si Rafy. Tingnan mo, o,” ani Abby.
Ibinalik niya ang paningin kay Timmy Anne para maiwasang mapatingin sa mga ito. Umingit ang sanggol. Ibabalik na sana niya ito kay Abby nang lumapit ang nurse. “Ma’am, time na po para sa vitamins ni Baby.”
Hindi na niya nakuhang ibalik sa bisig ni Abby ang sanggol dahil hawak na ng nurse ang dropper. Sa mga bisig niya ito pinainom ng gamot. Nag-alala siya nang maglikot ito. Marahil ay hindi nito nagustuhan ang lasa ng gamot na ipinatak sa bibig nito. Nanghihingi ng saklolong tinitigan niya si Abby.
“Honey, pakikuha mo na nga kay Rafy si Timmy,” sabi ng pinsan niya.
Ayaw niyang ibigay ang sanggol sa lalaki pero wala siyang magawa. Hindi sinasadyang nagdaiti ang kanilang mga balat nang kunin nito sa kanya si Timmy Anne. Pakiramdam niya ay napaso siya sa simpleng pagkakasagi ng balat nito sa balat niya.
Pagkabigay sa sanggol ay mabilis na siyang nagpaalam. May pagmamadali sa mga hakbang na lumabas siya ng silid. Kay lakas ng kabog ng dibdib niya nang mga oras na iyon.
ISINAMA ni Rafy si Julius sa paghahatid kay Pia sa airport pagkatapos ng dalawang linggong bakasyon. Pansamantala siyang nakadama ng katiwasayan nang nasa villa ito. Kahit paano ay nalibang siya at nakalimutan ang mga gumugulo sa isip niya lalo at halos araw-araw ay lumalabas sila kasama si Julius.
“Kailan ka ba babalik sa Maynila? Baka nakaalis na ako pabalik sa Amerika ay nandito ka pa rin,” tanong ni Pia sa kanya nang makarating sila sa airport.
“Two weeks from now most probably. Yayayain ko na rin si Lolo Ed. Dalawa na kaming naririto at napapamahalaan na lamang ang kompanya through video calls. Pagbibigyan ko lang ang Lolo ng mga isa hanggang dalawang linggo pa. Alam mo namang excited pa iyon sa apo niya. Or puwede namang mauna na din akong lumuwas.”
Binalingan nito si Julius. “Nice meeting you, Julius. Salamat sa lahat. `Pag bumalik ka na sa States, alam mo kung saan ako makikita. Maybe we could see each other again,” baling ni Pia rito.
“By next month siguro ay nasa States na rin ako. Tapos na rin kasi ang vacation leave ko,” wika nito. “I won’t tell you kung kailan iyon. One day, I’ll just come knocking at your door.”
Tumawa si Pia. “You’re always welcome. I’ll be glad to see you there.”
Muli silang nagpaalam ni Pia sa isa’t isa. Hinagkan siya nito sa pisngi bago tinungo ang departure area.
“JULIUS, may gusto sana akong itanong sa iyo,” simula ni Rafy nang magkaharap na sila sa hapunan. Matapos nilang maihatid si Pia sa airport ay nagyaya itong kumain sa labas. Nagpaunlak siya dahil pagabi na rin.
“Fire away.”
“Gaano mo na katagal na kaibigan si Timothy?” direktang tanong niya rito. Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa dahil nais niyang makakuha ng direkta ring sagot.
Natigilan ito sa aktong pagsubo. Tila nagulat ito sa tanong niya. “M-matagal na. Mula pa noong mga bata kami.”
“Pati si... `yong brother niya? Kaibigan mo rin?”
“Yeah. Actually, mas kaibigan ko si Marcus.”
Ilang sandaling namagitan sa kanila ang katahimikan. May pakiramdam siyang naging uneasy ito sa paksang binuksan niya. Subalit wala siyang balak na tumigil sa pagtatanong hangga’t hindi nasasagot ang katanungan sa isipan niya. Marami siyang gustong malaman. At yamang naumpisahan na niyang magtanong ay lulubusin na niya.
“Ang sabi ni Timothy ay playboy raw ang kapatid niya,” komento niya.
“Well, sa palagay ko ay wala ako sa posisyon para kumpirmahin iyan. Ang alam ko lang ay wala sa bokabularyo ni Marcus ang pag-aasawa. You know, there’s a big difference between the two.”
Napatango naman siya bilang pagsang-ayon. “Nasaan na si Marcus ngayon?” tila walang anumang tanong niya.
“To all his buddy, he’s Mac. Nasa Amerika siya.”
Napakunot-noo siya. “Ang sabi ni Tim ay nasa Europe na siya ngayon at nag-asawa na?”
Huling-huli niya nang bumadha ang pagkagulat sa anyo nito. “G-ganoon ba? Kasi matagal na rin akong walang balita kay Mac,” alanganing sagot nito na nagpunas pa ng bibig. “Bakit nagkainteres ka yata sa kapatid ni Timothy?”
“Wala lang. So, kailan ang balik mo sa States?” pag-iiba niya sa usapan. Ayaw niyang makahalata ito na labis ang kuryusidad niya.