“IT’S GOOD to see you again, Pia,” wika ni Lolo Ed nang magkakaharap na silang nagme-merienda sa tabi ng pool.
“Matagal din ho kasing hindi ako nauwi rito sa Pilipinas. `Pag naman ho nagpupunta sa Amerika si Rafy ay hindi naman kayo nakakasama. Kung sabagay kami man ni Rafy at halos hindi rin magtagpo ang schedule pag nasa US siya.” Nang tumingin ito sa gawi niya ay lalo pang lumuwang ang pagkakangiti nito.
“Hindi ka pa ba nag-aasawa?” tanong ni Lolo Ed.
“Hindi pa ho pero malapit na,” nakangiting sabi ni Pia.
“Aba’y mabuti ka pa. Itong si Raphaella ay wala yatang balak mag-asawa. Gusto nga yatang tumandang dalaga,” natatawang sabi ni Lolo Ed na tumingin pa sa kanya.
“Lolo...”
“Hay naku, Rafy, tama naman si Lolo Ed. Dapat ay maghanap-hanap ka na. Malapit na tayong maiwan ng train,” ani Pia na ngumiti pa sa lolo niya.
“Matanda na ba ang mid-twenties?” tanong niya sa mga ito.
Ngunit tila walang nakarinig sa tinuran niya.
“Ihanap mo nga iyan doon sa Amerika, hija, at baka sakali ay naroroon ang kapalaran nitong maganda kong apo,” sabi pa ni Lolo Ed.
“Lolo, hindi naman hinahanap `yon. Kusang dumarating `yon,” paliwanag niya. Kung tutuusin ay dumating na nga. Nakadama siya ng lungkot nang maalala si Timothy.
“Okay, I’ll let the matter rest for now. Pero ayokong tumanda kang dalaga, apo. I’ve met Julius and I think he is a good catch. Kaibigan pa ni Timothy,” dugtong pa ng kanyang lolo.
“We’re just friends, Lolo. Well, I have to admit that we enjoy each other’s company.” Yes, they enjoy each other’s company pero batid niyang hanggang doon lamang iyon. Hindi na sila lalampas sa pagiging magkaibigan. Hindi na rin lalalim ang nararamdaman niya para dito.
“Well, a beautiful romance starts from a beautiful friendship,” makahulugang sabi pa nito. Pagkuwan ay tumayo ito at nagpaalam sa kanila para muling puntahan si Abby at ang sanggol.
“Excited talaga si Lolo Ed sa apo niya sa tuhod,” wika ni Pia na kagaya niya ay nakasunod ang tingin sa papalayong matanda.
“Sinabi mo pa. Para ngang siya ang tatay, eh. Alalang-alala...” Come to think of it, tila mas nag-aalala pa ito sa mag-ina kaysa kay Timothy. Ipinilig niya ang ulo sa naisip. Pero iyon ang naoobserbahan niya unless hindi lang showy si Timothy sa emosyon nito para sa mag-ina. Hindi showy pero napaka-vocal naman sa pag-I love you sa akin?
“Kaya ikaw mag-anak ka na rin, “ biro ni Pia sa kanya. “Wait, may nabanggit si Lolo Ed na Julius. Sino naman iyon, aber?”
“Wala, kaibigan ko lang. Constant date na rin habang naririto,” nakangiting tugon niya habang nagsasalin ng orange juice sa baso.
“Kaibigan, constant date,” nakataas ang kilay na komento nito. “Baka maunahan mo pa akong mag-asawa niyan?”
Natawa siya sa tinuran nito. “That is next to impossible.”
“At bakit naman, aber?” Pagkuwan ay pumormal ito, naging seryoso ang anyo. “Why don’t you give yourself a chance to fall in love.”
Nagkibit-balikat siya. Hindi niya alam ang isasagot dito. Paano ba niya sasabihin ditong umiibig siya subalit masalimuot ang sirkumstansiyang nakapalibot sa sitwasyon niya?
No. Hindi pa siya handang ibahagi rito o kanino man ang tungkol sa bagay na iyon.
IPINAKILALA ni Rafy si Pia kay Julius nang dumalaw ang lalaki sa villa. Nagyaya itong ililibot sila. Hindi siya tumanggi dahil alam niyang gusto ng kaibigan niyang makapamasyal sa lugar na iyon.
Dinala sila nito sa ancestral house ng pamilya nito sa Iloilo. Kay ganda ng paligid. Noon lang din niya nalaman na napakalawak ng lupaing pag-aari ng pamilya nito. Tanging mga katiwala sa bahay ang inabutan nila roon dahil sa ibang bansa na naninirahan ang mga magulang at kapatid nito.
Saglit na nagpaalam sa kanila si Julius. Naiwan sila ni Pia sa terasa.
“He’s cute, Rafy. Magaan kasama,” anito pagkatalikod ng lalaki.
Nakangiting tumango lang siya.
“Nanliligaw na ba sa iyo?” Nasa himig nito ang panunukso.
“Nope. Sabi ko naman sa inyo, magkaibigan lang talaga kami.”
“Friends in love?” anito, sabay tawa. “Pero teka, mas guwapo pa rin ang asawa ni Abby.”
Tango lang ang isinagot niya. Ibinaling niya ang mga mata sa malawak na bukirin. Nakadama na naman siya ng pangungulila kay Timothy dahil nabanggit na naman ang pangalan nito.
“You know what, Rafy. Kapag nakikita ko si Timothy, para talagang nakita ko na siya somewhere,” wika pa nito.
“Nabanggit mo na nga, di ba? Sabi mo, pamilyar siya.” Hindi imposibleng nagkita na ang mga ito sa Amerika dahil kagagaling lang doon ng lalaki.
“Nagkaroon siya ng business trip sa Amerika kamakailan lang. Baka nga na-meet mo siya roon.”
Natahimik ito, waring nag-iisip. “Saan ko naman siya maaaring ma-meet? These past few months ay palagi ako sa ospital dahil under-staffed kami. Alangan namang sa ospital kami nagkita, `no! Sino naman ang dadalawin niya roon?”
Napatitig siya rito. Sa sinabi nito ay muli na namang bumangon ang hinala sa isip niya. Ngunit posible kaya ang naiisip niya?
NIYAYA ni Rafy si Julius na doon na maghapunan nang ihatid sila nito sa villa. Maliban kay Abby na nagpahatid na lamang ng pagkain sa silid ay kompleto silang nakadulog sa hapag-kainan.
Nasa kabisera si Timothy. Nasa kanan nito si Lolo Ed. Dapat sana ay tatabi siya sa kanyang lolo ngunit inutusan siya nitong sa tapat nito maupo, sa puwesto ni Abby. Si Pia ang pinaupo nito sa tabi nito. Si Julius naman ang katabi niya.
Habang kumakain ay panay ang kuwentuhan ni Lolo Ed at ng dalawang lalaki. Samantalang sila ni Pia ay nagsasalita lang kapag tinatanong. Sa duration ng hapunan ay pinilit niyang ituon ang atensiyon sa pagkain. Hanggang maaari ay iniiwasan niyang mapatingin sa gawi ni Timothy. Hindi niya alam kung bakit pero natatakot siyang magkasalubong ang kanilang mga paningin.
Matapos maghapunan ay nagyaya pa si Lolo Ed na magkape. Tumanggi sila ni Pia at nagpaalam na papasok na sa silid.
“Is there something wrong with you?” tanong ni Pia sa kanya nang paakyat na sila sa hagdan.
“Wala. Napagod lang siguro ako,” tugon niya.
“You know what, may napansin ako sa iyo kanina habang kumakain tayo...”
Kinakabahang sumulyap siya rito.
“Parang hindi ka at ease. Parang may gumugulo sa iyo. Isa pa, hindi ba kayo vibes ng asawa ni Abby?”
Naumid ang dila niya. Hindi niya akalaing ganoon siya ka-transparent at hindi niya naitago ang kilos sa obserbasyon nito.
“O-okay lang kami. We’re just civil to each other, I think.” Bahagya siyang nakahinga nang maluwag nang huminto sila sa tapat ng kanyang silid. “Magpapahinga na muna ako. Napagod ako sa paglilibot natin,” pag-iwas niya.
Tumango ito bago tinungo ang guest room. Tinanaw niya ito hanggang sa makapasok ito sa silid. Saka lamang siya pumasok sa sariling silid.
Nahahapong umupo siya sa gilid ng kama. Maraming gumugulo sa isip niya at lahat ay walang kalinawan. Hindi niya alam kung saan siya magsisimula para mabigyang-linaw ang lahat. Isang bagay lang ang hindi malabo at hindi na maaaring itanggi pa.
Maaaring hindi talaga si Timothy ang lalaking nagbalik mula sa Amerika!