NANATILING nakadilat ang mga mata ni Rafy samantalang tila batang mahimbing nang natutulog sa kanyang tabi si Timothy. Hindi niya magawang matulog dahil sinusurot siya ng kanyang konsiyensiya.
Pumihit siya paharap dito. Marahan niyang hinaplos ang buhok nito at pinagsawa ang mga mata sa pagtitig dito.
Unti-unting nanlabo ang kanyang paningin. At bago pa niya napigil ay nag-unahan na sa pagpatak ang kanyang mga luha.
Kung palagi nitong sinasabi na mahalsiya nito ay agnoon din naman siya. Mahal na mahal niya ito kaya pumapayag siya na may mamagitan sa kanila. Ngunit batid niyang mali ang mahalin ito dahil hindi na ito malaya sa mata nang lahat.
Napasinghot siya.
Narinig marahil nito iyon dahil idinilat nito ang mga mata. “You’re crying,” anito.
Lalong bumalong ang mga luha niya. “Nahihirapan ako sa ganito,” wika niya sa garalgal na tinig. “Tapusin na natin ang kahibangang ito.”
Hinawi nito ang ilang hibla ng buhok na tumakip na sa mukha niya.
“I love you,” wika nito pagkaraan.
“Hindi sapat iyan para... para ituloy natin ito. Mali `to. Hindi ko na kaya,” humahagulhol niyang wika.
Hindi ito kumibo. Bumuka ang bibig nito para magsalita ngunit tila may kung anong puwersang pumipigil dito. Pagkaraan ng tila napakahabang sandali ay muli nito iyong itinikom. Walang anunang salitang nanulas sa mga labi nito.
“Simula ngayon kalimutan na natin ang lahat ng nangyari,” nakikiusap na wika niya rito.
Bumadha ang pagtutol sa mukha nito. “Rafy...”
“Don’t protest. Just kiss and love me for the last time,” mahinang sabi niya. “If only for the last time.”
Niyakap siya nito nang mahigpit.
At muli ay pinagsaluhan nila ang pag-ibig para sa isa’t isa na marahil ay hindi magkakaroon ng maligayang wakas. Mas nanaisin pa niyang siya na lamang ang magdusa sa mga susunod na araw kaysa masaktan ang mga taong mahal niya at pinagkakautangan ng utang-na-loob.
Wala na ito sa tabi niya nang magising siya kinabukasan. May lungkot na bumalot sa kanyang puso. Ibayong kahungkagan ang kanyang naramdaman.
“Napakagandang bata. Mas lamang na hawig kay Abby, di ba, Lolo?”
Magkasama sila ni Don Ed na nakatanghod sa nursery. Si Don Ed ay dumiretso sa ospital mula sa airport nang itawag niya dito kagabi na humilab nang matindi ang tiyan ni Abby nanauwi sa emergency CS. Premature ang baby ni Abby. Sa kabila ng health risk, nairaos naman ni Abby na maipanganak ito.
“Salamat sa Diyos na nakaraos na silang mag-ina. Bawat araw ay nag-aalala ako sa kanila. Nasaan nga pala si Timothy?” tanong ng matanda.
“Nandiyan lang siguro at nag-aasikaso.” Magkasama sila buhat kagabi na isinugod nila si Abby sa ospital pero halos hindi sila mag-usap maliban na lang kung tungkol kay Abby ang paksa. Nang ipasok sa OR si Abby ay siya na ang kusang dumistansya.
“Samahan mo akong mag-almusal, Rafy. Tingin ko sa iyo ay napuyat ka,”
“It’s okay, Lolo. Ganoon naman talaga. Mahirap humanap ng tulog kapag nag-aalala.”
“Kaya dapat na kumain ka. Nandito na ako. Puwede ka munang umuwi at magpahinga.”
“Umuwi sa Maynila, Lolo?” nananatiyang tanong niya.
“Saka na natin pag-usapan ang tungkol diyan. Balak kong maglagi din dito ng ilang araw. Aba, sabik din akong makakarga ng apo sa tuhod.”
“That’s expected, Lolo. Mabuti naman at nag-decide kang magtagal din dito. Tiyak na matutuwa din si Abby niyan.”
“PIA!” TAWAG ni Rafy rito nang makita niya itong palabas ng airport. Hangos itong naglakad palapit sa kanya at tuwang-tuwang niyakap siya. Tinawagan siya nito noong isang araw at sinabi nitong maaari itong magbakasyon doon nang ilang araw bago tumulak patungong Amerika.
“Na-delay ang flight ko. Kanina ka pa ba?” tanong nito nang makasakay na sila sa kotse.
“Hindi naman. Nanggaling pa kami sa ospital kasi ngayon din ang labas ni Abby. Kapapanganak lang niya,” masayang balita niya rito. “Akala ko nga ay late na ako sa pagsundo sa iyo.”
Tumango ito. “Kumusta na si Abby?”
“Okay naman. Babae ang anak niya.”
“’Kakainggit naman siya,” anitong ang tinig ay mas kababakasan ng tuwa kaysa pananaghili. Noong nasa high school pa sila ay tila isang nakababatang kapatid ang turing nito kay Abby. “I’m sure nandito si Lolo Ed ngayon.”
“Oo. Alam mo naman si Lolo. Laging on the go siya para kay Abby. Natutuwa nga siya na sabay nang makakalabas sina Abby at ang baby. Akala nga kasi namin, kakailanganin pang maiwan ng baby sa ospital dahil nga premature.”
“Minsan kasi akala natin napaka-fragile ng baby. Kaya nagugulat pa tayo kapag ganoon pala sila ka-stable. But of course, since premature, kailangan din talaga ng extra attention.”
“Oo nga. So ikaw kelan mo balak?”
Habang daan ay panay ang kuwento nito ng tungkol sa boyfriend nito sa Amerika. Siya naman ay nakikinig lang. Masaya siya para dito. Nakakahawa ang kasiyahang nakabadha sa mukha nito.
Pero nang magtanong ito tungkol sa love life niya ay napipi siya. Hindi siya agad nakasagot.
“Don’t tell me iyang silence mo means mayroon na?” nakangiting tukso nito sa kanya. “Sino ang magaling na lalaki na nakakuha ng atensiyon mo?”
Umiling siya at iniiwas ang mga mata rito. “W-wala pa,” pagkakaila niya.
“Oh, come on. tell me, Raphaella,” anitong pinihit pa ang mukha niya paharap dito.
Pilit siyang tumawa. “Wala nga.”
“Okay, sabi mo, eh,” halatang hindi naniniwalang sabi nito. Nagkibit pa ito ng mga balikat.
Pinuri nito ang villa nang makarating sila roon. Nang makababa ng kotse ay agad itong nagyayang bisitahin si Abby at ang baby nito. Inabutan nila si Abby na karga ang baby nito. Katabi nito si Timothy sa upuan.
Nakadama siya ng inggit. Nang magtama ang mga paningin nila ni Timothy ay kaagad niyang iniiwas ang mga mata rito. Hinayaan niyang si Abby ang magpakilala kay Pia rito.
“Welcome, Pia. Huwag kang maiilang dito. Feel at home,” mainit na estima ni Timothy sa babae.
Napakunot-noo siya nang tila namalikmata si Pia. Ilang saglit bago nito inabot ang nakalahad na kamay ni Timothy para makipagkamay. Kaagad din nitong binitawan ang kamay ni Timothy pagkatapos ng maikling “hi.”
“Come on, Pia,” yaya niya rito nang mapansing tila hindi pa rin ito nakabawi sa pagkatigagal. “Ituturo ko sa iyo kung saan ang kuwarto mo.” Hinila na niya ito sa kamay palabas ng silid para ihatid sa isa sa mga guest rooms.
“Ang guwapo ng napangasawa ni Abby, `no?” komento nito habang habang binubuksan ang dalang bag.
Siya naman ay umupo sa malambot na kama at pinagmasdan lang ito. Nang magtangka siyang tulungan ito ay tinampal nito ang kamay niya. “Kaya ko na ito,” sabi nito. “Ang sabi ko, ang guwapo ng napangasawa ni Abby,” pag-uulit nito sa sinabi.
“Tingin ko nga. May crush ka nga `ata sa kanya, eh. Mukha kang natuka ng ahas kanina, eh,” biro niya rito.
“Hindi,” mabilis nitong tugon. Tumigil ito sa ginagawa para tingnan siya. “He looks familiar. Parang nakita ko na siya somewhere.”
“Saan naman?”
“Hindi ko nga matandaan.”
“Sign of aging na `yan, my friend,” natatawang tukso niya rito.
Nakangiting napailing na lamang ito. Binalikan nito ang ginagawa. “Heto nga pala. For you.” Iniabot nito sa kanya ang isang paper bag. “Pasalubong ko sa `yo.”
May kasiyahang inilabas niya ang laman ng paper bag. Cool Water for Women at sari-saring chocolates ang laman niyon. “Thank you. `Buti at `di mo nakalimutan ang paborito kong pabango.” Nag-spray pa siya nang kaunti sa likod ng tainga. “Hindi ka naman pala ganoon katanda. Hindi ka nakalimot magdala ng pasalubong.”
“Excuse me, `no. Pagod lang ako. At magkaedad lang tayo, in case nakalimutan mo na. And I have a certain advantage over you, ako ay may boyfriend, ikaw ay zero pa rin ang love life,” ganting-tukso nito.
“Oo na. Ipagdiinan ba. Magbihis ka na nga,” tatawa-tawa pang sabi niya rito. Tumayo na siya at humakbang patungo sa pinto. “Hihintayin na lang kita sa may pool, left side pagbaba mo,” pahabol niyang sabi bago tuluyang nilisan ang silid.