“MAHILIG ka pala sa mga halaman.”
Kagyat na napalingon si Rafy kay Timothy. Hindi niya namalayan ang paglapit nito dahil masyadong buhos ang kanyang atensyon sa ginagawa.
“Ito lang naman ang ilan sa mapaglilibangan dito,” sagot niya at ngumiti pa rito. “Well, kapag mainit na, cross stitch naman o kaya ay mag-experiment ng mailuluto.”
“Kaya pala magaganda ang mga tanim dito dahil maganda ang nag-aalaga.”
Nawala ang ngiti sa mga labi niya. “Pati ba naman ako idadamay mo pa sa bobolahin mo. More than enough nang kay Abby mo ituon ang mga ganyan,” sambit niya.
“Well, I’m just telling the truth,” wika naman nito.
Natigilan siya sa narinig. Dahil doon ay hindi niya napigil ang sariling huwag itong lingunin. Nahuli niya itong nakatitig sa kanya. Nakadama siya ng alinsangan at hindi niya maintindihan kung bakit.
Dati na silang malapit sa isa’t isa. Kusa na lang sigurong nag-adjust ang klase ng closeness nila nang mapangasawa ito ni Abby. Para kasing sila na lang din ang kapamilya nito dahil wala na itong mga magulang at ang nag-iisa nitong kapatid ay nasa ibang bansa pa gayundin ang ilan nitong kamag-anak. Sa laki ng pag-aaring mayroon ito sa Iloilo, hindi niya maiwasang malungkot na halos wala itong pamilya.
Ang Timothy na kaharap niya ngayon ay masasabi ring friendly, subalit may pakiramdam siyang malaki ang kaibahan sa friendliness na ipinakikita nito noon sa kanya bago ito nagtungo sa Amerika.
Binitawan niya ang hawak na pambungkal ng lupa at inalis ang suot na gwantes bago tumayo at pinagpag ang suot na maong shorts.
“Kumusta nga pala ang lakad mo sa Amerika? Ilang linggo ka ring hindi nakatawag,” tanong niya para ibahin ang usapan. “Akala namin ay kung ano na ang nangyari sa iyo. Kung makikita mo lang ang itsura ni Abby, halos magmukha nang luka-luka sa pag-aalala sa iyo.”
“Okay naman,” tipid na sagot nito.
Tumangu-tango siya. “Well, at least hindi na mag-aalala pa si Abby ngayong nakabalik ka na.”
“Hindi kita itinataboy but I just want to know, kailan mo balak umalis? Sabi mo nga, ngayong nakabalik na ako ay may palagay akong anhin mo na lang ay makabalik ka sa Maynila.”
Napangiti naman siya. “No offense taken. Oo, balak kong sumabay na kay Lolo Ed next week. Nami-miss ko na rin ang opisina.”
“Why don’t you stay here for a while? Hanggang sa makapanganak na si Abby,” suhestiyon ni Timothy.
Nanlaki ang mga mata niya at napailing. “Naku, ilang buwan pa iyon. Marami akong naiwang trabaho sa opisina. Tutal naman ay nandito ka na. Hindi na kami mag-aalala ni Lolo Ed kay Abby. Kung magtatagal pa ako dito baka makalimutan ko nang nagtatrabaho pala ako. Baka makasananayan kong ganito ang routine ng buhay ko.”
Hindi ito kumibo, sa wari ay may iniisip itong malalim.
“Maiwan na kita. Doon na muna ako sa loob,” paalam niya.
Akma na siyang tatalikod nang abutin nito ang kanyang braso.
Nilingon niya ito. “B-bakit?”
Matagal siya nitong tinitigan bago nagsalita. “W-wala. Gusto ko lang magpasalamat sa iyo.”
Pinilit niyang ngumiti. “Don’t mention it. Basta para kay Abby.” Napatingin siya sa kamay nitong nakahawak sa braso niya. Kaagad naman siya nitong binitiwan.
Mabilis siyang tumalikod. Hindi niya malaman kung nagiging malisyosa lamang siya lately, pero pakiramdam niya ay may kahulugan ang mga tinging ipinupukol nito at ang paghawak-hawak sa kanya.
Maging sa sarili ay naguguluhan siya dahil naapektuhan siya sa paraan ng pagtitig nito sa kanya. Pakiramdam niya kapag kaharap ito ay hindi na ito ang dating Timothy na kilala niya.
Bakit tila nag-iba ang pakikitungo nito sa kanya? Hindi kaya...
Napailing siya at ipinilig ang ulo para itaboy ang nasa isip. Hindi maaari! Baka nabibigyan lang talaga niya ng kulay ang mga kilos nito. Nakakahiya kay Abby at maging kay Lolo Ed.
NATUTUWANG pinagmasdan ni Rafy ang pagsisilbi ni Abby kay Timothy nang nanananghalian na sila.
“Honey, tikman mo ito. Relyenong sugpo iyan,” ani Abby pa rito. “Ipinaluto ko pa ito para sa iyo,” dagdag pa nito habang nilalagyan ng ulam ang plato ni Timothy.
“Ayoko ng sugpo.”
Natigilan si Abby at nagtatakang napatingin sa asawa. “Honey, hindi ba’t paborito mo itong relyenong sugpo?”
Napatingin siya sa mga ito.
“O-oo nga. Pero nakakasawa na kasi,” sagot ni Timothy.
Napalitan ng pagkunot ng noo ang pagtatakang nakarehistro sa mukha ni Abby.
“Honey, itong adobong manok na lang ang kakainin ko. Ikaw ang nagluto nito, `di ba?” nakangiting sabi ni Timothy na inakbayan ang asawa.
“S-sige.” Ngunit nasa mukha pa rin ni Abby ang labis na pagtataka.
“Mas masarap tiyak itong luto ng misis ko,” sabi pa ni Timothy na nginitian ito. Tila nais nitong makabawi para maiwasan ang pagtatampo ni Abby.
Napangiti na rin si Abby sa sinabi nito. “Ikaw talaga, kailan ka pa naging bolero?”
Tahimik lamang niyang pinagmamasdan si Timothy. Ayaw niyang isipin ngunit marami siyang napapansing pagbabago rito mula nang dumating ito buhat sa Amerika.
“HIJA, what are you talking about?” waring manghang sabi ni Lolo Ed nang dumating ito sa Villa Evangelista at kausapin niya tungkol sa napapansing pagbabago ni Timothy.
“K-kasi napapansin ni Abby na parang... parang laging tahimik si Timothy. Para daw laging malalim ang iniisip,” paliwanag ni Rafy rito.
Hindi niya masabi rito ang paglapit-lapit at pagtitig sa kanya ng lalaki. Ayaw niyang isipin ng lolo niya na binibigyan niya ng malisya ang mga kilos ng kanyang bayaw kaya iyon na lamang ang sinabi niya.
“Rafy, hija, baka marami lang iniisip si Timothy tungkol sa negosyo.”
“Lolo, hindi kaya may naiwan sa ibang bansa si Timothy. B-baka may babae siya ro’n?”
Tumawa ito at ikinumpas ang kamay. “Hija, you’re jumping into conclusion. Hindi iyon gagawin ni Timothy,” puno ng kompiyansang wika nito.
Hindi siya kumibo pero hindi nabura ang pagdududa niya.
Nilapitan siya nito at tinapik sa balikat. “Stop worrying, Rafy. Baka mamaya ay marinig pa iyan ng pinsan mo. Alam mo naman iyon.”
Bumuntong-hininga siya. “Hindi naman sa ganoon, Lolo. Kaya lang... Oh, forget what I’ve said,” aniya kasabay ng mariing pag-iling. “Kung anu-ano lang marahil ang pumapasok sa isip ko dahil nami-miss ko na ang trabaho ko.”
“I think so, hija,” pagsang-ayon nito.
“Does that mean na puwede na akong bumalik sa trabaho? Gusto ko sanang sabay na tayong bumalik.”
Hindi kaagad ito sumagot. Waring nahulog ito sa malalim na pag-iisip.
“Lolo, is there any problem?” hindi nakatiis niyang tanong dito.
Nagpakawala muna ito ng hininga bago nagsalita. “I’m sorry, Rafy, but you have to extend your vacation.”
Nawala ang ngiti sa mga labi niya. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito at alam niyang hindi iyon nakaila rito. Kilala na siya nito tulad ng pagkakakilala niya rito.
“Actually, kinausap ako ni Abby na kausapin ka to stay here for a while hanggang sa makapanganak man lang siya,” anito sa alanganing tinig.
“Lolo!” May pagtutol sa tinig niya. “Ilang buwan pa bago siya manganak. Paulit-ulit na lang ang ginagawa ko dito. Hindi ako productive dito gaya ng gusto ko talagang gawin sa buhay ko.”
“Rafy, hija, isipin mo na lang na nagbabakasyon ka pa rin. Kailangan ka ni Abby rito.”
“Narito na si Tim. H-hindi na ako kailangan ni Abby,” katwiran niya.
“Hindi kasi ako mapapalagay kung walang makakasama rito ang pinsan mo,” paliwanag nito.
“Paanong walang makakasama? Narito na ang asawa niya. At sa totoo lang parang kalabisan na nga ang presensya ko dito. There’s nothing to worry about Abby anymore!” Hindi man sinasadya ay tumaas ang boses niya.
“Rafy, you can go back to work anytime. Nakikiusap ako sa iyo, stay here hanggang sa makapanganak lang sana si Abby. Mainam na iyong narito ka. Bukod kay Timothy ay may makakasama ang pinsan mo,” kumbinse pa nito.
Hindi siya nakakibo. Sa tingin niya ay nakapagdesisyon na ito bago pa man nito ipinaalam sa kanya ang bagay na iyon. Gaya noong una, gusto pa sana niyang tumutol ngunit nakaramdam naman siya ng hiya rito lalo at madalang itong humingi ng pabor sa kanya.
“Try to understand the situation, hija. Besides, mukhang nahihiyang ka sa bakasyon. Maganda ang pangangatawan mo ngayon kaysa noon. At hindi na maputla ang kulay mo. Dati-rati’y puro hanging nanggagaling sa aircon ang nasasagap mo,” dagdag pa nito.
“Okay, Lolo. If that is what you want,” resigned na nasabi na lamang niya.
“Thanks, hija,” natutuwang sabi nito. “Alam kong kahit kailan ay maaasahan ka.”
“So, how’s the office?” tanong niya rito para ibahin ang usapan. Masama ang loob niya sa pagpayag ngunit hindi niya magagawang palakihin pa ang isyu na iyon.
“It’s fine though everybody is missing you there,” anito. “Especially Alexander.” Nahimigan niya ang panunukso sa tinig nito nang banggitin ang pangalan ng isa sa mga binatang executives sa kanilang opisina.
“He’s just a friend, Lolo,” agad niyang tugon.
“Bakit? Wala naman akong sinasabi. You’re so defensive, Rafy. Tandaan mong ang isda ay madalas na mahuli sa bibig,” natatawang sabi nito. “But if you’re going to ask me, he’s a good and responsible man.”
“Alexander is just a friend, Lolo. Nothing more, nothing less,” puno ng kombiksiyong wika niya.
Muli itong tumawa nang malakas. “Sige na nga.” Buong giliw siyang inakbayan nito. “Salamat, hija, sa pagpayag mong manatili pa rito. Kahit paano’y napanatag ako.”
“Ikaw pa, Don Ed! Kanino pa ba magmamana si Abby kung hindi sa iyo din? You always get what you want,” biro niyang sumandig pa sa balikat nito.