SINIKAP na inalis ni Rafy ang hinala niya kay Timothy nang sumunod na mga araw. As much as possible ay pinilit niyang maging kaswal kapag kaharap ito. Nagkunwari siyang hindi napapansin ang mga tinging ipinupukol nito sa kanya kahit na naaapektuhan siya.
“Rafy,” tawag sa kanya ni Timothy. Nasa lanai siya ng malaking bahay at nagbabasa ng magazine nang lumapit ito.
Sa paningin niya ay lalo itong naging attractive sa suot na maong pants at T-shirt na puti. Litaw ang maganda nitong pangangatawan sa suot.
Hindi niya maintindihan kung bakit nakadama siya ng paghanga rito. Dati ay bale-wala sa kanya anuman ang hitsura nito. Gusto niyang isiping iyon lamang ang kauna-unahang pagkakataong nakita niya itong ganoon ang suot. Madalas ay naka-slacks at polo ito.
Gusto niyang mainis sa sarili dahil habang lumilipas ang mga araw ay nararamdaman niyang lalo siyang naaapektuhan ng presensiya nito. Bahagyang kibot ay mayroon siyang napapansin dito.
“For you.” nakangiting iniabot nito sa kanya ang plastic bag. Naaninag niya ang Indian mango na laman niyon.
Nagtatakang napatingin siya rito.
Nang hindi siya kumilos para tanggapin ang iniaabot nito ay inilapag nito iyon sa upuang malapit sa kanya. Pagkuwan ay naupo pa ito sa tapat niya.
“Bagong pitas `yan,” sabi nito. “Naisip ko kasi na baka gusto mo.”
“T-thank you,” alanganing sagot niya. “Pero hindi ako mahilig sa mangga,” tanggi niya kahit na ang totoo ay paborito niya ang prutas na iyon.
“Pero ang sabi ni Abby—”
“M-may gagawin nga pala ako sa kuwarto ko. Excuse me,” pagdadahilan niya. mabilis na siyang tumayo at iniwan ito.
“BAKIT hindi mo na lang ipadala sa katulong?” tanong ni Rafy kay Abby. Gusto nitong dalhin niya ang ilang importanteng papeles kay Timothy. Nasa hacienda ang lalaki at hindi raw ito makaalis dahil dumating ang kausap na negosyante.
“Sabi ko nga. Kaso ay mahalaga ang mga papers na ito at hindi maaaring ipagkatiwala sa kung sino lang,” paliwanag sa kanya ng pinsan. “Biglaan naman kasing dumating iyong kausap niya. Ako na nga lang sana pero kauulan lang. Madulas ang daan at mahigpit niyang ibiniling dumito lang ako sa bahay.”
Gusto niyang tumanggi pero nahihiya siya rito. Naiintindihan niyang delikado kung ito pa ang pupunta roon at hindi niya nais na siya ang mabato ng sisi kung sakaling may mangyari dito.
Kaya tutol man ang kalooban ay pinagbigyan niya ito. Kahit na nga ba hanggang maaari ay iniiwasan niyang makaharap si Timothy lalo na at wala sa paligid si Abby. Hindi man niya maintindihan ang nararamdaman ay talagang naiilang siya sa tuwing magkakalapit sila ng lalaki.
“Don’t worry, Ipapahatid kita sa driver para hindi ka na mahirapang mag-commute,” ani Abby.
“Sige, sandali lang at magpapalit lang ako ng damit,” tugon niya.
“Thank you, Rafy,” nasisiyahang sabi pa nito. “Pasensiya ka na. Tama si Timothy nang i-suggest niyang dumito ka na lang muna sa villa. Malaking bagay talaga ang presence mo dito.”
Napakunot-noo siya. Kung ganoon, si Timothy pala ang nagbigay ng ideya rito nang hilingin nitong magtagal pa siya roon.
Hindi niya alam kung ano ang balak ng lalaki pero maraming mga katanungan ang naglalaro sa kanyang isipan.
SINALUBONG si Rafy ng nakangiting si Timothy. Tulad ng dati ay taglay nito ang karismang sa wari ay nagmamagneto sa kanya. At gusto niyang kagalitan ang sarili dahil tila wala siyang lakas para kumontra at sa halip ay ramdam niyang nahihigop siya ng karisma nito.
“Here.” Walang kangiti-ngiting iniabot niya ang mga papeles dito. Nakatalikod na siya para bumalik sa kotse nang hawakan nito ang braso niya.
“Rafy, why don’t you stay for a while? May nakahandang meryenda diyan.”
“May kailangan ka pa ba?” mataray niyang tanong.
“Wala naman. Kaya lang—”
“Wala naman pala,” putol niya. “Hindi ko alam kung ano laman ng envelop na iyan para ako pa ang maging mensahero ninyo. Kung hindi nga lang sakondisyon ni Abby, hindi ako pupunta dito.”
“Iniiwasan mo ba ako?” tanong nito.
“Babalik na ako sa villa,” pag-iwas niya.
“Rafy...” Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa braso niya.
“Ano ba?” Pumiksi siya para alisin ang kamay nito sa kanyang braso.
Kumunot ang noo nito. “Hey, galit ka ba sa akin?”
“Hindi. Pero ayoko ng mga ikinikilos mo,” diretsang tugon niya sa tanong nito.
Tinitigan siya nito. “What’s wrong with my actions?”
“Iyon nga ang hindi ko maintindihan. Mula nang bumalik ka ay parang nag-iba ka na.” Parang hindi na ikaw si Timothy, gusto niyang sabihin pero pinili niyang sarilinin na lang iyon. “Parang ano?” untag nito.
She chose to ignore his question. “I better go. Dinala ko lang ang mga iyan sa pakiusap ng asawa mo.” Diniinan pa niya ang pagkakabigkas sa salitang “asawa.”
Iyon lang at mabilis na niya itong tinalikuran. Ramdam niya ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib habang naglalakad patungo sa sasakyang naghihintay sa kanya.
TINANGHALI ng gising si Rafy dahil napuyat siya sa pagko-cross-stitch. Balak niyang tapusin agad iyon para maipa-frame na niya at nang maibigay na niya kay Abby bago ito manganak. Talaga namang para kay Abby ang sinimulan niyang mother and child ang disenyo.
Katatapos lamang niyang mag-shower nang katukin siya ng isang katulong. Ipinatatawag na raw siya ni Abby para mag-almusal. Dumiretso na lamang daw siya sa pool area.
“Rafy!” sigaw ni Abby nang magtungo siya roon. Nakaupo ito sa garden set. “Dito na ako nagpahanda ng almusal.”
Lumapit siya rito at habang naglalakad ay hindi niya naiwasang hindi mapatingin sa pool. Nakita niya roon si Timothy na tila atletang nagsasanay para sa Olympics. Umaagaw sa asul na tubig ng swimming pool ang itim na swimming trunks nito. His back rippled with every stroke. Mabilis siyang bumitaw ng tingin dito bago pa dumami ang mapapansin niya sa katawan nito.
“Tinanghali ka yata ng gising?” nakangiting tanong ni Abby sa kanya.
Ibinaling niya ang tingin rito. “Napuyat kasi ako sa pagko-cross-stitch.” Umupo siya sa bakal na silya bago nagsalin ng orange juice sa baso.
“Naiinip ka na ba rito, Rafy?” usisa nito.
Nagtatanong ang mga mata na tumingin siya dito.
“Alam ko naman kung gaano kahalaga sa iyo ang trabaho mo,” seryosong sabi nito. “Nakakahiya sa iyo at natigil ka rito.”
Ngumiti siya at ibinaba ang hawak na pitsel. “Huwag mong isipin iyon. I’m okay.”
“Alam kong hindi mo lang matanggihan ang Lolo,” wika pa nito.
“Abby, tama naman ang Lolo. Mas mainam na narito ako hanggang sa makapanganak ka. Nami-miss ko lang ang trabaho, pero somehow I’m enjoying my vacation here.” Pinasigla pa niya ang tinig para mawala ang pag-aalala nito.
“Thank you. Siyanga pala, ninang ka nitong baby namin,” nakangiting sabi nito, sabay himas sa maumbok na tiyan.
“Dapat lang,” pabiro niyang sagot.
“`Buti nga at nandito ka. Masaya talaga ako.” Bumuntong-hininga ito, saka tumingin sa gawi ng pool. “Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay marami nang nabago kay Tim simula nang bumalik siya mula sa Amerika. Nabawasan ang sweetness though naroon ang pag-aalala niya sa akin at sa baby namin, pero parang...” hindi maikaila ang lungkot sa tinig nito, “parang nag-iba siya.”
Naumid siya. Ilang sandali pa ang nagdaan bago niya nakuhang sumagot. “H-hindi naman siguro,” sansala niya sa sinabi nito. “Baka akala mo lang iyan. You know, part of hormonal changes dahil buntis ka.” Hanggang maaari ay ayaw niyang ipamalay dito na iyon din ang napapansin niya sa asawa nito.
Umiling ito. “Hindi siya dating ganyan. Mas sweet siya noon. Minsan tuloy, nai-insecure ako. Naiisip kong baka kaya nagkakaganyan siya ay dahil wala na akong figure sa laki ng tiyan ko.”
Pinilit niyang tumawa. “Ano ka ba? Kung anu-ano ang iniisip mo. You’re just imagining things.”
Then I’m imagining things, too, naisaloob niya.
Nagkibit-balikat ito at tumingin sa kanya. “Ewan ko. Kahit sa pagtulog namin, kahit nasa tabi ko siya, pakiramdam ko ay hindi si Tim ang kasama ko.”
“Abby, stop it,” saway niya rito. Hindi niya masabi ritong siya man ay naguguluhan. “Remember, ang sobrang pag-iisip na iyan ay hindi mabuti para sa bata.”
“Ang dami ko kasing napapansin sa kanya,” patuloy pa rin nito. “Gusto ko tuloy isipin na hindi ko pa nga siya kilala sa ilang buwan naming pagiging mag-asawa.”
“B-baka nga ngayon pa lang talaga kayo nagkakakilala. Saka habang-buhay ang samahan ninyo at sa mga panahong iyon ay marami ka pang makikita o malalaman tungkol sa kanya,” paliwanag niya.
“Siguro nga.” Ngumiti na ito.
“Kaya tigilan mo na ang pag-iisip ng kung anu-ano. Masama `yan sa baby, in case nakakalimutan mo,” paalala niya rito.
Muling itong tumingin sa gawi ng pool. Napasunod siya ng tingin dito. Eksakto namang paahon si Timothy. Napalunok siya nang makita ang halos hubad na katawan nito. Droplets of water was dripping all over his body. Nasa tamang lugar ang lahat ng muscles at pipis ang tiyan nito.
Mabilis niyang iniiwas ang mga mata rito. Pakiramdam niya ay isang kasalanan ang humanga sa maganda nitong katawan. Ni minsan ay hindi siya naging ganoon ka-observant kay Timothy.
Hindi kaya...?
Imposible! sigaw ng isipan niya.
Ayaw niyang mag-isip ng kung anu-ano pero hindi rin niya mapigilan ang sarili. Hindi niya gustong isiping nagiging malisyosa na siya, ngunit hindi rin niya mapigilan ang pagsikdo ng kanyang dibdib. Isang bagay na hindi niya naramdaman kay Timothy kahit kailan. Hindi niya maintindihan kung bakit kapag tinitingnan niya ito ay tila hindi ang bayaw ang nakikita niya. Tila ibang tao ito.
At nadagdagan ang hinala niya nang malaman niyang hindi lang pala siya ang nakapansin ng pagbabago nito kundi pati na rin si Abby.
Muli siyang tumingin kay Timothy at huling-huli niyang nakatingin din ito sa gawi niya.
“Why don’t you take a dip?” anito nang makalapit.
“Oo nga, Rafy. Bakit hindi ka rin mag-swimming,” segunda ni Abby na tumayo para ito mismo ang magtuyo sa basang katawan ng asawa.
Napailing siya. “Wala akong hilig diyan,” aniya at kunwa ay inabala ang sarili sa pagkain ng almusal.