MATAMANG inobserbahan ni Rafy ang mga kilos at galaw ni Timothy nang sumunod na mga araw. Kahit naman paano ay kilala na rin niya ang original na Timothy—ang Timothy na pinakasalan ni Abby.
Yes, ngayon ay mas matimbang ang paniniwala niyang hindi ito ang Timothy na pinakasalan ng pinsan niya. Malamang ay ibang tao ito. Hindi siya kumbinsido na sa loob lamang ng ilang buwan na pagkawala nito ay magbabagoang maraming bagay tungkol dito.
Kabababa lang niya nang matanawan niya si Abby kasama ang nurse nito sa terasa. Kinawayan siya nito at tila may isinesenyas. Lumapit siya rito at sinundan ng tingin ang itinuturo nito.
“Look at him” sabi nito na itinuro si Timothy habang nag-e-exercise.
Hubad-baro ito at kumikislap pa ang katawan nito dulot ng tama ng araw sa pawisang balat nito. Napalunok siya. Parang nai-imagine niya ang sariling palad na humahaplos sa katawan nito. Mabilis na ipinilig niya ang ulo. Hindi niya ito dapat pagnasaan kung ganitong matining pa rin ang sundot ng konsensya sa kanya.
“Masyadong nagiging body-conscious yata si Timothy,” sa halip ay sabi niya nang bumaling kay Abby.
Inutusan muna nito ang nurse at nang makaalis ay saka siya sinagot. “Napansin ko nga rin.” Muli itong tumingin sa gawi ng asawa. “Noon kasing kakakasal lang namin ay hindi naman ganyan ang katawan niya. I should know, right?” at pilya pa itong ngumiti. “He’s fit pero hindi ganyan ka-fit. Tapos unti-unti napataba ko na rin. Lahat kasi ng gustong kainin, talagang inihahanda ko. Hindi naman siya nag-e-exercise kasi nauubos ang oras niya sa negosyo.”
“Mas maganda ngayon ang katawan niya. I mean, more fit. Baka mas health conscious na din.” Iniwasan niyang bumabad ang tingin niya kay Timothy.
Tumango ito. “Pati nga mga taste niya sa pagkain at ibang bagay ay nag-iba magmula nang manggaling siya sa Amerika. Masyado yatang nahiyang doon ang asawa ko. Hindi kaya—” Napatingin ito sa kanya.
Hindi kaya hindi ang totoong Timothy ang lalaki? anang isip niya.
Ngunit iba ang narinig niya kay Abby. “Hindi kaya may naging babae siya habang nasa Amerika?” May bahid ng pagseselos ang tinig nito.
“Kung anu-ano na naman ang pumapasok diyan sa kukote mo,” saway niya rito, pero sa isip niya ay higit na nagtutumining ang hinalang iba ang Timothy na kasama nila ngayon kaysa sa Timothy na umalis patungong Amerika.
“Kung minsan ay hindi talaga mawala sa isip ko iyon lalo at ang laki ng ipinagbago niya. Hindi imposibleng walang babaeng lumapit sa kanya. Baka pareho lang sila ng kakambal niya,” himutok nito.
“Kakambal!” gulat na bulalas niya. “Ibig mong sabihin ay may kakambal si Timothy? Don’t tell me, kambal sila ni Mac at hindi basta kapatid lang niya iyon?” Ni minsan man ay hindi nabanggit ni Timothy o maging sino kina Abby at Lolo Ed na ang Mac na binabanggit ng mga ito ay kakambal ni Timothy.
“Mismo. Si Mac nga. Identical twins sila,” kompirma naman nito.
Ibinaling niya ang paningin sa lalaki. Tinitigan niya ito. Unti-unti ay nagiging konkreto ang hinalang nabuo sa isipan niya. May isang bahagi ng puso na tila gustong magdiwang.
“Hindi ko yata kayang tanggapin na may ibang babae si Timothy,” muling wika ni Abby na tila hindi napansin ang pagkagulat niya sa nalaman.
“Mahal na mahal ka ng asawa mo. At ganyan na magkakaanak na kayo, parang hindi naman yata magagawa ni Timothy na ipagalit ka sa iba.”
“But he seemed strange to me. Ang laki ng ipinagbago niya.”
Tumikhim siya. “Abby, maiwan muna kita.” Iyon lang at mabilis na siyang tumalikod.
“LOLO, I know something is wrong,” sabi ni Rafy sa kanyang lolo nang tawagan niya ito sa Maynila.
“Imposible ang sinasabi mo, hija,” tutol nito.
“Hindi lang naman ako ang nakapansin ng pagbabago niya,” katwiran niya. “Maging si Abby ay naghihinala dahil marami siyang napansing nagbago kay Timothy o kung sino man siya,” paliwanag niya.
Hindi puwedeng basta na lang niya ipilit na ibang tao nga si Timothy. Na baka si Mac iyon. Hindi siya sigurado pero iyon ang gustong paniwalaan ng puso niya. Nabuhayan siya ng pag-asa na walang mali sa nararamdaman niya. Na hindi bawal ang pagmamahal na meron siya para dito.
“Why would Timothy do that?” Nasa tinig nito ang hindi pagkapaniwala. “Alam nating mahal niya si Abby. Lalo na at magkakaanak pa sila.”
Hindi siya nakakibo. May katwiran ito roon. Walang dahilan para hindi bumalik si Timothy. Batid nilang pareho na mahal na mahal nito ang pinsan niya. Ano naman ang ubrang dahilan nito kung sakaling si Mac ang pinagpanggap nito bilang ito.
“B-babae, Lolo,” wika niya bagaman duda siyang iyon nga ang maaaring dahilan. “O maaaring may mas mabigat pa siyang dahilan.”
Tumawa ito. “Come on, Rafy. We both know na hindi ganyan si Tim.”
“Ewan ko, Lolo. Pero I know there’s a mystery behind all these.”
“Kailangan mo na nga yata talagang bumalik sa opisina. Baka dahil sa sobrang pagkainip mo ay kung anu-ano na ang naiisip mo,” biro nito. “Or baka naman mamaya may gift ka pala sa fiction writing at iyan ang bunga ng imahinasyon mo.”
Hindi siya kumibo. Iyon na nga marahil ang pagkakataon na kausapin niya ito tungkol doon. Tutal, ito na mismo ang nag-ungkat ng tungkol sa pagbabalik niya sa Maynila.
Ngunit may pumipigil sa kanyang gawin iyon. May gusto siyang malaman. Gusto niyang alamin ang katotohanan.
“Hija, do you want to go back to Manila?” tanong nito nang hindi siya kumibo.
“N-no, Lolo. I want to stay here for a while,” umiiling pang tanggi niya.
Bago ito nagpaalam ay sinabi nitong anumang oras ay maaari na siyang bumalik sa Maynila kahit na hindi pa nakakapanganak si Abby. Tutal naman ay may kasama na itong nurse.
And ironic. Dahil kung kelan may go signal na ito para umalis siya, siya naman itong walang interes sa pag-alis.