Pagkaparada ng sasakyan sa labas ng bahay ni Haven ay agad nakaramdam ng takot si Esang lalo na at makita niyang maraming mga tao na naroon. Hindi naman siya takot sa mga tao, pero takot siya sa magiging reaksyon ng mga ito kapag ipakilala na siya mamaya ni Haven bilang girlfriend sa pamilya nito. Ano na lang kaya ang magiging reaksyon ng mga ito tungkol sa kaniya? Iyon ang kinatatakutan niya, ang mga panghuhusga at ang paglalabas muli ng madilim na nakaraan na matagal na niyang kinalimutan. Pero siguro lalakasan na lang niya ang loob dahil wala naman siyang ginagawang masama at para naman kay Haven ang lahat. “Ayos ka lang?” tanong sa kaniya ni Haven nang mapansin siya nitong hindi pa lumalabas ng kotse. Napagbuksan na pala siya nito ng pinto at kanina pa naghihintay sa kaniyang bumaba.

