Ngumiti siya. Hindi ito ang nakasayanan niyang gawain pero gagawin pa rin niya alang-alang kay Jowee. Hindi niya hilig na humarana pero sabi ni Yalke, ito raw ang gusto ng mga babae. Medyo ayos na rin siguro dahil nasubukan na niya noon na magpatugtog ng gitara. Ilang ulit pa niyang tinaas-baba ang mga daliri sa string ng gitara. Ramdam niya ang ugong niyon na kumikiliti sa daliri niya. "Ako'y sa 'yo," kanta niya sabay sulyap kay Jowee na nakatayo sa harapan. Kasalukuyan siyang nakaupo sa isang bench sa likod ng junior building. Pasado alas-dose na ng tanghali. Tinawag niya si Jowee kanina para marinig nito ang harana. Sa totoo lang, dapat ay nasa kantina o hindi kaya'y sa kalinderia sila sa mga oras na 'yon. Tinawanan pa ni Yalke ang ideya niyang mangharana sa tanghali. Sabi nito,

