Chapter 7

2023 คำ
Chapter 7 JEANNA MAAGA akong nagising at naghanda upang pumasok. Hindi na muna kami magsasabay ni Twinkle sa pagpasok dahil iba na ang boss ko ngayon. Kailangan ko rin namang magpa-impress para hindi niya isiping 'di ko deserve ang tripleng sahod na sinabi niya kung tototohanin nga niya. Dumating ako sa opisina niya at nagsimulang mag-ayos ng mga gamit. Ewan ko ba kung bakit nililinis ang mga bookshelves at table niya, eh, sa pagkakatanda ko ay trabaho iyon ng janitor o baka kasama naman 'yon sa job description ko. Ganoon kasi napapanood ko sa TV. Ipinagtitimpla pa nga ng kape ng mga secretary 'yong boss nila. Nakakainip kasi ang walang makausap at walang magawa dahil hindi ko pa alam ang schedule niya at nakadepende pa lang ako sa mga ipag-uutos niya. "Ay, ma'am, bakit ikaw na po ang naglilinis niyan?" tanong sa akin ni Kuyang Janitor. Maaga rin pala pumapasok si kuya pero mas maaga pa rin ako. "Naiinip po kasi ako. Napaaga ang pasok ko at wala akong magawa kaya ako na po ang naglinis." "Wow! Ang sipag mo naman po pala, ma'am. Buti ka pa, hindi maarte at hindi gaya no'ng pinalitan mo. Nuknukan ng arte at tamad kaya siguro pinalitan na ni sir." Tila ay pagsusumbong ni Kuyang Janitor. Ngumiti lang ako bilang sagot at ipinagpatuloy pa rin ang ginagawa ko. "Tulungan ko na po kayo." Alok ni kuya sa akin. "Sige po. Tama po ba ang paglilinis ko sa mga gamit ni Sir Dela Fuente?" tanong ko naman sa kaniya. "Ah, opo. Wala naman pong maling paglilinis, ma'am." "Baka po kasi may nakasanayang paraan ng paglilinis ng mga gamit si sir. First day ko pa naman bilang secretary niya tapos palpak ako agad." "Naku, hindi po. Maninibago lang po siguro si Engineer dahil naglinis ka po na hindi nagawa ng dati niyang secretary. Ano nga po pala ang pangalan niyo? Ako po si Dennis." "Jeanna po." "Siguro kaya ikaw ang kinuha ni Engineer ay dahil alam niyang mabait ka po," nakangiting sabi ni kuya. Sus! Kung alam lang sana niya. Mabait ba 'yon? Siguro, oo. Kung bakit ba naman sa dinami-dami ng lalaki ay sa kaniya pa ako nabaliw. Ni hindi nga niya ako kayang itrato bilang babae. Sabagay, sino ba naman ako? Noon pa man ay kilala na siya at maraming babae ang nagkakandarapa sa kaniya. Bigla tuloy akong na-curious kung nagka-girlfriend na ba siya o in a relationship na. "K-kuya, may itatanong sana ako, pero secret lang natin ito, ah?" Pabulong kong sabi kay kuya sabay lingon sa dako ng pinto at baka bigla itong bumukas. "Ano po iyon?" "May girlfriend na po ba si Sir?" "Girlfriend po? Hindi ko po alam, eh. Wala naman po akong nakikita na babaeng isinasama niya dito. Ewan ko lang po sa labas ng kompanya. Bakit mo po pala natanong? Crush mo si Sir, ano?" Panunukso sa akin ni kuya. "Nagtanong lang, crush na po agad? Bawal magtanong?" Depensa ko naman. "Karamihan po kasi ng nagtatanong tungkol sa lovelife ni Sir ay may gusto sa kaniya." Grabe naman si Kuya, talagang nilahat agad. Nagtanong lang, eh. Sabay kaming napatingin ni kuya sa pinto nang magsalita si Jerico. "Bakit kay Kuya Dennis mo itinatanong ang tungkol sa lovelife ko at hindi sa akin? Sa tingin ko ay mas ako ang may karapatang sumagot at nakakaalam ng totoong sagot," pangisi-ngisi nitong sabi habang nakatingin sa amin ni Kuya. "Nandiyan ka na po pala, Sir. Good morning po. Areglado na po ang opisina mo. Labas na po ako," pagbati ni Kuya Dennis sabay pagpaalam na rin. Naiwan akong akong nasa awkward state dahil narinig pala niya ang tanong ko kay Kuya Dennis. Ang lakas naman ng pandinig niya. Akala ko ay mahina na 'yong pagkakasalita ko kanina pero rinig pa rin pala. Nagtungo ako sa table na naka-assign sa akin at nagsimulang magkalkal ng kung anu-ano para makaiwas lang sa mga tingin niyang nagbibigay sa akin ng kaba. Sa tuwing nakikita ko siya ay lagi na lang awkward ang sitwasyon namin. Iyong feelings ko pala. Ako lang naman ang apektado dahil ako lang ang may hindi maipaliwanag na kahibangan sa kaniya. "Hindi mo naman siguro sinusubukang iwasan ako, 'di ba?" tanong niya sa 'kin. Nagkunwari akong focused sa ginagawa ko at hindi sumagot. "Jeanna," seryosong tawag niya sa pangalan ko na parang nagbabanta. Nagpakawala muna ako nang malalim na paghinga bago tumingin sa kaniya. "B-bakit po, Sir?" Kabadong tanong ko. "Puwede mong itanong sa akin nang diretso ang itinanong mo kay Kuya Dennis. Curious ka ba sa lovelife ko?" Heto na kakapalan ko na ang mukha ko. Ano pa ba ang point ng pagde-deny, eh, narinig niya na? "M-medyo lang po." "Wala akong girlfriend. But I like someone." Lihim na nagdiwang ang puso ko sa sagot niya. Wala pa siyang girlfriend. Ibig sabihin no'n ay may pag-asa pa ako. Gumanda bigla ang araw ko. "Wala? Weh? Parang imposible naman 'yon. Mayaman ka, matalino at gwapo. Ang dami kayang nagkakandarapa sa'yo pero single ka pa rin?" Tila ay wala sa loob na sabi ko. "Naga-gwapuhan ka sa 'kin?" tanong niya at muli ay sumilay ang nakakalokong ngisi niya. Napatunganga ako sa tanong niya at inisip ko kung ano ba ang sinabi ko. Halos mapa-tampal ako sa pisngi ko sa na-realize ko. "I-iyon ang madalas na marinig kong sinasabi ng mga babaeng empleyado dito." "But how about you? Do you find me attractive?" Diretsong tanong nito habang nakatitig sa akin. Natigilan ako at ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Magiging honest ba ako? Baka makahalata siyang gusto ko siya. Kaya lang naman ako kumapit sa magic spells ay dahil gusto ko na magustuhan niya ako at paglaanan ng atensyon. Nakakahiya naman kasi na ako ang magtatapat at manliligaw sa kaniya. Alam na alam ko namang pagiging desperada rin ang tawag sa ginagawa ko pero at least hindi masyadong halata. Nahihiya na nga akong makipag-kumustahan sa mga kakilala ko dahil pakiramdam ko ay napag-iiwanan na ako. Mga professional at kagalang-galang na sila tapos ako heto, naging personal julalay para sa tripleng sahod at nagpapakadesperada na mapansin ng boss ko. Hanggang sa buhay-pag-ibig ay palpak ako. Wala man lang akong puwedeng ipagmalaki. Alam ko namang masama ang mainggit sa kapwa at ikumpara sa iba ang sariling buhay pero hindi ko pa rin maiwasan. "Medyo," naiilang na sagot ko. O, 'di ba? Hindi ko dineny pero hindi rin ako totally umamin. In short, playing safe. "Medyo? Sa tingin ko ay dalawa lang ang puwedeng sagot sa tanong ko. Oo o hindi lang, tapos ang sagot mo ay medyo?" Kunot-noo niyang tanong. Sa loob-loob ko ay natatawa ako. Big deal ba masyado ang naging sagot ko? "Medyo dahil may ibang standards rin naman ako ng atrractive. Magkakaiba naman ng definition ang mga tao sa term na attractive." "So, what is your standard to consider someone as attractive?" Napaisip ako. Ano nga ba? Hindi ko naman puwedeng isagot na ang standards ko ay kagaya niya. Biglang pumasok sa isip ko ang klase ng lalaki na pinapangarap ko noong hindi pa ako nahihibang kay Jerico. "Ang gusto ko sa lalaki ay simple lang. Simple manamit, simple manalita at simple lang kung mamuhay. Hindi gano'n kahalaga sa akin ang itsura basta disente at hindi naman mukhang dugyutin ay pasado na. Iyon ang attractive para sa akin." "Karamihan ng mga babae ay gusto ng gwapo, malaki ang katawan at mapera. Parang imposible namang hindi ka attracted sa gano'n?" "Hindi lahat ng babae ay pareho ng gusto. Komplikado ang magkagusto sa lalaking mayaman at gwapo. Kung hindi ka magkakaroon ng maraming kaaway, eh, lolokohin ka lang. Karamihan sa mga lalaking pinagpala sa itsura at pera ay mapaglaro lang sa feelings ng mga babaeng nagkakandarapa sa kanila dahil hindi naman mahirap para sa kanila ang magkaroon ng lovelife." "Gano'n pala ang tingin mo sa mayayamang lalaki? Bakit nasubukan mo na bang magkaroon ng boyfriend na mayaman at niloko ka?" Medyo napahiya ako sa tanong niyang iyon. Wala pa akong experience sa kahit na anong relasyon dahil no boyfriend since birth ako. Bumase lang ako sa mga napapanood kong movies at drama series. "H-hindi. Wala pa naman akong naging boyfriend. Napanood ko lang 'yong gano'n sa mga movies." Humagalpak ito ng tawa. Pulang-pula na ang buong mukha niya sa sobrang katatawa. Nakaramdam ako ng inis dahil do'n. "Movies? Akala ko pa naman may experience kang hindi maganda sa gwapong mayaman, eh, yon naman pala drama addict ka rin at nagpapaniwala sa mga napapanood sa TV. Kayo talagang mga babae paniwalain sa mga madramang mga palabas kaya bentang-benta ang mga gano'ng palabas." Mas minabuti ko na lamang na hindi na umimik kaysa sa patulan ang sinabi niya. Akala mo naman ay may lovelife siya para may maibidang experience. Pareho kaming nabigla sa pagbukas ng pinto at iniluwa ang isang nilalang na mukhang coloring book ang mukha sa kapal ng make-up. Si Tricia. Ang secretary ni Jerico na pinalitan ko. Galit na galit ito na mababakas sa matalim na tingin nito sa akin. Para siyang bulkan na anumang oras ay sasabog. "Ito ba ang klase ng secretary na ipapalit mo sa akin? Halatang walang class at muwang sa ganitong trabaho. Baka nakakalimutan mong daddy mo pa mismo ang kumuha sa akin. Malaki ang tiwala niya sa kakayahan ko kaya pinili niya ako tapos basta mo na lang ako itatapon na parang basura. Sino ba ang babaeng iyan para ipalit sa puwesto ko?!" Galit na galit na sumbat nito kay Jerico. Naiintindihan ko naman ang pinanggagalingan niya. Kahit sino naman ay maghihinakit kung basta ka na lang aalisin sa trabaho mong pinaglaanan ng panahon sa loob ng ilang panahon. Sa part na 'yon ko lang siya naiintindihan at hindi sa kaartehan at sobrang katarayan kahit hindi naman bagay sa kaniya. "I am the boss kaya ako ang mag-de-decide kung sino ang gusto kong manatili sa opisina ko. Kung inayos mo sana ang trabaho mo ay hindi tayo aabot sa ganito. Hindi ko nakakalimutan na daddy ko ang kumuha sa'yo pero magkaiba kami ng desisyon. Hindi ko alam kung anong kakayahan ba ang sinasabi mong kinabiliban niya. Wala akong nakitang kakayahan sa pagtrabaho mo sa akin. Puro kaartehan lang at kayabangan." "At mas gusto mo ang walang muwang?" galit pa ring tanong niya. Kung makapagsabi naman siya na wala akong muwang ay daig ko pa ipinanganak lang kahapon. Gigil na ako sa kaniya pero mas pinili kong kumalma at manahimik. Baka mas malala pa ang masabi ko. "Does it matter to you now? Kung magaling ka, for sure maraming kukuha sa'yo at hindi mo na kailangang ipagduldulan ang sarili mo dito sa opisina ko." Bumaling ang tingin sa akin ni Tricia. Lumapit ito at akma akong sasampalin. Napapikit ako at hinintay na lamang na dumapo ang palad nito sa pisngi ko ngunit isang malakas na tunog ng sampal ang narinig ko na hindi sa pisngi ko lumapat. Hindi ko namalayan ang mabilis na paglapit ni Jerico at pagsalo sa sampal na dapat ay para sa akin. Magkahalong gulat at takot ang nakarehistro sa mukha ni Tricia. Maging siya ay hindi inakalang gagawin iyon ni Jerico. "S-sorry, h-hindi ko po sinasadya. Hindi iyon para sa'yo." "Wala akong pakialam kung para kanino 'yon. Get out! Aalis ka o tatawag ako ng security para kaladkarin ka palabas!" sigaw ni Jerico. Kagaya ni Tricia ay natakot rin ako. Parang kulog na dumagundong sa buong opisina ang sigaw niya. Nagmadali itong lumabas ng opisina na walang anumang salita ang namutawi sa kaniya. Hindi man lang ako tinapunan ng tingin ni Jerico at nagdiretso ito pabalik sa table niya. Nagtangka akong lumapit para i-check ang pisngi niyang nasampal ni Tricia pero mabilis rin niyang tinabig ang kamay ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa naging reaksyon niya. Kahit hindi man niya aminin ay alam kong ako ang may kasalanan kaya siya nasampal. Sana hindi ko na lang pala tinanggap ang offer niya sa akin. Maldita si Tricia, pero malinaw sa akin ang pinanggagalingan niya. Wala akong alam sa naging pag-uugali niya sa trabaho pero nangangailangan rin siya ng trabaho. Marahil ay nasaktan siya sa biglaang pag-alis sa kaniya ni Jerico sa trabaho.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม