Chapter 5

1943 คำ
Chapter 5 JEANNA Pareho kaming natigilan ni Twinkle nang may kumatok sa pinto. Nagtinginan kami at nagturuan kung sino ang magbubukas ng pinto. Alas-onse na ng gabi at wala kaming inaasahang bisita na darating. Kahit sa tingin pa lamang ay pareho naming batid ang takot na namamayani sa aming dalawa. "Ikaw na magbukas. Malakas naman ang loob mo." Sulsol ko kay Twinkle. "Ikaw na. Face your fears 'ika nga." "Ayaw ko nga. Paano kung maligno pala 'yang kumakatok? Gusto mo ba akong mamatay sa takot? Alam mo namang mahina ang loob ko pagdating sa mga ganoong bagay." Lalo kaming natakot nang may kumatok muli. Tatlong katok na mahina. Napa-sign of the cross kami at siya naman ay inilabas na ang rosaryo niya. "Ganito na lang.. tutal, pareho naman tayong takot at hindi tayo sigurado kung tao ba o maligno ang kumakatok sa pinto ay tayong dalawa na lang ang magbukas." "Ano?! Ikaw na. Ayaw ko pang mamatay." "So, gusto mong ako ang mamatay?" Masungit na tanong niya sa akin. "Masamang d**o ka. Imposible 'yon." Natatawang sagot ko. Lalo siyang nanggalaiti sa akin. Mabilis niya akong hinawakan sa kamay at kinaladkad papunta sa pinto. "Tayong dalawa ang magbubukas ng pinto sa ayaw at sa gusto mo. Kung maligno man ang nandiyan sa labas ay dalawa tayong makukuha. The friend that stays together, dies together." Ang lakas rin ng tama ng best friend ko. Nakaisip pa siya ng baduy na kasabihan sa kabila ng takot namin. Kahit pareho kaming nasa harapan ng pinto ay siya rin naman ang humawak sa doorknob at nagbukas nito. Ang dami pa kasing arte. Ipinikit ko ang mga mata ko bago niya ito mabuksan. Ramdam kong binuksan na niya ang pinto kaya lalo kong ipinikit ang mga mata ko. "Bakit naman kayo nakapikit?" Sabay kaming nagmulat ng mata ni Twinkle na nakapikit rin pala no'ng buksan ang pinto dahil sa maarteng pananalita na narinig namin. "Ikaw?! Santisimisang garapon naman, Ronaldo! Kakatok ka na rin lang daig mo pa si Kamatayan na nanunundo." Gulat at inis na palatak ni Twinkle sa pinsan niyang si Ronaldo. "Hindi niyo ba muna ako papasukin bago niyo ako talakan?" Maarte sabi nito sa amin. Oo nga, nagsabi ito sa amin na gusto rin niyang magtrabaho dito sa Maynila at gusto niyang magkakasama kami ng tirahan. Kinuha niya kay Twinkle ang number ng landlady ng tinutuluyan namin at siya na daw ang bahalang makipag-usap. 'Di ko rin naman akalain na ngayon na siya pupunta rito dahil wala naman siyang pasabi. Hinayaan na muna namin siyang makapasok at mailapag ang mga gamit niya. Dalawang kama lang ang mayroon dito sa kwarto dahil sadyang pandalawahan lang ang pinili namin ni Twinkle para kaming dalawa lang ang mag-u-ukupa sa isang kwarto. Mahirap na kasi ang magtiwala sa mga hindi naman talaga namin kilala lalo pa at karamihan sa mahahalagang gamit namin ay naiiwan lang sa kwarto namin. "Uso naman siguro ang technology sa bundok, ano? Ngayon na pala ang punta mo rito pero wala ka man lang pasabi. Tapos ganitong oras ka pa nakaisip pumunta rito." Sermon ni Twinkle sa pinsan niya. "Ang gandang pambungad naman niyan, insan. Ako nga dapat ang nagsesermon sa inyo dahil kanina pa ako kumakatok pero ang tagal ninyo akong pagbuksan." "Tigilan mo nga kami, Ronaldo. Simpleng chat o tawag man lang hindi mo nagawa. Hindi ka namin agad pinagbuksan kasi akala namin maligno na ang kumakatok sa pinto. At hindi naman kami nagkamali. Maligno nga na nagkatawang-tao ang kumakatok." "Rona nga, hindi Ronaldo. Kitang-kita mo na mas maganda ako kaysa sa'yo at mas babae pang tingnan tapos tatawagin mo lang akong Ronaldo." Reklamo nito kay Twinkle. Kababata rin namin ang beki na ito. Mga bata pa lamang kami ay nananalaytay na sa kaniya ang dugong sirena. Mas malantik pa ang pitik ng mga daliri at mas malandi pa kaysa sa amin. "Eh, bakit nga ngayon ka lang?" tanong ulit ni Twinkle. "Bakit ngayon kung kailan ang ating puso'y mayro'n nang laman." Pakantang sagot ni Rona. Hinila ni Twinkle ang mahaba, rebonded at blonde na buhok ni Rona. Ito talagang babaitang ito ay napakahilig manghila ng buhok. "Nanggigigil talaga ako sa'yo, Ronaldo. Makakalbo talaga kita." Umirap ito nang pagkaarte-arte. "Natagalan ako dahil nawala ako. Alam niyo naman na unang sampa pa lang ng mga paa ko dito sa Maynila at sa kasamaang-palad ay na-snatch rin ang cellphone ko kaya hindi ko kayo makontak. Kung kani-kanino ako nagtanong para mahanap itong address ng boarding house niyo. Nagalit pa nga sa akin ang landlady dahil dis-oras na raw ng gabi. Nakakaabala na raw ako." Lumambot ang reaksyon ng mukha ni Twinkle. Kahit ako man ay nakonsensya rin dahil nagawa pa naming pag-isipan siya ng masama. 'Yon naman pala ay may hindi magandang nangyari sa kaniya habang papunta rito. "S-sorry, Bakla. Kumain ka na ba? Mayro'n pa kaming tirang pagkain. Malinis naman 'yon. Gusto mong kumain muna bago magpahinga?" Alok ni Twinkle sa pinsan. "Sige. Gutom na gutom na akes. Wala naman akong baon na maraming datung papunta ditey." Ako na ang naghain ng pagkain para sa kaniya. Halata sa kaniya ang labis na pagod at gutom. Hindi rin naman mayaman ang pamilyang pinanggalingan niya kaya gusto niyang makipagsapalaran dito sa Maynila para makatulong sa kanila. "Kumusta ka naman, Jeanna? Balita ko nahanap mo na si Mr. Right mo dito? At katrabaho niyo pa." tanong niya sa akin. Hindi na ako nagtataka kung bakit alam niya ang tungkol kay Jerico. Wala namang ibang magsasabi no'n sa kaniya kundi ang pinsan niyang si Twinkle. "Ang lakas naman ng radar mo, ah? Nasagap mo agad 'yon?" Patawa-tawang sabi ko sabay hagod ng tingin kay Twinkle. Nagkunwari naman itong busy sa pag-ayos ng mga gamit. Inaayos niya ang magiging tulugan ni Rona. Dalawang double-deck na kama ang nasa kwarto namin. Pareho kaming nasa babang parte natutulog at tinambakan lang namin ng nga gamit ang taas na parte nito. Inalis ni Twinkle ang tambak na gamit sa taas ng hinihigaan niya at doon na ang magiging tulugan ni Rona. "Oo naman! Saka nasabi rin sa akin ni insan ang tungkol sa paggamit ninyo ng spells galing sa magic book ni lola. Na-excite ako mga babaita. Mahilig rin kasi ako sa mga ganiyang bagay. At dahil nandito na ako, tutulong ako para magawa natin ng maayos ang spells para ma-in love na nang tuluyan si Jerico sa'yo." Masayang sabi niya sa akin. Nasa lahi nga talaga nila ang pagkahilig sa kung anu-anong mga bagay. Specifically, sa mga kakaibang bagay. Mabuti na lang at hindi sila napagkakamalang may sira sa ulo dahil mas marami pa rin ang hindi naniniwala sa mga magic at spells. "Kayo talagang magpinsan ay napaka-chismosa. Wala man lang kayo mailihim sa isa't-isa." "Hoy! Grabe ka naman sa chismosa. Sadyang close lang kami kaya lahat ay nai-oopen namin sa isa't-isa. Don't worry, safe naman sa akin ang mga secrets mo." "Bilisan mo nang kumain diyan para makatulog na tayo. Bukas na ulit ang chika minute natin. May pasok pa kami." KINABUKASAN ay para kaming mga zombie na pumasok sa opisina. Iniwan naming natutulog si Rona. Ang sabi naman niya ay wala pa siyang pasok sa trabaho, sadyang inagahan lang daw niya ng biyahe papuntang Maynila. Sabagay, may point naman. Para 'di rin siya masyadong haggard sa pagpasok. Isang balita ang gumimbal sa lutang kong mundo dahil sa puyat. "Bakla, may nasagap akong chika." Pabulong na sabi sa akin ni Twinkle. No'ng una ay binalewala ko lamang ito sa pag-aakalang isa naman sa hindi mabilang na kalokohan niya ang tinutukoy niya. Sinundot niya ako sa tagiliran. "Ayaw mo talagang malaman?" Tanong niya gamit ang tonong madalas niyang ginagamit kapag kinukumbinsi ako. "At ano naman 'yan? Ayusin mo talaga. Kapag wala na namang kuwenta 'yan ibabalik na kita sa matres ng nanay mo. Alam mo namang wala ako sa mood tapos puro ka pa chismis." "Kung ayaw mo, eh, 'di 'wag na lang. Ako na nga itong nagmamagandang-loob, ako pa ang napapasama." Nagtatampong sabi nito at akma ng tatalikod sa akin, ngunit maagap kong pinigilan. "Masyado ka namang matampuhin. Ano ba 'yon? Magandang chika ba 'yan?" Excited itong dumikit sa akin na halos magkapalit kami ng mukha. "Hindi lang maganda, magandang-maganda. It's your moment to shine." Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niyang iyon. "Moment to shine? Mapo-promote na ako?" "Medyo makapal ang fes mo sa part na 'yan? Promotion agad? Pero, puwede na ring i-consider na promotion ang sasabihin ko sa'yo." "Ano nga 'yon?" "Patapusin mo muna kasi ako. Sabat ka nang sabat, eh." "O, sige na nga." "Nag-request daw si Jerico mo para gawin kang personal secretary niya. Ayieee! Pagkakataon mo na para mapalapit sa kaniya." Napakurap ako nang ilang ulit. Hindi ako makapaniwala sa balita ni Twinkle. "Talagang chismis lang 'yan, Twinkle. Imposibleng mangyari 'yan. Hindi ba't may kasa-kasama 'yong mataray na babae na daig pa ang mayordoma sa isang mansyon sa sobrang katarayan." "Naku! Hindi lang chismis 'yon. Narinig ko mismo doon sa personal secretary niya na ikaw daw ang papalit sa kaniya. Halata sa itsura niya na galit siya habang kinukuwento niya 'yon." "Weh? 'Di nga? Ikaw ha! Malaman-laman ko lang na niloloko mo ako.. titirisin talaga kita." Hindi ako makapaniwalang gagawin iyon ni Jerico. Like, sino ba naman ako, 'di ba? Most of the time dedmabels lang siya sa presence ko at idagdag pa ang palpak na magic spells na itinuro ni Twinkle. Wait, palpak nga ba? Baka umeepekto na ang ginawa namin kaya gano'n ang naging desisyon niya. "Hintayin mo na lang na ipatawag ka niya. Pero huwag naman masyadong obvious na may alam ka. Magkunwari kang walang alam. Huwag na huwag mong ipahahalata na patay na patay ka sa kaniya. Kailangang matuto ng leksyon ang hambog na 'yon." "Patay na patay talaga?" "Bakit? Hindi ba? Kaya ka nga pumatol sa gayuma dahil die-hard ka sa kaniya. Basta, kahit pa tumalab na ang love spell sa libro ni granny ay magpakipot ka pa rin. Dapat magmukhang siya pa rin ang nagpapapansin sa'yo, okay?" "Hala! Paano kung tumalab na nga, Babaita? Ibig sabihin ay magiging kami na?" "Dati, boto ako sa kaniya na maging jowa mo pero dahil mas pilosopo siya sa akin ay hindi na. Ano kaya kung hayaan mo lang siyang ma-fall sa'yo tapos bigla mong iwan sa ere? Para naman mabawasan ang overflowing confidence ng lalaking 'yon." Inis na suhestyon ni Twinkle. Aminado naman akong hindi talaga marunong magpatalo si Jerico at ayaw naman ni Twinkle na pinipilosopo siya kahit pa pilosopo rin siya. "Ako pa talaga ang gagawa no'n? Parang ang ganda ko naman. Kumapit nga ako sa spell ng ni Lola Marya para mapansin niya tapos gusto mong umasta pa akong siya ang naghahabol sa akin?" "O siya, 'wag na nga. Basta kapag paloko-loko 'yon, isumbong mo lang agad sa akin. Ako na ang bahala." "Naks! Napaka-supportive naman talaga ng bestfriend ko. Kaya nga laging lumalakas ang loob ko dahil sa'yo." "Huwag mo na akong bolahin. Palapit na si Jerico sa'yo. Basta, 'yong usapan natin ay huwag mong kakalimutan." Itinuon ko ang paningin ko sa direksyon kung saan naglalakad si Jerico palapit sa amin. Mabilis akong nagbawi ng tingin at nagkunwaring busy sa ginagawa ko. Habang papalapit siya ay palakas naman nang palakas ang t***k ng puso ko. Pakiramdam ko ay gusto nitong kumawala mula sa ribcage ko. Sa sandaling huminto sa harapan ko si Jerico ay gano'n din ang ginawa ng puso ko. Hindi ko magawang mag-angat ng tingin sa kaniya at hindi ko rin mapigilan ang pag-asang sumisibol sa puso ko dahil sa ibinalita sa akin ni Twinkle. Ito na ang moment of truth. Malalaman ko na kung may katotohanan nga ba ang chika ni Twinkle o wala.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม