SPECIAL CHAPTER: After Death
Pagkatapos magluto ni Patricia ng hapunan, inaya na niya ang kanyang lola, papa, at ate para kumain. Nakaayos na ang mesa, nakahain na ang ulam at kanin, ang mga plato, kutsara at tinidor ay handa ng gamitin.
"Nay, pa, ate! Kain na tayo." Sigaw niya para marinig siya ng mga ito.
Unang lumabas ang kanyang ate na maghapong nakakulong sa kwarto at babad sa internet. Umopo kaagad ito sa pwesto at parang kargador na kumain. Sumandok siya ng kanin at inilagay sa sariling plato, gutom na din siya dahil nakalimutan niyang kumain ng tanghalian sa sobrang abala sa paglalaba.
Tinikman niya ang sabaw sa nilutong ginisang gulay, tama lang ang lasa at masarap. Magkasunod na pumasok sa kusina ang kanyang Lola at Papa. Umosog kaagad siya para bigyan ang mga ito ng pwesto sa maliit nilang mesa.
"Ang tagal mong nagluto! Eh sobrang dali lang naman nitong lutuin!" Reklamo ng kanyang ate na may pagkain pa sa bibig.
'Kung ikaw nalang kaya ang nag luto?' gustong isagot ni Patricia. Pinili niyang manahimik at magpokos sa pagkain. Kilala niya ang kapatid niya, hindi ito nagpapatalo kahit mali ang pinaglalaban nito.
"Pwe! Ano ba itong lasa ng luto mo?! Sobrang alat!" Padabog na binitawan ng kanyang lola ang kutsara. "Hindi mo ba tinikman yan ha?! Boba ka talaga! Ilang beses ko ng sinasabi sayo, ayaw ko ng maalat! Gusto mo na ba akong mamatay ha?!"
"Tinikman ko naman, Nay. Tama lang naman ang lasa." malumanay na sagot niya.
"Sinisigawan mo ba ako ha?! Anong tama lang?! Gusto mong ibuhos ko sayo tong ulam?!"
Buntong hiningang tinapos niya ang pagkain. Nakakadalawang subo pa nga lang siya at ramdam niyang gutom pa rin siya pero nawalan na siya ng gana. Natural na malaki ang boses ni Patricia, kaya sa tuwing nagsasalita siya para talagang sumisigaw siya.
Tumayo na siya at nilagay sa lababo ang pinggan. Nanghihinayang siya kasi paborito pa naman niya ang ulam.
"Papakainin ko lang yung mga pusa." Sabi niya.
"Isali mo na yung alangang aso ng ate mo." mahinahon na utos ng papa niya. Tumango lang siya at naghanda ng pagkain para sa alaga nila.
"Isang kutsara ng kanin lang ah! Ang dami mong pinapakin sa mga yan eh hindi naman inuubos! Yung mga manok lang ng kapit bahay ang nakikinabang! Aba, ang mahal ng bigas ngayon! Alalahanin mong hindi tayo mayaman at sapat lang para sa atin ang kita ko sa palengke! Ikaw naman kasi, Raul! Bisyo mo nalang inaatupag mo, wala ka ng naibigay sa akin pangkunsomo diyan sa mga anak mo! Yung asawa mo, hindi pa nagpapadala, tinakasan ka na yata!"
"Nagiipon nga ako pambili ng motor ko, Nay."
"Nagiipon ka pala?! Akalain mong may natitira pa pala sa sweldo mo pagkatapos mong waldasin sa sigarilyo?!"
Lumabas si Patricia sa kusina patungo sa likod ng bahay nila. Sinalubong kaagad siya ng apat na pusa, isang lalaki at tatlong babae. Ang isang babaeng pusa ay matanda na kaya pinangalanan niya itong Lola.
Nilinis niya ang kainan ng mga to pagkatapos ay nilagay doon ang pagkain na sapat para sa kanila. Hindi siya nakinig sa kanyang Lola at pasimpleng dinagdagan ang pagkain ng mga pusa.
Kahit sa labas ng bahay ay rinig na rinig ang boses nito na nanenermon.
Pagkatapos niyang pakainin ang mga alagang pusa at aso, bumalik siya sa loob ng bahay. Tapos na ang ate niyang kumain at wala na ito sa kusina, iniwan nito ang pinggan na pinagkainan sa mesa.
Kinuha niya ang timba para mag igib ng tubig. Wala kasi silang gripo dahil walang linya ng tubig sa lugar nila. Pinuno niya ang malaking balde ng tubig para hindi siya magpabalik balik sa poso.
Tapos nang kumain ang papa at lola niya. Niligpit niya ang mga pinagkainan ng mga ito at nilinis ang mesa, saktong pagharap niya para ilagay sa lababo ang maruruming pinggan ay doon naman ang pagsipa ng lola niya sa alagang pusa na buntis. Hindi niya namalayang lumabas pala ang lola niya.
"Nay!" gulat tawag niya. Dali dali niyang nilagay ang mga pinggan. Ang lababo kasi nila ay nasa gilid lang ng pinto palabas kaya kitang kita niya ang pangyayari.
"Huwag niyo namang sipain yung pusa! Hindi mo ba alam na buntis yan?!" Hindi na napigilan ni Patricia ang boses niya, nagaalalang nilapitan niya ang pusa, kinalmot siya nito sa pagaakalang sasaktan din niya ito. Nagkasugat siya ngayon sa kamay at dumudugo ng kaunti.
"Anong akala mo sa akin?! Katulad mong boba?! Hindi pa ako nawawala sa katinuan para manipa ng pusa ano!" Depensa ng lola niya.
"Ang galing mo! Ni hindi ko nga inaano yang pusa, gagawan mo ako ng kasalanan!" Hindi sumagot si Patricia. Nakatingin lamang siya sa kawawang pusa pero nakikinig siya sa mga sinasabi ng Lola niya.
"Bakit?! Sino bang nagpalaki sayo?! Mas mahal mo pa yang pusa! Kaya ka bang buhayin niyan ha?! Eh pera ko nga pinapakain mo sa mga yan eh!"
Ano bang pinagsasabi ng Lola niya? Concern siya sa pusa dahil buntis ito! Tapos sasaktan niya pa! At ngayon pinapasa sa kanya ang sisi!
"Hindi ako bulag nay. Nakita kong sinipa mo siya. Ano bang ginawa niya sayo at sinasaktan mo?" Hindi niya na mapigilang sumagot, pero pinanatili niyang kalmado ang sarili.
At hindi pa nga tapos ang pangyayari, dumagdag naman ang ate niya. Galit na galit itong lumabas galing sa kusina at dinuro siya.
"Putangina! Hoy Patricia! Ikaw ba nagpakain sa aso ko ha?!"
"Bakit ba, Porcia?!" Sabat ng Lola niya.
"Boba talaga ang babaeng yan! Hindi ginagamit ang utak! Sabing tapos ko ng pakainin yun eh! Nasaan ang utak mo?! Binenta mo?!"
Hindi na maintindihan ni Patricia ang mga nangyayari. Kanina pa sumisikip ang dibdib niya sa mga sinasabi nila sa kanya. Nanatili siyang tahimik, pilit winawaglit sa isipan ang mga boses nila.
Pagod na pagod na siya. Pagod na siyang umintindi at magpa alila. Palagi nalang ganito ang nangyayari, wala ng katapusang kalungkutan. Iiyak na naman siya mamaya kapag tulog na ang lahat. Lagi naman eh. Lagi naman siyang umiiyak tuwing gabi.
Dinuro siya ng kapatid niya sa noo at diniin ang daliri nito. Napa-atras siya sa ginawa ng ate niya at kahit masakit sa loob ay hindi siya lumaban o nagsalita.
"Wala kang silbe. Honor ka ba talaga sa skwela ha? Bakit ang bobo mo pagdating dito sa bahay? Baka umaasa ka lang sa kopya ah! Bobo talaga!" pinagdidiinan nito ang daliri sa noo niya. Nabitawan niya ang pusa at tumabok ito palayo.
Gustong gusto na niyang umiyak. Labanan ang sarili niya at mag wala. Pero kapag ginawa niya iyon, mas magiging malala ang sitwasyon. Mas mapaparusahan siya. Hindi titigil ang mga ito hangat hindi siya masisira.
Nakakapagod. Paulit ulit nalang. Wala nang bago sa buhay niya. Ganito nalang palagi.
Lord, bakit mo ako pinapahirapan ng ganito?
"Wala ka talagang initiative gumalaw!"
"Sana mamatay ka nalang! Bakit ba ako nagkaroon ng kapatid na tulad mo?!"
"Mamatay ka na! Anak ka ng demonyo! Mamatay ka na!"
"Putangina ka! Leche! Peste ka sa buhay ko!"
"Mabuti pa yung iba! Ikaw napakawalanghiya mo!"
"Walang silbe! Putangina ka! Peste!"
Umalingaw ngaw lahat ng binatong salita ng kanyang ate sa utak niya. Sumobsub siya sa unan at sumigaw ng walang tinig. Sunod sunod ang pag agos ng luha mula sa mga mata niya. Ang unan ay basa na sa luha niya.
Kailan pa ba ito matatapos? Pagod na pagod na po siya. Pinipilit niyang magpakatatag dahil gusto niyang makaalis sa pamamahay na ito, pero tila ayaw siyang tigilan ng Lola niya lalong lalo na ng ate niya.
Ang sakit sa dibdib. Sobrang sikip sa puso. Lahat ng hinanakit niya iniipon niya pagkatapos ay iniiyak tuwing gabi. Palagi nalang bang ganito?
Wala siyang mapagsabihan ng problema. Ang kaisa isang kaibigan na meron siya ay lumuwas sa syudad. Naiwan siya dito sa probinsya, malungkot at wasak.
Palagi niyang hinihingi na sana ay mamatay na siya. Sana ay kunin na siya ng Diyos. Pero ang daya, bakit ayaw dinggin ng panalangin niya?
Dahil ba hindi matibay ang pananampalataya niya? Dahil ba hindi siya nagsisimba?
Gusto na niyang mamatay. Ayaw na niyang mabuhay. Kung sana ay katulad siya ng ibang kabataan na nageenjoy sa buhay at mahal na mahal ng pamilya. Pero ang malas niya! Sobrang malas niya!
Ilang beses na niyang naisipan magpakamatay. Ilang beses niyang gustong mag laslas. Pero parang may pumipigil sa kanya. Para saan pa ba? Hindi siya masaya sa buhay niya. Ang bigat na ng dinadala niya. Pagod na siya.
"Hoy, boba! Gising! Gising!"
Rinig niya ang boses ng ate niya. Naramdaman niya ang paa nito sa ulo niya at niyuyugyug ito. Nakakainsulto, pero wala siyang magawa.
Papungaspungas na bumangon siya. Namamaga ang mata niya sa sobrang pag iyak.
"Umiyak ka ba ha?! Napaka-OA mo! Bangon na diyan at aalis kami ni Nanay! Linisin mo ang kwarto ko, dapat wala akong maamoy na mabaho ha! Ano ba?! Ano pang tinutunganga mo diyan?! Galaw na!"
Ilang segundong tumulala siya. Bagong araw na naman, panibagong pakikibaka. Ang sarap matulog palagi, kahit sa tulog man lang ay malimutan niya ang masaklap na nangyayari sa buhay niya.
Paglabas niya ng kwarto, nasa pintuan na ng bahay ang lola at ate niya. Walang paalam na umalis ang mga ito at hindi lumilingon na iniwan siya.
Mag isa na naman siya sa bahay nila. Ang papa niya ay hindi pa sumisikat ang araw ay umaalis na para sa trabaho. Naghilamos muna siya ng mukha at pagkatapos ay kumain ng almusal.
OK na rin itong mag isa siya. Kahit papaano ay nabibigyan siya ng kapayapaan kahit sandali. Pagkatapos niyang maghugas ng plato, maglinis sa kusina, ligpitin ang salas, at linisin ang magulo at maruming kwarto ng ate niya, pagod na humiga siya sa sopa nilang malapit ng mag retire.
Napatitig siya sa kisami. Dinadalaw na naman siya ng kalungkutan. Bata pa lang sila ay iniwan na sila ng mama para mangibang bansa. Sa mga oras na iyon ay nagkakalabuan ang mga magulang niya dahil bali-balitang may kabit ang papa niya.
Apat na taong gulang palang siya ng iniwan sila, at pitong taong gulang naman siya noong umuwi ang mama niya. Bumalik naman kaagad ito sa ibang bansa at mula noon hanggang mag onse anyos siya ay wala na silang komunikasyon ng mama.
Noong nag labing apat na taong gulang na siya ay umuwi uli ang mama niya. Simula noon ay umuuwi na ito sa kanila tuwing natatapos ang kontrata nito sa amo at babalik din kaagad pagkatapos ng dalawang buwan.
Ang trabaho ng papa niya ay laborer ng isang kompanya. Sapat na sana ang kita nito sa pang araw araw na pangangailangan nila pero halos ino-ubos naman nito ang pera sa bisyo.
Gayun paman mabait ang papa niya sa kanya. Ito lang ang naging mabait sa kanya.
Ang lola niya ay may maliit na negosyo sa palengke. Mga bigas ang binebenta ng lola niya at paminsan minsan ay nagti-tindera siya doon.
At ang ate niya naman ay College na. Criminology ang kursong kinukuha nito. Ang ate niya ang pinakamalupit sa kanya. Sinisigawan, sinasampal, tinatadyakan, at hinahampas siya nito ng kung anong mahawakan nito.
Pinunasan ni Patricia ang nakaalpas na luha sa mata. Suminghot siya. Inaamin niyang may kasalanan din siya, pero alam naman niya kung hanggang saan lang ang limitado niya.
Palaban naman siya at mataray. Marami ngang may ayaw sa kanya kasi masungit daw siya. Hindi naman niya iyong pinagkakaila, pero pag dating sa loob ng bahay nila ay para siyang tuta na bahag ang buntot.
"Tao po! Tao po!"
Sumilip siya sa bintana ng marinig na may tumawag. Laking gulat niya at tuwa ng makita ang kaibigang matagal din niyang hindi nakita. Dali dali niyang binuksan ang pintuan at nakangiting sinalubong ang bagong dating.
"Pamela!" Tuwang tuwang tawag niya. "Halika, pasok. Pasok ka, Pamela."
Hindi siya magkamayaw sa pag asikaso sa tahimik na kaibigan. Pumasok ito sa bahay nila ng hindi hinuhubad ang maruming sapatos. Bumakat ang lupa sa kakalinis niya lang na sahig.
Binalewala niya lang ito at tumabi sa kaibigan.
"Uy, long time no see. Napadalaw ka?" Ngiting tanong niya.
Asiwang umusog ito. "Ah, Oo. Kakauwi ko lang last week at naisipan kitang dalawin. Nakalimutan kong wala ka palang cellphone kaya hindi mo alam na nakauwi na pala ako."
"Ganun ba? Pasensya ka na ha. Kumusta pala sa Davao? Ano, may nabingwit ka bang malaking isda doon?" Natatawang biro niya.
"Ano? Ayusin mo nga yang pananalita mo, Patricia. Huwag kang magpahalatang low class ka ah." Umirap ito sa kanya.
Nasaktan siya sa sinabi ng kaibigan. Mukhang nag bago na ito simula noong makatungtong sa syudad at nag aral sa pribadong paaralan.
Tinignan niya ang kabuoan nito. Napakaarte na ng suot nito. Isang maikling palda na maong at nakatuck-in ang fitted black sando nito na pinatungan ng magandang blazer. Ang sapatos nito na halatang branded ay kulay green na masakit sa mata.
Malayong malayo ang hitsura nito sa Pamela noon.
Bigla itong tumayo. "Anyway, napabisita lang ako dito para tignan ang kalagayan mo."
Napangiti siya. Kahit nag bago na ito ay concern pa rin pala ito sa kanya.
"Sa nakikita ko, hindi ka pa rin nagbabago. Isa ka pa ring cheap, low class, at manang manamit. I can't imagine na nasikmura kitang kaibiganin! Oh well, worth it naman kasi ikaw ang source of answer ko. May pakinabang ka pa rin."
Nawala ang ngiti niya. Hindi siya nakapagsalita.
"Aalis na ako, pumunta lang ako dito para alamin kung kalait lait ka pa rin ba. A piece of advice dear, kung hindi mo kayang baguhin ang buhay mo at forever ka nalang ganyan, mas better na magpakamatay ka nalang."
ANG mundo ay mahiwaga. Hindi natin alam kung anong nangyayari sa iba o kung anong iniisip ng isang tao. Bagamat maayos ang pakikitungo mo sa iba, hindi ibig sabihin na maayos din ang magiging pakikitungo nila sa iyo.
May mga tao talagang kahit pinakitaan mo na nga ng kabutihan, susuklian ka pa rin ng kasamaan. Pero hindi ibig sabihin nito ay gagayahin mo kung anong pinapakita nila sa iyo.
Naniniwala si Patricia sa kasabihang, huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo. Kaya hanggat maaari ay iniiwasan ni Patricia gawin sa iba ang mga bagay na pinaka-ayaw niya.
Ngunit hindi nito garantiya na wala nang mangyayaring hindi mo gusto.
Asahan ang hindi inaasahan.
At nangyari na nga ang hindi inaasahan ni Patricia.
Ang nagiisang taong akala niya kakampi niya, ay nag balatkayo pala para gamitin siya. Masakit isipin na ang taong pinahalagahan mo ay wala naman talagang pakealam sa iyo. Ngunit may magagawa pa ba si Patricia?
Hindi niya hawak ang buhay ni Pamela. Wala siyang karapatang magalit dito. Dahil tama naman ito. Kasalanan niya ang lahat kung bakit siya nanatiling ganito. Kasalanan niya kung bakit napagiiwanan siya.
Tumingala si Patricia sa kisame. Nakahanda na ang tali. Naisabit na niya ito habang pinagiisipang mabuti ang desisyon niya. Siguro hangang dito nalang talaga siya.
Ito lang ang makakaya niyang abutin. Ang lupid na magtatapos sa buhay niya.
"Patawarin Mo po ako Panginoon sapagkat ako ay nagkasala." umiiyak na ani niya habang nakapatong sa plastik na upuan. "Patawarin Mo po ako kung ito lang ang naiisip kong sulosyon para wakasan ang paghihirap ko."
Isinuot niya sa kanyang leeg ang lupid at sa huling pagkakataon ay nagdasal siya.
"Sana mapatawad Mo pa ako Panginoon sa gagawin ko. Kung bibigyan Mo po ako ng ikalawang pagkakataon para mabuhay, nagmamakaawa po ako, huwag Mo pong iparanas ulit sa akin ang naranasan ko."
Saan ba mapupunta ang mga taong namatay? Saan ba pupulutin ang mga taong makasalanan? Tatangapin ba ng langit ang taong kinitil ang sarili nitong buhay?
Panginoon, gabayan Mo po ang kaluluwa ng isang taong wasak at nawalan ng pag-asa sa buhay.
Patricia... saan pupulutin ang ligaw mong kaluluwa?