KATRINA
Kanina pa ako nakatitig sa papel na hawak ko at pinagmamasdan ang nakasulat na halaga dito para mailabas ko na mamaya ang katawan ni Tito Rayban dito sa morgue.
Wala akong pera sa bangko na madudukot. Wala rin akong trabaho at walang mga kakilala at kamag-anak na puwede kong hingan ng tulong ngayon, kaya hindi ko alam kung saan ako lalapit para makalikom ng ganitong halaga.
Tulala ako nang may dumating na lalaki. Pumasok siya dito sa morgue at narinig kong nagtanong tungkol sa pangalan ni Tito Rayban.
Napatitig ako sa kaniya. Nakatalikod siya sa akin, pero alam kong maganda ang kaniyang pangangatawan. Malapad at mukhang matigas ang balikat at likod kahit nakasuot siya ng jacket at maong na pantalon.
“I'm here to take his body,” narinig kong sabi ng lalaking dumating.
Napatayo ako at mabilis na lumapit sa kaniya para magtanong.
“Ikaw po ba ang kapatid ni Tito Rayban, Kuya?”
Bumaling sa akin ang lalaki at tiningnan ako. Napasinghap ako nang nagtama ang aming mga mata, at sandali kaming nagkatitigan.
“Sino ka?” walang emosyon niyang tanong sa akin.
Biglang kumabog ng malakas ang aking puso. Hindi ko maunawaan kung bakit ganito na lang ang epekto niya sa akin habang kaharap siya, gayong estranghero kami sa isa't isa.
“Miss,” tawag niya sa akin dahil natulala ako habang nakatingin sa kaniyang guwapong mukha.
“Ah, ako po si Katrina,” mahina kong sagot.
Gumalaw ang kaniyang kilay at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.
“Ikaw ba ang anak ng kinakasama ng kapatid ko?”
“Opo,” mahina at kinakabahan kong sagot.
Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagtigas ng kaniyang ekspresyon at pagkuyom ng kamao, kaya napalunok ako kasabay ng mabilis na pintig ng aking puso.
“Nasaan ang nanay mo?” matigas at walang emosyon na tanong sa akin ng kapatid ni Tito Rayban.
“H-hindi ko po alam. Umalis siya kagabi, at hindi pa po bumabalik.”
“Saan siya nagpunta? Alam na ba niya ang nangyari sa kapatid ko?”
Mabagal akong umiling. Sinabi ko sa kaniya ang nangyari kagabi dahil iyon ang totoo. Hindi ako nagsinungaling para pagtakpan ang aking ina dahil kasalanan niya kung bakit nagpakamatay si Tito Rayban.
Nag-iwas ako ng tingin at piniling yumuko dahil hindi ko kayang makipagtitigan sa kaniya. Pakiramdam ko, unti-unting nauubos ang aking lakas habang magkahinang ang aming mga tingin.
“Pasensya na po, pero heto ang bill na babayaran natin dito sa punerarya para mailabas natin ang katawan ni Tito Rayban, Kuya.”
"Don't call me Kuya," masungit na sabi ng lalaking kaharap ko.
“Rayker ang pangalan ko. Bahala ka na kung anong gusto mong itawag sa akin since stepdaughter ka naman ng aking kapatid, Katrina.”
“Sige po. Pwede ba kitang tawagin na Angkol?”
Nagkibit-balikat siya at mahinang sumagot, "It's up to you.”
Inabot ko sa kaniya ang papel na hawak ko. Kinuha naman niya ito at pagkatapos, kinausap ang lalaki sa counter.
Hinayaan ko siyang makipag-usap. Wala akong magawa kundi ang manood at makinig dahil wala naman akong kakayahan na bayaran ang bill dito sa punerarya.
Magkatabi kaming nakaupo dito sa waiting area habang pinoproseso ang paghahanda sa burol ng katawan ni Tito Rayban. Tahimik akong umiiyak, habang walang kibong nakaupo sa tabi ko ang kaniyang kapatid.
Matapos ang mahabang oras na paghihintay, natapos rin nilang bihisan si Tito Rayban. Nakatulala lamang ako habang pinanood ko silang isakay sa sasakyan ang kaniyang katawan at hindi ko malaman kung sasama pa ako dahil walang laman kahit piso ang bulsa ko.
“Let's go, Katrina!” narinig kong yaya ng kapatid ni Tito Rayban sa akin.
Nilakasan ko ang aking loob. Tumayo na rin ako at sumunod sa kaniya nang lumapit siya sa isang itim na sasakyan.
Mukhang mayaman ang kapatid ni Tito Rayban, pero ngayon ko lang siya nakitang kasi kahit minsan, hindi siya pumunta sa bahay na aming tinitirhan.
Sa isang maliit na simbahan inilagak ang katawan ni Tito Rayban. Hindi ako umalis sa tabi niya dahil gusto ko pa rin siyang makasama sa nalalabing oras niya dito sa mundo.
Hindi ako umuwi sa bahay, at hindi rin ako kumain, kaya mukhang hindi na nakatiis si Angkol Rayker, kaya lumapit na siya sa akin.
“Kumain ka na, baka ikaw naman ang sumunod na mamatay dito,” arogante niyang utos sa akin.
May dala siyang plastic bag at inabot ito sa akin.
“Salamat po.”
Tumango lang siya sa akin. Kahit nanginginig ang mga kamay ko, kumain ako sa harap niya dahil nanghihina na ako at gutom na rin. Pero dahil wala akong dalang pera, nagtiis na lamang akong uminom ng tubig para may laman ang aking tiyan.
Ramdam kong nakatingin siya sa akin at pinagmamasdan ako, kaya napakabilis tuloy ng pintig ng puso ko.
***
Dahil wala naman daw silang ibang kamag-anak, dalawang araw lang naming pinaglamayan si Tito Rayban. Inilibing din agad siya, pero kahit minsan, hindi man lang nagpakita ang aking ina, kaya lalo lamang akong napuot sa kaniya.
“What's your plan now?” narinig kong tanong ng kapatid ni Tito Rayban.
“Wala po,” tipid kong sagot.
Hindi ko inalis ang mga mata ko habang tinatabunan ng lupa ang libingan ni Tito Rayban. Patuloy na umaagos ang luha sa aking mga mata habang nakatayo sa tabi ng kaniyang kapatid.
Kaming dalawa lang ang naglibing sa kaniya, kasama ang mga tauhan ng punerarya dahil wala namang dumating na mga kamag-anak at kapamilya namin.
“Ihahatid na kita sa inyo. Kunin mo na ang mga gamit mo doon at sa bahay ka na titira, Katrina?”
“Po? Seryoso ka ba?”
“Yes,” mabilis at walang paligoy-ligoy na sagot ni Angkol Rayker.
Nanlaki ang aking mga mata at natigil ang pagtulo ng masaganang pag-agos ng mga luha sa magkabilang pisngi ko.
Napatingin ako sa kapatid ni Tito Rayban. Magkapatid sila, pero magkaibang-magkaiba sila dahil mukhang masungit si Angkol Rayker at seryoso, hindi katulad ng stepfather ko na laging nakangiti at mahinahon, pero hindi pa rin nakuntento ang aking ina at ipinagpalit pa rin siya sa iba.
Hindi ko alam kung anong meron sa kaniya at bakit ganito na lang ang epekto niya sa akin kapag kasama ko siya.
Siguro, natatakot lang ako sa kaniya dahil alam kong ang aking ina ang dahilan kung bakit nagpakamatay ang kaniyang kapatid, kaya kinakabahan ako lalo na kapag kasama ko siya at nakikita kong nakatingin siya sa akin at para bang may iba itong ibig sabihin.
Bahala na, ang mahalaga ngayon ay may bahay akong matutuluyan kahit wala na si Tito Rayban. Pakikisamahan ko muna si Angkol Rayker kahit may nararamdaman akong kakaiba sa kaniya sa tuwing nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin ng makahulugan.