Chapter 2

1473 คำ
KATRINA Tunog ng alarm clock ang unang narinig ko at gumising sa akin, kaya kahit inaantok pa ako, ay bumangon na ako para maghanda sa pagpasok sa unibersidad na pinapasukan ko. Pinatay ko ang malakas na tunog ng alarm clock nang muli itong tumunog. May nakita akong text messages, kaya binuksan ko ang inbox ko nang makita kong galing ito kay Tito Rayban. Nanginig ang aking mga kamay at muntik kong mabitawan ang aking cellphone dahil nabasa ko ang mahabang text message mula kay Tito Rayban. Dali-dali akong lumabas ng silid ko at pinuntahan ko siya sa kaniyang silid, pero napahakbang ako paatras nang makita ko siyang nakahandusay sa kama at may puting bula na lumabas sa kaniyang bibig. “Diyos ko po! Tito, anong ginawa mo?!” Napasigaw ako at nanginginig, maging ang mga tuhod ko, nang humakbang ako palapit kay Tito Rayban. Hinawakan ko siya sa pisngi at inilapit ko sa ilong niya ang aking daliri, pero hindi na siya humihinga. Malamig na rin ang balat niya at matigas ang kaniyang katawan nang tapikin ko siya sa balikat, kaya natulala ako at hindi ko malaman ang gagawin ko. Pakiramdam ko sa sandaling nagdilim ang aking paningin. Pabagsak akong bumagsak sa sahig at naglupasay ng iyak. Nagsisigaw ako, paulit-ulit kong tinawag ang kaniyang pangalan at ginigising ko si Tito Rayban kahit alam kong imposible, pero hindi na siya nagising. “Tito! Bakit mo ako iniwan?” malakas kong tanong sa kaniya kahit alam kong hindi na siya sasagot. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Naguguluhan ako at natatakot, kaya tanging pag-iyak lamang ang nagawa ko hanggang sa nakarinig ako ng sunod-sunod at malakas na mga katok mula sa labas ng pintuan. Dahan-dahan akong bumangon sa sahig at kahit luhaan at nanlalabo ang paningin ko, humakbang ako palapit sa pintuan at nanginginig ang mga kamay na binuksan ang pinto. “Anong nangyari? Bakit pumapalahaw ka nga ng iyak, Katrina?” tanong agad sa akin ng kapitbahay naming si Aling Lirah. “Si Tito Rayban po—” Muli akong napahagulgol ng iyak, kaya hindi ko nagawang ituloy ang sasabihin ko. Hindi ko matanggap ang nangyari. Halo-halo ang emosyon na nararamdaman ko, pero nangingibabaw ang takot at galit dahil alam ko kung bakit ginawa iyon ni Tito Rayban. Iyak ako nang iyak habang yakap ni Aling Lirah. Pilit niya akong pinakakalma, hanggang dumating na rin ang iba pa naming kapitbahay para alamin kung anong nangyari at bakit ako umiiyak. Hindi nagtagal, dumami ang tao dito sa bahay ni Tito Rayban hanggang sa may dumating na mga pulis at sinuri ang kondisyon ng kaniyang katawan para marahil malaman nila kung bakit siya nagpakamatay. May lumapit na pulis sa akin. Nagsimula siyang magtanong, at paulit-ulit niya akong tinanong kahit alam niyang nahihirapan akong sumagot sa mga tanong dahil umiiyak ako nang umiiyak at natutulala pa. Ang bilis ng mga sumunod na pangyayari. May dumating na sasakyan at kinuha nila ang katawan ni Tito Rayban. Naglupasay ako at umiiyak nang umiiyak para pigilan sila, pero ang sabi ng pulis ay kailangan raw nilang dalhin sa morgue ang katawan ni Tito Rayban. Naririnig ko ang ingay sa paligid ko. Malakas ang mga bulong-bulungan, tanungan, at usapan ng mga kapitbahay namin tungkol sa nangyari kay Tito Rayban, pero wala akong pakialam sa opinyon nilang lahat. Iisa ang sinasabi nilang lahat. Narinig kong sinisisi nila ang aking ina dahil sumama raw ito kagabi sa ibang lalaki, pero kahit nanay ko siya, ay hindi ko siya kayang ipagtanggol dahil alam kong totoo ang sinasabi nilang lahat. Lumapit sa akin ang pulis at nagtanong ng mga impormasyon tungkol kay Tito Rayban, pero isa lang ang naging paulit-ulit na sagot ko, at iyon ay natagpuan ko siyang patay sa loob ng kaniyang silid. “Wala bang ibang kamag-anak ang Tito mo?” tanong ng pulis sa akin. Naalala ko ang mensaheng ipinadala ni Tito Rayban sa akin, kaya sinabi ko ito sa pulis na nag-imbestiga sa pagkamatay ni Tito Rayban. “Sandali lang po, kukunin ko sa loob ng silid ko ang aking cellphone, Sir,” paalam ko sa pulis. Marahan naman itong tumango at sumulyap sa direksyon ng silid ko. “Sige.” Luhaan akong humakbang palapit sa silid ko at umiiyak na kinuha ang aking cellphone. Inabot ko ito sa pulis at binasa niya ang mahabang mensaheng iniwan ni Tito Rayban sa akin. “Nasaan ang iyong ina, Miss?” tanong ng pulis. “Hindi ko po alam,” luhaan na sagot ko. “Umalis po siya kagabi at iniwan niya kami dito sa bahay, dala ang kaniyang mga damit dahil gusto na raw po niyang makipaghiwalay kay Tito Rayban dahil nagsasawa na siya sa hirap.” “Bakit hindi ka niya sinama?” seryosong tanong ng pulis sa akin. Tumulo ang luha ko dahil naalala ko ang sinabi ni Mommy kagabi sa akin. “Ayaw po niya ng isa pang pabigat sa kaniya, Sir.” Muli akong napahagulgol ng iyak dahil hanggang ngayon ay hindi ko matanggap ang nangyari. “May relasyon ba kayo ng Tito mo, Miss Katrina?” Nagsalubong ang mga kilay ko dahil hindi ko nagustuhan ang tanong ng pulis na kaharap ko. “Anong klaseng tanong iyan?” galit na tanong ko sa kaniya. “Nagpakamatay si Tito dahil iniwan siya ni Mommy. Tapos tatanungin mo ako ng ganyan na para bang hindi ka nag-iisip na nagluluksa ako dahil naging mabuting ama siya sa akin!” Lumalakas ang tinig ko, at galit na nasigawan ko ang pulis na kausap ko. Lumapit naman ang mga kasama niya at pilit akong pinakakalma dahil hindi ko mapigilang sigawan ang kabaro nila. “Kung gagawan lang ninyo siya ng kuwento, mas mabuting umalis na kayo dito at huwag nang bumalik. Pero kung gusto ninyong malaman ang katotohanan, nandiyan ang mga tsismosa naming kapitbahay. Alam nila ang kwento ng relasyon ng Mommy ko at ni Tito Rayban!” “Pasensya na, Miss. Hindi ganyan ang ibig sabihin ng kasama ko,” malumanay na sabi sa akin ng mas matandang pulis. Hindi ako umimik dahil muli na naman akong napaiyak. Nagluluksa ako ngayon, tapos binigyan nila ito ng ibang kahulugan, kaya nagalit ako dahil hindi ko papayagan na sirain nila ang reputasyon ni Tito Rayban. “Gabriel, tawagan mo ang kapatid ng namatay,” utos ng pulis na kaharap ko. Agad naman itong sumunod at kinuha ang numerong ibinigay ni Tito Rayban sa akin at tinawagan ng pulis ang kaniyang kapatid. “Mr. Rayker Hanz Kozlov, si PO1 Sta. Maria po ito,” pakilala ng pulis sa sarili nang sagutin ng kapatid ni Tito Rayban ang tawag. “Ipinagbibigay-alam po namin sa iyo na ang kapatid mo ay pumanaw na at ngayon ay nakalagak sa morgue.” Sinabi ng pulis kung saan nila dinala ang katawan ni Tito Rayban at pagkatapos sabihin na nagpakamatay ito, at ang ilan pang detalye na nakuha nila sa pag-iimbestiga ay pinutol na ng pulis ang tawag. “Sumama ka sa amin, Miss,” sabi sa akin ng pulis na lider ng grupo. “Bakit po?” kinakabahan na tanong ko sa kaniya. “Ihahatid ka namin sa morgue.” Agad akong sumang-ayon dahil gusto ko rin namang makita si Tito Rayban. Pinahid ko ang luha sa aking magkabilang pisngi at malungkot na sumakay sa patrol car. Iyak pa rin ako nang iyak habang nasa daan dahil hindi ko alam kung saan ako pupunta pagkatapos ng libing ni Tito Rayban. Hindi ko rin alam kung papayag nga ang kaniyang kapatid na isama ako sa bahay nito at doon tumira gaya ng bilin niya, dahil hindi naman niya ako tunay na kadugo at pamangkin. Hindi ko rin alam kung nasaan si Mommy, at sa tingin ko, kahit ganito ang nangyari kay Tito Rayban, siguradong hindi na siya babalik dahil mas mahalaga sa kaniya ang pera. “Nandito na tayo, miss.” Natigil ang malalim na pag-iisip ko nang tumigil ang patrol car sa tapat ng punerarya at sinabing dito raw nila dinala ang katawan ni Tito Rayban. Dali-dali akong bumaba at mabilis na lumapit sa counter para magtanong. “Tito ko po ang dinalang bangkay dito ng mga pulis kanina, Sir,” agad kong pakilala. “Sige, Miss, maupo ka muna,” sagot ng lalaki sa counter. Sandali siyang kinausap ng mas matandang pulis, at pagkatapos nilang mag-usap, lumapit sa akin ang lalaking nasa counter at may inabot na papel. “Ano po ito?” “Bill ng Tito mo,” tipid na sagot ng lalaki. Bill… wala naman akong hawak na pera, kaya napatitig ako sa papel dahil hindi ko alam kung saan kukuha ng ganitong halaga. Tanging ang kapatid na lamang ni Tito Rayban ang pag-asa kong makatutulong sa akin, pero hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano ko siya haharapin dahil alam kong ang aking ina ang dahilan kung bakit nawalan siya ng kapatid.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม