KATRINA
Malakas na sigawan, kalabugan, at murahan ang narinig ko nang magising ako. Hindi na ito bago sa pandinig ko dahil simula nang mahuli ni Tito Rayban na may ibang lalaki si Mommy, ay naging magulo na ang pagsasama nilang dalawa.
“Wala ka kasing kuwenta!” narinig kong sigaw ni Mommy.
“Ako pa ngayon ang walang kuwenta! Hindi ka lang talaga makuntento, Carmela!” malakas na sigaw rin ni Tito Rayban.
“Paano ako makukuntento, e, isang kahig at isang tuka lang din naman tayo? Kaya huwag kang umarte na niloko kita dahil simula pa lang nang makilala mo ako sa club, alam mong pera ang kailangan ko at hindi ang lintik na kahirapan na ito!”
Naririnig ko ang bawat salitang binitiwan ng aking ina, pero ayaw ko namang sumabat sa usapan nilang dalawa. Tahimik akong sumandal sa dingding at nakatingin sa kawalan habang patuloy ang away ni Mommy at Tito Rayban, kasabay ng mga kalabugan sa kabilang silid.
“Ano? Iiwan mo na lang ba ako pagkatapos mo akong pakinabangan, Carmela?” galit na tanong ni Tito Rayban kay Mommy.
“Ayaw kong mamatay sa hirap dito sa bulok na bahay mo, Rayban!” sigaw ng aking ina.
Hindi na ito bago sa akin. Palagi naman silang nag-aaway at nagsisigawan, kaya nasanay na ako.
Maayos naman sana ang pamumuhay namin dito kasama si Tito Rayban. Mabait siya at masipag. Sa lahat ng nakarelasyon ni Mommy, siya ang pinakagusto ko kasi hindi niya ako itinuring na iba, at ramdam kong tanggap na rin niya ako bilang anak. Pero sadyang hindi marunong makuntento sa simpleng pamumuhay ang aking ina.
Lumabas ako ng silid ko at pumunta sa kusina, pero bago pa ako makarating doon, narinig ko na naman ang away ng aking ina at ng stepfather ko.
Hindi nagtagal, biglang lumabas si Mommy. Nakasuot siya ng maikli at hapit na bestida, kaya litaw ang magandang hubog ng katawan at maputing mga hita.
Nakasunod naman sa kaniya si Tito Rayban, pero marahas na hinablot ni Mommy ang kaniyang braso, kaya nabitawan ito ng stepfather ko.
“Halika ka na, Katrina, umalis na tayo dito!” pasigaw na utos ni Mommy sa akin.
“Ano pa ba ang kulang, Carmela? Naging mabuti naman akong asawa sa iyo,” garalgal ang tinig na tanong ni Tito Rayban sa aking ina.
“Sinungaling ka kasi!” singhal ni Mommy sa kaniya. “Nangako ka sa akin na iaahon mo ako sa hirap, pero dinala mo lang ako sa bulok na bahay na ito, Rayban! Dalawang taon na akong magtitiis dito, ayaw ko na! Sawang-sawa na ako sa hirap!”
Naawa ako kay Tito Rayban. Nagmakaawa siya kay Mommy na huwag siyang iwan dahil kami ang pamilya niya, pero ayaw nang makinig ng aking ina.
“Mag-impake ka na, Katrina, at aalis na tayo!”
“Ayaw ko po, Mommy,” mabilis kong sagot.
Biglang binitiwan ni Mommy ang dala niyang bag at mabilis na hinawakan ako sa braso.
“Huwag matigas ang ulo mo. Mas magiging maganda ang buhay mo kung sasama ka sa akin!”
“Ikaw na lang ang umalis, Mommy. Hindi ko po iiwan si Tito Rayban,” matatag kong sagot.
Naging mabuti siya sa akin, kaya paano ko siya iiwan sa ganitong kalagayan.
Biglang nalukot ang mukha ni Mommy at tiningnan niya ako ng masama.
"Magsabi ka nga ng totoo, Katrina! Babae ka ba nitong si Rayban?"
"Carmela!" pagalit na tawag ni Tito Rayban sa kaniya. "Ang dumi ng utak mo."
"Baka ginagahasa mo na ang anak ko kapag wala ako dito sa bahay, Rayban!"
Nanlaki ang aking mga mata. Hindi ko napigilan ang aking sarili kaya sumabat na ako sa usapan nila.
"Naging mabuti po sa akin si Tito, Mommy, kaya huwag mo siyang akusahan ng kung ano-ano."
Tiningnan niya ako ng may pag-aakusa at pagkatapos, bigla niya akong sinabunutan.
“May relasyon ba kayong dalawa? Niloloko ba ninyo ako?”
“Carmela, ano ba? Bitawan mo nga si Katrina! Nasasaktan ang bata, e!”
Pinigilan ni Tito Rayban si Mommy, pero hindi siya nakinig. Mas lalo niya akong sinabunutan at sinampal pa habang malakas na sumisigaw at inaakusahan kaming dalawa ng stepfather ko.
“Ang dumi ng utak ko, palibhasa gawain mo!” galit na sabi ni Tito Rayban.
Marahas niyang hinatak si Mommy palayo sa akin, kaya pabagsak na sumalampak sa sahig ang aking ina habang nagmumura at nagpupuyos sa galit.
“Kung gusto mong umalis, bahala ka, pero hindi mo mapipilit si Kat na sumama sa iyo kung ayaw niya.”
Nakita ko ang galit sa mga mata ni Mommy nang tingnan niya kami ni Tito Rayban.
“Kapag hindi ka sumama sa akin ngayon, wala ka nang ina, Katrina!”
“Dito lang po ako, hindi ako sasama sa iyo, Mommy,” mangiyak-ngiyak kong sagot.
“Ingrata!” sigaw niya sa akin. “Kung ayaw mong sumama, bahala ka sa buhay mo. Mabuti na nga iyan para wala nang pabigat sa akin!”
Padabog na pinulot ni Mommy ang kaniyang bag at nagmartsa palabas ng bahay. Marahas niyang hinatak ang pintuan para buksan, at pabalibag itong sumara nang makalabas na ang aking ina.
“Pasensya na po sa ginawa ni Mommy, Tito."
Nahihiya ako sa kaniya sa nangyari, kaya humingi ako ng paumanhin. Napakabuti niya sa akin, at kahit minsan, hindi niya ako sinaktan at itinuring na hindi kapamilya. Kaya paano ko siya iiwan kung sa lahat ng naging lalaki ni Mommy, siya lamang ang bukod-tanging tumanggap sa akin at itinuring akong bilang anak?
“Huwag mo nang isipin iyon. Hindi mo kasalanan ang nangyari,” mahina niyang sagot, at pagkatapos, tipid na ngumiti siya sa akin.
“Salamat at ako ang pinili mo, Kat.”
Pilit na ngumiti sa akin si Tito Rayban, pero nakikita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata.
“Mabuti po kayong tao, Tito, kaya hindi ko rin po kayo kayang iwan tulad ng ginawa ni Mommy sa inyo,” naluluha kong sabi sa kaniya.
Tinanguan lang ako ni Tito Rayban at sinabing hindi niya ako pababayaan. Hindi na ako babalik sa squatter at may bubong pa rin akong masisilungan, at maaari ko pa rin ipagpatuloy ang aking pag-aaral.
“Salamat po, Tito,” maluha-luhang sabi ko sa kaniya.
“Simula ngayon, tayong dalawa na lang muna, Kat. Ituloy mo ang pag-aaral mo kahit wala na ang Mommy mo para kahit mawala ako, magkakaroon ka ng magandang trabaho balang-araw.”
“Opo, Tito. Pangako po, mag-aaral akong mabuti.”
Ngumiti si Tito Rayban at ginulo ang buhok ko. “Sige na, matulog ka na ulit at may pasok ka pa bukas, Kat.”
“Sige po, good night, Tito.”
Tinanguan lang niya ako at tipid na ngumiti sa akin. Pumasok na ako sa silid ko, pero hindi ko inaasahan na iyon na rin pala ang huling ngiti sa mga labi ni Tito Rayban na makikita ko dahil paggising ko kinaumagahan, wala na siya at tanging mahabang text message lamang mula sa kaniya ang iniwan niya sa akin bilang huling habilin.