"MAINAM naman at hindi pala kayo magkasamang natulog ni Arbor sa iisang kuwarto."
Kamuntikan nang malunok ni Sabina ang toothpaste nang biglang magsalita si Manang Vida habang nagsesepilyo siya't siyang lapit nito, kumilos ito sa gawing likuran niya.
Nagmumog muna siya bago ito tugunin, "Good morning po." Himas niya ang sariling dibdib na bahagya nagkakarera pa ang mga ugat na daanan yata ng dugo papunta sa puso dahil nga sa kaniyang pagkagulat.
"Ano ang good sa morning?"
Pagliligpit pala ang sinadya ng matanda roon sa kuwartong inokupa niya kaya basta na lamang itong pumasok doon. Naisip niyang parang ang rude naman ng ganoon. Paano kung tulog pa pala siya?
"Goods po ang bawat morning. Dahil nagising pa tayo. Dahil may panibagong araw. Biyaya na po 'yon kaagad mula sa Itaas."
Tinaasan siya ng kilay ng matanda, pinagmasdan pa siya nang parang hindi ito makapaniwala. "Sa 'yo pa talaga 'yan galing?"
Nakagat niya ang sariling ibabang labi. "Si… Arbor po, gising na po ba siya?" Paglihis na lamang niya ng usapan.
"Tulog pa ang alaga ko. Nalalaman namin na gising na ang nakaokupa sa mga kuwarto rito kapag nagbabago ang kulay ng ilaw sa labas ng kanilang mga pinto."
Ah. Iyon ang rason kaya basta na lamang ito pumasok sa kuwarto niya. Pero kahit na, ang rude pa rin ng ganoon. O baka sinadya lang nito na basta siya pasukin para gulatin siya?
Hay, ano bang sinasaksak niya sa kaniyang kukote, kaaga-aga!
"Ah," tipid na lang niya sambit. "Puwede niyo naman pong huwag nang ayusin 'yan. Kahit ako na po d'yan."
"Trabaho namin ito."
"Ah, gano'n po ba…" Nakagat ni Sabina ang sariling dila, pero sa huli ay nanaig sa kaniya ang side niyang prangka at natural, "Hindi naman po siguro kasama sa trabaho niyo ang pagiging masungit sa guest?"
"Hindi ka naman ordinaryong guest ng resort."
"'Yun na nga po Manang V, mas dapat na hindi niyo po ako pagsungitan kasi bisita ako ni Arbor."
Tinikwasan na naman siya nito ng kilay. "Ano ba ang gusto mong sabihin na bata ka?"
"Ang gusto ko lang naman pong sabihin e, mas nakakahaba ng buhay kung nice tayo sa lahat. May scientific na pag-aaral hong makakapagpatunay na ang taong masaya ay mas mahaba ang buhay kesa sa parating stress." Taas-baba ang mga kilay niyang turan sa matanda.
"Hindi ako stress. Hindi ko lang nais na hayan na naman at may kasamang babae na naman ang alaga ko. Hindi na nadala."
Pabulong lang ang huling sinaad ng may edad nang babae pero hindi nakaligtas iyon sa pandinig ni Sabina. Sa katunayan ay nagtaka siya dahil doon. Ayon kasi sa mga nakalap niyang tsismis sa personal o online man tungkol sa dati niyang CEO boss, wala naman itong record na babaero. Ngunit may rumor nga na nagkakalabuan na ito at ang asawa nito sa hindi pa malinaw na rason. Iyon din siguro ang dahilan ng lalaki kung bakit madali itong nagpatupok sa apoy ng pagnanasa.
Sabina, nilingkisan mo na't hinalikan! Natural lang na magpapatupok 'yon dahil lalaki 'yon, gaga ka!
"Ang mabuti pa'y pumanaog ka na. Nakahanda na ang agahan. Sige na't nang makapaglinis nang ayos dito."
"Sure po kayo?"
Nilinga na siya nito sa pagkakataong iyon. "Ano?!" saka masungit na tanong nito.
"Sure po ba kayo na puwede ko kayong iwan dito?"
"Maglilinis nga. Bakit hindi naman? Natural ay oo!" mas masungit pang ani nito. Kumumpas pa ang kamay sa ere, tinataboy siya.
"Okay. Kung talagang sure na po kayo ay sige po, maiwan ko na kayo…" Humakbang na si Sabina papunta sa pinto. Pinakikiramdaman niya lang sa kaniyang likuran ang matandang babae.
"Sandali pala, teka," pagtawag nito sa kaniya.
Ngumiti muna siya bago muling harapin si Manang Vida. "Hmn, yes po?"
"Kaano-ano ka nga pala ng alaga ko?"
"Mistress po."
"A—Ano?"
"Ah, sa madaling salita e, kabit ho. Keridang hindi maaaring tumabi kay Arbor dahil mahigpit ko 'yung pinagbabawal—'wag na 'wag po kayong mahihimatay!" agap na banta niya sa matanda, "Baka mabagok pa ang ulo niyo, sisihin pa 'ko ng alaga niyo."
Umiikot ang mga mata at kandahaba ang ngusong iniwan na lamang ni Sabina ang matanda roon.
"LUMABAS lang ang tungkol sa pagpapakasal ni Baron Mckinley pero never naman na na-flex ang mukha ng fiancé nito. Gano'n siya kaingat, kahit noong mag-girlfriend pa lamang sila ni Sabina."
"Sa loob ng tatlong taon?!" Exaggerated ang tono na sambit ni Arbor sa patanong na paraan.
Tinanguan siya ni Jacob. Saka humikab. "Oo. Huwag ka nang magulat, si Sabina naman ang nag-tolerate sa gawain niyang si Mckinley."
Inaantok pa ang kanang kamay niya, humihikab, nakasuot pa ng terno pajama nang pumasok sa kuwarto niya pero duda siyang antok pa nga ito dahil hayun at alam na alam naman ang sinasabi. Kung hindi niya kilala si Jacob ay nakonsensya na siya sa kaalaman na nagpuyat ito para sa trabahong iyon.
"Nakakagalit lang na malaman," hindi na naawat na komento ni Arbor. Kahit naman kasi maituturing na gago rin siya kung tutuusin ay naniniwala pa rin siyang walang babae ang dapat na makaranas niyon mula sa kahit sinong lalaki.
Men like him should know and bring out the worth of a woman. Lalo kung ang babaeng iyon ay tulad ni Sabina na hirap makita ang sariling halaga.
Jacob shrugged. "Napupunta tayo sa sitwasyon na tayo rin naman mismo ang naglalagay sa ating mga sarili—madalas na naririnig ko 'yan kay Ms. Hailey."
Tama. Madalas ngang sabihin ng asawa niya iyon…
Malalim ang buntong-hininga na pinakawalan ni Arbor. "Hindi ko lang maunawaan kung paanong nangyari na mahalin ng babaeng katulad ni Sab ang mga katulad ni Baron."
"'Yan lang naman ang alam natin sa kanila. Paano kung sa buong durasyon naman ng kanilang relasyon ay minsang naparamdam naman ni Mckinley na mahal na mahal siya? May iba't-ibang depinisyon ang tao pagdating sa pagmamahal."
Umingos siya. "Hindi kamahal-mahal ang gano'ng hindi ka man lang pinahalagahan."
"Pinahalagahan mo si Ms. Hailey—"
Tinapunan niya ng nagbabantang tingin si Jacob. "Sige, subukan mong ituloy 'yang sinasabi mo."
"Pinahalagahan mo naman talaga si Ms. Hailey, saksi ako at ang mga tao ko—uy, marble 'yan!" Kandailag ito sa pinukol ni Arbor na marble pen holder. Nasalo naman nito iyon. Mabilis talaga ang reflexes ng mga tulad nitong seguridad ng client ang trabaho. "Hindi pa tayo tapos mag-usap, Arbor Villasanto, saan ka pupunta?"
"Magsha-shower na 'ko. Baka gising na ang bisita ko, mainit pa naman 'yun kay Manang Vida."
"Kanina pa siya gising. Kailangan mo talagang mag-shower para makapagpa-cool ka bago mo sita makita."
Tumikwas ang isang kilay niya. "Bakit?"
Kumibit lang ang mga balikat ni Jacob. "Dahil beach resort 'to, kasalukuyan na siyang nag-e-enjoy sa labas. Handa kasi siya ngayon at isang malaking maleta ang bitbit. Noon sa Boracay ay basta na lamang siya nagpunta. Alam mo naman ang mga babae, kakaiba sila kapag handa sa hindi."
"Kakaiba pala, e, anong ginagawa mo pa dito?" Kahit hindi niya na itanong ang buong detalye ng sinasabi ni Jacob ay nahuhulaan na niya ang pinupunto nito. Masyado na niyang kilala ito para hindi pa niya malaman ang mga laman ng sinasaad nito.
"May kasama naman kasi siya sa pamamasyal. 'Yung helper mo, tinu-tour siya."
Mas lumalim lang ang kunot sa mga noo ni Arbor sa kaniyang narinig. And then suddenly, naalala niya ang kakaibang pagkagiliw ni Egoy sa kaniyang dating sekretarya nang ipakilala niya ito sa lalaking iyon kahapon.