Pinakatitigan ko ang keychain na hawak dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang binigyan ako ng ganitong regalo ng impakto kong prof.
“Bilib talaga ako sa katalinuhan mo, cous. Hanggang ngayon taob pa rin talaga ang beauty ko ng brain mo,” wika ni Nena sabay kagat sa baon niyang burger.
Kasalukuyan na naming hinihintay si Seb dito sa may bench na malapit sa parking lot. Mayroon pa kasing exam na tinatapos kaya nahuli ng labas.
“Makamatalino ka naman wagas! Hanggang ngayon bukambibig mo pa rin talaga ang bilib mo sa’kin gayong ako nga hindi nabibilib sa sarili ko.” Inagaw ko ang burger mula sa kamay niya saka nakikagat doon.
“Hala! Bakit mo kinain ang burger na kinakain ko?” bulalas niya na akala mo ay may nakakalason mula roon.
“Bakit kasi ikaw lang kumakain?” nakanguso kong tugon sa kaniya.
Ibinalik ko ang natirang burger sa kamay niya dahil para na siyang batang paslit na maiiyak anumang sandali.
“Huwag mo akong sisihin kapag nakatulog ka ha,” ani pa niya ng muling kagatin ang burger.
Bigla akong naalarma sa kaniyang sinabi kung kaya agad kong inagaw ang burger mula sa kamay niya.
“Linda!” nakasimangot niyang bulalas.
“Kung may pampatulog ang burger na ‘to ay kailangan nating itapon at baka malason ka pa.” Umaktong sumusuka ako dulot nang pagkain ng burger.
“Ano ka ba?!” Natatawang inagaw niya mula sa kamay ko ang burger. “Ako ang gumawa niyan kaya pa'no magkakaroon ng pampatulog iyan.”
“E, bakit ganiyan ang reaksyon mo sa burger nang kumagat ako?” mataray na tanong ko sa pinsan.
Dumukwang si Nena sa tapat ng aking tainga at saka bumulong. “Buntis kasi ako.”
Biglang napadilat ng malaki ang mga mata kong singkit kasabay nang pagtanga sa kaniyang mukha.
“Hindi ba wala pa isang taon sina Sab at Neri?”
Namula ang magkabilaang pisngi ni Nena habang panay ang pagtango ng kaniyang ulo.
Para akong tanga sa klase ng aking katanungan kasabay ng realization na mukha akong gaga. Malamang may asawa si Nena kaya pwede siyang mabuntis anumang oras niya gustuhin.
“Hello, girls!”
Sabay kaming napatingin ni Nena sa kaniyang asawa na papalapit sa bench na kinauupuan namin.
“Ba’t parang masyadong seryoso yata ang inyong mga mukha. Naabala ko ba kayo?” nakangiting tanong pa sa amin nito.
“Buntis pala si Nena?” hindi nakatiis na tanong ko sa kaniya.
Nanlaki ang mga matang lumapit agad siya sa kaniyang asawa.
“Buntis ka?” masayang tanong ni Seb kay Nena sabay kabig sa asawa upang yakapin ng mahigpit.
Nakadama ako ng inggit sa kanilang dalawa lalo na sa sweetness na ipinapakita ni Seb sa kaniyang asawa.
Pakiramdam ko tuloy gusto ko na rin mag-asawa dahil nakakainggit silang pagmasdan.
Bigla akong na-concious sa hindi ko malamang dahilan. Para kasing may mga matang nakatitig sa amin na para bang gusto na kaming kainin ng buo.
Feeling ko lang naman!
Inilinga ko sa paligid ang mga mata ko at mula sa ‘di kalayuan ay nahagip ng tingin ko si Sir Carlo na titig na titig sa kinaroroonan namin.
Wala akong mabasa na kahit anong reaksyon mula sa kaniyang mukha ngunit alam kong ang mag-asawa ang sentro ng kaniyang mga mata.
Natauhan ako nang maramdaman ang pagtusok ng keychain sa’king palad. Napatingin ako sa bagay na iyon at saka muling ibinaling ang tingin ko kay Sir Carlo na mula sa mag-asawa, lumipat ang tingin sa’kin.
Inirapan ko siya nang magsalubong ang mga kilay niya na para bang isa akong pangit na bagay sa kaniyang paningin.
“Bwisit!” bulalas ko na siyang nagpahiwalay sa mag-asawa.
“Sorry.” Sabay pa nilang hingi ng paumanhin sa’kin na akala siguro ay sila ang sinasabihan ko.
“Huh? Bakit kayo humihingi ng sorry?” kunwari’y maang kong tanong sa kanila.
“Nakalimutan na kasi namin ikaw,” humahagikhik na tugon ni Nena.
“Hindi naman kayo ang sinasabihan ko ng bwisit. Sumabit kasi iyong keychain sa palad ko kaya nagasgasan.” Ipinakita ko ang palad na may gasgas para mas kapani-paniwala ang sinabi ko.
Mukhang nakumbinsi ko naman sila dahil inaya na rin nila akong umuwi na.
Bago ako tuluyang sumakay sa loob ng sasakyan ay nagpahaging pa muna ako ng mga salita na maririnig ng antipatiko kong professor.
“Most intelligent people is the most miserable people. At dahil sa sobrang katalinuhan mo nadaig ka ng katangahan sa pag-ibig!”
Ang pangit niyang mukha kanina ay lalong nadagdagan nang sunod-sunod na maglinya ang kunot sa kaniyang noo.
“Pangit!” sigaw ko sa kaniya sabay belat.
Nang makita kong humakbang siya ay mabilis akong sumakay at inutusan si Seb na paharurutin na paalis ang sasakyan.
Nang ilan metro na lamang ang layo ng sasakyan mula sa tapat ng antipatiko kong professor agad kong binuksan ang bintana at mapang-asar na kumaway sa kaniya.
“Bye, Sir Carlo!” Pinapungay ko pa ang mga mata ko upang inisin siyang lalo na ngayo’y namumula na ang kaniyang leeg.
“May araw ka rin sa’kin, Ms. Nava.”
Muli ko siyang binelatan sabay pindot ng lock ng bintana. ‘Di ko na hinintay pa ang sandaling maabot niya ako at baka kung ano ang gawin niyon sa'kin.
“Bagay kayong dalawa ng gunggong na iyon,” tudyo sa’kin ni Seb.
Malakas na tinampal ni Nena sa braso ang kaniyang asawa.
“Why?” natatawang tanong pa nito.
“Huwag mong asarin si Linda kung ayaw mong makatikim ng sapak,” turan ni Nena na pinipigil tumawa.
“Nananapak si Linda?” gulat na tanong ni Seb.
“Kaya nga galit na galit sa kaniya si Sir Carlo kasi sinapak niya.” Tuluyang humagalpak ng tawa si Nena.
Kinalabit ko si Nena na tuwang-tuwa at para bang nakalimutang nasa likuran lamang nila ako.
“Tuwang-tuwa ka na naman diyan. Mam’ya maging kamukha ng baby mo ang antipatikong iyon,” maktol ko sa kaniya.
“No!” mabilis na sansala ni Seb.
Muntik na akong masubsob sa sandalan ng upuan ni Nena ng bigla na lamang huminto si Seb sa pagmamaneho.
“Hindi ako makapapayag na maging kamukha ng gunggong na iyon ang anak ko,” maktol ni Seb.
“Grabe ka naman maka-react, Seb. Hindi ba pwedeng joke lang?” bulalas ko habang sapo-sapo ang noong tumama sa upuan.
“Ah, basta! Hindi pwedeng maging kamukha ni Carlo ang anak ko.” Para siyang batang nagmamaktol sa kaniyang ina.
“Pa’no naman magiging kamukha ni Carlo ang anak mo, kayo ni Nena ang bumuo,” paismid kong turan.
“Tama nga naman si Linda. Saka hayaan na natin silang dalawa na gumawa ng magiging kamukha ni Carlo,” natatawa pang sabi ni Nena.
“Tse!” Matalim na irap ang iginawad ko sa pinsan dahil sa mapang-asar niyang sinabi.
Talagang pinagkaisahan pa nila akong dalawa ng sabay silang humagalpak ng tawa.
“I hate you!” nakalabi kong bulalas sabay irap sa kanila.