“Nay, ano po iyang ginagawa mo?” tanong ko sa ina.
Hinahanap ko kasi siya mula pa kanina ngunit ‘di ko makita kaya naisipan kong puntahan dito sa may likuran ng bahay. At hindi nga ako nagkamali ng hinala na narito siya.
Humakbang ako palapit sa ina at saka yumakap mula sa kaniyang likuran.
“May ginawa ka na naman sigurong kalokohan kaya naglalambing,” turan ni nanay na patuloy lamang sa pagkuskos.
Kinukuskos ni nanay ang lababong pinagkusutan niya ng mga labahing damit.
“Wala, Nay!” marahas akong kumalas mula sa pagyakap. “Porke naglambing lang, may kalokohan agad?”
Lumabi ako at saka pinalungkot ang anyo ng aking mukha upang ipakitang nagtatampo ako kunwari sa kaniyang sinabi.
“O, e, ano’t hinahanap mo ako?” Hindi man lang naapektuhan ang ina ko sa reaksyong ipinakikita ko sa kaniya.
“Aayain lang naman kitang lumabas. Ililibre po kita ng merienda,” nakangiti kong wika sa ina.
Nakuha ko kasi ang allowance mula sa scholarship kung kaya may pera akong hawak.
“Itabi mo na lang iyang pera para pandagdag sa allowance mo, anak. Nakakahiya rin kung lahat na lang ay iaasa natin kay Nena. Halos siya na nga ang bumuhay sa atin noon kaya huwag na natin iasa pati ang ngayon. Mainam iyong may sarili tayong hawak na pera, para sa oras na kakailanganin natin mayroon tayong madukot,” pangaral sa'kin ni nanay.
Gusto kong malungkot sa kaniyang sinabi pero nauunawaan ko naman ang kaniyang mensahe.
Halos si Nena na ang nagbibigay sa amin at kinargo na niya kaming ina mula pa man noon. Malakas kasi ang loob niya ‘di tulad kong takot harapin ang mundo.
Isang marahas na buntonghininga ang aking pinakawalan saka matamang tumitig sa aking ina.
“Hayaan mo Nay, maghahanap ako ng sideline para kahit pa’no makatulong ako sa iyo,” seryosong sabi ko sa ina.
“Hindi mo kinakailangang gawin iyan dahil halos libre na tayo sa lahat dito sa bahay. Pero ang pakiusap ko lamang sa’yo kung maaari, ang pera sanang natatanggap mo mula sa iyong scholarship ay huwag mo masyadong gastusin at ng sa ganoon ay may mahugot tayo sa oras na kailanganin natin.” Huminto si nanay sa kaniyang ginagawa at saka hinarap ako. “Hindi masamang mag-enjoy anak, bigyan halaga lang talaga natin ang sandaling nakapisan tayo kay Nena. Ayokong habang panahon tayong maging pabigat sa kaniya.”
Ramdam ko ang matinding emosyon na inilalabas ni nanay at alam kong sa pagpunta namin dito kay Nena ay naroon pa rin ang hiya niya dahil sa ginawa ng h*yop na Gener na iyon.
Hindi ko masisi si nanay kung bakit sa kabila ng pakiusap ni Nena na huwag gumawa ng gawaing bahay ay patuloy pa rin niyang ginagawa.
Kaya sa kabila ng masayang pakikitira namin dito sa bahay nila Nena ay naroroon pa rin ang nakatagong hiya sa dibdib ni nanay.
Nagi-guilty rin kasi si Nanay dahil sa hindi niya nagawang ipagtanggol si Nena noon sa kabila ng kabutihang nagawa sa amin nito.
Nahihiya rin naman ako kila Nena dahil kung iisipin, palamunin talaga nila kami ni nanay. Pero hindi ko na lang talaga iniisip sa ngayon ang hiya upang makatapos ng pag-aaral.
Kinakailangan ko kasi ito ng sa gayon ay magkaroon ako ng magandang kinabukasan upang maiahon ang buhay naming mag-ina.
Ayokong habangbuhay na lamang kaming aasa sa bigay ni Nena. Gusto kong makabawi sa pinsan ko kahit papaano.
“Pero kung gusto mo talagang kumain ng merienda na bibilhin sa labasan, ipa-deliver mo na lang para pati ang mga bata rito ay makatikim din,” untag ni nanay sa papalalim kong pag-iisip.
Napangiti ako nang marinig ang kaniyang sinabi. Alam ko namang hindi rin talaga siya lalabas dahil mas gusto pa niya sa loob lang kami ng bahay kumain.
“Sige Nay, ako na lang po ang lalabas. Mas mura pa ang maglakad kaysa ang delivery charge,” aniko sa ina.
“O siya, humayo ka na at nang makauwi ka agad!” taboy sa’kin ni nanay.
Humalik pa muna ako sa kaniyang pisngi bago ko siya tuluyang iniwan sa may likurang bahay.
Matapos makapagpalit ng kasuotan ay lumabas na ako ng bahay at diretsong naglakad hanggang sa may gate.
“Sasakay ka po ba ng taxi, Mam Linda?” tanong sa'kin ng guard.
“Hindi po, Manong Rey. Maglalakad lang po ako hanggang sa may kanto at malapit lang naman,” sagot ko sa guard.
“Ingat ka po, Mam!” Sumaludo pa siya na ginantihan ko ng matamis na ngiti sa’king labi habang nagpatango-tango ng ulo ko.
Ilang minuto rin akong naglakad hanggang sa may pinaka-main gate ng subdivision. Muli akong sinaluduhan ng mga guard na bantay roon bago tuluyang makalabas ng highway.
Pwede naman sana akong sumakay ng tricycle kaso kung minsan umiiral ang pagiging engot, pinili kong pairalin ang bugso ng kagagahan. Kaya heto pawis na pawis ako sa paglalakad.
Napangiti ako nang makakita ng pizza parlor. Binilisan ko ang paglalakad para makapasok agad doon at nang mabawasan ang pawis sa katawan ko.
Nakaramdam ako ng kaginhawaan nang maramdaman ang lamig ng aircon sa’king katawan.
“Dapat talaga yata sumakay na lang ako kanina kaysa naglakad. Malayo rin pala sa bahay ang highway. Akala ko pagkalapit lang,” reklamo ko sa sariling isipan.
Nang mahimasmasan mula sa pagod ay tumayo na ako at saka um-order ng dalawang box ng malaking pizza para makakain ang lahat.
Matapos akong bigyan ng numero ng crew, umupo ako sa may bandang gilid ng restaurant upang magpahinga at doon hintayin ang pagtawag sa’kin.
Malakas na tilian ng mga kababaihan ang bumulabog sa pag-scroll ko sa telepono kaya inangat ko ang ulo upang tingnan sila.
Hindi ko alam kung ano ang kanilang pinagkakaguluhan sa may pintuan dahil hindi ko na binigyan pansin pa iyon.
Muli kong ibinalik ang pansin sa telepono upang mag-scroll sa social media at manood nang nakatutuwang palabas.
“Babe, I want pepperoni. I really love that flavor,” narinig kong maarteng wika ng isang tinig.
Dala ng kuryosidad, ‘di ko maiwasang tumingin sa gawi ng maarteng babae na nagsalita.
Gayon na lamang ang paglaki ng mga mata ko nang makita si Sir Carlo sa tabi nito na seryosong nakatingin sa harapang bahagi ng counter.
“Excuse me, Sir. Pwede po ba akong magpa-autograph?” tanong ng cashier matapos kuhanin ang order ni Sir Carlo.
Tipid na ngumiti ang lalaki saka inabot ang ballpen at notebook na iniaabot sa kaniya ng kahera.
Matapos pirmahan ay ibinalik na ni Sir Carlo ang notebook at ballpen. Humirit naman ang cashier ng isang picture na pinagbigyan pa ng lalaki.
“Maupo muna tayo roon, Babe.” Alok ng babaeng kasama niya saka itinuro ang mesang ilan metro lamang ang layo sa’kin.
Bahagyang yumukod ako upang hindi makita ni Sir Carlo at baka maalala niya ang huling engkwentro namin.
Hindi niya siguro ako napansin ng may batang tumatakbo ang bigla na lamang nadapa sa kaniyang harapan.
Agad yumukod si Sir Carlo upang tulungan ang batang nadapa. Iiyak na sana ang bata nang bulungan niya ng mga salitang sila lamang din ang nakaaalam.
Napahanga ako sa galing niyang pagkausap sa bata dahil imbes na umiyak ay ngumiti ito.
Teacher nga!
Sunod-sunod na pagkislap ng liwanag mula sa mga camera ng mga taong naroon ang nagpakurap sa’kin.
Kasabay niyon ay dinumog nila si Carlo upang magpa-picture at hingan ng kaunting salita.
Hindi ko alam kung maiinis ba ako o maaawa sa kaniya dahil para siyang robot ng sandaling iyon na walang layang gumalaw.
Para kasing sa kabila ng kaniyang ngiti sa labi ay may nakatagong kakaibang lungkot dahil ‘di man lang umabot sa mga mata niya ang ngiting iyon.
Nawala sa isipan ko ang in-order na pizza kung hindi pa ako ilan ulit na tinawag.
“Ms. Nava,” patuloy na tawag sa’kin ng crew na hawak-hawak ang order kong pizza.
Tumayo ako upang humakbang at lapitan ang crew. Nang makuha ko na ang pizza ay agad akong lumabas upang makauwi na.
Nagitla ako ng may pumigil sa braso ko nang magpara ako ng tricycle. Buong tapang kong hinarap si Sir Carlo na walang kangiti-ngiti sa kaniyang labi.
“Excuse me, Sir. Bitiwan mo nga ang braso ko,” mataray kong anas sa kaniya.
Napalunok ako ng laway habang matamang nakatitig sa kaniyang mga mata. Nag-isip ako ng paraan upang makatakas mula sa kaniya.
“I told you Ms. Nava, may araw ka rin sa'kin,” seryoso pa niyang sabi.
“Well...” Inipon ko ang lahat ng pwersa sa katawan at saka buong lakas kong itinulak siya. “Hindi ito ang araw na iyon!”
Nawalan siya ng balanse kung kaya nabitiwan niya ako. Mabilis akong tumakbo palayo sa kaniya at agad na sumakay sa loob ng nakaparadang tricycle.
“Linda!” sigaw sa’kin ni Sir Carlo.
“Manong paandarin niyo na po,” utos ko sa tricycle driver na agad namang sumunod.
Nang maraanan namin si Sir Carlo ay agad ko siyang binelatan sabay sigaw ng salitang ‘pangit!’