“Mommy ano na naman po ba ang kailangan sa’yo ng isa sa kambal na San Rafael?” tanong ko sa ina.
Naabutan kong kausap ni mommy si Christian James ‘JC’ San Rafael, isa sa mga top students ng Losyl Academy noong batch namin.
“Kuh, selos ka lang e!” nang-aasar na tugon ni Simona.
“Selos?” bulalas ko sabay irap sa’king kakambal. “Ang sabihin mo, patay na patay ka pa rin sa sekretarya ng ungas na iyon kahit pa nga mukha namang gorilla.”
“Nagsalita ang kenkoy.” Matalim na irap ang iginawad sa’kin ni Simona.
“Nag-asaran na naman kayong dalawa. Pwede ba magsipagbalik na nga kayo sa mga klase ninyo at ilang minuto na lang ay mag-iingay na ang bell.” Pagtataboy sa’min ni Mommy.
Lumapit ako sa ina upang gawaran siya ng halik sa kaniyang noo saka nagpaalam nang lalabas.
Nasa pintuan na ako nang tawagin ni Simona.
“Carlo, we have a new school nurse!” anito.
“Good! Then the school doesn't need our presence inside the clinic,” tugon ko sa kapatid saka tuluyan nang tumalikod palabas ng pintuan.
May sinasabi pa si Simona ngunit ‘di ko na masyadong inintindi pa at may gagawin pa nga pala akong exam ng klase ko.
Dire-diretso lamang akong naglakad hanggang sa sumapit sa may corridor. May mga batang nagtatakbuhan doon dahil break time nila.
Malayo-layo pa ang lalakarin ko upang makarating sa mismong building kung saan ako nagtuturo.
Magkakaiba kasi ang building ng prep, elementary, high school at college.
At dahil nasa college ako nagtuturo, sakripisyo ang paglalakad ko ngayon. Bukod sa mainit sadyang maraming batang maliliit ang naglalaro sa bawat maraanan ko.
“Carlo!” sigaw sa’kin ni Simona dahilan para lingunin ko siya habang naglalakad.
“Dumaan ka sa clinic at paki-entertain si Ms. Monreal,” pasigaw na sabi ni Simona.
“Monreal?” tanong ko sa kaniya na ‘di na yata narinig ang aking sinabi dahil sa tinalikuran niya na ako.
Naiiling na may pagmamadali akong nagtungo sa clinic upang harapin ang bagong nurse ng school.
“Mahirap talagang maging may-ari ng school. Ikaw na nga ang nagtuturo, ikaw pa rin ang mag-aasikaso sa mga ganitong trabaho,” bulong kong himutok sa hangin.
Hindi kami araw-araw ganoon ang set up sa school pero kung hindi talaga maaari si Mommy humarap, ako o si Simona ang kinakailangang humarap.
Tinitiliang modelo ako sa labas, alila naman ako ni mommy sa loob ng Losyl Academy.
Nang makarating ako sa clinic agad kong binuksan ang pintuan niyon upang makalabas ang amoy kulob na nakulong ng ilang araw.
May mga cleaning maintenance ang school, pero may limitadong lugar lang din silang pwedeng linisin at isa na ang clinic doon.
Ayon sa kwento ni Simona, mahalaga raw kay mommy ang mga lugar na bihirang ipagalaw sa mga tagalinis. Dito raw kasi nabuo ang love story nila ni daddy noon. Sounds weird, but I respect.
Alam ko rin namang papayag din si daddy sa kagustuhan ni mommy dahil mahal na mahal niya ito.
Sa pagkakaalala ko, madalas sabihin sa amin noon ni daddy ang katagang ‘The Devil Saint’ na hindi ko ganap na maunawaan kung bakit.
Wala naman kasi akong makitang literal na devil at santo sa bahay kaya ang weird. Lol!
Nang medyo nawala na ang amoy kulob, isinara ko na ang pintuan upang buksan ang aircon at ng sa ganoon ay lumamig naman ang buong paligid ng clinic.
Umupo ako sa swivel chair at saka ipinaikot iyon patalikod sa mesa. Binilang ko ang mga nakatayong figurine na anghel sa may cabinet at natutuwang pinisil-pisil ko iyon.
Ito ang madalas na collection ni mommy dahil ito rin ang madalas na ibinibigay ni daddy sa kaniya.
Ang dalawang iyon kapag magkasama ay napaka-clingy sa isa’t isa. Kaya nga siguro dumami kaming magkapatid.
Si Calvin ang may amor sa pag-aaral ng negosyo ni daddy. Siya ang mahilig magtanong kung pa'no patatakbuhin iyon at ngayon nga ay may sarili na siyang negosyo. May sarili na rin siyang investments kagaya namin ni Simona.
Tahimik at medyo weird din ang kapatid kong iyon na siyang nagmana raw sa ugali ni daddy, ayon na rin sa mga salita ni mommy.
Well... Lahat naman yata kaming magkakapatid ay nagmana sa kanila.
Naputol ang pagmumuni-muni ko nang makarinig ako ng tatlong katok mula sa likuran ng pinto.
“Come in!” matigas kong sabi.
‘Di ako nag-abalang umikot paharap sa taong pumasok dahil naaaninag ko ang kaniyang anino.
Napangiti ako nang masilayan ang babaeng minsan kong hinalikan sa mall show.
“So...” Tiningnan ko muna ang babaeng kiming pumasok at saka nagpalinga-linga ng tingin sa paligid. “Ikaw pala ang bagong school nurse, Ms. Stella Monreal.”
Nandidilat ang mga matang tumutok siya ng tingin sa'kin na sinabayan ko naman nang pag-ikot paharap sa kaniya.
“C-Carlo Villaforte?” utal niyang sambit.
“Itinuloy rin pala talaga ng kakambal ko ang pagpapapasok sa’yo rito. Well, congratulations! Pwede ka nang magsimula sa iyong trabaho.” Mataman ko siyang pinagmasdan at aaminin kong may ganda siyang taglay.
Pero wala akong maramdaman na kahit anong espesyal sa kaniya. Baka nga maibilang ko lang siya sa mga ikinakama ko.
“Hindi ko tatanggapin ang trabahong inaalok ni Ms. Simona,” matigas niyang sabi.
Napamura ako sa isipan dahil tiyak na malilintikan ako kay Mommy. Hindi pwedeng wala pa rin nurse ang school dahil matagal ng walang nurse na naka-duty rito.
Tumayo ako mula sa swivel chair saka humakbang palapit sa kinatatayuan ni Stella.
Halos gahibla na lamang ang pagitan naming dalawa kung kaya naaamoy ko ang mabangong perfume na gamit niya.
“You accept Simona’s offer, so what's your reason to decline it? Is it because of my kiss?” mapang-akit kong tanong sa kaniya.
Nagitla ako ng biglang lumagapak ang palad niya sa aking pisngi.
“Bastos!” aniya sabay alis sa aking harapan.
Natutulalang tinanaw ko ng tingin ang umalis na babaeng walang ibang alam gawin kundi ang manampal.
Dinig ko ang malakas na pag-ingay ng bell tanda na simula na ang klase.
Matapos kong tumipa ng mensahe sa telepono, agad akong lumabas ng clinic upang magtungo sa aking klase.
Poise na poise akong naglalakad sa kahabaan ng pasilyo nang bumangga ang batang lalaki sa akin.
“Sorry po...” hinging paumanhin ng bata na sinuklian ko naman ng ngiti sa aking labi.
“It’s okay, sweetie. Be careful,” malambing kong turan.
“Jordan!”
Sabay naming tiningnan ng bata ang taong tumawag sa kaniyang pangalan. Napasimangot ako nang makitang si Cristopher James ‘CJ’ San Rafael iyon. Isa siya sa mga gurong nagtuturo rito sa elementary level.
Ang mommy ko rin ang nagpasok sa kaniya rito dahil sa kaniyang good credentials.
Minsan nga ay naiisip ko na talagang paborito silang magkapatid ng aking ina dahil madalas bisita ang kambal sa kaniyang opisina.
Mabilis na tumakbo ang batang tinawag na Jordan kay CJ at nginitian naman ako ng huli na ‘di ko tinugon.
Noong nag-aaral pa lamang kami, ang grupo nilang magkapatid ang madalas kong kakumpetensiya sa lahat ng aktibidad.
Hanggang sa magkolehiyo kami ay kakumpetensiya ko pa rin sila lalo na si Seb Dela Cruz.
Minsan ko nang nakasuntukan ang lalaki dahil may nagustuhan akong babae noon ngunit mas pinili siyang maka-date.
Kaya magmula noon ay hindi na ako naniniwala pa sa malambing na patutsada ng mga babae. Ako na lamang ang nagpapatutsada kasabay nang pagkama sa kanila.
Sumagi sa isipan ko ang mala-anghel na mukha ni Nena.
“Kung kanino pa ako naging seryoso, saka naman hindi maaring mahalin.”