Ala una ng hapon naghanda si Camilla ng sarili para sa nakatakda nilang kasal ni Nick ng alas dos. Hindi niya ito nakita buong umaga kanina habang abala ang lahat sa paghahanda ng mesa para sa ilang bisitang inimbitahan ni Charles. Naglalagay siya nang kaunting makeup sa mukha nang tawagin siya ni Minda. Dumating daw ang Mayor sa bayang iyon at gusto siyang ipakilala ni Charles. Nang bumaba siya sa living room ay naroon ang bisita at si Charles na nagkukwentuhan. "Ito na si Camilla, kumpadre," nakangiting wika ni Charles na inakbayan siya. Napilitan siyang ngumiti at nakipagkamay. "Siya si Mayor Bermudez, Camilla, ang butihing mayor sa ating bayan at matagal ko nang kaibigan. Pag-aari nga pamilya nila ang kabilang hacienda na karugtong ng sa atin." "Ikinagagalak ko ho kayong makilala."

