"Uminom na ho ba kayo ng gamot, 'Tay?" tanong niya sa amang si Temyo nang lumabas ito ng silid. Malapit nang dumilim at kasalukuyan na siyang nag-iinit ng pagkain. Hindi na bumalik si Kaira para doon maghapunan at tiyak niyang sa bahay na ng mga Silvana ito magpapalipas ng magdamag. Ganoon naman palagi kapag umuuwi d'yan si Athena.
"Iinom pa lang, anak. Nasaan ang kapatid mo at ikaw ang nariyan sa kusina?"
"Nasa kabilang bahay ho. Dumating na naman kasi ang kaibigan niya."
"Nariyan sina Marcus? Kailan daw umuwi?"
"Marahil ay ngayong hapon lang naman, 'Tay. Pero tiyak na doon na kakain si Kaira kaya tayo na lang ang magsalo. Kumusta ho ang pakiramdam niyo?" Nagsimula siyang maghanda ng mesa nang makakain na ng hapunan ang Itay niya. May iinumin pa ulit itong gamot pagkatapos kumain.
"Nagpunta ka na sa kanila? Si Marcus ba ang kasama ni Athena?"
"Oho. Pero hindi pa ho ako nagpupunta ro'n. Papasyal naman siguro 'yun bukas sa bukid."
"Maganda na rin ang puntahan mo at ibalita ang kalagayan ng bukid," suhestyon ng ama. "Nakakahiya na kailangan pa niyang pumunta sa bukid bukas para lang malaman ang kalagayan ng lupaing iniwan niya."
Tama naman ang katwiran ng Itay niya. Noon naman ay palagi siyang nagpupunta sa bahay ng mga Silvana para makausap mismo si Marcus na siyang nagbibigay ng pondo para sa pagpapalago ng palayan. Hindi na tumutulong ang ama nitong si Tonyo dahil mas matanda pa ito sa Itay niya. Madalas ay nasa rocking chair lang ito na inaalagaan ng kasambahay. Sila na ang buong tagapamahala ng palayan. Kaya siguro pumayag si Marcus noon na bilhin nila ang kalahati ng lupain dahil bihira na rin itong uumuwi at hindi na tumutulong si Mang Tonyo dahil sa katandaan.
Itong taon lang naman siya nagsimulang ilayo ang sarili sa mga Silvana. Mula sa bintana ay tinanaw niya ang malaking bahay na ngayon ay puno ng ilaw dahil may bisita. Simula nang maging bukambibig ni Kaira na gusto na nitong magbago ng kurso ay kay Athena nabubunton ang inis niya.
"Sige ho, puntahan ko bukas ng umaga. Mainit na ho ang sabaw ng tinola, kumain na ho tayo," pag-iiba niya sa usapan. Maaga na lang siyang dadaan bukas sa bahay nila Marcus nang hindi niya abutang gising si Athena. Dadaan siya roon bago magtungo sa bukid.
"Parang narinig kong dumaan dito si Lilibeth kaninang umaga," wika pa ng Itay niya. Sumilay ang isang tipid na ngiti sa mga labi niya.
"Nagdala ho ng ube halaya na niluto ni Aling Meryl. Nasa ref ho kung gusto niyong kumain ng panghimagas mamaya."
"Tuloy-tuloy na ba ang pagkakamabutihan ninyong dalawa? Mabuti naman nang makapag-asawa ka na. Mabait naman ang batang 'yun." Ngumit rin ang Itay niya na halatang sang-ayon kung sakaling maging kasintahan niya si Lilibeth.
"Hindi pa naman ho ako mag-aasawa, 'Tay. Malapit pa lang ho kaming magkaibigan. Wala pa naman kaming malinaw na ugnayan."
"Pero natutuwa akong natututo ka na ulit makihalubilo sa mga babae. Kung si Lilibeth na ang napupusuan mo, aba'y bakit mo pa pinatatagal? Hindi na uso ngayon ang mahabang ligawan."
"Gusto niyo na ho yata akong paalisin sa bahay na 'to, 'Tay?" biro niya.
"Anong paalisin? Hindi ka aalis dahil ikaw ang nagpagawa ng bahay na 'to. Ikaw ang mag-uuwi ng babae dito para maging katuwang sa buhay," pagtatama naman ng ama.
"Sa inyo ho ang bahay na 'to at ipinagawa ko para sa inyo."
"Matanda na ako, anak. Hindi ko na kailangan 'to pagdating ng araw. Ikaw ang bubuo ng pamilya kaya't kailangan ikaw ang handa. Kaysa mahirapan ka pa magpundar ng panibago para sa pamilya mo. Si Kaira naman tiyak na hindi rin dito mamamalagi dahil gusto ng kapatid mong 'yun makarating sa iba't ibang bansa."
"Sinabi niya ho 'yan sa inyo?" Bahagyang tumaas ang boses niya. Ang akala niya'ay pahiwatig lang ang mga pahaging sa kanya ni Kaira ng ganoon. Pati pala sa Itay nila ay nagsasabi ito na gustong umalis sa San Fabian.
"Bata pa ang kapatid mo at maraming pangarap. Naiintindihan ko kung gusto niyang subukan ang buhay sa ibang lugar at maging matagumpay sa pipiliin niyang buhay. Ikaw ang mapipirmi dito kaya't sa 'yo ang bahay na 'to." Hindi pinansin ng ama ang pagbabago ng tono niya at pati marahil ang pagsimangot niya.
"Naiimpluwensiyahan lang naman siya ni Athena, 'Tay. Maayos ho ang buhay natin dito at maalwan na kahit paano. Hindi naman kailanga ni Kaira na magpunta sa Maynila para doon mag-aral. Baka mapariwara lang siya doon dahil hindi natin siya magagabayan."
"Mabait naman ang mga Silvana at Albano kung doon man siya makikituloy. Magpamilya ka na nang hindi ang kapatid mo ang palagi mong nakikita. Nagsusumbong na sa 'kin na masyado ka daw istrikto sa kanya." Alam niyang may pahaging ang biro na iyon ng Itay niya.
Hindi niya alam kung bakit siya lang ang mabigat ang loob tuwing may aalis sa kanilang pamilya. Siguro ay dahil nakita niya kasi ang pag-alis ng Inay niya noon na mahal na mahal niya. Nang ilang buwan itong hindi na umuwi ay nangulila siya. Parati siyang naghihintay at umaasa na uuwi ito isang araw para makasama sila. Matagal siyang hindi nakaahon sa damdaming iyon.
Nang matapos ang hapunan ay siya na rin ang nagligpit ng pinagkainan nila. Katatapos lang niyang maglinis sa kusina nang makarinig siya ulit ng pag-uusap ng dalawang babae. Bumalik ang pagsikdo ng dibdib niya lalo nang marinig kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa.
"Baka tulog na si Tatay, bukas ka na lang magmano," wika ng kapatid niya.
"E ang kuya mo? Bakit parang walang tao dito sa bahay niyo?"
Pinatay niya na kasi ang ilaw sa kusina dahil may ilaw naman sa poste sa labas ng bakuran. Tapos na rin siya at patungo na dapat sa silid para maligo bago ihiga ang katawan sa kama.
"Baka nagpunta kina Ate Lilibeth. Nandito kasi 'yun kaninang umaga."
"Akala ko ba hindi 'yun gusto ni Kent? Bakit niya pupuntahan?"
Nagsalubong ang kilay niya sa pagbanggit ng pangalan ng babaeng nirereto sa kanya sa baryo nila. At bakit Kent na lang ang tawag sa kanya ni Athena? Noon ay nakiki-kuya ito ng tawag katulad ng tawag sa kanya ni Kaira.
"Ewan ko ba. Parang narinig ko nililigawan na ni Kuya 'yun."
"Gusto mo siya para sa kuya mo?"
"Mabait naman si Ate Lilibeth. Palagi ngang nagdadala ng pagkain dito kahit nasa bukid si kuya."
"She's so old-fashioned. Ang guwapo ng kuya mo para mapunta sa manang na katulad nun."
Hindi niya alam kung bakit siya naaaliw sa pakikinig sa dalawa. Mukhang kumakain ng tsitsirya dahil narinig niya ang pagbukas ng plastic at halatang ngumunguya ang kapatid niya habang nagsasalita.
"Sinong bagay kay kuya? Ikaw? Bakit ka ba nagka-crush sa kuya ko e probinsiyano din ang pananamit? Kita mo nga palaging naka-polo shirt at maong na pantalon. Maitim pa ang balat kasi laging nasa arawan."
Lumakas ang sikdo ng dibdib niya sa pagkakataong iyon. Crush siya ni Athena? Kailan pa? Bakit?
"He's so hot! Siya nga 'yung real definition ng tall, dark, and handsome. Ang mga muscles? Wow... Walang sinabi ang mga classmates ko sa Fine Arts."
Napailing siya sa isinagot ni Athena. At twenty years old, ang definition na nito ng gandang lalaki ay masel sa katawan. Nilait pa nito si Lilibeth sa pagiging konserbatibo dahil iba ang pananaw nito sa pananamit? Gusto niya tuloy lumabas sa pinagkukublihan para pangaralan sana. Mahahawa pa ng ganitong pag-iisip ang kapatid niya.
"Ako ang gusto ko 'yung maputi. Kaya nga gusto ko sa Maynila mag-aral at maghanap ng trabaho balang-araw para doon ko makilala ang Prince Charming ko. Sana lang payagan ako ni kuya. Pumayag na si Itay eh."
"Don't worry, I'll talk to him. Hindi ka naman namin pababayaan sa Maynila. Doon ka rin sa univeristy ko mag-aral. Maraming guwapo dun."
Sa halip na harapin ang dalawa ay nagpasya siyang lumabas na lang sa kabahayan gamit ang pinto sa kusina. Hindi niya haharapin si Athena dahil hindi niya gustong ipasama si Kaira dito. Hindi aalis ang kapatid niya dito sa San Fabian dahil nandito sila ng Itay nila.
Nagpalipas siya ng ilang minuto sa silong ng manggahan hanggang hindi bumabalik ang dalawa sa mansyon ng mga Silvana. Bukas ay kakausapin niya ang kapatid na tigilan na ang pagsama-sama kay Athena nang matigil na ang kagustuhan nitong magpunta sa Maynila.