"But I won't sign any contract," wika ni Athena kay Kaira. "Runway isn't my dream and modeling is not my passion. Si Tiffany 'yun, hindi ako,"
"Hindi ko maintindihan kung bakit. Alam mo ba kung ilang babae ang pinangarap na makarating sa Paris at kuhanin ng malalaking brands? Hindi bale, pagdating natin doon baka magbago ang isip mo," sagot ni Kaira. Dumating ito kanina habang kausap niya ang Mommy niya. Pinipilit daw ng isang modeling agency na makuha siya bilang modelo ng luxury brands sa Paris. They were looking for someone new, fresh and innocent. At dahil may ilan siyang commercial para sa Albano Air, hinanap ng agent ang impormasyon niya.
And her mother wanted her to dream big. Tutol nga ito na dito siya magbakasyon sa San Fabian lalo na't magpapaiwan siyang mag-isa. But she's old enough to decide for herself. Wala rin itong nagawa nang mag-empake siya at magpaalam na sasama sa Daddy niya.
"Alam mo namang laki ako dito." Umupo siya sa malambot na kama matapos maalis ang kaba. Nalaman rin ni Kaira na magkasintahan na sila ng kuya nito dahil narinig nito ang pag-uusap nila ni Kent sa kusina kanina. Hindi na siya makatanggi. Kailangan niya ring tuparin ang pangako niya sa kaibigan na isasama niya ito sa Paris, kahit pa kung tutuusin wala naman itong effort na ginawa para maging sila ni Kent. It was solely her efforts to seduce him. Isang halik lang pala bibigay din si Kent sa pang-aakit niya.
"O dahil kay Kuya? Hindi ko talaga mapaniwalaan na hindi naman pala totoo ang pagsusungit niya sa 'yo. Baka may crush na 'yun noon pa hindi lang maamin kaya dinadaan lang sa pagsusuplado."
"Akala ko rin eh." Nagtawanan silang magkaibigan. "Pero wala munang dapat makaalam. Hindi ko alam kung okay na kay Lolo na magka-boyfriend ako."
"Siguradong boto naman ang Lolo mo kay Kuya. Pero baka ang Mommy mo hindi," sagot ni Kaira. "Prinsesa ka eh. Sino ba naman kami."
"Ano ka ba, hindi naman ganoon si Mommy."
"Seryoso kang si Kuya ang gusto mong maging boyfriend? Itatali ka niyan dito, Athena. Hindi sa tinatakot kita."
"And I love it here. Nandito tumubo ang ugat ko kaya mahal ko ang lugar na 'to. In fact, I am asking your brother to teach me how to run this farm. May pinakita pa nga siyang sapa sa dulo nito na puwedeng maging pasyalan. Ang ganda."
"Okay... okay..." putol ni Kaira sa sasabihin pa niya. "Pero bago ka pa magplano sa inyo ni Kuya, pupunta tayo sa Paris para i-introduce ako sa agent mo doon. Nahihiya kasi ako kay Tiffany kung sa kanya ako magpapasama. Gusto ko talagang maging modelo at makilala sa buong mundo. Gusto kong matupad ang mga pangarap ko kaya kinakapalan ko ang mukha ko sa 'yo. Ikaw lang kasi ang makakatulong sa 'kin."
"Oo naman. May usapan man tayo o wala, tutulungan kitang maabot ang mga pangarap mo. Don't worry, aasikasuhin na ng travel agency ang visa mo." Sa lagay ng katayuan nila sa buhay, mabilis umandar ang mga ganitong bagay. Marami silang koneksyon. Mabuti nga na makasama si Kaira sa Paris para may dahilan ulit siyang bumalik dito sa San Fabian pagkatapos ng lakad nila ni Tiffany. Magkakasama ulit sila ni Kent habang bakasyon pa sa eskwela.
"Thank you so much, Athena." Hindi niya inaasahan na mapapayakap si Kaira sa kanya. Nang humiwalay ito ay may butil pa ng luha ang magkabilang gilid ng mata nito. Ganoon ba ito kasaya?
"Paano mo naging pangarap ang maging modelo? Bakit hindi Doktor? Bakit hindi Engineer?" curious niyang tanong. Kung sa ganda ay puwede itong makipagsabayan, bagama't hindi siya sigurado kung makukuha nga ito bilang isang modelo. Kulang ito nang kaunti sa tangkad. Hindi pa rin ito gaanong bihasa sa pagsasalita ng English. Baka mahirapan ang mga luxury brands na makipag-communicate dito.
"Gusto kong makilala sa buong mundo. Baka kapag naging sikat ako, makikita ako ni Inay tapos pagsisihan niya kung bakit niya kami iniwan dito nila Kuya."
Napatda siya sa kinauupuan. Hindi niya alam na ganoon kalalim ang dahilan ni Kaira para maging isang modelo. Naantig ang puso niya lalo nang makita niyang lumamlam ang mga mata nito na kanina lang ay puno ng ngiti.
"Buhay pa ba ang Inay niyo? Baka naman kasi wala na. O nagkasakit kaya hindi na siya nakakadalaw." Hindi niya alam kung paano aaluhin ang kaibigan. Napakaswerte niya dahil kumpleto siya sa magulang.
"Buhay pa siya. Ang huling balita ko nasa Blumentritt daw kasama ng dalawa niyang anak. Kita mo 'yun, pinalitan kaagad kami ni Kuya sa buhay niya. Kinalimutan niya na lang talaga kami."
"Kanino ka nakikibalita?"
"Kay Nanay Mercy. Kaibigan niyang matalik daw 'yun noong dito pa si Inay nakatira."
"Do you miss her?"
"Miss? Hindi ah."
"E bakit tinatanong mo ang tungkol sa kanya?"
"May parte lang kasi sa pagkatao ko ang nawawala kaya ko siya hinahanap. Iniwan niya lang kami nang ganoon? Lalo na ako, ni wala pa akong muwang. Hindi ba niya kami naisip bago siya lumandi sa iba? Hindi niya kami minahal?"
Puno ng pait ang mga mata ni Kaira ngayon na gusto niya na ring magalit sa Nanay nitong nang-iwan sa kanila. Kung ganito ang nararamdaman ni Kaira, paano kaya si Kent?
Iniakbay niya ang isang kamay sa balikat ng kaibigan para iparamdam na karamay siya nito. "Let's fulfill that dream of yours and show it to your mother she can be proud of you. Malay mo, kapag bumalik siya sa inyo mabuo mo ang parte ng pagkatao mo na nawala."
"Buo na ang pagkatao ko nang wala siyang ambag, Athena. Kaya gusto kong ipakita sa kanya na kaya kong magtagumpay sa buhay kahit wala siya. Na hindi ko siya kailangan."
"Did you and Kent get a chance to talk about your mother? How does he feel about her?"
"Hindi gustong pag-usapan ni Kuya si Inay sa bahay namin. Para sa kanya, patay na ang Inay."
Parang gusto niyang puntahan si Kent ngayon at yakapin nang mahigpit. Ipaparamdam niya dito ang pagmamahal na kaya niyang ibigay nang hindi ito makaramdam ng kakulangan.
Nasaan na nga ba si Kent ngayon? Nangako ito na maglalaan ng oras sa Lolo niya habang nagpapaantok. Pagkatapos ay sila naman ang maglalaan ng oras sa isa't isa. Kailangan nang makauwi ni Kaira dahil tiyak na tutudyuhin lang siya nito.
"Hindi ka pa ba hinahanap sa inyo?" Kulang na lang ay itaboy niya ang kaibigan pabalik sa bahay nito. "Inaantok na rin ako dahil maaga kami sa bukid kanina."
"Inaantok ka na ba talaga o gusto mong si Kuya ang kausap kaysa ako?" tila nahulaan naman ni Kaira ang nasa isip niya.
"Kaira?!"
"Naku! Siguraduhin niyo lang dalawa na seryoso kayo sa isa't isa ha. Yang si Kuya nababalita na nanliligaw kay Ate Lilibeth. Tapos ikaw na-challenge lang yata kay Kuya kasi sinusupladuhan ka."
"Whatever it is, we're just enjoying each other's company," pagdadahilan niya. Bakit tila may kirot sa puso niya nang banggitin ni Kaira ang babaeng napapaugnay kay Kent?
"O sige na, aalis na muna ako. Babalik ba kayo sa bukid bukas?"
"Absolutely, yes. Hindi pa tapos ang anihan." Namilog ang mata ni Kaira kaya kaagad siyang dumepensa. "Kasama ko si Lolo kapag sumusundo ang Kuya mo. At ang daming tao sa bukid no!"
"Masarap bang humalik si Kuya?"
"Kaira!"
Tumatawa pa ang kaibigan bago lumabas sa silid niya. Wala na ang Lolo niya sa sala at nakapatay na ang TV. Ibig sabihin ay wala doon si Kent. Ni hindi niya alam kung nagpunta man lang ba ito sa bahay nila tulad ng pinangako nito.
Tila siya nanlumo nang tahimik na ang paligid. Bukas ang ilaw sa gate na nagsilbing tanglaw ni Kaira pabalik sa bahay ng mga ito. Wala ang anino ni Kent sa paligid. Ibig sabihin ay bukas na sila magkikita.
Nakaramdam siya ng disappointment. Pilit niyang binabalewala ang nararamdaman dahil hindi naman siya dapat maglaan ng malalim na damdamin kay Kent. Dalawang -araw pa lang sila pero parang isang taon na ang inilalaan niyang pag-ibig dito.
Isinara niya ang mga ilaw sa loob ng bahay saka ini-lock ang pinto. Tama na ang mga ilaw sa bakuran ang bukas.
Pag-akyat sa silid ay patamad siyang humiga sa kama. Si Kent lang ang nasa balintataw niya. Nami-miss niya ang presensya nito. Paanong nakalimutan ni Kent na puntahan siya ngayong gabi para sana magkausap man lang sila kahit sandali?
Tumunog ang telepono niya na hind niya sana babasahin kung anuman ang mensaheng dumating. Masyado siyang abala kaiisip kay Kent.
"Bumaba ka sa kusina, hindi ko pa naibibigay ang goodnight kiss ko."
Napabalikwas siya ng bangon kasabay ng pag-ahon ng kaba. Nasa kusina si Kent?