Malungkot akong lumapit sa kamang kinahihigdan ni mommy at tinitigan ko ang kaniyang walang malay na mukha.
Labis-labis akong nagsisisi sa ginawa kong pag-alis noon ng bahay dahil hindi ko man lang siya inunawa.
“Mommy...” Yumukod ako para dampian siya ng halik sa kaniyang noo. Kasunod niyon ay ang pag-agos nang pinipigilan kong mga luha magbuhat sa’king mga mata.
“Becky, uuwi muna ako para kumuha ng mga gamit ni mommy. Gusto mo ba na bibilhan muna kita ng makakain mo o pagbalik ko na lamang ikaw kakain?” tanong ni Kuya Brent na siyang pumasok sa may pintuan.
Hawak-hawak nito ang mga reseta sa kaniyang isang kamay at nang titigan ko siya sa mukha ay nginitian niya lamang ako. Ngiting ni hindi man lang umabot sa kaniyang mga mata at alam kong ‘di niya rin gustong ipakita sa’kin ang dinadalang problema sa dibdib.
“Huwag mo akong alalahanin, Kuya. Ako na munang bahala rito.” Lumapit ako sa kaniya para kuhanin mula sa isa niyang kamay ang mga reseta.
“Anong gagawin mo riyan?” nagtataka niyang tanong.
“Ako na bibili ng mga gamot ni mommy. Umuwi ka na para makapagpahinga ka na rin.” Pagtataboy ko sa kaniya.
“Give me that!” Pinilit niyang agawin mula sa kamay ko ang mga reseta pero mabilis ko iyong ibinulsa. “Ako nang bibili ng mga iyan.”
“Go home, Kuya!” Umikot pa ako sa kaniyang likod para maitulak ko siya palabas ng pintuan.
“Umuwi ka na at huwag mong kalimutan na magpahinga. Bawal kang magkasakit dahil ikaw ang sandigan naming dalawa ni mommy,” habilin ko pa sa kaniya.
“Babalik agad ako pagkakuha ko ng mga gamit ni mommy kaya sabay rin tayong magpapahinga.” Pinitik niya ko sa noo.
“Kuya!” angil ko.
“May parating akong bisita. Pagdating niya, pakiharapan mo siya ng maayos at sabihing babalik din ako agad,” habilin pa niya sabay halik sa aking noo.
Hindi na ako sumagot pa sa kaniya dahil tumalikod na rin naman siya. Naiiling na tinanaw ko na lang ang bulto ng katawan niya habang papalayo.
Pabalik na sana ako sa loob ng silid ni mommy nang kapain ko ang mga reseta mula sa’king bulsa. Naisipan ko munang bumili ng gamot kaya naman pumihit na ako patalikod.
Isang maling hakbang ang aking ginawa dahil may nabundol akong tao.
“Sorr-- Ikaw?!” Gayon na lamang ang pandidilat ng mga mata ko ng si Stephen ang taong aking nabundol.
“Anong ginagawa mo rito?!” mataray kong tanong sa kaniya.
“Bakit, ikaw lang ba ang taong pwedeng pumunta ng ospital?” naaaliw niyang balik tanong sa’kin.
Siniringan ko siya ng mga mata ko at saka dinuro-duro sa kaniyang dibdib. “Wala akong sinabi na ako lang ang pwedeng pumunta rito sa ospital. Ang sinabi ko ay kung ano ang ginagawa mo rito?!”
“Huwag mong sabihing sinusundan mo ako rito?” Pasagot pa lamang sana siya nang unahan ko nang magsalita.
Narinig ko ang pagsabi niya ng ‘tsk!’ kaya naman umahon bigla ang inis ko sa dibdib.
“Kung sinusundan mo ako at sa palagay mo ay mauulit pang muli ang namagitan sa ating dalawa, huwag ka nang umasa! Hinding-hindi na iyon mauulit. Period!” mariin kong sabi sabay talikod sa kaniya.
Narinig ko ang pagtawa niya na parang nakakatawa talaga ang aking sinabi. Sa inis ko ay hinarap ko si Stephen dahil sa nagsimula namang magngingitngit ang dibdib ko. Pinanliitan ko pa siya ng mga mata ko. “Anong nakakatawa?”
“You’re cute!” Dahil matangkad siya ay nagmukha akong batang paslit sa kaniyang harapan nang guluhin niya ang aking buhok.
“Not my hair!” asik ko sabay suntok sa kaniyang mukha na hindi ko natamaan dahil sa mabilis siyang umilag.
Bago pa ako nakahuma ay namalayan ko na lang ang aking sarili na nakakulong sa kaniyang mga bisig.
Ang mga kamay ko ay mahigpit niyang hinawakan na para bang natatakot lang siya na mapadako ang mga iyon sa kaniyang mukha.
Nagtagisan pa muna kaming dalawa ng tingin at walang sinuman ang gustong sumuko kahit pa nga sa paningin ng ibang tao ay para lamang kaming magkasintahan na sweet na sweet na nag-uusap.
“Bitiwan mo ako!” mariin kong utos sa kaniya.
Hindi niya ako binitiwan bagkus ay naaaliw lamang akong pinagmasdan ng kaniyang mga mata.
Nang mapansin ko ang unti-unting paglapit ng kaniyang mukha sa’king mukha ay agad kong ipiniksi palayo ang katawan ko mula sa kaniya.
“Subukan mo pang lumapit sa’kin at sisigaw talaga ako ng ràpe!” banta ko sabay amba ng suntok ng isa kong kamao sa kaniya.
Pinagtinginan kami bigla ng mga tao nang bumunghalit siya ng malakas na halakhak.
Nagngingitngit sa inis ang dibdib ko at gusto ko siyang dibdiban para matigil siya sa kaniyang pagtawa.
“Ano’ng nakakatawa?” nagtatagis ang mga bagang kong tanong sa kaniya.
Matapang kong sinalubong ang mga mata niyang matiim na tumitig sa’kin kahit pa nga patuloy lamang siya sa pagtawa.
“Ano!” paangil kong sigaw sa kaniya.
“Wala naman,” nakangisi niyang tugon.
Sa sobrang inis, mabilis ang ginawang paglapit ko sa kaniya at saka sinipa ko siya sa pagitan ng mga hita niya.
“Agh!” Narinig ko ang nasasaktang ungol mula sa kaniya, pero hindi na ako nag-abala pang balikan siya dahil umalis na ako.
Bubulong-bulong na animo’y bubuyog lang ang peg ko habang binabaybay ang daan patungo sa may pharmacy.
Umingay ang telepono ko kaya naman huminto ako sa paglakad para sagutin
ang kung sinumang tumatawag.
“Yes, Kuya?” sagot ko sa kabilang linya nang makita ko sa screen na si Kuya Brent ang caller.
“Becky, dumating na ang bisita namin ni mommy. Nandoon na raw siya sa may ward. Nasaan ka ba?”
Dahil sa sobrang pag-entertain ko kay Stephen, nawala na sa isipan ko ang bisitang ibinilin sa’kin kanina ni kuya.
“Are you listening to me?” Napakamot ako sa ulo dahil sa tining ng boses ni kuya mula sa kabilang linya.
“Yes, Kuya!”
“Akala ko ba’y ikaw ang magbabantay kay mommy habang wala ako? Bakit mo siya iniwan?” Kung babae lang si Kuya Brent ay paniguradong dinaig pa niya kami ni mommy sa pagiging nagger.
“Kuya, kaaalis ko lang ng ward. Bibili ako ng gamot sa may pharmacy para kung kakailanganin ito ni mommy ay mayroon agad magagamit,” balewala kong turan.
Binabalewala ko lamang ang anuman reaksyon niya dahil alam ko namang malayo siya. Pero kung nandito lang si kuya ay ‘di ko pwedeng gawin iyon.
“Okay. Bilisan mo lang diyan at nang maasikaso mo rin ang bisita natin.”
“Grabe namang bisita iyan, kailangan pa talagang asikasuhin!” maktol ko.
“Naririnig kita, Becky!”
“Oo na! Para naman kasing bata iyang bisita mo at kinakailangan pa talaga na istimahin ng husto,” nayayamot ko pang tugon.
“Pakiharapan mo nang maayos ang bisita natin at huwag mong aawayin kung ayaw mong magalit ako sa iyo!”
Pinatay na ni Kuya Brent ang tawag matapos iyong sabihin.
Napaismid na lang ako sa isiping ang tanda-tanda na ng bisita ay gusto pa rin magpaimportante, kahit na alam naman nitong pasyente ang kaniyang binisita.
Mabuti na lamang at hindi ganoon kahaba ang pila sa may pharmacy kaya mabilis akong nakabili ng mga gamot.
Malalaki ang mga lakad kong nagbalik sa ward kung saan naroon ang aking ina.
Pagpasok ko ay wala naman akong nakitang ibang tao. Mabuti na rin iyon at ng hindi awkward gumalaw.
Nakita ko ang bulaklak sa may side table pati na rin ang mga prutas na sa palagay ko ay dala ng sinumang bisita nila kuya.
Lumapit ako sa kama upang silipin si mommy. Naramdaman ko ang kirot sa kaibuturan ng aking dibdib nang masilayan ang walang malay niyang mukha.
“Mommy... please get well.” Masuyong hinaplos ko ang kaniyang pisngi. “Sa oras na magising ka ay ipinapangako kong magpapakasal na ako sa lalaking gusto mong pakasalan ko.”
Agad namalibis ang mga luha sa’king pisngi. Bukal sa kalooban ko ang mga ipinahayag ko. Kung ang kapalit nang pagpapakasal ko sa lalaking hindi ko kilala ay mabubuhay pa si mommy ng matagal na panahon, magpapakasal ako!
“Narinig ko iyon.” Nanlaki ang mga mata ko nang mabosesan ang taong nagsalita.
Marahas akong lumingon upang kumpirmahin ang aking hinala at hindi nga ako nagkamali.
“Ano na namang ginagawa mo rito?!” mataray kong bulalas kay Stephen na siyang nagsalita.