Chapter 10

1526 คำ
“Uuhmm...” Nilingon ko si mommy na siyang umuungol. “Mommy.” Masuyong ginagap ko ang kaniyang kanang palad saka lumapit ako ng husto sa kaniyang tabi. “B-Becky...” nahihirapan niyang usal. “Mommy.” Gusto kong maiyak dahil sa nakikitang paghihirap niya, pero wala ‘di ko pwedeng gawin dahil tiyak na hihina lang ulit ang kaniyang pakiramdam. “Hi, Tita!” Dahan-dahang dumako ang paningin ko sa kabilang bahagi ng kama kung saan banda nakatayo si Stephen. “B-Becky, siya si Ste...” “Magpagaling ka na po, Tita. Hayaan mo, dadalhin ko rito sila mommy at daddy.” Putol ni Stephen sa anumang sasabihin ng aking ina. Nalukot ang noo ko nang marinig ang malambing nitong pakikipag-usap sa’king ina na para bang matagal na silang magkakilala na dalawa. Ngumiti naman si mommy sa kaniya at Iyong ngiti na iyon ay para bang may kung anong lihim na relasyon na tanging sila lamang dalawa ang nakakaalam. “Magkakilala pala kayo,” mapakla kong sabi at untag na rin sa matamis nilang pagngingitian. Ewan ko ba kung bakit tila kinukurot ang puso ko sa eksenang nakikita mula sa kanila. “Kaibigan ng mommy ko ang mommy mo.” Si Stephen ang sumagot sa aking tanong. Inirapan ko siya nang tumingin sa’kin at nginitian ako na animo’y wala lamang nangyaring pagtatalo sa pagitan naming dalawa. “B-Becky, n-nasaan ang k-kuya mo?” paputol-putol na tanong ni mommy. Inayos ko muna ang aking sarili bago pa humarap sa ina ko para sagutin ang kaniyang tanong. “Umuwi po si Kuya Brent upang kumuha ng magagamit natin dito.” Nginitian ko si mommy. “Pero h‘wag ka pong mag-alala, babalik din po siya maya-maya lang.” Muli ko na namang nararamdaman ang pinipigilan kong mga luha mula sa gilid ng aking mga mata nang gagapin nito ang mga palad kong nakahawak sa kaniya. “A-ang d-dami k-kong p-pagkakamali s-sa i-iyo,” wika pa ni m. “Mommy!” Tuluyang bumagsak ang pinipigilan kong mga luha. Yumukod ako para yakapin siya mula sa kaniyang kinahihigdan. “I'm really sorry, Mommy!” Ang tahimik kong pagluha ay tuluyang nauwi sa malakas na hagulgol. “Ako po ang maraming pagkakamaling nagawa. Naging matigas ang ulo ko para lang masunod ang mga tantrums ko. ‘Di ko na inisip ang lahat ng mga sakripisyo mo para sa’kin, sa amin ni Kuya Brent. Sorry po, mommy. Sorry po!” Iyak nang iyak ako matapos sabihin ang mga katagang iyon. Hinaplos-haplos ni mommy ang buhok ko at hinayaan akong umiyak nang umiyak sa loob ng kaniyang mga bisig. “Mommy, pangako susundin ko na ikaw. Pakakasalan ko na ang lalaking gusto mong mapangasawa ko basta ipangako mo lang din sa akin na ‘di mo ako iiwan.” Isinubsob ko ng husto ang mukha ko sa pagitan ng kaniyang leeg at balikat “H-huwag kang magpadalos-dalos sa iyong mga desisyon,” malumanay na wika ni mommy. “I’m sure about my decision. Nakahanda na akong magpakasal sa lalaking gusto mong maging asawa ko,” tugon ko. “S-sigurado ka na ba talaga sa sinasabi mong iyan?” Tumango-tango ako bilang pagtugon sa kaniya. “P-pero ‘di mo naman kailangang pilitin ang iyong sarili kung hindi mo gustong gawin ito,” aniya. “Gusto kong bumawi sa lahat ng mga nagawa kong pagkakamali sa’yo kaya pumapayag na akong magpakasal. Isa pa’y alam ko namang para sa kabutihan ko lang din ang iniisip mo.” Hindi ko na ipagkakait sa aking ina ang kaniyang kasiyahan. “P-paano nga pala kayo nagkakilalang dalawa?” Natigil ang pagluha ko nang tumingin si mommy kay Stephen. Saka ko lamang naalala na naroon pa nga pala ang kinaiinisan kong lalaki. Napangiwi ako nang maisip na nakita niya ang itsura kong umiyak sa harapan ni mommy. Akmang kukunin ko ang isang kamay ko para punasan ang mga luhang nagkalat sa’king mukha nang mapaigtad ako dahil sa pagdampi ng balat ni Stephen. Pinagpatong ni mommy ang mga kamay namin sa isa't isa. Hindi ko magawang magreklamo dahil sa kalagayan ng aking ina, pero gusto kong tadyakan si Stephen sa kaniyang mukha. Napatitig ako sa makinis at gwapong mukha ng binata. Bigla akong napaisip na ‘wag ko na lang tadyakan at sayang naman ang kaniyang kagwapuhan. At may panghihinayang pa talaga ako! “B-Becky, si Stephen ang lalaking gusto kong mapangasawa mo.” Dinaig pa yata nang pinasabog na paputok sa tapat ng aking tainga ang ginawang paggimbal sa akin nang winikang iyon ng aking ina. Parang ‘di ko matanggap na ang taong ayaw ko nang magkaroon ng anumang koneksyon ay siya rin mapapangasawa ko. Bakit nga ba kasi siya pa ang pinili ni mommy na maging asawa ko, gayong mas maraming mayamang lalaki ang pwede ko namang asawahin. “No, mommy!” pahisterikal kong tugon sabay haklit sa kamay kong pinatungan ng malaking kamay ni Stephen. “B-Becky.” Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita ko si mommy na bigla na lamang namutla. Maya-maya’y umingay na ang mga aparatong nakakabit sa kaniyang katawan tanda na mayroong problema. “M-mommy...” wala sa sarili kong sabi. “Nurse! Doc!” Kasunod nang pagkarinig ko sa tinig ni Stephen. Natutulalang pinagmasdan ko ang mga nurse na agad pumasok dito sa loob ng ward. Naririnig ko ang pinag-uusapan nila, pero para namang napakalayo ko sa realidad na nangyayari dahil blangko ang aking isipan. May malakas na pwersang humila sa'kin palabas ng ward at doon pa lamang din ako tila natauhan lalo na nang haplusin ni Stephen ang aking mga pisngi. “Sshh... It's alright. Everything will be fine,” malambing niyang hayag bilang pagpapakalma sa’kin. “No!” Tinabig ko ang kaniyang kamay at saka tumakbo ako papasok sa may loob ng ward. Nakita ko ang isang nurse na may kung anong itinuturok na gamot sa swerong nakakabit sa braso ni mommy. “Mommy.” Itinakip ko ang isa kong palad sa’king bibig upang pagtakpan ang iyak kong unti-unting lumalakas. Nararamdaman ko ang panghihina ng aking mga tuhod kasunod ng tuluyang pagkawalan ng lakas niyon. May mga kamay na umalalay sa’kin pero hindi ko iyon pinansin dahil abala ang buong atensyon ko sa nakikitang hirap ng kalagayan ni mommy. Naririnig ko ang pag-uusap ng mga tao mula sa paligid ko pero wala naman akong maintindihan dahil patuloy rin na lumalakas ang aking paghikbi. “Becky, come on!” matigas na utos ng tinig ni Stephen na siyang gumising sa aking lutang na diwa. Napakurap-kurap pa nga ako at iniisip na parang hindi yata totoo ang lahat ng mga nakikita ko dahil kani-kanina lang ay kausap ko pa ang aking ina. “Becky.” Wala sa sariling unti-unting napatitig ako kay Stephen at mabilis kong ibinalik ang atensiyon ko sa may kama kung saan naroroon ang aking ina. “T-totoo ba ang mga sinabi ni mommy?” nanginginig ang boses kong tanong sa kaniya. Gusto ko lamang kumpirmahin upang masiguro kong ito’y isang biro lamang. Ngunit nabigo ako nang tumango siya bilang pagtugon sa’king katanungan. Ipinikit ko ang mga mata ko upang ilan sandaling magmuni-muni. Masuyong paghagod ng mga daliri ang nagpadilat sa mga mata ko. Malungkot akong tumingin sa may gawi ni mommy. Hindi ko alam kung maiinis ba ako, o tatawa ba na iiyak. Gusto kong magalit sa kaisipang ang lalaking aking mapapangasawa ay ang lalaking nasa harapan ko. “She'll be okay,” pag-aalo sa’kin ni Stephen dahil sa pag-aakalang si mommy ang nasa aking isipan. Hindi niya alam, siya itong gumugulo sa isipan ko pati na rin sa buong sistema ng pagkatao ko. Pinunasan niya ang mga luha ko sa aking pisngi upang tuyuin. Pinilit kong pigilin ang aking sarili na muling umiyak pero parang sasabog ang dibdib ko sa tindi ng emosyong nadarama ko. Kinabig niya ako palapit sa kaniyang katawan upang yakapin nang mahigpit. Dahil tuloy sa ginawa niya ay tuluyan na namang bumagsak ang mga luha kong pilit pinipigilan. Sunod ko na lamang namalayan ay iyak na ako ng iyak sa loob ng kaniyang mga bisig. Hinayaan niya lang akong umiyak hanggang sa ako rin naman ang tuluyan nang napagod sa pag-iyak. “N-noong nagkita ba tayo sa may bar ay alam mong kapatid ko si Kuya Brent?” nanginginig ang labi kong tanong. “Hindi ko alam na ikaw ang kapatid ni Brent. Ang tanging alam ko lang naman ay umalis ang kaniyang kapatid dahil sa ayaw niyong maikasal sa akin.” Feeling ko naman ay nagsasabi siya ng totoo. “Pero teka, bakit noong nakitulog ka sa apartment ko ay parang may alam ka?” tanong ko pa. “Wala akong alam. Nakitulog lang talaga ako noon dahil nawawala ang susi kong naiwanan ko pala sa may bar,” nangingiti niyang wika. Sumakit bigla ang ulo ko at pakiwari ko’y umikot ang aking mundo. Maya-maya pa’y para na ngang pinaikot na trumpo ang pakiramdam ko lalo na sa biglang pag-ikot ng aking paningin. “Becky?” Nahimigan ko ang pag-aalala sa tinig ni Stephen. Tanging pag-ungol lamang ang naitugon ko sa kaniya dahil wala na akong lakas pang makipagsagutan lalo na’t tuluyan na akong nawalan ng malay.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม