Puting kisame ang namulatan ko at sa aking paglinga ay ang nag-aalalang mukha naman ni Kuya Brent ang nasilayan ko.
“K-kuya...” nanginginig ang boses kong usal.
“S-si mommy...” Pumiyok pa ang tinig ko nang maalala ang aming ina.
Masuyo niyang sinapo ang aking mukha. Sunod niyon ay nag-unahan sa pagpatak ang mga luha ko.
“Sshh... She's okay.” Pinunasan ni kuya ang mga luha ko gamit ang kaniyang daliri. “Kailangan mong magpalakas.”
Tumango-tango ako bilang pagtugon at wala rin naman akong mabuong salita. Nagi-guilty ako nang maaalala ang huling pag-uusap namin mag-ina.
Pasabi-sabi ako sa kaniya na susundin ko siya, pero nang malamang si Stephen ang lalaking pakakasalan ko ay bigla akong naghisterikal.
Bakit kasi siya pa ang lalaking pakakasalan ko?
“Si Stephen?” Nagpalinga-linga ako sa paligid upang hanapin ito.
“Umalis na siya.” Tumayo si Kuya Brent mula sa pag-upo. “Babalik na lang siya muli.”
“Huwag mo nang pabalikin!” bulalas ko.
Salubong ang kaniyang mga kilay na tinitigan ako. “May ginawa ka bang hindi maganda sa kaniya?”
Nanghahaba ang ngusong pinunasan ko ang mga latak na luhang nagkalat sa aking pisngi.
“Grabe ka naman sa akin. Sinabi ko lang na ‘wag mong pabalikin, meron na agad akong ginawa? Hindi ba pwedeng ayaw ko lang siyang makita? Nakakairita kaya siya, ‘di mo ba alam iyon?” sunod-sunod kong pahayag.
“Give me one reason, why you don't want to see him?” tikwas ang kilay niyang tugon.
“Hindi ko siya gustong makita lalo na at siya pala ang mapapangasawa ko. Sa dinami-rami ng pwedeng maging asawa ay ang antipatiko pa talagang iyon!” nakaingos kong tugon.
Blanko ang reaksyon sa mukha ni kuya at tila hindi man lang siya nabigla sa aking sinabi.
“Wala ka nang magagawa, Becky, si Stephen na ang nakatakdang maging asawa mo,” wika niya.
“Bakit parang boto ka pa sa kaniya? ‘Di ba dapat ikaw ang unang kakampi ko sa maling desisyon na ito ni mommy?” nangongonsensiya kong turan.
“Lahat nang sinabi mo noong isinugod natin si mommy rito sa ospital ay ‘di ko makakalimutan. Ikaw ang nagsabi na magpapakasal ka sa kahit sinong lalaking ipakakasal niya sa iyo, kaya huwag mo sanang kalimutan iyan.”
“Oo na!” Itinaas ko ang dalawang kamay ko bilang pagsuko.
“Alam ko ang ginawa mo kanina kay Stephen, pero ‘di kita parurusahan kung itutuloy mo ang pagpapakasal sa kaniya.” Seryoso ang kaniyang anyo nang sabihin iyon.
Nalukot ang noo ko dahil sa winikang iyon ni kuya. Aaminin kong naiintriga na ako at nakukuha na ng kuryosidad ko ang tungkol kay Stephen.
“Nagsumbong siya sa iyo?” malamig kong tanong habang lihim na naiinis sa bwisit na lalaking iyon.
“Hindi niya kailangang magsumbong para lang malaman ko ang ginawa mong kalokohan,” tugon niya na lalo namang nagpangitngit sa’kin.
“Ano ba’ng inaasahan mo sa taong nabigla, Kuya, matutuwa agad sa kaniyang malalaman?” sarkastiko kong tanong.
“Babalik muna ako sa silid ni mommy.” Paalam niya upang takasan ang tanong ko.
May bahagi ng puso ko ang naantig pagkarinig sa kaniyang sinabi. Guilty talaga ako sa nangyari kay mommy, kaya naman gusto ko itong makita.
“Sasama ako!” Kumapit ako sa isang kamay niya.
“Dumito ka lang at magpahinga, saka ka na magpunta kay mommy kapag may lakas ka na,” tugon niya.
“Okay na ako.” Pagpupumilit ko naman.
“Becky!” gulat niyang bulalas nang lumundag ako mula sa kama.
“Gusto kong makita si mommy. Gusto kong humingi ng sorry sa kaniya. Sige na kuya, pangako hindi ko siya guguluhin!” Pinapungay ko pa ang mga mata ko nang tumitig ako sa kaniya.
Ilang sandali muna niya akong tinitigan bago tuluyang inayos ang kamay kong nakakapit sa kaniyang kamay.
Inalalayan pa niya ako sa aking paglakad hanggang sa makarating kami sa silid ni mommy.
Kumudlit ang bugso ng kunsensiya sa puso ko nang makita ang nahihirapang anyo ng aking ina.
“Mommy...” gumagaralgal ang tinig kong usal.
Napakasama ko talagang anak dahil hindi ko man lang mapagbigyan ang kaniyang kahilingan.
“Becky, hayaan mo nang magpahinga si mommy. Kababawi lang niya ng lakas kaya ‘wag na muna natin siyang gisingin at abalahin.” Masuyong ginagap ni kuya ang kamay ko.
Sumisikip ang dibdib ko dahil sa labis na kosensiyang aking nadarama para kay mommy.
Hinila ko ang kamay ko mula kay Kuya Brent at saka mabilis na tumakbo palayo.
“Becky!” sigaw niya sa’kin na hindi ko pinagkaabalahang lingunin.
Tumakbo nang tumakbo ako papalayo hanggang sa marating ko ang main door ng hospital.
“Bumalik ka rito, Becky!” naririnig ko ang sigaw ni kuya, pero buo sa loob ko ang paglisan.
Walang destinasyon ang pupuntahan ko, dahil ang tanging sigurado lang ay gusto ko munang lumayo sa lugar na iyon upang alisin itong sakit sa’king dibdib.
Panay lang ang takbo ko hanggang sa tuluyan na akong makadama ng pagod at huminto na sa pagtakbo.
Sa sobrang dami nang gumugulo sa aking isipan ay hindi ko na napansing napakalayo ko na pala sa ospital.
“Going somewhere?” Dahan-dahan ang ginawa kong pagtingin sa mukha ng taong nagsalita.
“Ano na namang ginagawa mo rito?!” paangil kong tanong habang matalim ang mga tinging ipinupukol ko kay Stephen.
Ilan sandaling nagtagisan muna kami ng tingin hanggang sa kapagkuwa'y siya na rin ang unang sumuko.
“Bakit ba sinusundan mo na lang ako palagi?” tanong ko.
“Tara na. Ihahatid na kita pabalik kila Brent at tita.” Masuyong hinawakan ng kaniyang kamay ang kanang braso ko.
Tila may kuryenteng nanulay sa’ming mga balat nang maramdaman ko ang pagdaiti ng kaniyang palad. Halo-halo ang emosyong lumulukob sa’kin at hindi ko maintindihan sa aking sarili kung ba’t ko ito nadarama.
“Becky,” untag sa’kin ni Stephen ng hindi pa rin ako gumalaw kahit pa nagsimula na siyang kumilos.
Nagbalik sa alaala ko ang unang beses ko siyang nakilala sa bar hanggang sa ipakilala siya sa’kin ni mommy bilang magiging asawa ko.
“I hate you! I really really hate you!” nanggagalaiti sa inis kong sigaw sa kaniya.
Mula nang makilala ko siya ay ang dami nang naganap. Hindi ko alam sa aking sarili kung bakit apektado ako sa kaniya, gayong ilang lalaki na rin ang nagdaan sa buhay ko.
“At bakit ka naman magagalit sa’kin?” tanong niya.
Sumikdo ang dibdib ko nang madako ang paningin ko sa kaniyang malapad na balikat. Naglaro sa imahinasyon ko ang araw na may namagitan sa aming dalawa at aaminin kong kakaibang init ang binubuhay niya mula sa'king katawan.
“Dahil ginulo mo ang buhay ko!” inis kong sagot.
Ang dami kong gustong isumbat sa kaniya, pero napipigilan ako ng isipin na wala akong karapatang gawin ‘yon.
Kahit kasi ipagdiinan ko sa’king sarili na siya ang dahilan nang pagkakagulo ng buhay ko, nangingibabaw pa rin sa aking isipan ang katotohanang ako talaga ang mali.
Taimtim muna niya akong tinitigan sa mukha bago nagsalita. “Wala akong intensyon na guluhin ka dahil hindi ko alam na ikaw pala ang babaeng inirereto sa’kin nina Brent at Tita Beatrice.”
Umangat ang kaniyang palad sa aking pisngi at saka masuyong humaplos doon.
“Pero ‘di mo ba naisip na baka naman nakatadhana talaga tayong dalawa dahil kusang nag-krus ang ating mga landas bago pa man natin malaman na tayo ay nakatakda palang ikasal para sa isa't isa.” Sumilay ang simpatikong ngiti sa kaniyang labi.
“Ano ‘to, fairytale story?” nang-uuyam kong pahayag.
“Nasa reyalidad tayo ng mundo at isa man sa atin ay walang kakayahan gawin peke ang lahat, lalong-lalo na iyong mainit na namagitan sa ating dalawa,” nangingiti niyang wika.
Muli na namang sumikdo ang dibdib ko dahil sa narinig. Bigla kong naalala iyong mga nangyari sa amin lalo na ang pakiramdam na ang kaniyang mga labi ay nakalapat sa'king labi.
Bakit kasi kailangan pa niyang ipaalala iyon sa’kin?
Matalim ang tinging ipinukol ko sa kaniya at kung nakamamatay lamang iyon ay tiyak na kanina pa bumulagta sa lupa ang maskulado niyang katawan.
Katawang tiyak na pagnanasaan ng kahit sinong babae, kahit pa nga ng mga binabae.
“Kalimutan mo na ang nangyari dahil isa lang naman iyong one-night stand sa pagitan nating dalawa,” kunwari’y balewala kong pahayag.
Iglap lang ay nasa harapan ko na si Stephen at halos hindi na maipinta ang kaniyang mukha. Halos gahibla lamang ang kaniyang layo mula sa akin kung kaya kitang-kita ko ang pagyeyelo ng asul niyang mga mata.
Nakakaintimida ang kaniyang presensiya at parang gusto ko tuloy tumakbo palayo sa kaniya. Gusto kong magtago sa lugar na hinding-hindi niya malalaman na roon ako nagtago.
Pero, bakit parang siya pa yata ang may ganang magalit sa akin gayong ako lang naman ang tunay na naapi sa aming dalawa?
Huwag niya talagang sabihin na pinilit ko siya, dahil kung tutuusin siya ang humarang sa'kin noon para lamang dalhin ako sa kwarto kung saan kami nag-sèx.