"O, Joseph, napasugod ka yata?" may pagtatakang tanong ko sa binata nang mapagbuksan ko siya ng pintuan.
Kababata, kapitbahay, at ex-boyfriend ko si Joseph. Nilayuan ko siya nang matuklasan kong niloloko niya lang ako.
Nagitla ako ng bigla niya akong kabigin at saka siilin ng halik sa aking labi. Halik na wala man lang akong makapang kahit na anong damdamin upang tugunin.
"Becky..." Kinilabutan ako sa kaniyang pag-usal. Kilabot na mayroong dulot na iritasyon sa'king pakiramdam.
Buong pwersa ko siyang itinulak sa kaniyang dibdib sunod nang paglagapak ng kaliwang palad ko sa pisngi niya.
"Ano ba'ng trip mo?!" nagtatagis ang mga bagang kong tanong sa kaniya.
"Mahal kita, Becky." Sinubukan pa niyang humakbang palapit sa akin pero pinigil ko siya.
Pakiramdam ko'y sumusulak ang lahat ng dugo ko sa ulo. Sino ba naman kasi ang hindi iinit ang ulo sa kaniyang mga ginawa?
“Becky, ikaw ang mahal ko. Isa lamang pagkakamali ang pinakawalan pa kita,” malungkot na hayag ni Joseph.
Panay pag-iling ang ginawa ko dahil sa dakilang sinungaling pa rin talaga siya. Kung noon niya marahil sinasabi ang kaniyang mga salitang sinasambit sa ngayon ay baka sakaling maniwala pa ako sa kaniya. Sinaktan niya ako kahit alam niyang mahal na mahal ko siya.
Nananaig sa isipan ko ang alaala ng kahapon kung saan siya lang sana ang inaasahan kong kakampi, pero binigo ako ni Joseph.
“Becky...” Humakbang siya palapit sa akin pero ikinumpas ko ang isa kong kamay para patigilin siya.
“Umalis ka na,” mahinahon kong sabi.
“Hindi ako aalis hanggang hindi tayo nagkakabalikang muli.” Patalinghagang wika ni Joseph.
Mapanuyang tumawa ako. “Wala na tayong ibabalik pa dahil ikakasal na ako.”
“Sinasabi mo lang iyan dahil galit ka sa akin. Alam ko namang hindi totoo iyan, kaya hindi ako naniniwala!”
“Kailangan mong maniwala sa sinasabi niya sa iyo.” Sabay naming nilingon ni Joseph ang taong nagsalita.
“Sino ka?” maangas na tanong ni Joseph kay Stephen.
Nginitian lamang ni Stephen si Joseph at saka lumapit siya sa’kin. Pinandilatan ko siya ng mga mata ko nang akbayan niya ako.
Heto na naman kaming dalawa sa drama kung saan minsan na naming ginawa sa harapan ni Randy.
“Baby, nagugutom ako. May makakain na ba tayo riyan?” nakangiting tanong sa’kin ni Stephen.
Gusto ko nang sikmuraan si Stephen kung ‘di lang nakaharap si Joseph. Lihim ko siyang inismiran at saka ipinaskil ang pekeng ngiti sa’king labi.
“Nakahanda na ang pagkain sa loob. Halika na at masamang pinaghihintay ang grasya,” tugon ko kahit pa nga ‘di naman talaga siya kabilang sa mga kakain ng pagkaing ipinahanda ni mommy.
Hindi nga ba?
“Becky.” Kitang-kita ang labis na lungkot sa mga mata ni Joseph. Mahahalata ang kaniyang pagsisisi at panghihinayang.
Kasalanan din niya kung ba’t ako ganito. Dati ako iyong habol nang habol, pero binabalewala niya lang tapos ngayon sasabihing mahal ako. E ‘di wow!
Inakay na ako ni Stephen para pumasok na ulit sa loob ng bahay, ngunit pinigil ako ni Joseph sa aking braso.
“Don't touch her!” Tinabig ni Stephen ang kamay ni Joseph.
“Stephen.” Pigil ko sa akmang plano niyang pagsuntok.
“Becky, mahal kita!” sigaw ni Joseph.
“Pwede ba Joseph, umalis ka na nga! Hindi allowed ang baliw rito!” inis kong bulyaw sa kaniya.
“Becky.”
“Umalis ka na!” Itinulak ko siya sa dibdib para palabasin sa pintuan ng gate.
Lulugo-lugong umalis siya at natanaw ko pa ang pagpasok niya sa loob ng kanilang bahay.
Napailing na lamang ako. Kung bakit ngayon pa si Joseph nagdrama gayong ilang lalaki na nga rin ang naging kapalit niya at nagdaan sa buhay ko. Gosh!
Nilingon ko si Stephen na panay ang hagikhik. Sinikmat ko siya ng masamang tingin saka tinaasan ng kilay.
“Anong nakakatawa?” mataray kong tanong sa kaniya.
“Masyado kasing maganda ang misis ko kaya nagkukumahog na maangkin ng ibang mga lalaki,” natatawa niyang tugon.
“So ano’ng ibig mong sabihin?” Salubong na ang mga kilay ko nang tumitig sa kaniya.
Nagsisimula na namang kumulo ang dugo ko at siguradong anumang sandali ay sasabog iyon.
Humakbang siya palapit sa’kin at saka hinapit ako sa baywang. “Lahat sila ay magkandarapa lang sa paghahabol sa iyo, pero ako pa rin ang bukod tanging lalaking pwede mong makasama hanggang sa pagtanda natin.” Kinindatan pa niya ako.
“Malas!” nanunuya kong sabi.
Bahagya siyang tumawa kasunod ng kaniyang mga salitang nagpapula sa aking pisngi. “Ang swerte ko nga sa'yo. Bukod sa laban na laban sa kama ang misis ko ay kayang-kaya pang patigasin ang aking alaga kahit na tinititigan pa lamang niya.”
“Bastos!” Maagap niyang nasalo ang kamay kong lalapat sana sa kaniyang mukha.
“Bastos iyong mga taong nakahubad habang may ginagawang milagro sa paningin ng ibang tao, but since may mga suot pa tayong damit na dalawa, baka gusto mong gayahin natin si--”
“Stop!!!” natitilihan kong bulalas.
Hindi ko alam kung saan siya kumukuha ng lakas ng loob na asarin ako gayong alam niyang mabilis din akong mapikon.
“Hello, sister in law!” Tumitining na boses ni Amy ang nagpadagdag ng simangot sa aking mukha.
Bakit ba biglang nagsusulputan ang mga bwisita rito sa bahay?!
Feeling beauty contestant kung lumakad si babaeng hipon palapit sa’kin. Nahagip pa nga ng paningin ko ang malanding pagkindat nito kay Stephen na akala mo ay hindi siya nakatakdang ikasal sa’king kapatid.
“Stephen!” Sinisigaw ko ang kaniyang pangalan pero wala akong natanggap na sagot mula sa kaniya.
Nakatutok lang ang paningin niya kay babaeng hipon at ninanamnam ang pagtitig sa malandi nitong paglakad.
Isang marahas na paghinga ang aking ginawa at buong pwersa kong ipinukol ang kanang kamao ko sa ulo ni Stephen.
“Aray!” nakangiwi niyang sambit.
“Ang landi mo talaga! Kinindatan ka lang, natulala ka naman agad!” nakaingos kong saad.
“Becky!” Nilingon ko si Wendy na siyang tumawag.
Tumakbo ako palapit sa aking kaibigan upang salubungin ito. “Ba’t ka naparito?” tanong ko matapos ko siyang halikan sa kaniyang pisngi.
“Tinawagan ako ng Kuya Brent mo na pumunta rito,” masayang tugon nito.
“Si kuya?” may pagtatakang tanong ko.
“Oo, siya nga!” natatawang tugon ni Wendy.
Nakapagtatakang tinawagan siya ni Kuya Brent gayong ayaw sa kaniya nito. Iyon ay base sa madalas nitong sabihin sa’kin.
“Ano raw ba ang dahilan at bakit ka niya pinapunta rito sa bahay?” kuryosidad kong tanong.
Kakaiba kasi talaga ang araw na ‘to. Kanina paggising ko ay hindi ko siya nagisnan, pero mayroon siyang note na huwag akong aalis ng bahay kung kaya hindi rin ako umalis. Buong akala ko nga ay si Joseph na si Kuya Brent nang pagbuksan ko ng pintuan.
Dahan-dahan ang ginawa kong paglingon kina Stephen at Amy na panay ang tawanan sa kung anumang kwentong kanilang pinag-uusapan.
Bigla kong naisip na baka pinapunta rin sila ni kuya rito sa bahay kaya naman narito sila.
Kukomprontahin ko na sana sila nang dumating ang sasakyan ni kuya. May pagmamadaling sinalubong ko iyon at agad binuksan nang makaparada na ng maayos.
“Mommy?!” Sa labis kong katuwaan, tumakbo ako palapit sa kaniya para yakapin siya.
“Mabuti at nakauwi ka na po.” Para akong batang paslit na nagsumiksik sa dibdib ng aking ina.
“Ayaw ko rin naman manatili nang matagal sa loob ng ospital,” sagot ni mommy.
Inihilig ko ng husto ang aking sarili sa kaniya. Ngayon ko na lamang nayakap nang matagal ang aking ina.
“Mabuti at pinaunlakan ninyo ang aking paanyaya.” Dahan-dahan akong kumalas mula sa pagyakap sa'king ina.
Matiim akong tumingin sa mukha ni mommy saka nagtanong, “ano ang meron at bakit mo po sila pinapunta rito?”
“Gusto ko lang naman na makasalo kayong lahat sa kainan kung kaya pinapunta ko sila. Inimbitahan ko rin ang pamilya ng iyong Tito Jose, at ng sa gayon ay makasalo rin natin ang kaniyang pamilya,” tugon ni mommy.
Si Tito Jose ang kapatid sa labas ni mommy na hindi niya nakasama sa iisang bahay. Palibasa'y magkaiba sila ng lugar na kinalakhan. Si mommy ay sadyang lumaki sa yaman habang si Tito Jose naman ay isang kahig isang tuka ang kinalakhang pamumuhay.
Tatlong sunod-sunod na busina ang umuntag sa’min. Nang tingnan namin kung sino ang may kagagawan niyon ay para akong namalikmata dahil sa ganda ng sasakyang tiyak na wala pa sa bansa ang brand.
“Nariyan na sila,” usal ni mommy na nagpakunot sa noo ko. Hindi ko kasi maintindihan ang ibig niyang sabihin.
Napaawang ang mga labi ko nang bumaba mula sa mamahalin sasakyan si Tito Jose.
Nakasuot pa siya ng Italian tuxedo na animo'y nagmula lang sa isang event na tanging mayayaman lamang ang pwedeng dumalo.
Hinubad ni Tito Jose ang sunglasses na kaniyang suot ng nasa harapan na namin siya ni mommy.
“Ate Beatrice,” wika ni Tito Jose.
“Mabuti naman at pinaunlakan mo ang paanyaya ko, Jose.” Yumakap si mommy kay tito.
“Hindi kita matitiis. Alam mo iyan, Ate.” Naantig ang kalooban ko sa sinabi niyang iyon.
“Nasaan ang iyong asawa't anak. Bakit hindi mo sila isinama?”
Hindi ko pa nakikita sa personal ang asawa't anak ni Tito Jose dahil may katagalan na rin ng huli ko siyang makita. Ni hindi ko nga rin alam na sobrang yaman na pala nito.
“Hindi ko sila naisama dahil mayroon silang gatherings na dapat puntahan. Tumakas ako, Ate, para makasama kita.” May ngiti sa labing kwento nito.
Tipid akong napangiti nang tumingin siya sa'king gawi.
“Dalagang-dalaga na si Becky, Ate. Sa kaniyang ganda ay nasisiguro kong marami rin lalaking magkukumahog na mapangasawa siya,” wika ni Tito Jose.
Narinig ko ang malakas na pagtikhim. Nang lingunin ko kung sino iyon, ang nakangising mukha ni Stephen ang aking nalingunan.
Tila ipinapaalala niyon ang kaniyang sinabi sa akin kanina na siya lang ang tanging lalaking pwede kong makasama habang-buhay. Eew!