Close Encounters

1955 คำ
2 Hours Earlier. Minamaneho ni Corporal Diazon ang SUV tungo sa dating bahay ni Andy. Naka-full bright ang headlights pagka't malubak ang daan at nais niyang iwasan ang matatalas na bato at malalim na hukay. Ayaw niyang may masabing masama sa pagmamaneho niya ng kanyang mga lulan. Sa passenger side ay katabi niya si Lieutenant Esguerra, sa likuran, sina Andy, Jang-Mi at Colonel Laxamana. Matapos ang insidente sa mga media, hindi inaasahan ng corporal na isasama siya ng kanyang mga superiors sa mahalagang gagawin ng mga ito—at ito'y ang kontakin ang espiritu ng ama ni Andy. Na inatasan pa siyang kumuha ng video ay pagpapakita ng confidence sa kanya at ito'y nagpataas pa sa morale ng corporal. Isang high achiever si Diazon simula pa noong kolehiyo, siyang bread-winner ng pamilya na tubong Ilo-Ilo at wala siyang nais kundi makagawa ng magagandang bagay para sa bayan, kung kaya siya pumasok sa pagsusundalo. Puspusan din ang pag-aaral niya na konektado sa kanilang misyon—ang pagsaliksik ng mga bagay tungkol sa mga aliens. Inaabot siya ng madaling araw sa pagbabasa sa internet ukol dito, at napamalas nga niya ang kanyang mga kaalaman nang i-put-on-the-spot siya at harapin ang media. At lagi siyang handa na mag-contribute ng kaalaman kung kinakailangan. "So, Jang-Mi, how exactly do we contact Andy's father?" tanong ni Colonel Laxamana sa psychic. "We do what we call a sitting or séance," sagot ng Koreana. "We form a circle and I will contact the spirit." "Ah okay, so, like what we did in church?" "Yes..." maingat na sagot ni Jang-Mi. "But, this is very tricky..." "Bakit? Why?" "Because spirit is also alien." Ayon sa psychic, hindi ito tulad ng mga espiritu na naengkuwentro nila sa simbahan, pagka't ang kokontakin nila'y hindi pangkaraniwang espiritu ngayong sigurado na sila na ang ama ni Andy ay taga ibang planeta. Hindi raw alam ng Koreana kung ano ang i-expect once na makontak nila ito, since first time niyang kakausap sa isang alien spirit. Napasandal sila sa thought na ito, isang bagay na hindi nila akalain na posible. Alien spirit. Wala sa manual ng kasundaluhan ito, napag-isip-isip ni Colonel Laxamana. "Alien spirit. Biruin mo 'yun," napailing ang colonel. "Aba'y talo pa natin ang mga kano 'pag nagkataon." "Bakit?" nagtatakang tanong ni Andy. "Eh, ibig sabihin, first contact ito!" bulalas ni Colonel Laxamana. "Parang 'yung pelikulang Close Encounters of the Third Kind, 'di ba? Napanood n'yo ba 'yun? 'Yung kay Spielberg 'yun." "Ito ba 'yung nasa taas ng bundok sila nung kinontak nila ang aliens?" lingon ni Lt. Esguerra mula sa harap. "'Yun nga!" sagot ng colonel. "Devil's Rock sa Wyoming, sir," singit ni Corporal Diazon at inadjust ang suot niyang salamin sa mata. "Hindi siya bundok per se, kundi isang butte." "Ha? Ano?" napatingin sa kanya ang tinyente. "Laccolith butte, sir, parang hill na gawa sa bato, makikita kadalasan sa mga disyerto," mabilis na sabi ng corporal. "Na-form siya sa pamamagitan ng igneous intrusion na ayon sa mga scientists ay nangyari mga 50 Million years ago..." "Corporal..." interrupt ni Colonel Laxamana. "Hindi na mahalaga kung paano na-form ang lintik na butte-butte na 'yan. Ang importane ay ang encounter natin sa alien, okay?" "Yes, sir," alistong sabi ni Corporal Diazon at ganado pang magpa-impress. "May iba't-ibang klase ng close encounters sa mga aliens..." Napailing ang colonel, gusto niyang sabihan ng shut-up ang corporal, pero, hinayaan na lang niyang magsalita. "Close Encounters of the First Kind ay 'yung common na UFO sightings tulad ng mga nakitang bolang ilaw ng mga mountaineers sa Mt. Banahaw," patuloy ng corporal. "Close Encounters of the Second Kind naman ay kung may epektong physical na nangyari. Tulad nung nawalan ng kuryente ang Callejon. Kasama na rin dito 'yung mga animal mutilations. Close Encounters of the Third Kind ay tulad ng sa pelikula, ay presence ng actual na mga alien humanoids." "May Fourth Kind ba?" tanong ni Andy. "Yes, sir," sagot ni Corporal Diazon. "Close Encounters of the Fourth Kind ay walang iba kundi alien abduction." Saglit silang natahimik at inabsorb ang mga kaalamang nalaman. Napaisip si Colonel Laxamana, aba, may silbi rin pala itong nerd na ito. "At may pang-lima pa, sir," bumuwelong sabi ng corporal, at agad na napalingon sa kanya ang iba, by this time, nahuli na ang kanilang atensyon. "Close Encounters of the Fifth Kind ay direct contact with aliens. Kung mararapatin, ito ang mangyayari sa gagawin nating séance sa bahay ni Mr. Madrid." Naglalakihang-mata na napatango sina Andy, Colonel Laxamana at Lt. Esguerra. "Isa nga itong first...of its kind," manghang sabi ni Colonel Laxamana. "Yes, séance!" nakangiting tango naman ni Jang-Mi, hindi niya actually naiintindihan ang usapan. At mula sa kalayuan ay natanaw nila ang dating bahay ni Andy na naiilawan ng bilog na buwan. # 2 hours later. "Corporal! Papunta sa inyo!" Ito ang sigaw ni Private Torres mula sa walkie-talkie. "What is it?" nagtatakang tanong ni Jang-Mi. "UFOs are coming," alertong sabi ni Colonel Laxamana. Nagsipagtayuan sina Andy, Jang-Mi, Lt. Esguerra at Colonel Laxamana sa kanilang kinauupuan at kanilang sinipat ang mabituing kalangitan, sa direksyon kung saan manggagaling ang mga UFOs. Walang makapagsalita, kumakalabog ang kanilang mga dibdib, ang kanilang mga kamay ay nanlalamig. "Hayun!" turo ni Lt. Esguerra. Sa may kalayuan sa langit, ilang mga bituin ang tila palaki nang palaki, at sila'y mas maliwanag sa iba. "The UFOs!" sigaw ni Jang-Mi. Anim na maliliwanag na bolang ilaw ang papalapit nang papalapit. Ngayon lang sila nakakita ng tunay na UFO in the naked eye at napako sila sa kanilang kinatatayuan sa pagkamangha. Maliban kay: "Ah, sir..." paglapit ni Corporal Diazon sa colonel, at hindi siya pinansin nito. "Sir..." "Ano 'yon, corporal?" sabi ni Colonel Laxamana without looking pagka't tutok pa rin siya sa mga UFOs at manghang-mangha. "Sir, maaaring papunta ang mga UFOs para kay Mr. Madrid, sir," patuloy ng corporal. "Ha?" "Maaaring nasa peligro tayo, sir," magalang pang sabi ni Corporal Diazon. "Malamang na ia-abduct nila si Andy." Biglang natauhan ang colonel at na-realize ang sinabi ng corporal. "Sonofu..." galit na sabi ni Colonel Laxamana. "Ba't 'di mo sinabi agad!" "Eh, sir..." "Sa sasakyan dali! Go! Go!" sigaw ng colonel, at nagmamadali silang bumalik sa kinapaparkingan ng SUV. Naunang nakasakay si Corporal Diazon at agad niyang ini-start ang makina. Nagsisikayan ang iba, si Andy at Jang-Mi sa pinakalikuran, si Colonel Laxamana sa gitna. Bago sumampa sa harap na upuan, ay lumingon si Lt. Esguerra at natanaw na malapit na ang mga UFOs, at nakaramdam siya ng panic. "Go! GO!" sigaw niya. Umandar ang SUV at nilisan ang bahay ni Andy. Diniinan ni Corporal Diazon ang gas at humarurot ang sasakyan. Ang headlights nito ay naka-high sa madilim na daanan. Sa likuran, tanaw nila ang isang UFO na pasunod sa kanila. "GO! GO!" sigaw ng lahat. Nguni't, pagdating sa malubak na daan ay bumagal ang sasakyan, mula sa 90 ay bumaba sa 40 kph. "Anong ginagawa mo, corporal?!" pagtataka ni Colonel Laxamana. "Bakit bumagal tayo?" "Malubak, sir. Baka ma-flat-an tayo." "Anak ng tipaklong!" galit na sabi ng colonel at kanyang hinampas ang balikat ng corporal. "I-floor mo ang gas!" "Y-yes, sir!" sabi ng corporal. "Kapit, sir!" Tinapakan ni Corporal Diazon ang gas pedal hanggang maramdaman ng bota niya ang sahig at bumulusok muli ang SUV. Nagpatalbog-talbog sila sa lubak. Ramdam nila ang malalaking bato sa tama nito sa gulong at dinig nila ang parusa nito sa chasis ng sasakyan. Nguni't, wala nang hintuan, pagka't nakita ng corporal sa rear view mirror na nasa likuran na nila ang maliwanag na bola—ang nag-iisang UFO na sumusunod sa kanila. "GO! GO! GO!" sigaw pa ng lahat. Napuno sila ng panic. Lalo na't nang biglang nagliwanag na tila ang gabi ay naging umaga—pagka't nasa taas na nila ang UFO na ang hitsura ay parang bumbilyang hugis disc, mga 50 metro lang ang layo. Ang ibang UFO ay tila nawala sa paligid. "s**t!" sigaw ni Colonel Laxamana at binunot niya ang kanyang sidearm—isang 9mm. Nang makita ito ni Lt. Esguerra ay binunot din niya ang kanyang kaparehong baril. Binuksan ng dalawang opisyal ang kanilang bintana, dumungaw at pinaputukan ang UFO. Umalingawngaw ang tunog ng baril sa kadiliman ng gabi. Napatakip ng tenga si Jang-Mi. Inubos nilang magasin, nguni't walang epekto ito sa UFO, parang bumabaril lang sila sa hangin. "Andy!" sigaw ni Colonel Laxamana. "May M-16 diyan sa likod, kunin mo!" Kumakalabog ang dibdib ni Andy pero nagawa niyang makuha ang M-16 na nasa ilalim ng upuan at binigay ito sa colonel. Kinasa ni Colonel Laxamana ang M-16, dumungaw at niratrat ang UFO. Nguni't, wala pa rin itong epekto. At bigla silang nakarining ng malakas na ugong na nanggagaling sa UFO. At bigla na lamang namatay ang makina ng sasakyan. "Sir!" sigaw ni Corporal Diazon. "Nawalan ng power ang sasasakyan!" "s**t!" sabi ni Colonel Laxamana. Sa kasuwertihan nila, ay tuloy-tuloy pa rin ang andar ng SUV pagka't pababa ang kalsada at dahil mabilis ang patakbo nila ay tinutulak pa sila ng momentum. Maya-maya'y nakaramdam sila na para bang umaangat ang sasakyan, parang may puwersa na humahatak dito. "Hinahatak tayo ng UFO!" sigaw Andy. "s**t! s**t!" sigaw ni Colonel Laxamana. At hindi pa 'yun ang katapusan ng mga problema nila, pagka't ang daanan ay tila pumapatag na. "Babagal na ang sasakyan! Maa-abduct tayo!" "What do we do?!" sigaw ni Jang-Mi. "Sir, kailangan nating tumalon!" sabi ni Corporal Diazon. Nagkatinginan ang lahat, pagkatapos ay binuksan ni Colonel Laxamana ang sliding door ng SUV at lumipat sa gitnang upuan sina Andy at Jang-Mi. Hinanda na rin nina Lt. Esguerra at Corporal Diazon ang mga pintuan nila sa harap. "Okay, on the count of three, tatalon tayo, okay?" sabi ni Colonel Laxamana at nagtanguan ang lahat. Bumagsak na sa 50 kph ang takbo ng sasakyan at parang umaangat na ang rear wheel nito dahil hinahatak ng UFO. Napalunok si Jang-Mi pagka't natatakot siyang tumalon, nguni't hinawakan siya sa kamay ni Andy at nagkalakas siya ng loob. "One..." bilang ng colonel. "Two...THREE!" Sabay na tumalon sina Andy at Jang-Mi, kasunod ni Colonel Laxamana. Si Lt. Esguerra ay halos sabay din. Lumagpak sila sa lupa at nagpa-ikot-ikot. Dama nila ang impact ng matigas na lupa sa kanilang katawan pero wala namang grabeng pinsala silang natamo. Akap ni Andy si Jang-Mi kung kaya't nasalo niya ang bagsak ng Koreana. Sanay naman ang dalawang sundalo sa ganito, kasama na sa napag-aralan nilang drill, at sila'y agad na naka-recover. At nang tumayo sila'y kita nila na papalayo ang SUV na sinusundan ng UFO. May napansin si Andy. "Si Corporal?" nagtatakang niyang tanong. Sabay-sabay silang napatingin sa papalayong SUV. Nang kahuli-hulihang sandali ay napagpasyahan ni Corporal Diazon na manatili sa loob ng sasakyan. May namuong sense of sacrifice sa kanyang loob, at sa paniniwala niya'y ito ang pinaka-logical move given the situation. Aral din ang corporal sa military tactics at biglang pumasok sa isipan niya na kailangan ng diversionary move. "The purpose of a diversionary tactic," sabi ng corporal sa sarili na tila inaalala ang napag-aralan niya, "is to divert the attention of the enemy away from something or someone of value, buying time for escape. This may include creating fire or explosions..." Bumagsak sa 30 kph ang takbo ng SUV dahil ang kalye ay naging paahon, hanggang sa tuluyang huminto na ito. At huminto rin ang sumusunod na UFO at lumutang mga 50 feet from the ground at nakatutok ang ilaw nito sa nakahintong SUV sa gitna ng daan. Binuksan ni Corporal Diazon ang pinto at bumaba. "...and also self-sacrifice." Kanyang hinarap ang UFO. Nang makita siya ng UFO ay inilawan siya nito ng napakaliwanag na spotlight. Napapikit si Corporal Diazon sa nakasisilaw na liwanag, at kanyang itinaas ang kanyang mga kamay na para bang sumusuko. Mula sa kadiliman ng kalye ay tumatakbo sina Andy, Jang-Mi, Lt. Esguerra at Colonel Laxamana tungo sa SUV, tungo kay Corporal Diazon. Napahinto sila nang makita nila na dahan-dahang umaangat ang corporal mula sa lupa na parang tinatangay ng ilaw paakyat ng UFO. "Diazon!" sigaw ni Lt. Esguerra. Nguni't, patuloy ang pagangat sa era ng corporal at wala naman silang magagawa. In-abduct ng UFO si Corporal Diazon. Mula sa dulo ng daan ay naglitawan ang mga ilaw—headlights ng mga sasakyan na galing sa military headquarters, kasama na si Private Torres na mula pa sa checkpoint. At nang makita ito'y, lumipad paalis ang UFO, at naiwan na lamang ang SUV. Napuno ng lungkot sina Andy, Jang-Mi, Lt. Esguerra at Colonel Laxamana sa pagkawala ng corporal. NEXT CHAPTER: "Kuha Mula sa Camera"
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม