Nagising si Andy pasado alas-dose ng hatinggabi. Kumakalabog ang kanyang dibdib at nanlalamig ang kanyang mga kamay. Lumabas siya ng kuwarto at dumiretso sa labas ng resort upang manigarilyo at pakalmahin ang sarili. Nagsindi siya ng yosi at ang baga nito'y nanaig sa kadiliman ng gabi. Bukod sa mga kuliglig, dinig lamang ni Andy ang mabilis na pintig ng kanyang puso.
"Kalma," bulong ni Andy sa sarili at bumuga ng puting usok na naglakbay pataas ng mabituin na langit.
Ang ilang oras sa pagitan ng ngayon at mamaya ay tila bumagal para kay Andy. Alas-dos ng madaling araw ang plano nilang pagbabalik sa dati niyang bahay, at hindi siya mapakali na maumpisahan na ang plano nila. Lalong naging desidido si Andy na ma-kontak ang kaluluwa ng kanyang ama nang kanya itong mapanaginipan, at sa tulong ni Jang-Mi, alam niyang makakakuha siya ng mga tiyak na kasagutan.
Ikaw o sila ito ang huling kataga ng kanyang ama. Alam ni Andy ang kahulugan nito. Alam niya ang maaaring mangyari, ang magiging wakas ng lahat.
Ilang sandali lamang ay lumabas si Colonel Laxamana—siya man ay hindi gaanong makatulog. Tumabi ito kay Andy at nagsindi rin ng sigarilyo at tahimik nilang pinagmasdan ang kalawakan hanggang sa dumating ang takdang oras na sila'y umalis.
#
Nang makarating sila sa bahay ni Andy ay agad silang nagset-up, sa mungkah ni Jang-Mi, ng kuwadradong mesa na may apat na upuan sa may likod bakuran, malapit sa puno kung saan huling nag-usap si Andy at ang kanyang ama. Dito magaganap ang kanilang séance, at isinama nila si Lieutenant Esguerra para makabuo ng apat. Naroon din si Corporal Diazon upang maging saksi at i-video ang mga kaganapan.
Madilim sa palayan. Mabituin. Malamig ang simoy ng hangin, at kanilang sinimulan ang séance.
Sa pangunguna ni Jang-Mi, naupo sina Andy, Colonel Laxamana, at Lt. Esguerra, at sila'y nagsindi ng apat na kandila sa gitna ng mesa. Naghawak sila ng mga kamay para maka-form ng circle, habang nakatutok ang videocam ni Corporal Diazon.
Dinaanan ng tingin ng psychic ang mga kasama para siguraduhing handa na ang mga ito, bago nagsalita.
"We'd like to speak to Francisco Madrid," usal ng Koreana. "Your son is here. He wants to talk to you. Andy wants to talk to you. Show us a sign that you hear us."
Saglit lamang ay nagparamdam na ang kausap nila. Biglang namatay ang mga kandila sa mesa na parang hinipan ng hangin. Nagkatinginan sina Andy, Colonel Laxamana at Lt. Esguerra habang si Jang-Mi ay pumikit.
"Is the person we're speaking to Francisco Madrid? Your son is here. Andy wants to talk to you."
Nang walang sumagot ay inulit pang muli ni Jang-Mi ang sinabi. At nang uulitin pa niya ng isa pa ay bigla siyang natigilan at napadilat. Nanlaki ang mga mata ng psychic na para ba siyang kinapitan ng matinding takot.
"He's here! HE'S HERE!" sigaw ni Jang-Mi. "He's---"
Hindi na natapos ng Koreana ang sasabihin pagka't tila naging estatwa siya. Biglang na-frozen na nakabuka pa ang bibig.
Ganun din ang iba.
Hindi gumagalaw. Hindi kumukurap. Mga estatwa.
Lahat. Maliban kay Andy.
Para bang huminto ang oras. Lumingon si Andy sa mga kasama at nakita na siya lamang ang nakakagalaw. Ang mga dahon sa puno. Ang mga bituin. Animo hangin ay tumigil sa pagihip. Ang lahat ay naka-suspended animation.
Maliban kay Andy.
At ng isa pang nilalang.
Sa may dako ng palayan, nakita ni Andy na may lalaking nakatayo roon—at siya'y walang iba kundi ang kanyang ama. Ito ang ama na huli niyang natatandaan. Ang huling hitsura nito na nakita niya bago siya umalis papunta ng Maynila. Ang huli niyang ala-ala. Suot ay checkered polo at jeans at nakatingala sa mabituing langit.
"'Tay..."
Lumingon ang kanyang ama.
"Andy, halika," sabi nito.
Nang marinig ni Andy ang boses ng ama ay parang gusto niyang maiyak. Ang pamilyar na boses ay nagpalambot sa kanyang mga tuhod. Pakiramdam ni Andy ay bumalik siya sa pagkabata, bagama't kung titgnan ang hitsura ng dalawa at ikukumpara ay mas matanda pa si Andy.
Bumitaw si Andy sa pagkakahawak sa mga kasama at tumayo.
"'Tay, ikaw ba talaga 'yan?" sabi ni Andy habang naglakad papalapit sa kanyang ama.
"Oo, ako ito, Andy," ngiti ng kanyang ama. "Pero, sa paraan na siguro ay mahirap paniwalaan."
Pero, handang maniwala si Andy at kanyang tinitigan ang lalim ng mga mata ng kanyang ama. Ikaw nga...ang nasa isip ni Andy. Ikaw nga, 'Tay. May namumuong luha sa gilid ng kanyang mga mata. Pero, hindi. Paano?
"Sino ka?" nagtatakang sabi ni Andy. Sino ka talaga? ang gusto niya talagang itanong.
Tumingala muli ang ama ni Andy sa mga bituin at itinaas ang kanyang kamay at may itinuro. Sinundan ito ni Andy ng tingin—sa isang cluster ng maliliwanag na mga bituin.
"Doon, anak," sabi niya. "Doon kami galing."
Namangha si Andy.
"Bakit kayo nagpunta dito?" kanyang sunod na tinanong.
"Isang malubhang sakit, isang disease" sabi ng kanyang ama. "Hindi kami makapag-multiply. Ang mga babae namin ay hindi na magkaanak. At nanganganib na kami'y maging extinct. Kaya't naghanap kami ng mga planeta na may pagkakapareha sa genetics namin."
Saglit na tumigil ang ama ni Andy, bago sinabi:
"At nakita namin ang planetang ito."
Taimtim na nakikinig si Andy. Ito ang pinaghandaan niyang marinig at ngayong dumadaloy na sa kanyang tenga ay hindi pa rin siya makapaniwala.
"17 kaming pinadala dito," patuloy na salaysay ng kanyang ama. "Pinapunta kami para maghanap ng kapares, para makisiping sa babae ng inyong lahi. Dito sa lugar na ito kung saan tahimik, tago at hindi malalaman ng buong mundo."
Ang tinutukoy niya ay ang Callejon, wari ni Andy.
"At dito ko nakilala ang iyong ina," sabi ng ama ni Andy. "Lahat kami ay nakapag-asawa, nakapag-anak, pero, lahat sila'y namatay."
"Namatay? Bakit?" tanong ni Andy.
"Bagama't may pagkakahawig sa genetics, hindi kayang dalhin sa sinapupunan ng inyong mga babae, ang seed ng aming lahi."
Tumingin ng diretso ang ama ni Andy sa kanya.
"Iyon ay maliban sa isang milagro."
Nanginig ang katawan ni Andy pagka't alam niya ang tinutukoy ng ama.
"Ikaw ang milagro, Andy," sabi nito. "Ikaw ang kasagutan."
"Kung ganon, bakit mo ko pinaalis? Sinabi mong magtago ako," mabilis na tugon ni Andy.
"Para protektahan ka," may damdaming sagot ng kanyang ama. "Maniwala ka't sa hindi, napamahal na kayo ng ina mo sa akin. Hindi ko magawa na basta ibigay ka na lang. Gagamitin ka nila. Page-experimentuhan. Sasaktan. Kaya, sinabi ko sa kanila na namatay ka."
"Alam ba ito ng nanay?" tanong ni Andy.
"Oo, anak. Kami ang nagpasya na itago ka."
Parang bumagsak ang puso ni Andy sa sinabi ng ama. Naramdaman niyang muli ang pagmamahal nito. At sa isang saglit ay nakita niya ang ama niya bilang tao, si "tatay," at hindi isang alien. Nguni't, nanaig pa rin sa isipan niya na may mas mahalaga siyang pakay. Isang katungkulan.
"Ang mga taong nawawala? Nasaan sila?" usisa ni Andy.
"Kinuha sila," sabi ng kanyang ama. "Pati na ang katawan ko at ng iba pa, para dalhin sa aming planeta at pag-aralan, at hanapan ng kasagutan—ng lunas, para kami ay makapagparami muli."
"Pero, ako ang kasagutan...nasa dugo ko ang lunas," napagtanto ni Andy.
"Oo, anak. Nang bumalik ka sa Callejon ay nalaman nilang buhay ka pa. Kaya't gusto ka naming warningan ng ina mo na huwag bumalik dito..."
Naalala ni Andy ang multo ng kanyang ina at na-realize ito.
"Si Inay. Nakita ko siya! Bago ako lumuwas!"
Tumango ang ama ni Andy, nguni't saglit lang ay biglang nanlaki ang mga mata nito. Parang may na-sense siya na paparating. Napatingin ito sa kalangitan at bumaling kay Andy.
"Andito na sila. Magtago ka!" babala niya. "Huwag mong hayaang kunin ka nila, anak!"
At unti-unting nawawala ang imahen ng ama ni Andy. Nagfa-fade sa hangin.
"'Tay?"
"Magtago ka, anak!" sigaw nito kay Andy habang naglalaho sa paningin. "Magtago ka!"
"'TAY!"
Hanggang sa tuluyang nawala na at naiwan si Andy na mag-isa.
"'TAY!"
Sa isang iglap, nakita ni Andy na nakaupo na muli siya sa mesa kasama nila Jang-Mi, Colonel Laxamana at Lt. Esguerra. Magkakahawak pa sila ng kamay.
At nabuhay muli ang paligid, na para bang hindi tumakbo ang oras.
"--here!" patuloy na pagsalita ni Jang-Mi. "He's here!"
"Here? Sinong nasa here?" tanong ni Colonel Laxamana.
Napatingin ang psychic sa kanila. May pagtataka sa kanyang mukha. Kanina lang ay naramdaman niya na dumating ang kaluluwa ng ama ni Andy, pero, agad ding naglaho. Nagsipag-bitaw sila sa pagkakahawak ng mga kamay.
"Andy's father..." sabi ni Jang-Mi. "He was here...but..."
"Where is he now, Jang-Mi?" usisa ng colonel.
"Now, he's gone," nagtatakang usal ng psychic at napatingin kay Andy, pagka't na-sense niya na alam ni Andy na may nangyari.
"Yes, Jang-Mi, he was here," amin ni Andy, at tumingin sa colonel at tinyente. "Nakausap ko siya, Greg."
"A-anong sabi?"
Pero, bago pa maipaliwanag ni Andy ang lahat ng nalaman niya sa kanyang ama ay biglang umalingawngaw ang walkie-talkie ni Corporal Diazon. Binaba ng corporal ang videocam para sagutin ito.
"Torres?" sabi ng corporal. "Mamaya ka na tumawag..."
"Importante ito!" sigaw ni Private Torres sa kabilang linya, at nang ibalita niya kay Corporal Diazon ang itinawag niya'y namutla ang kausap.
"SIR!" malakas na sabi ni Corporal Diazon.
Sabay-sabay na nagtinginan sa kanya sina Colonel Laxamana, Andy, Jang-Mi at Lt. Esguerra.
#
Sa may chekpoint kung saan naka-poste si Private Torres at dalawa pang mga sundalo'y tila nagmistulang umaga sa malakas na liwanag na nagmumula sa langit. Hawak ni Torres ang walkie-talkie at nakatingala siya sa kalawakan. Namamangha siya sa nakikita.
Ganun din ang dalawang sundalo na nakanganga sa likuran niya.
Ganun din ang babaeng news reporter, ang photographer at driver ng van na hindi pa pala lumilisan. Silang lahat ay nakanganga sa nasasaksihan sa kalangitan. Tinabig ng babeng reporter ang photographer na agad na kumuha ng mga litrato.
"Hindi kayo maniniwala sa nakikita namin ngayon," sabi ni Torres sa walkie-talkie.
Sa madilim na kalangitan, may anim na maliliwanag na bola ang lumilipad. Mga UFOs. At lumilipad ang mga ito na naka V-formation sa ibabaw lamang ng mga poste ng kuryente sa kahabaan ng kalye, 50 feet from the ground. Pakiramdam nila Torres ay parang kaya nilang abutin ang mga ito.
Nang dumaan ang mga UFOs ay nagsipagpatay ang ilaw ng mga poste, ganun din ang mga spotlights ng military checkpoint. Ganun din ang ilaw ng headlights ng van. At nang nakadaan na ang mga UFOs at nakalayo, ay umilaw na muli ang mga ito. Nagkatinginan ang mga sundalo at ang media.
At na-realize ni Private Torres ang isa pang bagay, at dalian niyang inangat ang walkie-talkie na halos mabitawan pa niya, at sinigaw:
"Corporal! Papunta sa inyo!"
NEXT CHAPTER: "Close Encounters"